Tug of War sa Wika ng Katarungan: Pagsusuri sa Tugon ng Netizen Hinggil sa Wikang Ginamit sa Pre-Trial ni Duterte sa International Criminal Court (ICC) sa Lente ng Language Attitude Theory
Tug of War sa Wika ng Katarungan: Pagsusuri sa Tugon ng Netizen Hinggil sa Wikang Ginamit sa Pre-Trial ni Duterte sa International Criminal Court (ICC) sa Lente ng Language Attitude Theory
Ilisha Agatha S. Dela Cruz at Maria Fatima I. Rafales
ABSTRAK
Unang beses na humarap sa International Criminal Court (ICC) si Dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte noong ika-14 ng Marso ng taong 2025, sa paglilitis kapansin-pansin ang hindi paggamit ng wikang Ingles ng mga hukom na naglilitis kay Duterte. Bunga nito, marami sa kanyang mga tagahanga ang nawalan ng tiwala sa kredibilidad at bisa ng nasabing paglilitis dahil sa paniniwalang hindi bihasa sa Ingles ang mga dalubhasa sa korte (Gonzalez, 2025). Sa kabilang banda, naglabas din ng panawagan ng korte ng ICC para sa mga tagasaling bihasa sa wikang Filipino at Bisaya. Sa ganitong konteksto ng namamayaning tunggaliang pangwika sa hukumang internasyonal, tatalakayin ng papel ang naging tugon ng masa hinggil sa usaping pangwika na ginagamit sa paglilitis sa kontekstong internasyonals, at ang pagtatasa sa mga nakapaloob na mensahe gamit ang “Language Attitude Theory.” Inihahayag ng teoryang nabanggit ang kolektibong pananaw, damdamin, at tugon o pakikitungo ng mga tao sa wika (Alieto & Somblingo, 2020). Gagamitin din ang kritikal na pampanitikang rebyu, partikular na ang diskors analisis, sa pananaliksik upang maunawaan ang mga umuusbong na tema sa nasabing isyu. Kaugnay nito, layunin ng papel na 1) mailarawan ang nagtutunggaling pagtingin o pananaw ng piling Pilipinong netizen hinggil sa wikang ginamit, 2) masuri ang mga posibleng salik ng ganitong pagtingin ng mga piling Pilipinong netizen, 3) makapagmuni hinggil sa implikasyon ng mga pananaw na ito sa sitwasyong pangwika sa bansa at potensyal ng sariling wika sa kontekstong internasyonal. Sa pangkalahatan, nilalayon ng papel na magdagdag kaalaman sa diskurso ng “Language Attitude Theory” na nakalapat sa konteksto ng kontemporaryong Pilipinas at napapanahong tugon ng mga Pilipino sa kaakibat na prestihiyoso ng wikang Ingles.
Mga susing salita: kaugaliang pangwika, wika ng katarungan, ICC pre-trial ni Duterte
Ilisha Agatha S. Dela Cruz
Mula sa Lungsod ng Baguio, si Ilisha Agatha Dela Cruz ay tumungo sa Unibersidad ng Pilipinas Diliman upang kunin ang kursong Speech Communication. Bagamat nagmula sa disiplina na nakatuon sa agham at matematika mula pagkabata, nanaig ang kanyang kagustuhang palalimin ang kaalaman at pag-unawa sa larangan ng agham panlipunan. Malaki ang kanyang interes sa mga usaping may kinalaman sa ugnayan ng midya, kultural popular at pulitika sa loob ng lipunang Pilipino, at sa kung paanong makakatulong ang komunikasyon sa paglutas ng mga suliraning kinakaharap ng sambayanang Pilipino. Bagamat itinuturing niya ang sarili bilang baguhan sa pagsasagawa ng mga pananaliksik sa wikang Filipino, layunin niyang patuloy na paunlarin ang kanyang kakayahan at higit pang buksan ang isipan sa mga diskursong mahalagang simulan at pagyamanin, lalo na bilang isang Artista ng Bayan.
Maria Fatima I. Rafales
Mula sa kursong BA Speech Communication, si Maria Fatima I. Rafales ay isang mag-aaral sa Unibersidad ng Pilipinas. Nagmula sa Bacoor, Cavite; siya ay nakapagtapos ng Senior High School sa strand na Science, Technology, Engineering at Mathematics (STEM) na may mataas na parangal. Taliwas man sa kaniyang pinagtapos, siya ay may malaking interes sa sining at mga usaping panlipunan. Siya rin ay nakakuha ng mga parangal sa mga tanghalang panteatro at pampublikong pagsasalita, at kabilang din siya sa Kontra-GaPi, isang organisasyong pangsining. Siya rin ay may puso para sa lipunan, kung kaya ang papel na kaniyang sinulat ay kaniyang inaalay para sa bayan.