Pinoy Conyo: Pag-aaral sa Pagkakakilanlan, Pagtatanghal at Pagbabanyuhay sa/ng Pagiging Conyo ng Piling Media Personalities
Pinoy Conyo: Pag-aaral sa Pagkakakilanlan, Pagtatanghal at Pagbabanyuhay sa/ng Pagiging Conyo ng Piling Media Personalities
Isinulat nina Viktor Irving B. Chua at Nikkita Marchei C. Icarangal
ABSTRAK
Ang pag-aaral na ito ay nagsisimula sa pagtukoy sa akademikong pagpapakahulugan ng "conyo" batay sa mga umiiral na literatura at diksyonaryo. Mula rito, layunin ng pananaliksik na ito na ilarawan ang penomenon ng "Pinoy conyo" sa konteksto ng Pilipinas, sa pamamagitan ng pagsusuri sa piling mga kaso ng mga personalidad sa media. Espesipikong tututukan ang pagiging "conyo" nina Kris Aquino, na matagal nang kinikilalang ehemplo ng paghahalo ng Ingles at Filipino sa pananalita na may sosyal na tono sa tradisyonal na media, at Russco Jarvina, isang modernong influencer na sumikat sa digital platforms dahil sa kanyang satirical na "conyo" persona. Bukod sa paglalarawan, layunin din ng pag-aaral na suriin kung paano itinatanghal at nagtatanghal ang kanilang pagiging Pinoy "conyo", at kung ano ang implikasyon nito sa usapin ng uri, lahi, at sekswalidad.
Sa halip na limitado lamang sa pagtalakay sa wika, gagamit ang pag-aaral na ito ng performative lens bilang pangunahing metodo sa pagsusuri. Papayagan nito ang mas malalim na pagtingin hindi lamang sa kanilang pananalita, kundi pati na rin sa kanilang mga kilos at kung paano sila tinatanggap ng publiko, upang mas masaklaw ang politika ng pagkakakilanlan at pagtatanghal (politics of identity/performance).
Bilang ambag, tatalakayin ng pananaliksik na ito, mula sa lente ng isang Pilipino at batay sa kaugnay na disiplina, kung bakit mahalagang pag-aralan ang "conyo culture" sa makabagong panahon. Maglalayon itong makapagluwal ng bagong diskurso ukol sa koneksyon nito sa mga isyung panlipunan tulad ng elitismo, pagbabago sa imahe nito mula tradisyonal tungo sa digital media, at kung paano ito nauugnay sa kultural na identidad ng Pilipino — bilang anyo ng pagsasanib ng pagkakakilanlan o manipestasyon ng kolonyal na kaisipan — na sinisipat mula sa perspektibo ng pagtatanghal.
Mga susing salita: Conyo, Media Personalities, Identidad, Taglish, Social Media
Viktor Irving B. Chua
Si Viktor Irving B. Chua ay kasalukuyang kumukuha ng kursong BA Speech Communication sa Unibersidad ng Pilipinas Diliman. Nagtapos siya ng mataas na paaralan sa Xavier School San Juan, kung saan siya nahubog sa isang multilingguwal at multikultural na kapaligiran—isang karanasang malaki ang naging impluwensiya sa kanyang pananaw hinggil sa wika at pagkakakilanlan. Dito nagsimula ang kanyang interes sa penomenon ng conyo—hindi lamang bilang paraan ng pagsasalita, kundi bilang salamin ng antas panlipunan, kultural na paghahalo, at patuloy na paghulma ng identidad ng Pilipino. Kadalasang umiikot ang kanyang mga akademikong pag-aaral sa papel ng wika bilang repleksyon at tagapagmarka ng mas malawak na dinamika sa lipunan.
Nikkita Marchei C. Icarangal
Si Nikkita Marchei C. Icarangal ay isang first-year na mag-aaral sa Unibersidad ng Pilipinas Diliman, kasalukuyang kumukuha ng Bachelor of Arts in Speech Communication mula sa College of Arts and Letters (CAL). Sa kanyang pagiging estudyante, layunin niyang paghusayin ang kanyang kaalaman at kasanayan sa wika, retorika, at interpersonal na komunikasyon—mga kasangkapang mahalaga sa paghubog ng lipunang may malayang pag-iisip at bukás na ugnayan. Bilang isang alumna ng Immaculate Conception Academy Greenhills, naging aktibo si Nikkita sa loob at labas ng silid-aralan. Isa siya sa mga kinikilalang lider-estudyante, dahil sa kanyang pagiging bahagi ng student council at ng iba’t ibang organisasyon na nagtulak sa kaniya upang mas mapalawak ang kaniyang pananaw, kakayahang mamuno, at malasakit sa kapwa. Sa UP, nais niyang ipagpatuloy ang pagiging aktibo sa mga inisyatibo at proyektong may layuning magsulong ng komunikasyong makatao, makabuluhan, at makatawid sa mga pagkakaiba-iba ng paniniwala, karanasan, at pananaw.