Echo chambers at Polarisasyon: Ang Papel ng Retorika at Dihital na Midyang Politikal sa Paglikha ng Sosyal at Henerasyonal na Pagkakahati
Echo chambers at Polarisasyon: Ang Papel ng Retorika at Dihital na Midyang Politikal sa Paglikha ng Sosyal at Henerasyonal na Pagkakahati
Bettina Margaret Ramiso at Shaun Andrea Umali
ABSTRAK
Ang papel na ito ay naglalayong suriin ang mapanganib na epekto ng mga echo chambers sa paghubog ng mga partikular na politikal na naratibo at paniniwala sa Pilipinas at kung paano ito nakapag-aambag sa sosyal at henerasyonal na pagkakahati. Sa panahon ng digital media, ang mga Pilipino ay lalong napapaligiran ng mga echo chambers—mga saradong espasyo sa internet kung saan ang mga indibidwal ay nakakaranas lamang ng mga opinyon at impormasyong sumasang-ayon sa kanilang mga dati nang paniniwala. Tila ba isang social epistemic structure na nagpapalakas ng polarisasyon at nagbabawas sa kakayahang kumilala ng katotohanan (Nguyen, 2020)
Ang penomenong ito ay hindi lamang nagpapatibay sa confirmation bias, kundi nagdudulot din ng polarisasyon, misimpormasyon, at paghina ng kritikal na pag-iisip. Sa konteksto ng politika sa Pilipinas, ang mga echo chamber ay nagpapalakas sa mga partisanong grupo tulad ng DDS, Kakampink, at Solid North, na nagiging dahilan ng matinding pagkakahati-hati at paglago ng mga manipulado at mapanganib na naratibo. Ang patuloy na pagbabad sa mga echo chamber na ito ay maaaring maging sanhi ng isang sitwasyon kung saan palaging naririnig ng mga tao ang pare-parehong mga pananaw nang paulit-ulit, na nagpapahirap sa kanila na isaalang-alang ang magkasalungat na pananaw at makisali sa mga masusing talakayan tungkol sa mga kumplikadong isyung pampolitika.
Nilalayon rin ng papel na ito suriin ang bisa ng mga retorikalmgaretorikal na estilong (rhetorical choices) ginagamit sa piling Facebook page na nahuhulog sa bitag ng echo chamber, matukoy ang mga salik at dahilan ng pagkahulog sa bitag ng echo chamber at implikasyon sa posibleng sosyolohikal at henerasyonal na demograpiya tungong pag-unawa sa dihital at politikal na literasi ng mga tumatangkilik sa piling Facebook page . . \Gagamitin ang Goffman’s Framing Theory sa konteksto ng Pasalitang Komunikasyon para talakayin kung paano itinatanghal ng midyang politikal (at mga taong nasa loob ng echo chambers) ang impormasyon na makaapekto sa pananaw ng publiko. Makakatulong ito upang ipaliwanag kung bakit ang isang partikular na estilo ng wika o retorika (pormal, impormal, Ingles, o Filipino) ay mas epektibo sa paghubog ng paniniwala ng isang demograpiko. Mainam din ito sa pagsusuri kung paanong ibang-ibang henerasyon o social group ay tumatanggap ng parehong mensahe ngunit may magkaibang interpretasyon – batay sa kung paano ito naihayag.
Gagamitin ang metodong thematic analysis sa pagsusuri ng mga nabubuong padron sa estilong retorikal, pakikisangkot ng publiko at salik/dahilan ng pagtangkilik. . Gagawin ang thematic analysis na ito sa pamamagitan ng paggawa ng isang dummy account upang i-simulate ang isang echo chamber. Susuriin sa account na ito ang mga datos katulad ng mga trending na hashtag, post, at komento na ipinamahagi ng mga panatikong ito. Sa paraang ito, makakakuha ang mga mananaliksik ng kongkretong ebidensya kung paano pinapakalat at binubuo ang mga naratibong ito sa mga echo chambers na maaring maiugnay rin sa mga henerasyonal and sosyal na implikasyon sa ating mga Pilipino ayon sa paggamit ng wika.
Mga susing salita: Echo chamber, DDS, Midyang Politikal, Polarisasyon
Bettina Margaret Ramiso
Si Bettina ay kasalukuyang nag-aaral sa Unibersidad ng Pilipinas Diliman sa ilalim ng kursong BA Speech Communication sa Kolehiyo ng Arte at Literatura. Nagtapos siya ng senior high school sa strand na HUMSS sa St. Scholastica’s Academy, Pampanga noong 2024. Aktibo siyang kasapi ng External Affairs Committee ng Maroon FM ang kaisa-isang radio organization sa Unibersidad, kung saan ginagamit niya ang kanyang galing sa komunikasyon upang makipag-ugnayan sa mga katuwang na organisasyon, bumuo ng mga estratehiyang pangmerkado, at linangin ang kanyang husay sa pagsasalita. Sa pamamagitan ng iba't ibang gawaing ekstrakurikular, nahubog ni Chiena ang kanyang ekspertis sa pampublikong pagsasalita at produksyong pangmidya, na nagsisilbing matibay na pundasyon sa kanyang propesyonal na paglago sa larangan ng komunikasyon.
Shaun Andrea Umali (Andi)
Si Shaun ay kasalukuyang mag-aaral sa Unibersidad ng Pilipinas Diliman, kung saan kumukuha siya ng BA Speech Communication sa Kolehiyo ng Arte at Literatura. Nagtapos siya noong 2024 sa Ateneo de Manila Senior High School sa ilalim ng HUMSS strand. Masigasig si Andi sa pagpapalawak ng kanyang kaalaman sa iba’t ibang larangan ng komunikasyon sa pamamagitan ng mga gawaing ekstrakurikular. Sa larangan ng marketing, siya ay intern sa I-LEAP Consulting International, isang kumpanyang nagbibigay ng mga serbisyo sa pagsasanay at konsultasyon upang tulungan ang mga indibidwal, organisasyon, at pamayanan na mapaunlad ang kanilang mga kakayahan at estratehiya. Sa media production, siya ay media staffer at photographer sa UP Office of Athletics and Sports Development (OASD), kung saan siya’y tumutulong sa dokumentasyon at paglikha ng mga materyal para sa mga programa’t aktibidad ng unibersidad. Aktibo rin siya sa Maroon FM, kung saan siya’y bahagi ng publications, creatives, at externals committees, na nagpapahasa sa kanyang galing sa pagsasalita sa publiko, malikhaing pagpapahayag, at ugnayang panlabas.