Ang Potensiyal ng Wikang Filipino sa Programang BA Pasalitang Komunikasyon Bilang Tugon sa Polisiya sa Wika ng Unibersidad ng Pilipinas
Ang Potensiyal ng Wikang Filipino sa Programang BA Pasalitang Komunikasyon Bilang Tugon sa Polisiya sa Wika ng Unibersidad ng Pilipinas
Elriej Tristan Araneta at Mary Leighanna Adao
ABSTRAK
Ang Batsilyer ng Arte sa Pasalitang Komunikasyon ay isang four-year degree program na inaalok ng Unibersidad ng Pilipinas–Diliman. Ang programang ito ay nasa ilalim ng Kolehiyo ng Arte at Literatura, na sa ngayon ay may dalawang tracks na puwedeng pagpilian: ang interpersonal and instructional, at ang rhetoric and performance. Sa kabila ng pagiging bahagi ng isang pambansang unibersidad na mayroong mandatong itaguyod ang wikang Filipino, hindi maikakaila ang dominanteng pag-gamit ng wikang Ingles sa pagturo at paggawa ng awtput sa programa. Bilang tugon dito, sisiyasatin ng papel ang potensiyal ng wikang Filipino bilang midyum ng instruksyon sa mga kurso sa ilalim ng BA Pasalitang Komunikasyon. Upang makamit ang ganitong hangarin, magsasagawa ang papel ng isang exploratory research na layunin ay (1) matukoy kung paano tinutugunan ng BA Pasalitang Komunikasyon ang polisiya sa wika ng UP, (2) matuklasan kung ano-ano ang mga kalakasan, kahinaan, oportunidad, at banta sa paggamit ng wikang Filipino bilang midyum ng instruksiyon sa mga kurso ng programa, at (3) makapagbigay ng mga masinsinang rekomendasyon upang mapatibay pang lalo ang pagtugon ng BA Pasalitang Komunikasyon sa polisiya sa wika ng UP. Sa ganitong mga isyu, mahalagang isaalang-alang na hindi lamang ito nalilimita sa usapin ng wika sa programa, bagkus, usapin rin ito sa pangkalahatang pamamalakad ng edukasyon sa UP, at pagtatangkang makapag-ambag sa adhikaing inklusibo at makabayang oryentasyon ng pagtuturo at pananaliksik sa akademya.
Mga susing salita: UP Polisiya sa Wika, Filipino sa Akademya, Wikang Panturo
Mary Leighanna SD Adao
Si Mary ay isang mag-aaral mula sa BA Pasalitang Komunikasyon sa Unibersidad ng Pilipinas - Diliman. Noong taong 2022, siya ay nagtapos ng Accountancy, Business, and Management sa Unibersidad ng Santo Tomas, at kasalukuyan ay miyembro ng UP Junior Marketing Association. Sa organisasyong ito, nagsilbi siya bilang head ng tatlong departamento: Brand Executions, Corporate Relations, at MarkEd Access Granted, at ang pinakamataas na posisyon na kanyang nakamit ay chairperson ng External Affairs Committee. Ngayon, siya rin ang isang intern sa isang marketing boutique at PR company na nagngangalang MediumAsia.
Elriej Araneta
Si Elriej ay isang estudyante na kumukuha ng BA Pasalitang Komunikasyon sa Unibersidad ng Pilipinas–Diliman. Siya ay kasalukuyang miyembro ng CAL FST Council, at ng Makati Active Youth Association–Barangay Valenzuela chapter. Ang mga kinahihiligan niya sa buhay ay pagsilbihan ang kapwa niyang kabataan, matulog, at maglaro ng volleyball. Sa kasalukuyan, mahilig siya magbasa ng mga papel at libro tungkol sa kasaysayan ng Pilipinas bago ang panahon ng kolonisasyon dala ng mga Kastila.