Hambingang Pag-aaral sa Neokolonyal na Karanasang Pangwika ng Pilipinas at Bansang Francophone sa Kanlurang Aprika: Ilang Panimulang Tala sa Kasaysayan, Patakarang Pangwika at Kasalukuyang Kalagayan
Hambingang Pag-aaral sa Neokolonyal na Karanasang Pangwika ng Pilipinas at Bansang Francophone sa Kanlurang Aprika: Ilang Panimulang Tala sa Kasaysayan, Patakarang Pangwika at Kasalukuyang Kalagayan
Lui Eleazar S. Santos at Martin Rafael Suallo
ABSTRAK
Bagaman may sariling pambansang wika ang Pilipinas, nananatiling nangingibabaw ang antas ng Ingles sa akademikong diskurso na nagdudulot ng mababang pagkilala at prestihiyo para sa Filipino sa larangan ng pananaliksik (Demetrio III & Felicilda, 2015). Ang kalakarang ito ay maiuugat sa mahabang kasaysayan ng pananakop ng kolonyalismong Amerikano na hanggang sa kasalukuyan ay may malalim na impluwensya sa sistema ng edukasyon at iba pang institusyong panlipunan sa bansa. Gayunpaman, hindi natatangi sa Pilipinas ang ganitong sitwasyon. Maraming mga bansa, partikular na sa Kanlurang Aprika, ang naimpluwensyahan ng mga dating imperyalistang kapangyarihan mula sa Europa, lalo na ng Pransya, na nagpatibay ng dominasyon nito sa rehiyon sa pamamagitan ng tinatawag na Francafrique. Sa kabila ng kalayaang nakamtan ng mga bansang ito noong kasagsagan ng dekolonisasyon, patuloy pa rin ang neokolonyalismo sa iba't ibang aspekto ng kanilang buhay—panlipunan, pampulitika, at pangkultura (King, 2022).
Layunin ng pag-aaral na ito na paghambingin ang sitwasyon ng pambansang wika sa Pilipinas at sa mga bansang Francophone sa Kanlurang Aprika sa pamamagitan ng pagsusuri sa: (1) kontekstong pangkasaysayan, (2) mga patakarang pangwika, at (3) kasalukuyang kalagayan ng mga katutubong wika sa iba’t ibang larangan ng buhay. Mula sa hambingang pagsipat hinggil sa sitwasyong pangwika ng dalawang bansa, sisikaping makapagbuo ng mga rekomendasyon at mungkahi hinggil sa mga posibleng pagpapalakas sa mga wika ng dalawang bansang parehong dumaranas ng neokolonyal na kalagayan.
Sa pamamagitan ng paghahambing na ito, inaasahang mailalahad ang mga natatanging katangian ng linguistic landscape ng Pilipinas at ng Kanlurang Aprika, pati na rin ang mga posibleng hakbang upang mapanatili at mapaunlad ang mga katutubong wika sa kabila ng hamon ng globalisasyon at dominasyon ng banyagang wika. Bukod dito, maaaring magsilbing pundasyon ang pag-aaral na ito sa pagtataguyod ng mas malalim na ugnayan sa pagitan ng Pilipinas at ng mga bansang Francophone sa Aprika, batay sa kanilang magkakatulad na karanasang pangwika tungo sa isang makabayan, plurinasyonal at multilinggwal na hinaharap.
Mga susing salita: Kanlurang Aprika, Neokolonyalismo, Sitwasyong pangwika
Lui Eleazar S. Santos
Si Lui Eleazar Santos ay kasalukuyang mag-aaral ng unang taon ng Unibersidad ng Pilipinas - Diliman, sa ilalim ng kursong Batsilyer ng Arte sa mga Wikang Europeo (Pranses). Dahil sa kanyang sapat na pagkatuto sa larangan ng humanidades at agham panlipunan, nakapagtapos ng may mataas na karangalan si Santos noong 2024 sa Dr. Yanga’s Colleges Inc. Bukod sa kanyang pang-akademikong kasanayan, sinisikap din niyang hasain ang kanyang kaalamang pang-internasyonal bilang miyembro ng Model United Nations - UP Diliman at UP Le Club Francais. Gayunpaman, nangunguna pa rin sa mga prinsipyo ni Santos ang pagbibigay karangalan at pagbabalik-loob bilang mga anyo ng pagmamahal sa Inang Bayan.
Martin Rafael Suallo
Si Martin Rafael Suallo ay kasalukuyang nag-aaral ng Batsilyer ng Arte sa mga Wikang Europeo na may tuon sa wikang Pranses sa Unibersidad ng Pilipinas - Diliman. Siya ay nakatanggap ng mataas na karangalan sa kanyang pagtatapos bilang punong patnugot ng opisyal na pahayagan ng Casimiro A. Ynares Sr. Memorial National High School (CAYSMNHS) noong 2022. Nakapagtapos din siya ng may karangalan dahil sa kanyang dedikasyon na matuto sa larangan ng humanidades at agham panlipunan sa Pamantasan ng San Beda - Rizal noong 2024. Kaugnay nito, nagsusumikap si Suallo na magpakadalubhasa sa larangan ng pakikipagtalastasan upang maging abogado at maging kabisig at kinatawan ng mga Pilipino sa pakikibaka para sa pantay, makatarungan, at maka-Pilipinong lipunan.