Retorikal na Pagsusuri sa Political Endorsements ng mga Social Media Influencer
sa Lente ng Ethos, Pathos, at Logos
Retorikal na Pagsusuri sa Political Endorsements ng mga Social Media Influencer
sa Lente ng Ethos, Pathos, at Logos
Danielle Anne G. Chua at Astrid Francesca S. Nagaño
ABSTRAK
Sa kasalukuyang panahon ng digital na komunikasyon, malakas ang impluwensiya ng mga social media influencer na aktibo sa Facebook sa pampublikong opinyon, lalo sa larangan ng politika. Sa bansang may mataas na paggamit ng social media gaya ng Pilipinas, maaaring makaapekto sa desisyon ng publiko ang kanilang politikal na pag-endoso. Ngunit limitado pa rin ang mga pag-aaral ukol sa retorikal na estratehiyang ginagamit nila pagdating sa pag-endorso ng mga kandidato sa politika sa eleksyong 2025. Dahil dito, layunin ng pag-aaral na itong matugunan kung paano ginagamit ng mga social media influencer sa Facebook ang mga retorikal na apela sa kanilang politikal na pag-endoso upang hubugin ang preperensiya ng publiko. Sa pamamagitan ng purposive sampling, ang mga mananaliksik ay pumiling apat na Pilipinong Facebook Mega-influencer (mahigit 1,000,000 bilang ng followers) na aktibo sa pag-endorso ng kandidato. Dalawang political endorsement posts tulad ng mga larawan, bidyo, caption, o infographic ang binigyang-diin bilang teksto ng pag-aaral. Ginamit ang content analysis bilang metodo upang masuri ang mga datos at matukoy ang mga karaniwang tema. Pagkatapos nito, susuriingamit ang tatlong retorikal na apela ni Aristotle na pathos (emosyonal na apela), logos (lohikal na apela), at ethos (apelang nakasentro sa kredibilidad ng tagapagsalita). Gayunpaman, limitado ito sa limang kalahok lamang at hindi nito saklaw ang aktwal na epekto ng kanilang politikal na pag-endoso sa publikong tagatangkilik. Matutukoy sa pag-aaral na ito kung paano ginagamit ang emosyon, lohika, at kredibilidad upang palakasin ang kanilang koneksyon sa publiko at hubugin ang kanilang mga pananaw. Samakatuwid, mas lilitaw ang mahalagang papel ng retorika sa pangangampanya at paghubog ng pampublikong pananaw ng mga Pilipino hinggil sa pambansang politika.
Mga susing salita: Social Media Influencer, Botante, Politikal na endorso, Retorikal na apela
Danielle Anne G. Chua
Si Danielle Anne G. Chua ay isang mag-aaral sa kursong Speech Communication sa Unibersidad ng Pilipinas Diliman. Kamakailan lamang ay naging iskolar ng Erasmus+ at exchange student siya sa Sciences Po Paris, isa sa mga tampok na unibersidad sa buong mundo at sa Pransya. Siya rin ay may mga aktibong trabahong part-time at internship sa industriya ng marketing. Ang kanyang mga hilig gawin ay ang pagbabasa ng mga nobela, pagsasanay sa kanyang lakas (strength training), pagkanta, at pagtuklas sa mga bagong aktibidad.
Astrid Francesca S. Nagaño
Si Astrid Francesca S. Nagaño ay isang mag-aaral ng Speech Communication sa Unibersidad ng Pilipinas Diliman. Nagtapos siya sa De La Salle University Senior High School sa ilalim ng STEM strand, kung saan naging aktibo siya sa iba’t ibang organisasyon. Nagsilbi siyang Strategic Command Member ng Social Media Curator para sa Commission on Student Elections (COMSELEC), Public Relations committee member ng TEDxYouth@DLSUSHS, at Technicalities committee member ng Behavioral Sciences Society. Interesado siya sa ugnayan ng wika, kalusugan, at lipunan, lalo na sa larangan ng speech pathology, na hinubog ng kanyang personal na karanasan bilang kapatid ng isang may speech delay. Sa kasalukuyan, ang kanyang mga hilig ay ang pag-eehersisyo, paglalakbay sa mga bagong lugar, at pagtuklas ng mga bagong kainan, lalo na kapag kasama ang kanyang pamilya at mga kaibigan.