Para sa ekonomiya.
Pabiro lamang iyan sinasasambit ng mga tao kada may gagawin sila. Magtatrabaho? Para sa ekonomiya. Magsa-shopping sa Shopee? Para sa ekonomiya. Mag-iinvest sa bangko o mutual funds? Para sa ekonomiya.
Lahat nga ba ito ay nakakatulong sa ekonomiya? Oo.
Mula sa maykroekonomiks na tumutok tayo sa interaksyon ng pamilihan, atin nang lalawakan ang ating pag-aaral sa ekonomiks. Mula sa pansarili at pampamilihan, ngayon ay pambansa na.
Ito ang sangay ng makroekonomiks.
Ang makroekonomiks ay ang sangay ng ekonomiks na nakatuon sa kabuuang kalagayan ng ekonomiya. Sinusuri nito ang pambansang ekonomiya o ang lagay ng ekonomiya ng isang bansa.
Ang Great Depression ng Estados Unidos ay ang pinakamalalang pagbagsak ng ekonomiya nito noong dekada 1930. Nalugi ang lahat ng negosyo, tumaas ang presyo ng mga produkto, at bumagsak ang halaga ng salapi. Dahil ang namamayani pa noong kaisipan ay ang laissez-faire na nilatag ni Adam Smith, hindi nangingialam ang pamahalaan sa pamilihan. Hanggang pinanukala ni John Maynard Keynes na hayaan ang pamahalaan na gumawa ng paraan para matulungan ang ekonomiya. Ito ang simula ng sangay ng makroekonomiks.
Si John Maynard Keynes ang Ama ng Makroekonomiks. Ang kanyang pinakakilalang libro ay The Great Theory of Employment, Interest, and Money. Dito, inilarawan niya ang gampanin ng pamahalaan sa ekonomiya. Ayon sa kanya, nag-ugat ang problema sa hindi pantay na halaga ng iniimpok at pinupuhunan.
Sa panig ng pamahalaan, kung ang impok nito ay mas higit sa pamumuhunan sa bansa, tataas ang presyo. Kung mas mataas naman ang pamumuhunan sa bansa kaysa sa naiimpok ng pamahalaan, bababa ang presyo. Dahil wala o kaunting pondo, hindi rin nito matutugunan ang pangangailangan ng mga mamamayan.
Dahil malaki ang impak ng pamahalaan sa ekonomiya, sinaad ni Keynes na mahalaga rin ang papel nito dahil ito lamang ang makakapagpanatili sa katatagan ng pamilihan.
Kumplikado ang makroekonomiks, ngunit maaaring mailarawan ito sa mga simpleng dayagram na nagpapakita ng daloy ng mga salik ng produksyon at produkto & serbisyo sa ekonomiya. Napagdudugtong-dugtong din nito ang interdependence ng bawat sektor sa isa't isa.
Sambahayan
Bahay-Kalakal
Pamahalaan
Institusyong Pinansyal
Sambahayan - Nagmamay-ari ng mga salik ng produksyon at nagkokonsumo ng mga produkto at serbisyo.
Bahay-kalakal - Nagpoprodyus ng mga produkto at serbisyo gamit ang mga salik ng produksyon.
Pamahalaan - Nangongolekta ng buwis upang magbigay ng serbisyong pampubliko.
Institusyong Pinansyal - Nagpapalago ng mga ipon sa pamamagitan ng pagpapautang nito.
Sarado
Ang pambansang ekonomiya ay hindi nakikilahok sa kalakalang panlabas. Ang halimbawa nito ay ang Hilagang Korea at Cuba.
Bukas
Ang pambansang ekonomiya ay nakikilahok sa kalakalang panlabas. Karamihan sa mga bansa ay may ganitong uri ng ekonomiya.
Kung ikaw ay maistranded sa isang isla, ano ang iyong gagawin? Ikaw mismo ang maghahanap at gagawa ng iyong sariling pagkain, tirahan, at damit. Gayundin sa mga sinaunang tao noon. Sa mga lipunang hunter-gatherer, sama-sama silang nangangaso at nangunguha ng makakain para sa kanilang mga pamilya.
Kung kaya sa unang modelo, ang sambahayan at bahay-kalakal ay iisa. Ang prodyuser ay siya ring konsyumer. Kung nais ng sambayanan na maitaas ang kanilang pagkonsumo, dapat din silang magpursige upang mapaunlad ang sariling produksyon.
Ang ikalawang modelo ang saklaw ng maykroekonomiks. Dito, may dalawang aktor ng ekonomiya: ang sambahayan at ang bahay-kalakal. May dalawa ring pamilihan sa pambansang ekonomiya. Una ay ang pamilihan ng mga salik ng produksyon o factor markets. Dito, ibinibigay ng sambahayan ang kanilang mga salik ng produksyon (lupa, lakas-paggawa, kapital, at entrepreneurship) kapalit ng kabayaran dito ng bahay-kalakal (upa, sahod, interes, at tubo). Pagkatapos maiproseso at mapagsama-sama ng bahay-kalakal ang salik, kanilang ibebenta ang kanilang mga produkto at serbisyo sa mga pamilihan ng mga natapos na produkto o good market or commodity market. Ang sambahayan, batay sa kanilang demand, ay bibilhin ang mga produkto gamit ang mga salaping nalikom nila. Ito ay magsisilbing kita ng bahay-kalakal, na pinambabayad nila sa sambahayan upang patuloy na makuha ang mga salik ng produksyon at maisuplay ang demand ng sambahayan.
Hindi lahat ng kinita ng sambahayan ay kanilang ginagasta. Ang ilan dito ay kanilang iniimpok. Sa mga maliliit na ipon, maaaring itabi muna ito sa isang alkansya. Ngunit sa kalaunan ay idinideposito ito sa bangko. Ito ay upang magpatuloy pa rin ng daloy ng ekonomiya na makikinabang ang parehong sambahayan at bahay-kalakal.
Ang ikatlong modelo ang nagpapakita sa pamilihang pinansyal. Ang ipon ng sambahayan ay tinatago ng bangko. Upang kumita ang parehong bangko at ang sambahayan ay pinapautang nito ang ipon sa parehong bahay-kalakal at sambahayan. Ito ay dahil hindi laging sapat ang salapi na mayroon ang bahay-kalakal sa pagpapalago nito ng negosyo samantalang ang sambahayan sa pagbili ng mga mamahaling produkto. Dahil babayaran naman ito ng umutang kung kaya protektado pa rin ang orihinal na nilagak ng sambahayan sa bangko. Ang mga bahay-kalakal ay nag-iimpok din sa bangko ng kanilang mga kinita para sa hinaharap ng kanilang negosyo. Dahil sa kinikita ng mga bangko sa mga transaksyon nito ay kaya nilang magbigay ng interes sa mga ipon ng parehong sambahayan at bahay-kalakal batay sa laki at tagal ng pagkakalagak nito.
Kung pagbabatayan ang kaisipan ni Keynes, mahalaga rin na may balanse ang ipon at pamumuhunan ng parehong sambahayan at bahay-kalakal bilang mga aktor ng ekonomiya.
Ang ikaapat na modelo ang nagpapakita ng papel ng pamahalaan sa ekonomiya. Datapwat, ito ay nananatiling sarado. Ang pamahalaan ay nangongolekta ng buwis sa parehong sambahayan at bahay-kalakal upang mapondohan ang kanilang mga serbisyong pampubliko. Ito ay tinatawag na patakarang piskal.
Ang ikalimang modelo ay ang bukas na ekonomiya. Dito, kasama na ang pamilihan ng panlabas na kalakalan. Dahil sa globalisasyon, ang mga produkto at serbisyo na hindi o kaunti lamang ang kayang gawin ng isang bansa. Kung kaya nakikipagkalakalan sila sa ibang bansa.
Kung ang bansa ay mag-iimport ng mga produkto o serbisyo mula sa ibang bansa, may lalabas na pera. Ito ay tinatawag na outflow money. Dahil ang salaping ito ay hindi bumabalik sa bansa, nababawasan ang perang umiikot sa ekonomiya ng bansa.
Samantala, kung nag-eexport naman ang isang bansa, may papasok sa mga salapi. Ito ay tinatawag na inflow money. Dahil ang salaping ito ay mapupunta sa iba't ibang aktor ng ekonomiya, mas sisigla at uunlad ang ekonomiya.
Balitao, B. R., Buising, M. D., Garcia, E. D., De Guzman, A. D., Lumibao, J. L., Jr., Mateo, A. P.; Mondejar, I. J. (2015). Ekonomiks: Araling Panlipunan Modyul para sa Mag-aaral Yunit III [PDF]. Pasig City: Department of Education-Instructional Materials Council Secretariat (DepEd-IMCS).
Great Depression History. (2021). Retrieved 15 March 2021, from https://www.history.com/topics/great-depression/great-depression-history#:~:text=The%20Great%20Depression%20was%20the,wiped%20out%20millions%20of%20investors.
Payumo, C. S., Ronan, J. R., Maniego, N. L., &; Camba, A. L. (2014). Understanding Economics. Sampaloc, Manila: ALTEO Digital & Printers.
Arnel. (2021). MELC_Aralin 12-Paikot na Daloy ng Ekonomiya. Retrieved 15 March 2021, from https://www.slideshare.net/sirarnelPHhistory/melcaralin-12paikot-na-daloy-ng-ekonomiya
Viloria, L. B. (2018). Paglinang sa Kasaysayan 9: Ekonomiks. Makati City, Philippines: Diwa Learning Systems.
Si Bb. Mara Danica Ramos ay ang AP Coordinator ng Pambansang Mataas na Paaralang Pang-agham ng Lungsod ng San Jose del Monte. Siya ay nagtapos ng B Secondary Education (Social Studies) sa UP Diliman at ngayo'y nag-aaral ng Diploma in Social Studies Education sa UP Open University. Siya ay kasalukuyang nagtuturo ng Araling Panlipunan 8 at 9.