Mula sa muling pagsilang noong Renaissance at pagtuklas ng bagong mundo sa Panahon ng Paggalugad, hindi lamang yaman ang hatid nito sa Europa. Mas umigting ang paghiwalay ng tao mula sa paniniwala noong Gitnang Panahon na nagdulot ng makabagong kaisipan at teknolohiya. Sa magkakasunod na siglo, nagbago ang pananaw at kapaligiran ng tao papuntang Modernong Panahon.
Ang Rebolusyong Siyentipiko ay panahon ng pag-iisip at pananaw ng tao mula kalagitnaan ng 16 siglo hanggang 17 siglo. Kahit na noon pa man ay ginagamit na ang terminong scientia ng mga Griyego na ibig sabihin ay "kaalaman", kapansin-pansin na sa panahong ito lumago ang mga disiplina rito.
Noong sinaunang Gresya, pinanukala ni Ptolemy na ang kalawakan ay umiikot sa mundo. Sinuportahan ito ng paniniwalang Kristiyano dahil pinapakita nitong espesyal ang mundo upang tirhan ng mga tao. Ito ang heosentrikong pananaw. Ngunit, sa pagsilip at pag-aaral ng mga siyentipikong ito, malalaman ng tao ang tunay na lugar nila sa kalawakan.
Nicolaus Copernicus
Siya ay isang astronomong Polish. Siya ang unang nagpanukala na ang araw ang iniikot ng daigdig at mga iba pang planeta. Ito ang heliosentrikong pananaw. Ang kanyang librong On the Revolution of the Heavenly Spheres ay hindi niya pinalathala hanggang bago siya mamatay noong 1453.
Galileo Galilei
Siya ay isang Italyanong siyentista at matematiko na pinag-aralan ang teorya ni Copernicus. Gamit ang kanyang imbensyong teleskopyo noong 1610, isinulat niya ang mga librong Dialogue Concerning the Two Chief World Systems at The Starry Messenger. Nilitis siya ng Roman Inquisition at hinatulan ng house arrest hanggang sa kanyang pagkamatay.
Isaac Newton
Siya ay isang matematikong Ingles na patuloy na nanaliksik sa teorya nila Copernicus, Galilei, atbp. Kanyang natuklasan ang Laws of Motion at ang Law of Gravity. Ito ang mga batas ng mga pwersang nagpapagalaw sa lahat ng bagay. Kanya ring inimbento ang calculus.
Francis Bacon
Siya ay isang Ingles na politiko at manunulat. Dating manananggol, kanyang pinayo ang inductive approach sa kanyang librong Novum Organum.
Rene Descartes
Siya ay isang pilosopo at matematikong Pranses. Sa kanyang librong Discourse on Method, kanyang pinanukala ang deductive method. Ayon sa kanya, dapat pagdudahan ang lahat nang hindi pa napapatunayan. Kilala siya sa katagang: "I think, therefore I am."
Andreas Vesalius
Nanguna siya sa sistematikong pag-aaral ng anatomiya sa pamamagitan ng pag-aaral ng mga bangkay ng tao.
Edward Jenner
Natuklasan niya ang bakuna laban sa smallpox gamit ang mas mahinang kapamilya nito, ang cowpox.
Noong ika-18 na siglo sa Europa, lalong umusbong ang mga pilosopiya sa Europa. Ang nasa likod nito ay ang kilusang intelekwal na binubuo ng mga philosophe o mga intelekwal na humihikayat sa paggamit ng katwiran sa halip na bulag na paniniwala noong Gitnang Panahon.
Thomas Hobbes
No arts; no letters; no society; and which is worst of all, continual fear, and danger of violent death: and the life of man, solitary, poor, nasty, brutish and short. - The Leviathan
Sa kanyang akdang Leviathan, sinabi ni Hobbes na likas na masama ang tao na humahantong sa kaguluhan. Kung kaya dapat magpasuko sila ng ilang karapatan sa isang pinuno para sa kaayusan. Naniniwala siya na monarkiya pa rin ang pinakamagandang paraan ng pamumuno, datapwat ang kapangyarihan ay galing sa tao, hindi sa divine right. Siya ang unang tumalakay ng terminong Social Contract na pinalawig ni Rousseau.
John Locke
Men being, as has been said, by nature, all free, equal and independent, no one can be put out of this estate, and subjected to the political power of another, without his own consent. - Second Treatise of Government
Kaiba kay Hobbes, naniniwala si Locke na natural na mabuti, pantay-pantay, at malaya ang tao. Kung kaya may estado ay para sa kabutihang panlahat, at may karapatan ang mga taong bawiin iyon. Kaakibat ng kanyang paniniwala sa pamamahala, pinagpapalagay niya na ang utak ng tao ay tabula rasa pagkapanganak, o blangkong papel na pinupunan ng paggamit ng pandama kung kaya mahalaga ang tamang edukasyon.
Jean Jacques Rousseau
Man is born free; and everywhere he is in chains. - The Social Contract
Kaiba sa dalawa, naniniwala si Rousseau na di-natural ang pakikiisa ng tao sa lipunan, bagkus ay matatali lamang ito. Ngunit, kung ito ay pagsasang-ayunan ng mga tao para sa kabutihang panlahat ay maaahon ng lipunan ang tao mula sa kahirapan. Ang kasunduang panlipunan sa pagitan ng mamamayan at pinuno ay tinatawag na Social Contract. Samantala, upang natural na mailabas ng pagkatuto sa mga mag-aaral, tinuligsa niya ang tradisyonal na pagtuturo, sa halip na hayaan ang bata na magsimula kung magpakita na ng interes sa pag-aaral.
Pagsapit ng kalagitnaan ng ika-18 siglo, mas nanaig ang Inglatera dahil sa pagsasailalim nito sa Rebolusyong Industriyal. Ito ay dahil sa mga sumusunod na salik:
Paglaki ng populasyon - Nakatulong ito dahil lumaki rin ang lakas-paggawa sa Inglatera. Dulot ito ng pagdami ng pagkain, kalinisan, at pagbabago sa materyales ng bahay.
Enclosure Movement - Naging pribado ang mga lupain na pagmamay-ari ng mga mayayaman.
Pag-unlad ng ekonomiya - Dahil sa sinaayos na sistema ng pananalapi (tulad ng pagkakaroon ng pambansang bangko at pagkakaroon ng stock exchange) at sa 13 kolonya, higit na umunlad ang Inglatera.
Ang mga sumusunod ang mga pinakauna at importanteng imbensyon at industriya na lumawig sa panahong ito.
Cotton Gin
Inimbento ni Eli Whitney noong 1733. Mas napabilis ang paggawa ng tela dahil sa madaliang paghihiwalay ng buto sa hibla ng bulak. Nasundan ng iba pang mga imbensyon na nagpaunlad sa industriya ng tela.
Steam Engine
Inimbento ni James Watt noong 1769. Mula sa hand tool, lumago ang industriya ng transportasyon dahil sa pagkakaroon ng mga tren at barko.
Telegraph
Inimbento ni Samuel Morse noong 1830. Nagpaunlad sa sistema ng komunikasyon.
De Viana, A.V., et. al. 2010. Pagtanaw at Pag-unawa sa Daigdig. Makati City: Diwa Learning Systems Inc. pp. 163-168.
Mateo, G.C., et. al. 2006. Kabihasnang Daigdig: Kasaysayan at Kultura. Quezon City: Vibal Publishing House, Inc. pp. 242-249,266-273.
Second Treatise of Government Quotes by John Locke. (2021). Retrieved 10 April 2021, from https://www.goodreads.com/work/quotes/86945-second-treatise-of-government#:~:text=%E2%80%9CBeing%20all%20equal%20and%20independent,%2C%20liberty%2C%20or%20possessions.%E2%80%9D&text=%E2%80%9CMen%20being%2C%20as%20has%20been,%2C%20without%20his%20own%20consent.%E2%80%9D
The Social Contract Quotes | Course Hero. (2021). Retrieved 10 April 2021, from https://www.coursehero.com/lit/The-Social-Contract/quotes/
Thomas Hobbes Quotes. (2021). Retrieved 10 April 2021, from https://www.rjgeib.com/thoughts/nature/hobbes-quotes.html
Si Bb. Mara Danica Ramos ay ang AP Coordinator ng Pambansang Mataas na Paaralang Pang-agham ng Lungsod ng San Jose del Monte. Siya ay nagtapos ng B Secondary Education (Social Studies) sa UP Diliman at ngayo'y nag-aaral ng Diploma in Social Studies Education sa UP Open University. Siya ay kasalukuyang nagtuturo ng Araling Panlipunan 8 at 9.