Minsan mo bang naisip paano nga ba nagsimula ang lahat? Ang kalawakan, ang mundo, at ang tao?
Hindi ka nag-iisa. Mapa-teologo, siyentipiko, pilosopo, manunulat, o ordinaryong tao ay nagtanong na rin at sinubukang ipaliwanag batay sa sari-sariling obserbasyon at ideya.
Upang simulan natin ang pag-aaral ng kasaysayan, ating sipatin ang dalawang paliwanag sa pagkakalikha ng sanlibutan. Ating usisain ang dalawang pananaw na ito sa lente ng Bibliya at ng mga siyentipiko.
Ang creationism o ang creation science ay sistema ng paniniwala na ang lahat ng bagay at materyal sa kalawakan ay nilikha mula sa kawalan ng isang Diyos o ng isa o higit pang makapangyarihan at matalinong nilalang.​
Halos lahat ng relihiyon sa mundo ay nag-uugat sa ganitong pananaw. Partikular na ang mga relihiyong Judaism, Kristiyanismo, at Islam na bumabase sa libro ng Genesis na makikita sa kani-kanilang mga banal na kasulatan. Sa aklat na ito makikita ang mga sumusunod na mahahalagang pangyayari.
Nilikha nga ng Diyos ang langit at ang lupa at ang lahat ng bagay na naroroon. Tinapos niyang likhain ang lahat ng ito sa loob ng anim na araw, at siya'y nagpahinga sa ikapitong araw. - Genesis 2:1-2 MBBTAG
Sa loob ng literal na anim na araw, ginawa ng Diyos ang buong sanlibutan sa pamamagitan ng Kanyang Salita. Nangyari ito mga halos 10,000 taon na ang nakalilipas. Walang malakihang pagbabago o panibagong uri ang lumitaw at nalikha. Tinatawag din itong New Earth Creationism.
Pagkatapos, ginawa ng Panginoong Yahweh ang tao mula sa alabok, hiningahan niya sa ilong, at nagkaroon ito ng buhay. - Genesis 2:7 MBBTAG
Ginawa ng Diyos ang unang tao, si Adan, ayon sa Kanyang wangis mula sa alabok. Mula sa tadyang naman nito kinuha ang kanyang kabiyak, si Eba, ang unang babae. Ang dating mabuting likha ng Diyos ay nagsimulang mangamatay noong pinili ni Adan na sumuway sa Diyos. Kanyang kinain ang pinagbabawal na prutas ng kaalaman ng mabuti at masama. Sa pisika, dito nagsimula ang ikalawang batas ng Thermodynamics o entropy.
Ang mga tao at mga hayop sa daigdig ay nilipol ng Diyos, maliban kay Noe at sa kanyang mga kasama sa barko. - Genesis 7:23 MBBTAG
Dahil sa kasamaan ng tao gayundin ang pagsibol ng mga higante, nagpasya ang Diyos na wakasan ang halos lahat ng buhay sa lupa. Iniligtas Niya ang pamilya ni Noe at mga pares ng hayop sa isang arko. Bumuhos ang malakas na ulan, bumukas ang mga bukal, at bumaha sa buong mundo ng 150 na araw. Ang mga nagpatong-patong na mga bato at labi o fossil ang naging resulta ng delubyong ito na tinatawag ding Diluvial Theory.
Ang lungsod na ito ay tinawag na Babel dahil doon pinag-iba-iba ng Panginoon ang wika ng mga tao, at mula roon ay pinangalat niya sila sa buong mundo. - Genesis 11:9 ASND
Sa pangunguna ni Nimrod, nagawi ang mga inapo ni Noe sa Babylon (Shinar) at nagpasyang gumawa ng zigurrat o tore. Dahil ito ay taliwas sa utos ng Diyos na humayo at magpakarami, Kanyang pinag-iba-iba ang mga lenggwahe sa mundo. Ito ay pinaniwalaan din ng Proto-World Theory, kung saan may iisang proto-language ngunit hindi na matukoy dahil nagkaroon ng iba't ibang language families.
Maraming mga teorya ang naisip ng mga dalubhasa upang ipaliwanag ang pagkakabuo ng kalawakan, daigdig, at ng tao. Umusbong ito noong Rebolusyong Siyentipiko, kung saan kakikitaan ng paghiwalay sa nananaig na kaisipan ng Simbahan at pagdududa sa kalikasan ng mga bagay dulot ng pamamaraang siyentipiko. Ito ang ilan sa mga teoryang nagtatangkang magpaliwanag sa pinagmulan ng lahat.
Noong 13.8 bilyong taon na ang nakararaan, mayroon lamang isang singularity na sobrang init at bigat. Naging unstable ito, kung kaya kumalat ito at nagsimulang lumamig. Sa isang iglap, nabuo ang mga enerhiya. Matapos ng ilang minuto, ang mga atoms. Ngunit inabot ng ilang bilyong taon bago nabuo ang mga kalawakan mula sa mga solar nebula.
Mula ito sa kaisipang abiogenesis o "buhay na nagmula sa di-nabubuhay". Sa loob ng bilyong taon, mula sa soup sa mga karagatan na binubuo ng mga organikong kemikal ay aksidenteng nabuo bilang mga compounds. Lumaon, naging unang cells na tinatawag na prokaryotes. Mga 2.5 bilyong taon na nakararaan, natutunan ng mga prokaryotes na gamitin ang sinag ng araw, kung kaya nagsimula ang photosynthesis. At sa 1.2 bilyong taon ang nakararaan, may nagbago bilang mga eukaryotes o cells na may nucleus. Sa katagalan, ang mga pagbabagong ito umusbong ang mga iba't ibang uri ng buhay, tulad ng halaman at hayop. Ito ay ang ebolusyon.
Sa pag-aaral ng fossils, nakagawa ang mga heologo ng geological time scale, kung saan tinutukoy nila ang panahon ng mga labi batay sa lalim nito sa lupa at sa radiometry. Sa Cretaceous period, namuhay ang mga dinosaurs o mga higanteng butiki. Nangamatay sila sa pagtama ng isang kometa na ang pwersa nito ang sumira sa ibabaw ng mundo at nagpabago sa klima nito. Pumasok ang mundo sa Tertiary period, kung saan nabigyan ng tsansa ang mammals na mabuhay at dumami.
Sa teoryang ebolusyon ni Charles Darwin, ang mga nilalang na may kaaya-ayang katangiang higit sa iba ang magpapanaig dito sa buhay at pagpaparami. Dahil sa tila ugnayan ng mga tao at mga unggoy, iniugnay ito ng mga siyentista bilang ninuno ng sangkatauhan. Ang pinakamatatandang nahukay na labi ng di-umano'y tao ay ang mga Australopithecine. Ang pinakakilala sa mga ito ay isang babaeng bakulaw sa Hadar, Ethopia na binansagang Lucy, ang Australopithecus afarensis.
Ang panahong prehistoriko (mula halos 2.5 bilyong taon ang nakararaan) ay ang mahabang yugto ng sangkatauhan bago ang sistematikong pagsusulat. Dahil ang kasaysayan ay nagsimula lamang ng halos 5,000 taon BCE sa Kanlurang Asya, ang pinakabatayan ay ang arkeolohiya. Ang pagpapanahon na ito ay nakabatay sa ebolusyon. Pinagpapalagay na ang patuloy na paglaki ng utak ng tao ang nagbunsod sa pag-unlad din ng teknolohiya nito.
Ang paggamit ng bato, partikular na ang flint, ang nagpaunlad ng tao sa kanyang pamumuhay. Ito ang naihuhugis nila bilang mga kagamitan at sandata.
Paleolithic Era
Ang "Panahon ng Lumang Bato" o ang pinakamaaga at pinakamatandang yugto sa kasaysayan ng tao. Mula sa Australopithecines, umusbong ang mga Homo habilis. Ang kanilang opposable thumbs ang nagbigay kakayahan upang humawak ng kagamitan. Ang Homo erectus naman ay natutong maglakad ng bipedal o nakatayo. Natunan din nilang gumawa ng apoy. Gumawa rin ng mga likhang sining ang mga tao sa kweba.
Mesolithic Era
Sa"Panahon ng Gitnang Bato", lumisan ng mga tao sa mga kweba at nanirahan sa ibang lugar, tulad ng dalampasigan. Dahil natutunan ang pagpapalayok, nakakaimbak na rin sila ng pagkain. Nakapagpaamo na rin sila ng ilang mga hayop.
Neolithic Era
Sa "Panahon ng Bagong Bato", nadiskubre ng tao ang pagsasaka. Nagkaroon ng permanenteng paninirahan, lumaki ang populasyon, at nagkaroon ng pag-aantas sa lipunan. Nagkaroon din ng pagpapalitan o barter. Nagsimula ring lumika ng mga pader at tore bilang depensa, tulad ng Jerico as Palestine at Stonehenge sa Inglatera.
Natuklasan ng mga tao ang pagmimina at pagtutunaw. Habang tumatagal ay nakakadiskubre sila ng mga metal na mas matibay at mas nahuhugis ayon sa kanilang pangangailangan.
Panahon ng Tanso
Ang tanso ay ang unang metal na natuklasan ng tao. Sinimulan ito noong 8000 BCE sa Mesopotamia na sinundan ng Ehipto, Tsina, at Inca.
Panahon ng Bronse
Ang bronse ay pinaghalong tanso at tin. Posibleng magkakasabay itong natutunan sa ibsa't ibang lugar. Unang namayani ng mga Sumerian at Akkadian, nasundan ng Babylon, at lumaon ang mga Minoan at Mycenae.
Panahon ng Bakal
Natuklasan ng mga Hitito ng Anatolia noong 1500 BCE ang pagtunaw ng bakal mula sa iron ore. Lumaganap ang kaalaman sa paglinang nito sa Asya, Europa, at Aprika.
Mahalaga ang iyong pananaw sa iyong pinagmulan. Sapagkat, ang iyong paniniwala sa iyong halaga at kahihinatnan pagkatapos mamatay ang magdidikta paano kay mamuhay sa mundo.
Halimbawa, sa mga taong mas naniniwala sa siyentipikong pananaw. Dahil sa abiogenesis, ang kanyang pananaw ay nanggaling siya sa wala, mauuwi rin ang buhay niya sa kawalan. Dahil ang tao ang pinakahuling produkto ng ebolusyon, naniniwala siyang pagmamay-ari niya ang mundo. Walang saysay ang buhay ng tao, kung kaya mas higit ang tsansa ng pagpapatiwakal. Walang Diyos para sa kanya kaya hindi siya natatakot dito. Relatibo ang moralidad dahil para sa kanya ay gawa lamang ito ng tao. YOLO, you only live once, ika niya. Datapwat, may ilan na gumagawa ng sarili nilang saysay sa mundo sa pagpapabuti nito.
Ang mga taong may pinaniniwalaang Diyos ay umaasang may patutunguhan ang kanyang kaluluwa pagkamatay, maaaring langit o impyerno. May saysay ang buhay ng tao, iyon ay alagaan ang mundo at lahat ng may buhay. May takot siya sa Diyos, absoluto ang moralidad dahil nakabatay ito sa Diyos, at hindi nabubuhay ng para sa sarili lamang kundi para rin sa iba.
BibleGateway.com: A searchable online Bible in over 150 versions and 50 languages. (2021). Retrieved 18 August 2021, from https://www.biblegateway.com/
De Viana, A.V., et. al. 2010. Pagtanaw at Pag-unawa sa Daigdig. Makati City: Diwa Learning Systems Inc. pp. 23-27.
Linda, B. K., Irwin, T., MaryLouise, K., Owen, G., Maura, F., & Merriley, B. (1998). Life on Earth. In Macmillian Revised Encyclopedia of Science (Vol. 4, pp. 10-22). Broadway, New York: Macmillan Library Reference.
Mateo, G.C., et. al. 2006. Kabihasnang Daigdig: Kasaysayan at Kultura. Quezon City: Vibal Publishing House, Inc. pp. 3-9, 22-28
Proto-languages and Their Evolution. (2020). Retrieved 18 August 2021, from https://www.thegreatcoursesdaily.com/proto-languages-and-their-evolution/
What is the Second Law of Thermodynamics?. (2015). Retrieved 18 August 2021, from https://www.livescience.com/50941-second-law-thermodynamics.html
Si Bb. Mara Danica Ramos ang tagapag-ugnay ng Departamento ng Araling Panlipunan. Siya ay nagtapos ng B Secondary Education (Social Studies) sa UP Diliman. Siya ay kasalukuyang nagtuturo ng Araling Panlipunan 8 at 9 sa Pambansang Mataas na Paaralang Pang-agham ng Lungsod ng San Jose del Monte.