Nasusuri ang katangiang pisikal ng daigdig .
Saan ang pangarap mong lugar na puntahan? Bakit?
Ano nga bang mayroon sa lugar na iyon? At bakit ito espesyal para sa iyo? Nasaan ito at paano ka makakarating doon?
Upang malaman ang sagot sa mga tanong na ito, atin munang sinimulan ang pag-aaral sa daigdig o heograpiya.
Ang heograpiya ay pag-aaral ng daigdig at ng mga taong naninirahan dito. Ito ay hango sa salitang Griyego na geographia na mula sa mga salitang ugat na geo na nangangahulugang "lupa" at graphein na ibig sabihin ay "sumulat". Samakatuwid, ito ay may literal na kahulugan "pagsusulat tungkol sa lupa".
Ang heograpiya ay nahahati sa dalawang sangay: heograpiyang pisikal at heograpiyang pantao.
Ang heograpiyang pisikal ay ang pag-aaral ng mga katangiang pisikal at mga natural na proseso sa ibabaw ng daigdig. Kabilang dito ang mga anyong lupa, anyong tubig, panahon, klima, at mga likas-yaman sa isang pook.
Ang heograpiyang pantao naman ay ang pag-aaral ng tao at interaksyon niya sa pook na kanyang kinaroonan.
Ang heograpiya ay nahahati rin sa limang tema: lokasyon, lugar, rehiyon, interaksyon ng tao at kapaligiran, at paggalaw ng tao.
Lokasyon - Ang paraan ng pagtukoy sa kinaroonan ng isang pook.
Lugar - Ang katangiang pisikal at ang mga taong naninirahan sa isang pook.
Rehiyon - Ang mga lugar na magkakanugnog at may magkakatulad na katangiang pisikal at pangkultura.
Interaksyon sa Tao at Kapaligiran - Ang pagbabago ng tao sa kapaligiran habang hinuhubog din nito.
Paggalaw ng Tao - Ang pagkilos ng tao, produkto, o kaisipan mula sa isang lugar patungo sa iba.
Ang mga dalubhasa sa pag-aaral ng heograpiya ay mga heograpo (geographer).
Ang pag-aaral ng heograpiya ay mahalagang maiugnay sa pag-aaral ng kasaysayan. Ang pag-unawa ng lugar na ginagalawan ng isang tao ang nagpapaliwanag sa mga kilos na humubog sa kasaysayan ng mundo.
Upang maunawaan ang espesyal na lugar ng mundo ay ating tukuyin ang kinaroonan nito sa kalawakan.
Ang mundo ay isa mga planeta sa Solar System. Ang absolute nitong lokasyon ay 152.09 million km o 92,955,807 miles mula sa araw. Ang relatibong lokasyon naman nito ay ang pagiging ikatlong planeta sa solar system sa pagitan ng Venus at Mars.
Ang eksaktong posisyon nito ang nakakapagbigay ng tamang sinag ng araw upang maging posible ang liquid water at photosynthesis. Ang dalawang natural na proseso na ito ang nagbibigay-buhay sa mga nakatira rito.
Bilang isa sa mga inner planets, ang mundo ay isang planetang bato sa hugis na oblate spheroid. Ito ay nahahati sa tatlong bahagi: crust, mantle, at core.
Crust - Ang matigal at mabatong bahagi na nagsisilbing talukap (shell) ng daigdig. Ito ay may nahahati sa malalaking tipak ng bato.
Plate - Ang patong ng mga batong napakainit kung kaya ang ibang bahagi nito ay malambot at natutunaw.
Core - Ang kaloob-loobang bahagi ng daigdig na binubuo ng mga metal tulad ng iron at nickel.
Ang Plate Tectonic Theory ay pinanukala ni Alfred Wegener noong 1960. Ayon dito, ang mga kontinente ay nakatungtong sa plates o malalaking tipak ng lupa na may kapal na 30 hanggang 60 milya. Ito ay nakaangat sa mga magma mula sa mantle. Nakaangkla ito sa naunang teorya ng Continental Drift Theory ni Alfred Wegener noong 1912, kung saan pinaniniwalaan na ang lahat ng pitong kontinente ay bahagi ng nag-iisang tiyak ng kalupaan na tinaguriang Pangaea.
Naranasan niyo na rin bang maiwan at mawala tulad nila Azia at Edmund? Ang hirap, hindi ba? Kung kaya, dapat nating matutunan paano tukuyin ang lokasyon natin sa daigdig.
May dalawang paraan ng pagtukoy ng lokasyon: paraang absoluto at relatibo.
Ang paraang absoluto ay paggamit ng mga imaginary lines na humahati sa globo. Ang dalawang linyang ito ay ang longhitud at latitud na bumubuo sa grid.
Guhit latitude o parallel - Ang mga pahalang na imaginary line na bumabagtas silangan-pakanluran ng mundo.
Guhit longitude o meridian - Ang mga patayong imaginary line na bumabagtas mula hilagang polo hanggang timog polo.
May tatlong pinakanatatanging mga imaginary lines ang batayan upang sukatin ang lokasyon sa mundo. Ito ang equator, prime meridian, at international date line.
Equator
Pangunahing guhit latitude na nasa 0˚.
Prime Meridian
Pangunahing guhit longitude na ginagamit na batayan sa pagtukoy ng oras.
International Date Line
Pangunahing guhit longitude na ginagamit na batayan sa pagtukoy ng araw
Paano nga ba kunin ang absolutong lokasyon? Ating sundan ang mala-Jurassic Park adventure ni Edmund at Azia.
Sa tingin mo, base sa coordinates na nakuha ni Edmund, saan kaya sila napadpad ni Azia? Ano ang ginamit nilang kagamitan upang mahanap ang kanilang lokasyon? May apat na pangunahing kagamitan ang mga heograpo upang makatulong sa kanila.
Mapa
Ito ay isang patag na representasyon ng mundo o isang partikular na lugar.
Globo
Ito ang modelo ng mundo sa sukat at hugis nito.
Global Positioning System (GPS)
Ito ay sistema kung saan nakikipag-ugnayan ang isang gadget sa mga satellite upang malaman ang halos eksaktong coordinates ng may-ari.
Geographic Information System (GIS)
Ito ay kagamitan kung saan maimamanipula ang mga spatial data.
Ang mga apps na ating gamit sa Google upang makatulong sa ating pag-aaral ng heograpiya ay ang Google Map at Google Earth.
Google Map
Isang kilalang GPS kung saan matutukoy ang lokasyon at paroroonan ng gumagamit.
Google Earth
Isang application kung saan ang mga gumagamit ay makakakita ng detalyadong imahe ng ibabaw ng mundo.
Paano nilarawan ni Sir Fhil ang daang pabalik sa mga bus? Samantala, paano naman nilarawan ni Azia ang kinaroonan nila upang mahanap ni Sir Fhil?
Ang paraang relatibo ay ang paglalarawan ng mga pook na nakapaligid upang matukoy ang kinaroonan ng isang lugar.
Kung mapapansin natin, kadalasan ito ang paraan natin sa pagturo sa isang lugar, hindi ba? Gamit ang mga batayang lokasyon, ating tinutukoy kung anong direksyon nakapwesto o tatahakin papunta sa isang pook.
Nahahati ang lokasyon relatibo sa dalawa: ang lokasyong bisinal at insular.
Lokasyong bisinal - Ito ay ang paglalarawan ng mga anyong lupa o karatig-bansa sa paligid ng isang pook.
Lokasyong insular - Ito ay ang paglalarawan ng mga anyong tubig sa paligid ng isang pook.
Samantala, dumako naman tayo sa sumunod na tema ng heograpiya, ang lugar.
Ang lugar ay tumutukoy sa katangiang pisikal at mga taong naninirahan sa isang pook. Kumbaga, sa limang tema, ito ay parehong saklaw ng heograpiyang pisikal at pantao.
Ngunit, kung nais lamang na pag-aralan ang pisikal na katangian ng isang lugar o rehiyon, ito ay tinatawag na topograpiya.
Ang mga kontinente ay ang pitong pinakamalalaking tipak ng lupa sa mundo. Ito ay binubuo ng mga kontinenteng Old World na Asya, Europa, at Aprika; ang mga kontinenteng New World na Hilaga at Timog Amerika; at ang mga kontinenteng Island na Australia at Oceania, at Antartika.
Ang karagatan ang pinakamalawak na katubigang alat na pumapalibot sa halos ika-71% ng mundo o halos 361 milyong kilometrong kwardrado. Ito ay ang mga karagatang Pasipiko, Atlantiko, Indiyano, Artiko, at Antartiko.
Mayroon pang mga samu't saring anyong-lupa at anyong tubig na katangi-tangi sa mundo. Ito ang ilan pa sa mga "Pinaka" sa mga likas-yamang ito.
Pinakamataas na bundok sa daigdig: Mt. Everest
Pinakamababang lugar sa daigdig: Challenger Deep
Pinakamahabang ilog sa daigdig: Ilog Nile
Pinakamalaking lawa sa daigdig: Caspian Sea
De Viana, A.V., et. al. 2010. Pagtanaw at Pag-unawa sa Daigdig. Makati City: Diwa Learning Systems Inc. pp. 4-15.
N/A. (2010). HEKASI 6: Lokasyong Insular at Bisinal ng Pilipinas [PDF]. Pasig City: Bureau of Elementary Education of the Department of Education.
Mateo, G.C., et. al. 2006. Kabihasnang Daigdig: Kasaysayan at Kultura. Quezon City: Vibal Publishing House, Inc. pp. 14-18.
Graham, A., & Thomas, R. (1995). Young Students World Atlas (1996 ed.). Maplewood, New Jersey: Hammond Incorporated.
University System of Georgia. Introduction to Human Geography. North Georgia: University of North Georgia Press, 2018.
Si Bb. Mara Danica Ramos ang tagapagpayo ng KKK. Siya ay nagtapos ng B Secondary Education (Social Studies) sa UP Diliman. Siya ay kasalukuyang nagtuturo ng Araling Panlipunan 8 at 9 sa Pambansang Mataas na Paaralang Pang-agham ng Lungsod ng San Jose del Monte.