Hello, I like money.
Kung tatanungin mo si Mr. Krabs bakit niya naimbento ang Krabby Patty, iyan ang tiyak na sagot niya.
Ilan kaya ang ibebenta niya? Paano niya tinatakda ang presyo nito?
Tulad ni Mr. Krabs, lahat ng tao ay maaaring pagkakitaan ang kanilang angking salik sa produksyon. Ngunit, ilan ang ginagawa nilang produkto at serbisyo sa takdang halaga? Ang pagsagot ng apat na tanong ekonomiko, sa pananaw naman ng isang prodyuser, ang sasagutin ng batas ng supply.
Ang supply ang dami ng produkto o serbisyo na handa at kayang ipagbili ng mga prodyuser sa iba’t ibang presyo sa isang takdang panahon. Samantala, ang Batas ng Supply ay nagsasaad na direkta o positibong ugnayan ang presyo sa kantidad ng supply (quantity supplied) ng isang produkto o serbisyo. Ayon sa batas, kapag tumaas ang presyo, tataas ang kantidad ng supply; samantalang kapag bumaba ang presyo, bumaba ang kantidad ng supply. Iyon ay kung titignan ang naturang sitwasyon sa ilalim ng ceteris paribus. Ipinagpapalagay nito na ang presyo lamang ang salik na nakaaapekto sa pagbabago ng quantity supplied, habang ang ibang salik ay hindi nagbabago o nakaaapekto rito, sa Ingles ay all things constant.
Ang Batas ng Supply ay naipapakita sa tatlong pamamaraan: ang iskedyul ng supply, ang kurba ng supply, at ang supply function. Ang bawat isa ay may kanya-kanyang gamit, ngunit pare-parehong ipinapakita ang supply ng nasabing produkto o serbisyo.
Ito ang talaan na nagpapakita ng relasyon ng pagbabago ng presyo at pagbabago ng supply.
Halimbawa:
Ang pamilya ni Penny ay nagpasyang magbenta ng takoyaki nang mawalan ng trabaho ang kanyang ama dahil sa pandemya ng COVID-19. Gaano karami ang kanilang ibebenta? Ano ang mga presyo ng kanilang paninda?
Ipagpalagay natin na ito ang pagpepresyo na kanilang tinakda. Sa 100 pesos, 10 piraso; 200 pesos, 20; sa 300 pesos, 30; at sa 400 pesos, 40; at sa 500 pesos ay 50 piraso.
Ang grap na batay sa iskedyul ng supply.
Mas naipapakita rin ng kurba ng supply ang paggalaw ng kantidad ng supply o movement along the supply curve. Nangyayari lamang ito sa ilalim ng ceteris paribus o tanging ang presyo lamang ang gumagalaw.
Halimbawa, kung aasarin si Penny ni Bill na gumawa ng takoyaki ng libre ay hindi siya gagawa. Ngunit, kung bibigyan siya ito ng isang daan ay may 10 piraso itong makakain (na pinapakita ng punto A). Samantala, naparaan si Sir Fhil sa tapat ng kanilang takoyaki stall at nag-abot ng 200 pesos. Magluluto sila ng 20 pirasong takoyaki. At kung mag-oorder si Scarlet ng tig-500 pesos na takoyaki dahil nalalapit na ang kaarawan ni Bill ay maghahanda sila ng 50 piraso para dito.
Ito ang matematikong pagpapakita ng ugnayan ng presyo (P) at kantidad ng supply (Qs).
Halimbawa:
Nais ni Bill na bumili sa takoyaki stall nila Penny ngunit 20 pesos lang ang mayroon siya. Hanggang saan aabot ang 20 pesos niya?
QS = c + dP
QS = 0 + (20−10)/(200−100)P
QS = 0 + 0.1(20)
QS = 2 piraso
Paano kung wala na ang ceteris paribus? Dito pumapasok ang iba pang salik ng supply na nagpapagalaw sa mismong supply. Ang tawag sa kanila ay non-price determinants.
Dahil sa mabilis na pag-angat ng teknolohiya ay mas napapadali rin ang paggawa ng mga produkto. Ngunit kung masisira ito ay mapaparalisa ang produksyon.
Halimbawa:
Dahil lumalago na ang takoyaki business nila Penny ay bumili pa ng isang grill ang kanyang mga magulang. Dahil dito, dumoble ang kaya nilang isalang na takoyaki at kaya nilang tumanggap ng mas maraming order dahil dito. Pero kapag nasira ang isa ay mababawasan ang kaya nilang lutuin.
Habang lumalago ang negosyo, mas dumadami ang salik ng produksyon na kailangan nito. Ngunit kung ito'y malugi man ay babawasan ang salik ng produksyon upang kaunti lamang ang kabayaran dito.
Halimbawa:
Dahil dumadami na ang order ay kumuha ang mama ni Penny ng cook na tagaluto ng takoyaki. Dahil sa karagdagang lakas-paggawa, nakakarami na sila ng nagagawang takoyaki. Kinalaunan, nagbukas sila ng pangalawang branch sa kabilang bayan. Dahil sa karagdagang salik na lupa, lakas-paggawa, at kapital ay dadami ang supply ng takoyaki.
Ang pagtaas ng populasyon o dili kaya'y pagbawas ng mga costumer ay makakaapekto sa isusupply ng mga prodyuser.
Halimbawa:
Sa ikalawang branch ng takoyaki stall nila Penny ay may nagbukas na kaparehong negosyo. Mas mura rin ang tinda nito. Kung kaya, nangalahati ang costumer nila Penny. Binawasan ng kanilang mga tauhan ang tinda roon upang hindi maaksaya ang mga nilutong takoyaki.
Ang mga entreprenyur ay namimili ng kanilang ipoprodyus batay sa kanilang comparative advantage. Ito ay ang paggawa ng mga produkto o serbisyo na may mababang opportunity cost kumpara sa ibang prodyuser, produkto, o serbisyo. Kung ipapalagay na may production-possibilities frontier, mahihinuha ang kantidad ng dalawang serbisyo o produkto na pagpipilian batay sa trade-off na handang piliin ng prodyuser. Isa sa mga dahilan ng pagpili ay ang presyo. Kung mas mataas ang presyo ng isang produkto, maaaring piliin ito ng prodyuser kung mababang opportunity cost naman ang kapalit.
Takoyaki
Dahil palugi na ang takoyaki business nila Penny sa kabilang bayan, nag-isip ng panibagong business ang kanyang mga magulang ng hindi gaanong masayang kanilang mga salik ng produksyon.
Gourmet Burger
Dahil sa pagkauso ng gourmet burger, pinalitan nila ang kanilang grill, pinag-aralan ang paggawa nito, at binenta ito sa mataas na presyo nang sinisigurado ang kalidad nito.
Kung inaasahan ng mga prodyuser na may pagtaas ng presyo dahil sa isang okasyon o sakuna, maaaring pababain muna nila ang supply at papamaramihin ito dahil hihintayin ang pagtaas ng presyo. Ang tawag dito ay hoarding. At kapag naitaas na ang presyo saka nila ilalabas ang mga ito sa mas mataas na halaga.
Halimbawa:
Dahil mas inaasahan nila Bill at Penny na tataas ang presyo ng chocolate at bulaklak sa Araw ng mga Puso ay kinuha na agad nila ang mga order upang mamili ng maaga. Ngunit kahit nakuha nila ito sa mababang halaga ay kasin-taas o higit pa ng kaunti sa pagpepresyo ng mismong araw mismo.
Sa pagtalakay ng batas ng supply na epekto ng ceteris paribus o ng mga non-price determinants ay pinapakita ng mga paggalaw sa itaas.
Sa ceteris paribus, nagkakaroon ng paggalaw ng kantidad ng supply o movement along the curve. Nagbabago ang kantidad ng supply dahil sa presyo ngunit walang pagbabago sa kabuuang kurba ng supply. Tinatawag din itong change in quantity supplied.
Sa mga non-price determinants, nagkaroon ng paggalaw ng supply o shifting of the curve. Maaaring sa pakaliwa o o pakanan. Hindi man magbago ng presyo na sinusuri ay may pagbabago sa kantidad. Dahil sa pagbabago ng kabuuang demand, tinatawag din itong change in supply.
Halimbawa:
Sa itaas, ang supply sa yema ay dumami noong mula sa 3 pesos ay naging 4 pesos ito. Mula sa kantidad ng supply na 15 ay naging 20 ito. Pero dahil nagkaroon ng dagdag na kapital (halimbawa ay sa sangkap) ay dumami ang supply ng yema mula sa 20 hanggang 25 na piraso nang nananatili ito sa 4 pesos.
Tandaan, na ang paglipat sa kanan ng kurba ng supply ay nangangahulugang pagtaas nito. Samantala, anumang salik na nagpapababa ng supply ay magpapalipat ng kurba ng supply sa kaliwa.
Comparative Advantage - Econlib. (2021). Retrieved 22 January 2021, from https://www.econlib.org/library/Topics/Details/comparativeadvantage.html
Pagaduan, V. N. (2020). Araling Panlipunan Ikalawang Markahan – Modyul 2: Suplay [PDF]. San Fernando City: Department of Education Region III-Learning Resources Management Section (DepEd Region III-LRMS).
Payumo, C. S., Ronan, J. R., Maniego, N. L., &; Camba, A. L. (2014). Understanding Economics. Sampaloc, Manila: ALTEO Digital & Printers.
Rivera, A. O. (2020). Araling Panlipunan Ikalawang Markahan–Modyul 2: Konsepto at Salik ng Supply [PDF]. Bacoor City: Department of Education – Bureau of Learning Resources (DepEd-BLR).
Viloria, L. B. (2018). Paglinang sa Kasaysayan 9: Ekonomiks. Makati City, Philippines: Diwa Learning Systems.
Si Bb. Mara Danica Ramos ay ang AP Coordinator ng Pambansang Mataas na Paaralang Pang-agham ng Lungsod ng San Jose del Monte. Siya ay nagtapos ng B Secondary Education (Social Studies) sa UP Diliman at ngayo'y nag-aaral ng Diploma in Social Studies Education sa UP Open University. Siya ay kasalukuyang nagtuturo ng Araling Panlipunan 8 at 9.