Napanood niyo na ang Road to El Dorado? Ang The Emperor's New Groove? Ang Apocalypto? Ang Moana?
Sino naman ang pinakamayaman na tao sa buong kasaysayan? Ayon sa Bibliya, ito si Haring Solomon ng Israel. Ngunit may sumasapaw mula sa Aprika. Sino kaya siya?
Marami pang mga kabihasnan na sumibol noong sinaunang panahon. Ngunit, ating tignan ang mga sumibol sa lugar ng Mesoamerica, Aprika, at Pasipiko.
Ang Mesoamerica ay rehiyon mula sa gitnang Mexico hanggang Gitnang America. Halaw sa katagang meso ibig sabihin ay "gitna", ang hangganan sa hilaga nito ay ang ilog ng Panuco at Santiago samantalang sa timog ay ang baybayin ng Honduras sa Karagatang Atlantiko, gulod ng Nicaragua sa Karagatang Pasipiko, at Tangway ng Nicoya sa Costa Rica.
Ang mga taong unang nanirahan dito ay tumuwid sa mga tulay na lupa sa Bering Strait sa pagtatapos ng Ice Age. Dahil sa pagkatunaw ng mga yelo, nahiwalay ang Mesoamerica sa ibang parte ng daigdig. Ang lahat ng mga sibilisasyong ito ay nagsimula sa mga pamayanang nagsasaka.
Ang mga Olmec ang unang kabihasnang umusbong sa rehiyon ng Gulf Coast. Tinatawag silang taong goma dahil sila ang kauna-unahang gumamit ng dagta ng punong goma. Sila rin ang base culture ng Mesoamerica sapagkat ang mga sumusunod na mga kaugalian ay ginamit din ng mga sumunod na kabihasnan.
Pok-ta-pok: Ito ay larong ritwal kung saan gamit ang siko at baywang, ipapasok ng manlalaro ang bolang goma sa maliit na ring na gawa sa pader sa itaas ng pader.
Hieroglyphics: Ang kanilang pagsulat ay hindi pa rin lubusang maunawaan ngayon.
Templong hugis-piramide: Ito ang kanilang lugar-sambahan. Naglililok din sila ng mga ulo mula sa mga bato.
Kalendaryo at zero: Ito ay ginamit nila sa pagtutuos sa pang-araw o panrelihiyong gawain.
Isa sa mga pinakamalaking lungsod sa lambak ng Mehiko ang Teotihuacan o "Lupain ng mga Diyos". Mula 100 CE, naging sentro ito ng kalakalan na kinayaman ng pamayanang ito.
Maliban sa pagsasaka at kalakalan, nakasentro ito sa relihiyon. Ito ay ang pagsamba kay Quetzalcoatl o Feathered Serpent God na pinagmulan ng pagsasaka, pagsusulat, batas, sining at paggawa ng kalendaryo.
Ngunit noong sumalakay ang Chichimec noong 700 CE ay sinunog ang lungsod at lumikas ang mga tao na kinabagsak nito.
Samantala, sa Yucatan Peninsula naman sabay na umusbong ang kabihasnang Maya.
Sa pangunguna ng mga halach uinic o "tunay na lalaki", napalawig mga lungsod-estado tulad ng Tikal at Chichen Itza. Katuwang nila ang mga kaparian na nagdadaos ng kanilang mga seremonya para kay Kukulcan, ang kanilang bersyon ng Feathered Serpent God. Tulad ng mga Olmec at Teotihuacano, ang sentro ng kanilang mga lungsod ay mga piramide.
Ayon sa arkeologong si Dick Gill, isang tagtuyot ang sumira sa kaayusang politikal ng Maya. Dahil sa taggutom, marami ang namatay, kabilang ang mga pari na sinisi sa kalamidad na ito.
Ayon sa paniniwala, sila'y nagmula sa mitikong lugar na Aztlan sa hilagang Mehiko, kung kaya'y ang taguri sa tribong ito ay Aztec. Mula sa maliit na isla ng Texcoco, tinatag nila ang kanilang sentrong lungsod na na Tenochtitlan.
Maliban kay Quetzalcoatl, pinakamahalagang diyos din ng mga Aztec si Huitzilopochtli, ang diyos ng araw. Upang matiyak ang pamamayani ng mga mabubuti diyos laban sa mga masasama, nag-aalay ng tao ang mga Aztec.
Ngunit sa pagdating ni Hernando Cortez (na kanilang napagkamalang si Quetzalcoatl) noong 1519, nasakop ng mga Espanyol ang mga Aztec.
Noong ika-12 na siglo, nabuo ang mga lungsod-estado sa hilagang-kanlurang bahagi ng lawa ng Titicaca sa lambak ng Cuzco. Tunay sa ngalan nito, ang Inca ay gumawa ng imperyo sa ngayong Peru, Ecuador, Bolivia, at Argentina.
Ngunit noong 1532, sa pagdating ni Francisco Pizzaro, nasakop din ang mga Inca ng mga Espanyol.
Maliban sa sinaunang Ehipto at Carthage, may mga ibang kabihasnang sumibol din sa kontinente ng Aprika. Ang kalakalan ng mga ito ang susi sa pagyabong mga naturang kabihasnan.
Ang Imperyong Ghana na natatag sa kanluran ng Aprika. Ang kanilang pakikipagkalakalan ng ivory, ostrich, feather, ebony, kabayo, sandata, at ginto ang nagpayaman sa imperyong ito. Bumagsak ito ng sinalakay ng imperyong Mali noong 1240.
Mula sa Kangaba, umangat din ang imperyong Mali sa pakikipagkalakalan. Sa ilalim ni Mansa Musa noong 1312, napasakamay ang mga lungsod pangakalakalan ng Timbuktu at Gao. Bilang isa sa mga pinakamayaman na tao sa kasaysayan, kanyang ginamit ito upang mapalawig ang karunungan sa pagpapatayo ng mosque at madala ang imperyo sa rurok ng kadakilaan nito.
Isa sa mga nakinabang sa pakikipagkalakalan sa Mali ay ang Imperyong Songhai. Ang mga Berber ang siyang nagdala ng Islam sa mga ito. Saglitang sinakop ng Mali ang Songhai noong 1325 ngunit nabawi ito matapos ang 10 taon. Ang dinastiyang Sunni ang nagpalawak dito mula sa hangganan ng Nigeria hanggang Djenne.
Ang mga grupo ng pulo na ito ay makikita sa timog-kanluran ng Karagatang Pasipiko. Ang mga ito ay binigyan ng bansag ng mga Kanluranin noong unang mapadpad sa mga ito. Ang Polynesia ay nangangahulugang "malilit na isla", Micronesia ay "maraming isla", at Melanesia "maitim na isla".
Gumawa ang mga Polynesian ng mga pamayanan sa mga gilid ng bundok na tinatawag na tohua. Pagtatanim at pangingisda ang kabuhayan dito. Sa kanila galing ang paniniwala sa mana, nangangahulugang bisa o lakas. Upang hindi mawala ito, may mga batas sila na sinusunod; kung hindi ay papatawan sila ng kamatayan.
Hindi tulad ng mga Polynesian, gumawa naman ang mga Micronesian ng mga pamayanan sa mga lawa o tabing-dagat. Maliban sa pagtatanim, madalas din silang makipagkalakalan. Sa katunayan, gumagamit ng batong pera ang mga taga-Palau at Yap bilang paraan ng palitan.
Ang mga Melanesian naman ay mga mandirigma. Ang mga kultura at pamumuno ay nakabatay sa katapangan at karangalan. Maliban sa pakikidigma, nagsasaka at nakikipagkalakalan din sila sa mga karatig-pulo.
British Broadcasting Company. (2001). Ancient Apocalypse: The Maya Collapse [DVD].
Bright Side. (2017, October 29). Scientists Finally Discovered the Truth About Easter Island [Video]. YouTube. https://www.youtube.com/watch?v=c4U5Y7MSAJc
Castaneda, J. M. (2020). Araling Panlipunan 8 Ikalawang Markahan – Modyul 3: Ang Daigdig sa Klasiko at Transisyonal na Panahon [PDF]. City of San Fernando: Kagawaran ng Edukasyon – Rehiyon III.
De Viana, A.V., et. al. 2010. Pagtanaw at Pag-unawa sa Daigdig. Makati City: Diwa Learning Systems Inc. pp. 76-93.
Mateo, G.C., et. al. 2006. Kabihasnang Daigdig: Kasaysayan at Kultura. Quezon City: Vibal Publishing House, Inc. pp. 112-121.
TED-ED. (2015, May 18). Mansa Musa, one of the wealthiest people who ever lived - Jessica Smith [Video]. YouTube. https://www.youtube.com/watch?v=O3YJMaL55TM
Si Bb. Mara Danica Ramos ang tagapagpayo ng KKK. Siya ay nagtapos ng B Secondary Education (Social Studies) sa UP Diliman. Siya ay kasalukuyang nagtuturo ng Araling Panlipunan 8 at 9 sa Pambansang Mataas na Paaralang Pang-agham ng Lungsod ng San Jose del Monte.