Nagtaka na rin ba kayo bakit ipinagdiriwang natin ang Buwan ng Pagkakaisang Bansa?
Hindi kayo nag-iisa, maski si Azia rin. Pero magbalik-tanaw tayo, hindi ba itinatag ito pagkatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig? Marami man ang saklaw nito at iba-iba ang tema kada taon, iisa lamang ang layunin nito: upang magkaisa ang buong mundo para sa kabutihan ng lahat. Kahit iba-iba man tayo ng lahi, wika, o pangkat-etniko. Ika nga ni Edmund, mas marami tayong pagkakapareha kaysa pagkakaiba.
Kung isasaisip natin iyon, mas may pagpapahalaga at paggalang tayo sa ating kapwa tao. Kaya tara, ating pag-aralan ang mga iba't ibang lahi, wika, at pangkat-etniko sa mundo!
Ang heograpiyang pantao ay isang araling panlipunan na nakapokus sa tao at kanilang tirahan, pamumuhay, at pakikipagkapwa-tao.
Ang lahi ay pagpapangkat sa mga tao batay sa pagkakapareho sa panlabas na anyo na hinubog ng kanilang kapaligiran. Ito'y kalimitan sa pagkakaiba-iba ng taas, kulay ng balat, at hugis ng mukha upang pakibagayan ang klima ng kanilang lugar.
Ngunit inyong pagkatandaan, ang pagkakaiba ng itsura at katawan ay anyong panlabas lamang (phenotype) sa halip na malaking kaibahan sa ating genes (genotype). Kung tutuusin, sa biyolohiya, ang sangkatauhan ay nabibilang lamang sa isang lahi, Homo sapiens sapiens. At ang alinmang pagkakaiba-iba sa panlabas na anyo na inaangkla sa partikular na "lahi" ay hindi na kapansin-pansin dahil sa pag-aasawa at pandarayuhan ng mga tao ngayon.
Ang wika ay sistema ng komunikasyon sa anyong berbal (pasalita o pasulat) at di-berbal na pinagsang-ayunang gamitin ng isang pangkat. Ito ay arbitraryo, ang mga simbolo, tunog, at kilos ay binibigyang kahulugan batay sa karanasan at paggamit ng nasabing pangkat. Kaya tinatawag itong "kaluluwa ng isang kultura" dahil hindi lamang ito nagbibigay daan sa pakikipagtalastasan sa kapwa tao, kundi naipapaloob din nito ang kasaysayan at tradisyon ng nasabing pangkat upang pag-aralan ng susunod na henerasyon.
Ayon sa worldatlas.com (2019), may 7,099 buhay na wikang ginagamit sa mundo. Dahil ito'y pabago-bago, may mga umuusbong na panibagong mga wika habang ang iba'y nangangamatay na dahil sa paglimot ng paggamit nito. Kung tutuusin, matutunton natin ang pinagmulan ng mga ito sa pamamagitan ng pagsasaayos ng mga ito batay sa kanilang language family. Ang language family ay mga magkakaugnay na wika na may iisang pinagmulan.
Ang relihiyon ay kalipunan ng mga paniniwala at ritwal upang sumamba sa isa o higit pang makapangyarihang nilalang. Ang mga nilalang na ito ay pinagpapalagay na lumikha at nagpapanatili sa mundong ginagalawan ng tao. Sila rin ang nagiging batayan ng pamumuhay ng tao alang-alang sa kapayapaan at pagtawid sa kabilang-buhay.
Kapansin-pansin na may mga relihiyon na maraming mananampalataya kumpara sa iba. Ito ay mapapaliwanag sa paghahati sa relihiyon sa dalawang pangunahing uri nito: ethnic at universalizing.
Ang universalizing na relihiyon ay naglalayon na palaganapin ang kanilang paniniwala at magkaroon ng bagong mga kasapi. Ang ilan dito ay nag-aatas sa mga miyembro nito na magbagi ng kanilang paniniwala sa ibang tao.
Ang ethnic na relihiyon ay makikita lamang sa pangkat na pinagmulan nito. Hindi nila layunin na palaganapin ang kanilang pananampalataya, datapwat may ilan na dulot ng kuryosidad ay sumasampalataya sa mga ito.
Ang etniko ay pagkakakilanlan ng tao batay sa kanyang lahi, wika, relihiyon, pinagmulan, at kasaysayan. Ito rin ang basehan ng pagiging nasyon na nagiging ugat ng tunggalian sa mayorya at minoryang pangkat-etniko sa isang bansa.
Ang mayorya ay binubuo ng isa o higit pang dominanteng pangkat-etniko sa bansa dahil sa dami ng taong kabilang dito. Ang kanilang impluwensya ay bunga ng naging papel nila sa kasaysayan. Kalimitan, ang kanilang kultura ang batayan ng pambansang wika at relihiyon ng estado. Gayundin, maraming kinatawan sa pamahalaan ang nagmumula sa pangkat na ito.
Samantala, ang minorya ay ang mga maliliit na pangkat-etniko. Sa mga liblib na lugar sila matatagpuan kaya nagkaroon sila ang sariling kultura. Madalas sila ang napapabayaan, hindi lamang dahil sa mahirap abutin ang kanilang lugar, kundi minamaliit sila at ang kanilang kultura. At dahil namamayagpag ang kultura ng mayorya ay nasa bingit na mabura ang kanilang identidad.
Blando, Rosemarie C., et. al. Kasaysayan ng Daigdig: Aralin Panlipunan - Modyul para sa Mag-aral. Pasig City: Vibal Group, Inc., 2014.
C.L., Illsley. "Largest Religions In The World." WorldAtlas, Sept. 10, 2018, worldatlas.com/articles/largest-religions-in-the-world.html.
"Human Races." Macmillan Encyclopedia of Science 4 - Life on Earth, 2nd ed., New York, 1997, p. p.32-33.
University System of Georgia. Introduction to Human Geography. North Georgia: University of North Georgia Press, 2018.
"Confusion: The Great Dispersion." Bible.org., https://bible.org/book/export/html/20427
Michaels, Sarah. "How Many Languages Are There in the World?" WorldAtlas, Jun. 3, 2019, worldatlas.com/articles/how-many-languages-are-there-in-the-world.html.
Si Bb. Mara Danica Ramos ang tagapagpayo ng KKK. Siya ay nagtapos ng B Secondary Education (Social Studies) sa UP Diliman. Siya ay kasalukuyang nagtuturo ng Araling Panlipunan 8 at 9 sa Pambansang Mataas na Paaralang Pang-agham ng Lungsod ng San Jose del Monte.