PAGKUWENTUHAN
[Ang kuwentong ito ay mula sa Exodus chapters 1-2,7-15]. Ang lahi ni Abraham ay tinawag na Isarael. Ito ang pangalang ibinigay ng Diyos kay Jacob na anak ni Isaac. Si Jose, isa sa 12 anak na lalaki ni Jacob, ay dinala ng Diyos sa Egipto. Inaanyayahan niya ang kanyang pamilyang doon na tumira para makaligtas sa matinding taggutom.
Habang nasa Egipto sila, dumami nang dumami ang mga Israelita. Nang namatay si Jose, nabahala ang hari ng Egipto sa dami ng mga Israelita.
Pinagmalupitan niya sila at ginawang mga alipin. Naging alipin sila nang halos 400 taon. Dahil dito, dumaing sila at humingi ng tulong sa Diyos. Inaalala ng Diyos ang kanyang pangako na pagpapalain niya ang lahi ni Abraham.
Ipinadala ng Diyos si Moises para iligtas ang mga Israelita mula sa pagkakaalipin sa Egipto. Pinuntahan niya ang hari para balaan na masasama ang mangyayari kung hindi niya sila papayagang umalis.
Pero nagmatigas ang hari at hindi nakinig. Kaya nagpadala ang Diyos ng sunod-sunod na mga nakapangingilabot na mga salot para parusahan ang Egipto. Hindi naapektuhan ang mga Israelita ng mga salot na ito.
Pero nagmatigas pa rin ang hari. Kaya binalaan siya ng Diyos na ang huling salot ay papatay sa lahat ng mga panganay - tao at hayop - sa Egipto. Pero nagbigay ang Diyos ng paraan para maligtas ang mga panganay ng Israel.
Inutusan sila ng Diyos na kumuha ng isang panganay na lalaking tupa na walang kapintasan, at ihandog ito sa kanya na hindi binabali ang anumang buto nito.
Pagkatapos, kukunin nila ang dugo ng tupa at ipapahid sa hamba ng pinto ng kanilang bahay. Dapat silang manatili sa loob ng bahay habang pinaparusahan ng Diyos ang buong Egipto. Kaya ginawa ng mga Israelita ang mga sinabi ng Diyos.
Pagdating ng hatinggabi, ipinadala ng Diyos ang kanyang anghel. Dumaan ito sa buong Egipto at pinatay ang lahat ng mga panganay - tao at hayop. Pero nilagpasan nito ang lahat ng bahay na may nakapahid na dugo sa hamba ng kanilang pinto.
Dahil dito, ang mga taga-Egipto na ang nagmakaawang paalisin na ang mga Israelita. Pagkatapos ng 400 taon ng pagkakaalipin sa Egipto, malaya na sila. Halos dalawang milyong Israelita ang nagsimulang bumalik sa lupang ipinangako ng Diyos kay Abraham.
Tumigas na naman ang puso ng hari. Nagbago ang isip niya. Isinama niya ang mga sundalo niya para habulin ang mga Israelita at patayin. Nang malapit na ang mga Israelita sa dagat, natakot sila dahil akala nila'y aabutan sila ng mga kalaban.
Sa utos ng Diyos , itinaas ni Moises ang kanyang kamay paharap sa dagat. Ginamit ng Diyos ang malakas na hangin para mahati ang dagat. Kaya nakatawid sa tuyong lupa ang mga Israelita. Naging parang pader ang tubig sa magkabilang gilid nila.
Hinabol sila ng mga sundalo ng Egipto. Nang makatawid na nang ligtas ang mga Israelita sa kabila, itinaas ulit ni Moises ang kanyang kamay at ibinalik ng Diyos sa dati ang tubig sa dagat. Nalunod ang mga kaaway nila at namatay.
Nang maita ng mga Israelita ang pagliligtas ng Diyos, nagtiwala sila sa kanya at kay Moises na kanyang isinugo. Nagdiriwang sila at umawit dahil sa labis na kasiyahan at para papurihan ang Diyos na nagligtas sa kanila.
PAG-USAPAN
Ano ang itinuturo ng kuwentong itong tungkol sa problema ng tao?
Ano ang itinuturo nito tungkol sa Diyos?
Ano ang kinalaman ng kuwentong ito sa pangako ng Diyos kay Abraham?
Paano naligtas ang Israel? Para saan ang kaligtasan nila?
Ano ang ginagampanang tungkulin ni Moises sa kuwento?
Paanong inihahanda tayo ng kuwentong ito sa pagdating ng Panginoong Jesus?
NATUTUNAN NATING.....
Makapangyarihan ang Diyos at walang sinumang makahahadlang sa plano niya para sa kanyang bayang pinili. Makapangyarihan ang Diyos kung magparusa; makapangyarihan din siyang magligtas.
Tayo rin ay alipin ng kasalanan at maliligtas lamang sa kapangyarihan ng Diyos. Si Jesus - ang panganay na Anak, ang tupang walang kapintasan - ang inihandog para sa atin. Sa pamamagitan ng kanyang kamatayan, makakamit natin ang kalayaan mula sa pagkaalipin sa kasalanan.
Kung paanong si Moises ang ginamit ng Diyos para pangunahan ang kanyang bayan, si Jesus naman din ang tagapanguna nating dapat pagtiwalaan at siyang Panginoong dapat sundin.
Iniligtas tayo ng Diyos para malaya na tayong siya lamang ang sambahin natin at hindi na muling maalipin ng pagsamba sa mga diyus-diyosan.
EXODO 14:30-31 ASD
Sa araw na iyon, iniligtas ng Panginoon ang mga Israelita sa kamay ng mga Egipcio... Nakita ng mga Israelita ang dakilang kapangyarihan ng Panginoon na ginamit niya laban sa mga Egipcio. At dahil dito, iginalang nila ang Panginoon at siya'y pinagtiwalaan nila at ang lingkod niyang si Moises.
JUAN 3:16-17
Sapagkat gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sangkatauhan, kaya't ibinigay niya ang kanyang kaisa-isang Anak, upang ang sinumang sumampalataya sa kanya ay hindi mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan. Isinugo ng Diyos ang kanyang Anak, hindi upang hatulang maparusahan ang mga tao, kundi upang iligtas ang mga ito sa pamamagitan niya.