PAGKUWENTUHAN
[Ang kuwentong ito ay mula sa Genesis 4]. Pagkatapos palayasin ng Diyos sina Adan at Eba, nagkaroon sila ng dalawang anak na lalaki. Ang pangalan ng mga anak nila ay Cain at Abel. Paglaki nila, si Cain ay naging magsasaka at si Abel naman ay naging tagapag-alaga ng hayop.
Nang umani na si Cain, naghandog siya sa Diyos ng galing sa kanyang ani. Si Abel naman ay nagdala ng panganay na hayop at inialay ang pinakamagandang bahagi nito. Natuwa ang Diyos kay Abel at sa handog nito, pero hindi siya natuwa kay Cain at sa handog nito.
Dahil dito, sumimangaot si Cain at galit na galit. Kaya tinanong siya ng Diyos, "Ano ba ang ikinagagalit mo? Bakit ka nakasimangot? Tatanggapin ko ang handog mo kung mabuti ang ginawa mo. Pero mag-ingat ka! Ang kasalanan ay maghahari sa iyo. Sapagkat ang kasalanan ay katulad ng mabangis na hayop na ag-aabang para lapain ka. Kaya kailangan talunin mo ito."
Isang araw, sinabi ni Cain kay Abel, "Halika, pumunta tayo sa bukid." Pagdating nila sa bukid, pinatay ni Cain ang kapatid niya.
Tinanong ng Diyos si Cain, "Nasaan ang kapatid mo?"
Sumagot si Cain, "Ewan ko. Bakit, ako ba ang tagapagbantay niya?"
Sinasabi ng Diyos sa kanya, "Dahil sa ginawa mo, isusumpa ka. Kahit magtanim ka pa, ang lupa ay hindi na magbibigay sa iyo ng ani. At wala kang pirmihang matitirhan, kaya magpapagala-gala ka."
Sabi ni Cain, "Napakabigat ng parusang ito. Itinaboy n'yo ako ngayon sa lupaing ito at sa harapan n'yo. Kahit saan na lang ako pupunta. Kung may makakakita sa akin, tiyak na papatayin ako."
Sumagot ang Diyos, "Hindi! Ang sinumang papatay sa iyo ay tiyak na gagantihan ko." Kaya nilgyan niya ng marka si Cain para hindi siya mapatay. Pagkatapos, lumayo na si Cain sa presensiya ng Diyos.
PAG-USAPAN
Ano ang nais ng Diyos sa paraan ng paglapit at pagsamba natin sa kanya?
Ano ang ipinapakita dito na kalagayan ng puso ni Cain? Ano ang pagkakatulad mo sa kanya?
Ano ang natutunan mo tungkol sa kasalanan at sa masasamang epekto nito sa relasyon ng mga tao?
Ano ang natutunan mo tungkol sa Diyos at sa kanyang tugon sa kasalanan ng tao?
Ano ang ipinagkaiba ni Abel sa kanyang kapatid? Ano ang pagkakatulad niya kay Jesus at sa ginawa niya para sa atin?
NATUTUNAN NATING...
Tumitingin ang Diyos sa puso ng tao. Makalapit lang tayo sa Diyos sa pagsamba kung ang puso natin ay katanggap-tanggap sa Diyos.
Ang kasalanan - tulad ng pagkainggit at galit - ay nagbubunga ng kapahamakan at pagkahiwalay sa Diyos.
Mayaman din ang habag at biyaya niya na nagbigay ng babala at nag-iingat sa mga makasalanan.
Si Jesus ang nag-alay ng handog na katanggap-tanggap sa Diyos nang ialay niya ang kanyang sarili nang siya ay patayin sa krus ng kanyang mga kababayan.
GENESIS 4:7 MBB
...ang kasalana'y tulad ng mabangis na hayop na laging nag-aabang upang lapain ka. Nais nitong pagharian ka. Kaya't kailangang mapaglabanan mo ito.
HEBREO 11:4 MBB
Dahil sa pananampalataya sa Diyos, si Abel ay nag-alay ng mas mabuting handog kaysa sa inihandog ni Cain. Kaya naman, si Abel ay kinilalang matuwid nang tanggapin ng Diyos ang kanyang handog. Kahit patay na siya, nagsasalita pa siya sa pamamagitan ng kanyang pananampalataya sa Diyos.