PAGKUWENTUHAN
[Ang kuwentong ito ay mula sa Genesis 22]. Di nagtagal, sinubukan ng Diyos ang pananampalataya ni Abraham. Sinabi ng Diyos sa kanya, "Dalhin mo ang kaisa -isa at pinakamamahal mong anak na si Isaac. Ialay mo siya sa akin bilang handog na sinusunog sa bundok na ituturo ko."
Kinabukasan, maaga pa'y bumangon na si Abraham. Iginayak niya ang mga kailangan sa paghahandog. At nagsimula na siyang maglakbay papunta sa bundok na sinabi ng Diyos, kasama si Isaac at ang kanyang dalawang tauhan.
Pagkaraan ng tatlong araw ng paglalakbay, nakita na nila ang bundok na sinabi ng Diyos. At sinabi ni Abraham sa kanyang mga tauhan, "Dito muna kayo, dahil aakyat kamo roon ni Isaac para sumamba sa Diyos. Babalik din kami agad."
Ipinapasan ni Abraham kay Isaac ang mga kahoy na gagamitin sa paghahandog, at siya naman ang nagdala ng itak at sulo.
Habang naglalakad sila papunta sa bundok, nagtaka si Isaac at nagtanong, "Tatay, may dala po tayong sulo at panggatong, pero nasaan po ang tupa na ihahandog natin?"
Sumasagot si Abraham, "Anak, ang Diyos ang magbibigay sa atin ng tupang ihahandog."
Pagdating nila sa taas ng bundok, gumawa sila ng altar at inilagay ang mga kahoy sa ibabaw. Tinalian ni Abraham ang kanyang anak at inihiga sa altar. Kinuha niya ang itak.
Sasaksakin na niya ang anak niya nang magsalita ang Diyos, "Abraham! Abraham! Ibaba mo na ang itak. 'Wag mo nang saktan ang anak mo. Ngayon, napatunayan ko nang may takot ka at tiwala ka sa akin dahil hindi mo ipinagkait ang kaisa-isa mong anak."
Paglingon ni Abraham, may nakita siyang isang lalaki tupa na nasabit ang sungay sa mga sanga ng kahoy. Kinuha ito ni Abraham at sinunog bilang handog sa Diyos kapalit ng kanyang anak. Tinawag ni Abraham ang lugar na iyon na "Ang Diyos ang Naglaan."
Sinabi ng Diyos kay Abraham, "Dahil sumunod ka sa akin, isinusumpa ko sa pangalan ko na lubos kitang pagpapalain. Ang lahi mo'y magiging sindami ng mga bituin at ng mga buhangin. Sa pamamagitan ninyo'y pagpapalain ko ang lahat ng lahi sa mundo."
PAG-USAPAN
Bakit inutusan ng Diyos si Abraham na ihandog si Isaac?
Kung ikaw si Abraham, ano ang magiging reaksyon mo?
Paano mo isasalarawan ang relasyon ni Abraham sa Diyos?
Ano ang itinuturo ng kuwentong ito tungkol sa Diyos?
Ano ang naging resulta o epekto ng pananampalataya at pagsunod ni Abraham sa Diyos?
Paano inilalarawan ng kuwentong ito ang ginawa ng Diyos Ama sa kanyang Anak na si Jesus para sa atin?
NATUTUNAN NATING.....
Ang tunay na pananampalataya ay buong pagtitiwala sa mga pangako ng Diyos na nagbubunga ng pagsunod sa kanyang mga utos.
Ang Diyos ang nagpapatunay at nagpapatibay ng kanyang sinumpaang pangako. Walang sinumang makahahadlang sa kanyang ipinangakong pagpapala sa buong mundo sa pamamagitan ni Abraham.
Ipinadala niya ang kanyang pinakamamahal na Anak na si Jesus at sa krus ay di niya pinigilang patayin, bilang handog na kaloob niya at kapalit natin (substitute).
ROMA 4:17 ASD
Gaya nga ng sinasabi sa Kasulatan, "Ginawa kitang ama ng maraming bansa." Kaya sa paningin ng Dios, si Abraham ang ating ama. At ang Dios na pinaniniwalaan ni Abraham, ang siya ring Dios na bumubuhay sa mga patay na likha ng mga bagay na wala pa.
ROMA 4:23-24 ASD
Pero ang katagang, "itinuring na matuwid," ay hindi lamang para kay Abraham, kundi para rin sa atin. Tayo rin ay itinuturing ng Dios na matuwid kung sumasampalataya tayo sa kanya na muling bumuhay sa ating Panginoong Jesus. Pinatay si Jesus dahil sa ating mga kasalanan, at muling binuhay para tayo'y maituring na matuwid.