PAGKUWENTUHAN
[Ang kuwentong ito ay mula sa Genesis chapters 6-9]. Dumami nang dumami ang mga tao sa mundo. Kasabay din nito ang paglaganap ng kasalanan. Kumalat ito hanggang sa mga anak nina Adan at Eba, hanggang sa mga sumunod na henerasyon.
Kahit na ang tao'y nilkha ng Diyos ayon sa kanilang larawan,, pinili nilang magrebelde sa kanya. Dahil dito, sira ang relasyon nila sa Diyos at sa isa't isa.
Nakita ng Diyos na puno ng kasamaan ang mga iniisip at ginagawa ng mga tao. Nanghihinayang siya at nalungkot sa paglikha niya sa tao. Sinabi niya, "Lilipulin ko ang lahat ng mga tao, pati mga hayop."
Pero may isang taong kinalulugdan ng Diyos. Ang pangalan niya ay Noe. Malapit ang relasyon niya sa Diyos at siya lang ang namumuhay nang matuwid noon.
Sinabi ng Diyos kay Noe, "Lilipilin ko ang lahat ng mga tao. Pababahain ko sa mundo. Mamamatay ang lahat ng may buhay. Pero ililigtas kita, pati ang pamilya mo. Pangako ko ito sa iyo."
Pinagawa siya ng Diyos ng isang barko, ayon sa hugis at sukat na sinabi ng Diyos. "Ito ay para sa pamilya mo at sa mga hayop na ililigtas ko. Magdala ka ng pitong pares ng mga hayop na ihahandog n'yo sa akin at tig-isang pares ng iba pang hayop."
Sinunod ni Noe ang lahat ng iniutos ng Diyos sa kanya. Nang mayari na ang barko, pumasok na si Noe at ang kanyang pamilya sa loob, kasama ang mga hayop ayon sa sinabi ng Diyos.
Tulad ng sinabi ng Diyos, dumating nga ang malaking baha. Apatnapung araw na bumuhos ang malakas na ulan. Naglabasan rin ang mga tubig mula sa lupa.
Tumaas nang tumaas ang baha hanggang malubog ang pinakamataas na bundok. Lahat ng mga tao at lahat ng mga may buhay ay nalunod at namatay. Pero nakaligtas si Noe at lahat ng mga kasama niya.
Pagkatapos ng apatnapung araw, tumigil na ang ulan. Isang taon pa ang lumipas bago tuluyang humupa ang baha. Pagkatapos, lumabas na sa barko si Noe at ang kanyang pamilya, pati ang mga hayop.
Paglabas sa barko, gumawa si Noe ng altar para sa Diyos. Iginayak niya ang mga hayop para sa paghahandog at sinunog sa altar, bilang pasasalamat at pagsamba sa Diyos.
Natuwa ang Diyos sa handog ni Noe at nangako siya, "Hindi ko na muling susumpain ang lupa, kahit alam kong mula pagkabata'y makasalanan na ang tao." Pinagpala ng Diyos si Noe at sinabi, "Magpakarami kayo at muling punuin ang mundo ng mga tao."
Sinabi pa ng Diyos kay Noe, "Huwag n'yong kainin ang mga hayop na meron pang dugo, dahil nasa dugo ang buhay. Paparusahan ko ang sinumang papatay sa kanyang kapawa, dahil ang tao ay ginawa ng Diyos ayon sa kanyang larawan."
Sinabi pa ng Diyos, "Bilang palatandaan na pangako ko sa inyo at sa mga hayop, maglalagay ako ng bahaghari sa mga ulap. Tuwing lilitaw ang bahaghari, aalahanin ko agad ang walang hanggang pangako ko sa lahat ng nabubuhay sa mundo."
PAG-USAPAN
Ano ang natutunan mo tungkol sa kasalanan at sa laki ng problema ng tao sa kasalanan?
Paano mo ito ihahalintulad sa mga nangyayari ngayon?
Ano ang natutunan mo tungkol sa Diyos at sa kanyang tugon sa kasalanan ng tao?
Paano naligtas si Noe at ang kanyang pamilya?
Ano ang halaga ng pagbabawal ng Diyos sa pagkain ng hayop na may dugo at pagpatay sa kapwa?
Ano ang koneksyon ng pagliligtas at pangako ng Diyos kay Noe at ng pagdating ni Jesus na Tagapagligtas?
NATUTUNAN NATING....
Lahat ng tao ay makasalanan at piniling magkasala't magrebelde sa Diyos. Ang kabayaran ng kasalana ay kamatayan o pagkakahiwalay sa Diyos.
Mahalaga sa Diyos ang buhay ng tao at ayaw niyang tayo'y mamatay at mapahamak.
Ang Diyos ang nagplaplano kung paano maliligtas ang mga tao. Ang Diyos ang Tagapagligtas.
Ayon sa kanyang plano, ipinadala niya si Jesu para iligtas tayo sa matinding parusa ng Diyos. Maliligtas lamang tayo at maituturing na matuwid sa harapan ng Diyos sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesus.
GENESIS 6:5-6 ASD
Nang makita ng PANGINOON na ang ginagawa ng mga tao sa mundo ay puro kasamaan lang, at ang palagi nilang iniisip ay masamama, nanghihinayang siya kung bakit ginawa pa niya ang tao sa mundo. Labis ang kalungkutan niya.
HEBREO 11:7 ASD
Dahil sa pananampalataya, pinakinggan ni Noe ang babala ng Dios tungkol sa mga bagay na mangyayari kahit hindi pa niya nakikita. Kaya gumawa siya ng isang barko para mailigtas niya ang kanyang sarili at ang pamilya niya. At sa pananampalataya niya, hinatulan ang mga tao sa mundo, pero itinuring siyang matuwid ng Dios.