PAGKUWENTUHAN
[Ang kuwentong ito ay mula sa Genesis chapters 11-18, 21]. Di nagtagal, nakalimutan ng mga sumunod na lahi ni Noe ang Diyos na nagligtas sa kanila. Sa halip na kumalat sila sa mundo, sinabi nila, "Magtayo tayo ng isang lungsod na may toreng aabot sa langit, para maging tanyag tayo."
Sa panahong iyon, ang mga tao ay may iisang wika lang. Dahil sa pamamataas nila, pinag iba-iba ng Diyos ang wika nila para di sila magkaisa laban sa kanya. Ikinalat sila ng Diyos sa iba't ibang dako ng mundo. Nagsimulang magkaroon ng iba't ibang lahi.
Pagkatapos ng ilang panahon, mula sa mga lahing ito ay pinili niya at tinawag si Abraham. Nakipagtipan ang Diyos sa kanya. Ang isang tipan ang siyang pinakamatibay sa lahat ng kasunduan.
Sinabi niya, "Gagawin kong malaki at tanyag ang lahi mo. Pagpapalain kita. Pagpapalain ko rin ang mga gagawa ng mabuti sa iyo. Isusumpa ko ang mga gagawa ng masama laban sa iyo. Sa pamamagitan mo, pagpapalain ko ang lahat ng lahi sa mundo."
Kaya lang, si Sarah na asawa ni Abraham ay hindi magkaanak. Matanda na silang pareho. Si Abraham ay 75 taon na. Si Sarah naman ay 65.
Iniutos ng Diyos kay Abraham, "Iwanan mo ang bayan mo at pumunta ka sa lugar na ipapakita ko sa iyo." Dinala ng Diyos sina Abraham at ang kanyang pamilya sa lupain ng Canaan.
Pagdating doon, sinabi ng Diyos sa kanya, "Ang lahat ng lupain na maaabot ng paningin mo ay ibibigay ko sa iyo at sa mga lahi mo, at magiging inyo ito magpakailanman." Kaya ang Canaan ay tinawag na Lupang Pangako.
Lumipas ang ilang taon, hindi pa rin nagkakaanak si Sarah. Nagtanong si Abraham sa Diyos, "Ano ang halaga ng gantimpala n'yo sa akin kung hanggang ngayon ay wala pa rin akong anak? Tumatanda na ako at magiging tagapagmana ko ay isa sa mga tauhan ko."
Sinabi ng Diyos sa kanya, "Sarili mong anak ang magiging tagapagmana mo. Magiging sindami ng mga bituin ang lahi mo." Nagtiwala siya sa pangako ng Diyos. Dahil dito, itinuring siyang matuwid sa paningin ng Diyos.
Sa paglipas pa ng ilang taon, nainip na si Sarah at ibinigay na niya kay Abraham ang alipin nilang si Hagar para magkaanak para sa kanya. Nabuntis si Hagar at ipinanganak niya si Ismael. Pero di nagtagal ay pinalayas din ni Sarah si Hagar at ang anak nito.
Nang 99 na taon na si Abraham, sinabi ng Diyos sa kanya, "Ako ang Diyos na Makapangyarihan. Tutuparin ko ang pangako ko sa iyo. Pararamihin ko ang lahi mo. Ikaw ang magiging ama ng maraming bansa at si Sarah naman ang magiging ina ng maraming bansa."
Pareho silang natawa sa sinabi ng Diyos. Sinabi nila, "Sa katandaan naming ito, paano naman kami magkakakaanak pa?" Nagtanong si Abraham sa Diyos, "Puwede po bang kay Ismael n;yo na lang ipasa ang pagpapalang ipinangako n'yo?"
Pero sinabi ng Diyos, "Bakit kayo natawa? May bagay na ba na mahirap para sa'kin? Isang taon mula ngayon, tandaan mo, magkakaroon kayo ng isang anak na lalaki. At sa kanya ko ipapasa ang pagpapalang ipinangako ko - hindi kay Ismael."
Nabuntis si Sarah at nanganak ng isang lalaki. Pinangalan siyang Isaac, ibig sabihi'y "tawa". Sa kanya nagsimula ang katuparan ng pangako ng Diyoos kay Abraham. Sa kanya magmumula ang isang lahi na magiging pagpapala sa lahat ng mga lahi sa buong mundo.
PAG-USAPAN
Bakit nagalit ang Diyos sa pagtatayo ng tore? Ano ang ipinakita nitong kalagayan ng puso natin?
Anu-anoo ang pangako ng Diyos kay Abraham? Ano ang mararamdaman mo kung ikaw si Abraham?
Paano mo nakita sa kuwentong ito ang pagtitiwala niya sa Diyos? Ang kakulangan ng pagtitiwala niya sa Diyos?
Ano ang itinuturo ng kuwentong ito tungkol sa Diyos?
Paanong si Jesus ang naging katuparan ng pangako ng Diyos kay Abraham (Matt. 1:1)?
NATUTUNAN NATING....
Kasalanang pagdudahan ang pangako ng Diyos, itanyag ang sarili natin at gumawa ng ayos sa sariling pamamaraan.
Tapat ang Diyos sa pangako niyang pagpapalain niya si Abraham at ang lahat ng nakaugnay sa kanya - mula sa lahi niya at maging sa lahat ng mga lahi sa buong mundo.
Itinuturing si Abraham na matuwid sa harapan ng Diyos sa pamamagitan ng pananampalataya niya sa pangako ng Diyos. Tayo rin naman ay sa pamamagitan ni Jesus.
Si Jesus - hindi si Isaac - ang sukdulang katuparan (ultimate fulfillment) ng pangako ng Diyos na pagpalain tayo.
GENESIS 12:2-3 ASD
Gagawin kong isang tanyag na bansa ang lahi mo. Pagpapalain kita at magiging tanyag ang iyong pangalan. Sa pamamagitan mo, marami ang pagpapalain. Pagpapalain ko ang magmamagandang loob sa iyo. Pero isusumpa ko naman ang susumpa sa iyo. Sa pamamagitan mo, pagpapalain ko ang lahat ng tao sa mundo.
GALACIA 3:8-9 ASD
Ang Magandang Balitang ito'y ipinahayag ng Dios kay Abraham nang sabihin niya, "Pagpapalain ko ang lahat ng bansa sa pamamagitan mo." Sumampalataya si Abraham s Dios at pinagpala siya. Kaya lahat ng sumasamapalataya sa Dios ay pinagpala rin tulad ni Abraham.