Ang isyu sa titik NG: Ang orihinal na Alpabetong Filipino
Romeo Poliquit Gonzalvo Jr.
School of Arts, Sciences, and Education, St. Dominic College of Asia
Abstract
Pangunahing layunin ng papel na ito na mailahad ang isyung kinakaharap ng orihinal na Alpabetong Filipino na tila hindi binibigyan ng pansin ng mga dalubhasa sa wikang Pambansa. Ang mga impluwensiya, suwestyon at pagbabagong bihis ng mga letrang bumubuo sa alfabeto’y pagtutuunan ng masusi at mapanuring pansin, lalung-lalo na ang paraan ng paggamit at pagbigkas sa mga ito. Nakapaloob dito ang pagpapakita ng mga sinaunang puwersa at paktor na may kinalaman sa pagbabagong anyo ng alpabetong Filipino mula sa baybayin tungo sa makabagong alpabetong Filipino. Kasama rin dito ang paglalahad sa mga prinsipyo at paniniwala ng mga taong nagpasimula sa pagdedebelop sa alpabetikong Filipino. Mula sa mga historikal na mga pagpapatunay, at ilang mga naisabatas ng ortograpiya, ninais ng mananaliksik na makabuo o makapagbigay ng mungkahi sa nararapat na pagbibigay-parangal sa orihinal nating alfabeto. Ito ay walang iba kundi ang titik NG.
Keywords: Hulagway, kapangyarihang taglay ng wikang pambansa, ortograpiya.