Modyul 8: Pagsasabi ng Paksa o Mahalagang Pangyayari sa Binasang o Napakinggang Sanaysay at Teksto
Ang paksa ay ang pangunahing pinag-uusapan sa isang akda gaya ng kuwento, sanaysay, balita, talumpati at iba pang kaugnay na tekstong maaaring nabasa, napakinggan o napanood. Ito ang pinakatuon o sentro sa akda. Isang mahalagang kasanayang dapat matutuhan ang pagtukoy at pagsabi ng paksa sa binasa, pinakinggan, o pinanood dahil nililinang nito ang ating mapanuring pag-iisip.
Paano matutukoy ang paksa sa binasang sanaysay?
Binasa muna ang kabuoan ng sanaysay at sinuri kung ano ang pinakapinag-uusapan sa teksto.
Halimbawa: Ang paghahalaman bilang isang sining ng pag-aayos at pagtatanim ng halaman.
Ang mahahalagang impormasyon, o pangyayari ay nagsisilbing sumusuportang detalye sa paksa o sentrong pinag-uusapan sa isang akda na maaaring nabasa, napakinggan o napanood.
Gaya ng paksa, mahalagang matutuhan ang pagtukoy sa mahahalagang detalye, impormasyon, o pangyayari dahil ito ang mga patunay, paliwanag, paglalarawan, at iba pang kaugnay na kailangan upang maunawaan ang isang akdang binasa, pinakinggan, o pinanood.
Halimbawa:
Ang paghahalaman ay ang mga sumusunod:
1. nagbibigay din ito ng bitamina at mineral sa katawan
2. maaaring mapagkakitaan o maging kabuhayan;
3. nagpapaganda sa kapaligiran;
4. nakatutulong sa pagsugpo sa polusyon;
5. nagbibigay aliw at nagsisilbing pantanggal ng stress at suliranin; at
6. maaaring maging programa ng pamahalaan para sa ekonomiya.
Mga Pagsasanay
Layunin:
Pagkatapos ng aralin ikaw ay inaasahang taglay ang kasanayang:
• nasasabi ang paksa/mahalagang pangyayari sa binasang/napakinggang sanaysay at teksto. (F6RC-IIb-10)
Gawain A.
Panuto: Sabihin ang paksa at mahahalagang pangyayari sa pamamgitan ng pagsagot sa mga tanong mula sa teksto.
Banta ng COVID-19
Sariling katha ni Catherine D. Diaz
Buwan ng Marso, 2020 nang magkaroon ng Enhanced Community Quarantine dahil sa paglaganap ng Coronavirus o COVID-19. Malaking banta ang sakit na ito sa kalusugan ng lahat dahil ito ay nakamamatay. Nakahahawa o naipapasa ang sakit na ito kaya kailangang proteksiyunan, ingatan at alagaan ang sarili. Ang mga taong positibo sa COVID -19 ay nahihirapan sa paghinga, may sintomas na lagnat, pamamaga ng lalamunan, ubo at pananakit ng katawan. May mga positibo rin sa sakit na ito na hindi kinikitaan ng sintomas o ang tinatawag na asymptomatic. Proteksiyunan natin ang sarili at komunidad sa COVID-19. Para maiwasan ang sakit na ito, ugaliing maghugas ng kamay nang madalas gamit ang sabon at tubig, magsuot ng facemask pag nasa labas ng bahay, takpan ang bibig kapag umuubo o bumabahing. Panatilihin din ang social distancing at kalinisan. Sundin natin ang mga tagubiling ito para maging ligtas tayo sa banta ng COVID19.
1. Ano ang paksa ng binasang teksto?
A. Paggawa ng face mask
B. Pagpapalakas ng katawan sa panahon ng tag-init
C. Banta, pag-iwas at pag-iingat laban sa COVID-19
D. Pagsasagawa ng enhanced community quarantine sa buong taon
2. Alin sa mga sumusunod ang sintomas ng COVID-19?
A. Sakit ng ngipin at pamumulikat ng binti
B. Lagnat, ubo, pananakit ng katawan, at hirap sa paghinga
C. Pananakit ng ulo at pagsusuka
D. Pamumula ng balat at pagkahilo
3. Paano mapangangalagaan ang sarili at komunidad laban sa COVID-19?
A. Paglalakad sa gabi
B. Palaging pag-inom ng softdrinks
C. Paghuhugas ng kamay, pagsusuot ng facemask, at social distancing
D. Paggamit ng pabango at lotion araw-araw
4. Bakit mahalaga ang pagsunod sa mga tagubilin o patakaran tungkol sa COVID-19?
A. Upang makaiwas sa curfew
B. Upang maging masunurin sa guro
C. Upang mapanatili ang kaligtasan at maiwasan ang sakit
D. Upang makaiwas sa trapiko
5. Alin sa mga sumusunod ang isa pang mabisang paraan upang makaiwas sa COVID-19?
A. Paglalakbay sa ibang lugar
B. Palagiang pagdalo sa mga pagtitipon
C. Pagpapabakuna laban sa COVID-19
D. Pagkain ng fast food araw-araw
Gawain B.
Panuto: Sabihin ang paksa o mahalagang pangyayari sa pinasang o napakinggang sanaysay at teksto sa pamamamgitan ng pagsagot sa mga tanong.
Ang Mag-ina sa Pagtatanim
Sariling katha ni Gemma B. Obsiana
Nanay Susan: Genie anak, puwede mo ba akong tulungan sa pagtatanim?
Genie: Sige po nanay. Masayang gawain naman po ang pagtatanim. May aanihin pa tayo.
Nanay Susan: Oo anak, makatutulong pa sa ating pang-araw –araw na pangangailangan lalo na’t mga gulay ang itatanim natin ngayon.
Genie: Wow! Sige nanay, tara na sa bakuran natin. Anu-ano po ang itatanim natin ngayon nanay?
Nanay Susan: May talbos ng kamote at alogbate tayo at ililipat na natin ang mga pinatubo kong buto ng petsay at okra.
Genie: Naku! Marami pala. Tiyak magiging luntian ang bakuran natin. Sige po nanay. Ako na po ang magtatanim ng talbos ng kamote at alogbate. Kayang-kaya ko na po iyan.
Nanay Susan: Maraming salamat anak. Maaasahan ka talaga. Ililipat ko naman ang mga petsay at okra natin. Pagkatapos nating magtanim ay mag-iisnak tayo.Panuto
Genie: Yehey! Maraming salamat po nanay. Alam na alam mo po talaga ang gusto ko.
Nanay Susan: Syempre naman. Anak yata kita.
At masayang nagpatuloy sa pagtatanim ang mag-ina.
1. Ano ang pangunahing paksa ng kwento?
A. Pagluluto ng masustansyang pagkain
B. Paglalakad ng mag-ina sa palengke
C. Pagtatanim ng mag-ina sa kanilang bakuran
D. Pamimili ng gulay sa palengke
2. Bakit nais tumulong ni Genie sa kanyang nanay sa pagtatanim?
A. Dahil gusto niyang bumili ng bagong halaman
B. Dahil gusto niyang gumala sa labas
C. Dahil masayang gawain ito at may aanihin pa sila
D. Dahil ito ay utos ng guro nila
3. Ano ang mga gulay na itinanim ng mag-ina?
A. Repolyo, sibuyas, bawang, at kalabasa
B. Talbos ng kamote, alogbate, petsay, at okra
C. Ampalaya, labanos, mustasa, at kamatis
D. Saging, mangga, at bayabas
4. Ano ang ipinapakita ng kilos ni Genie sa kwento?
A. Tamad siya at ayaw tumulong sa ina
B. Masayahin siya at masigasig na tumutulong sa nanay
C. Mahiyain at tahimik lamang siya
D. Palabiro at hindi seryoso sa gawain
5. Ano ang naging gantimpala nila pagkatapos magtanim?
A. Namasyal sila sa parke
B. Kumain sila ng masarap na pananghalian
C. Naglaro sila sa bakuran
D. Mag-iisnak sila pagkatapos magtanim
Gawain C.
Panuto: Sagutin ang mga tanong.
Face Mask, Face Shield Ordinance, Aamyedahan
ni Noe B. Bebita
Ipinapanukala ng mga miyembro ng Sangguniang Bayan na amyendahan ang Face Mask, Face Shield Ordinance o bigyan ng kaukulang multa ang mga tricycle drivers at mga pasahero na hindi tumutupad o sumusunod sa pagsuot ng face mask at face shield.
Sa panayam kay SB member Ramil Bolina, Chairman ng Committee on Transportation and Public Utilities sinabi nitong sa kabila ng kautusang mula sa Department of Tranportation (DOTr) ukol sa No Face Mask and No Face Shield , No Ride Policy sa mga pampublikong sasakyan, marami pa rin ang lumalabag o hindi sumusunod sa pagsuot ng face mask at face shield.
Ayon pa kay Bolina ang hindi pagsunod sa kautusan ng DOTr ang dahilan upang ipatupad ng Sangguniang Bayan ang pagpapamulta sa mga tricycle drivers at mga pasahero na mahuhuling hindi nagsusuot ng Face Mask at Face shield.
Dagdag pa niya na pinag-aaralan ng konseho ang mga multa na ipatutupad at ang pagbibigay ng hiwalay na multa sa mga tricycle drivers at pasahero na lumabag sa ordinansa.
Naniniwala din si Bolina na malaki ang posibilidad na maiwasan ang pagkalat ng virus kung magsusuot ng face mask at face shied ang mga pasahero na sumasakay sa mga pampublikong sasakyan.
1. Ano ang pangunahing paksa ng teksto?
A. Libreng pamimigay ng face mask at face shield
B. Pagsuway ng mga pasahero sa batas trapiko
C. Pagpapamulta sa mga hindi sumusunod sa face mask at face shield ordinance
D. Pagbili ng bagong tricycle ng pamahalaan
2. Sino ang nagsabing maraming lumalabag sa patakaran ng DOTr?
A. Punong Barangay
B. Gobernador ng lalawigan
C. SB member Ramil Bolina
D. Mayor ng bayan
3. Ano ang panukalang hakbang ng Sangguniang Bayan para sa mga lalabag sa patakaran?
A. Pagbibigay ng libreng face mask
B. Pagpapamulta sa tricycle drivers at pasahero
C. Pagbabawal sa pampublikong sasakyan
D. Pagpapasara ng terminal ng tricycle
4. Ayon sa teksto, bakit nais ipatupad ang multa sa mga lalabag?
A. Upang madagdagan ang kita ng munisipyo
B. Upang maiwasan ang pagkalat ng virus
C. Upang mapabilis ang takbo ng trapiko
D. Upang mapalitan ang mga lumang tricycle
5. Ano ang tinitingnang posibilidad ng Sangguniang Bayan tungkol sa multa?
A. Pagpaparami ng mga pasahero
B. Pagpapatawad sa mga lumabag
C. Pagbibigay ng hiwalay na multa sa driver at pasahero
D. Pagpapahintulot sa hindi pagsuot ng face shield
Gawain D.
Panuto: Sagutin ang mga tanong.
Abala sa Pagtutulungan
Sariling katha ni Noe B. Bebita
Abala ang lahat sa pagtutulungan. Tulong-tulong ang mga guro at mga magaaral sa lahat ng antas ng Paaralang Elementarya ng Councilor Nicolas Dais na pinapasukan ni Rhayannah at ng mga kaibigan niya sa pagsasaayos at paglilinis ng paaralan. May darating daw kasing tagapangasiwa ng rehiyon upang magsagawa ng mga pagsusuri at survey kaugnay ng pagtuturo alinsunod sa K to12. Bukod dito, titingnan din nila ang buong paligid ng paaralan kung ito ba ay maayos at malinis, at kung ito ay may kaaya-ayang paligid at mga silid-aralan na makadaragdag ng motibasyon sa mga bata upang mag-aral nang mabuti. Kaya maging ang namumuno sa Samahan ng mga Magulang ay maagang nagkaroon ng Brigada Eskwela.
Brigada Eskwela ang tawag sa taunang paglilinis at paghahanda ng mga guro, magulang, at iba pang kasapi ng pamayanan upang ihanda ang paaralan sa darating na pasukan. Naglilinis ng paligid ang lahat at isinasaayos ang sira at lumang mga upuan, nagpipintura ng mga silid-aralan, nag-aayos ng silid-aklatan, at iba pa. Tinitiyak na magiging ligtas ang buong paaralan sa anumang banta ng pagkakasakit ng mga mag-aaral dahil sa maruming paligid.
Sadyang mapagtimpi at matiisin sa lahat ng bagay ang mga Pilipino. Kaya nga di-alintana ng mga mag-aaral, magulang, at mga guro ang hirap at pagod sa kanilang pagbibrigada. Lahat ng pagod at hirap na kanilang dinanas ay tinatanggap nila bilang kaligayahang hatid ng kanilang pagtulong at pagkakaisa.
1. Ano ang pangunahing paksa ng teksto?
A. Pagtatanim ng mga puno sa paaralan
B. Pagdiriwang ng Buwan ng Wika
C. Brigada Eskwela at pagtutulungan sa paaralan
D. Pagsusulit ng mga mag-aaral
2. Bakit abala ang mga guro, mag-aaral, at magulang sa paglilinis ng paaralan?
A. Dahil may gaganaping paligsahan sa paaralan
B. Dahil may darating na tagapangasiwa upang magsagawa ng pagsusuri
C. Dahil may programang pangkalusugan
D. Dahil may field trip silang pupuntahan
3. Ano ang tawag sa gawaing paglilinis at paghahanda ng paaralan?
A. Bayanihan sa Silid
B. Araw ng Kalinisan
C. Brigada Eskwela
D. Kalinisan Bayan
4. Ano ang layunin ng Brigada Eskwela?
A. Makapagpinta ng mural
B. Magkaroon ng bagong aklatan
C. Ihanda ang paaralan sa darating na pasukan
D. Maglunsad ng paligsahan sa paglilinis
5. Ano ang ipinapakita ng pagtutulungan ng mga guro, magulang, at mag-aaral?
A. Kakulangan sa gamit
B. Kakulitan ng mga bata
C. Diwa ng pagkakaisa at pagtutulungan
D. Paghahanda para sa field trip