Modyul 4: Pagbabago ng Dating Kaalaman Batay sa Natuklasan sa Teksto
Tunay na sa ating pagbabasa marami tayong natutuklasan. Ito ay maaaring makapagdagdag sa ating kaalaman o makapagpabago sa dati na nating nalalaman. Kung gayon, sa bawat bagong kaalaman na ating natutuklasan ay mahalagang malaman natin kung paano ito magagamit sa ating pag-unlad.
Bago pa man ninyo basahin ang teksto. Mayroon na kayong taglay na kaalaman batay sa inyong mga karanasan, sariling pananaw at damdamin.
Halimbawa: Maaaring ang alam na ninyo ukol sa binasa ay –
-Bilang anak kailangang sumunod at makinig sa magulang.
Samantala, nang mabasa na ninyo ang teksto tiyak na may natuklasan kayong mga bagong kaalaman at nakadagdag sa inyong mga natutuhan.
Gaya halimbawa ng –
-May mga pagkakataon na hindi natin intensiyon na hindi sumunod sa ating magulang.
-May mga pagkakataon din na dahil sa ating pagpipilit sa sariling kagustuhan ay hindi natin namamalayan na maaari natin itong ikapahamak.
Dahil sa inyong pagbabasa, marami kayong natuklasan at natutuhan. Ito ay maaaring makapagpabago sa inyong dati ng nalalaman at makapagdagdag ng iyong kaalaman.
Kung ang dati ninyong alam ay “dapat lamang sumunod ang anak sa kaniyang magulang,” pagkatapos mong mabasa at maunawaan ito ay maaaring nabago na ang iyong dating kaalaman. Maaaring ito ay lumawak na o kaya nabago sa kabuoan. Halimbawa:
-Ang pagsunod sa magulang ay pagpapasiya rin para sa sariling kabutihan.
-Ang pagsuway sa magulang ay tulad din ng hindi pag-iingat para sa sariling kaligtasan.
Mga Pagsasanay
Layunin
Pagkatapos ng aralin ay inaasahang taglay mo na ang kasanayang:
· nababago ang dating kaalaman batay sa natuklasan sa teksto. (F6PS-IIh-3.3)
Gawain A.
Panuto: Basahin ang mga pangungusap sa ibaba. Ibigay ang pinakaangkop na posibleng magiging pagbabago sa iyong dating kaalaman kaugnay sa sumusunod na sitwasyon.
1. May inilunsad na proyektong Pera sa Basura ang paaralan upang maging malinis ang kapaligiran at makalikom ng pondo.
A. Dapat laging may proyekto ang paaralan.
B. Mawawala na ang basura sa paaralan.
C. Nalutas na ang suliranin sa basura maaari pang kumita.
D. Hindi problema ng paaralan ang basura.
2. Unang araw ng pasukan. Masayang gumising si Seth at nasasabik na pumasok. Tinawag sila isa-isa ng guro upang magpakilala. Hindi nakapagsalita si Seth.
A. Masaya ang unang araw ng pasukan.
B. Maraming bagong makikilala sa unang araw ng pasukan.
C. Hindi maiwasan ang kabahan at mahiya sa pagpapakilala sa unang araw ng klase. Kaya dapat handa.
D. Laging nagpapakilala sa unang araw ng pasukan.
3. Mula sa ibang bansa si Joana. Bagong lipat siya sa paaralan. Sabi ng kaniyang kaklase, huwag siyang kausapin ng Ingles upang mapilitang magsalita sa Filipino. Hindi nila alam na parehong mahusay sa Filipino at Ingles ang kanilang bagong kamag-aral.
A. Matutong makipagkaibigan.
B. Iwasan na mapalapit sa baguhan.
C. Hayaang maunang pumansin at makipagkaibigan ang bago.
D. Kilalanin muna ang tao bago magsalita tungkol dito.
4. Isang gabi hindi nakatulog si Joey, ayaw humiwalay sa kaniyang isipan ang nabanggit ng ina na patitigilin sila sa pag-aaral dahil wala na talaga silang pera.
A. Mahirap mag-aral.
B. Kailangan mapera para makapag-aral.
C. Ang mahirap ay hindi nakapagtatapos ng pag-aaral.
D. Mahirap maging mahirap pero sa masikap mawawala ang hirap.
5. Gutom na gutom sina Omar at Calib galing sa paaralan. Tamang-tama ring naluto na ni Nanay ang pagkain. Kaya agad na inihain ito ng kanilang kapatid.
A. Dapat laging masarap ang pagkain.
B. Mahalaga ang pagtutulungan sa pamilya.
C. Si Nanay lang ang magluluto.
D. Nakagugutom ang pag-aaral.
Ang Gulong ng Buhay
Lumaking sunod sa layaw si Sabrina. Bawat nanaisin niya ay ibinibigay sa kaniya. Gala dito, gala roon iyan ang laging ginagawa niya. Pinababayaan na niya ang kaniyang pag-aaral. Hingi siya nang hingi ng pera sa kaniyang ama na nagtatrabaho sa ibang bansa. Laman siya palagi ng mga malls, bili rito, bili roon kahit hindi na niya kailangan ng damit ay binibili niya basta’t nagugustuhan niya.
Subalit nagising nalang siya isang araw na iba na ang takbo ng kanilang pamumuhay. Dahil sa napauwi ang kaniyang ama at nawalan ng trabaho, nasundan pa ng unti-unting pagbagsak ng kanilang mga negosyo. Isa-isang naibenta ng kaniyang mga magulang ang kanilang mga ari-arian para may maipambayad sa kanilang mga pagkakautang. Nasimot ang kanilang ipong pera sa bangko.
“Anak lilipat na tayo sa isang maliit na apartment, ibinenta na namin ng papa mo itong bahay”, pagpapaliwanag ni Aling Selda sa kaniyang anak. Para may ikabuhay, nagbukas ang kaniyang nanay ng isang maliit na tindahan sa harap ng kanilang bahay. Ang kaniyang ama naman ay namasukan bilang kargador sa malapit na pabrika ng sapatos. Walang magawa si Sabrina kundi tanggapin ang panibagong pamumuhay.
“Magsisikap ako sa pag-aaral, iaahon ko ang aking pamilya sa kahirapan”, may pagsisising bulong ni Sabrina sa sarili. Tuwing hapon pagkagaling sa paaralan ay tumutulong si Sabrina sa kaniyang nanay sa pagtitinda sa kanilang tindahan.
Sa paglipas ng panahon ay nakapagtapos ng kolehiyo si Sabrina at nagkaroon ng magandang trabaho. Unti-unti na silang nakabangon at nakalipat sa isang malaking bahay at nagkaroon na rin sila ng sarili nilang pagawaan ng sapatos.
Sariling akda: Dexter E. Ferasol
Gawain B.
Panuto: Ibigay ang pinakaangkop na posibleng magiging pagbabago sa iyong dating kaalaman kaugnay sa binasang teksto.
1. Kapag mayaman ang isang tao, hindi na sila kailanman mahihirapan. Ano ang pinakaangkop na bagong pananaw?
A. Ang mayayaman ay hindi kailanman nawawalan ng pera.
B. Ang kayamanan ay hindi nagtatagal kung hindi ito gagamitin sa wastong paraan.
C. Ang kahirapan ay para lamang sa mga tamad.
D. Ang mayayaman ay hindi kailangang magtrabaho.
2. Ang pag-aaral ay hindi mahalaga kung may pera ang pamilya. Ano ang bagong pananaw?
A. Mas mahalaga ang kasiyahan kaysa edukasyon.
B. Ang edukasyon ay puhunan sa pagbangon mula sa kahirapan.
C. Hindi kailangan mag-aral basta may koneksyon ka.
D. Puwedeng hindi makatapos basta may negosyo.
3. Kapag humina ang kabuhayan, wala nang pag-asa ang pamilya.
Pagkatapos ng kuwento, ano ang bagong pananaw?
A. Walang silbi ang pagsisikap kapag naghihirap.
B. Hindi na babalik ang dating yaman kahit magsikap.
C. Sa pagtutulungan at sipag, may pag-asa ang muling pagbangon.
D. Umasa na lang sa tulong ng ibang tao.
4. Ang luho at kasiyahan ay walang masamang maidudulot. Pagkatapos ng kuwento, ano ang bagong pananaw?
A. Mas masarap mamuhay sa layaw kaysa magsumikap.
B. Ang labis na luho ay maaaring humantong sa kawalan.
C. Dapat gumastos ng gumastos habang may pera.
D. Hindi mahalaga ang pag-iipon kung mayaman ka.
5. Ang mahirap na trabaho ay hindi bagay sa mga dating may kaya.
Pagkatapos ng kuwento, ano ang bagong pananaw?
A. Ang dignidad ay wala sa uri ng trabaho kundi sa pagtanggap at pagsisikap.
B. Hindi na kailangang magtrabaho kung may dating yaman.
C. Mas mainam ang tumambay kaysa magtrabaho nang mabigat.
D. Ang mahirap na trabaho ay dapat para lamang sa mga di nakapag-aral.
Gawain C.
Panuto: Basahin ang sumusunod na talata. Ibigay ang iyong dating kaalaman, natuklasan o natutuhan, at ang nabago sa dating mong kaalaman batay sa binasang talata.
1. Ang matagal na panonood ng TV, pagbababad sa paglalaro sa computer at cellphone ay nakasisira ng mata. Maaaring makaramdam ng pagkahilo at panlalabo ng paningin at kung hindi ito maagapan ay maaari itong ikabulag.
Dati mong akala: Ang matagal na paggamit ng gadgets ay hindi nakaaapekto sa kalusugan. Pagkatapos ng impormasyon, ano ang pinakaangkop na bagong pananaw?
A. Walang masama sa paggamit ng gadgets kahit magdamag.
B. Maganda sa kalusugan ang panonood ng TV habang kumakain.
C. Dapat limitahan ang paggamit ng gadgets upang mapanatili ang malusog na paningin.
D. Hindi totoo ang sinasabing masisira ang mata dahil sa paggamit ng cellphone.
2. Sa panahon ng pandemya ipinagbabawal ang paglabas ng bahay ng mga matatanda edad 60 pataas at mga bata edad 20 pababa. Ito ay dahil sa higit na mahina ang kanilang resistensya at madaling mahawahan ng virus.
Dati mong akala: Ang patakarang ito ay sobra at hindi makatarungan.
Pagkatapos ng impormasyon, ano ang pinakaangkop na bagong pananaw?
A. Dapat pa ring palabasin ang lahat para hindi sila mainip sa bahay.
B. Ang patakarang ito ay para sa kaligtasan ng mga mas madaling mahawahan ng sakit.
C. Hindi na kailangang sundin ang mga alituntunin kung malakas ang katawan.
D. Hindi delikado ang virus kaya walang dapat ipagbawal.
3. Ang pag-inom ng walong basong tubig araw-araw ay mainam sa ating katawan. Sa pagpapanatili ng tamang lebel ng tubig sa ating katawan ay maaaring makaiwas tayo sa iba’t ibang sakit.
Dati mong akala: Walang epekto kung hindi uminom ng sapat na tubig sa loob ng isang araw.
Pagkatapos ng impormasyon, ano ang pinakaangkop na bagong pananaw?
A. Hindi naman kailangan uminom ng tubig araw-araw kung hindi nauuhaw.
B. Uminom lang ng tubig kapag may sakit.
C. Ang pag-inom ng sapat na tubig araw-araw ay mahalaga upang mapanatiling malusog ang katawan.
D. Mas masarap ang matatamis na inumin kaysa tubig kaya iyon na lang ang iinumin.
4. Isang sikat na boksingero at senador na si Manny Pacquiao ay mula sa isang mahirap na pamilya, nagsikap sa buhay kaya narating ang rurok ng tagumpay.
Dati mong akala: Ang kahirapan ay hadlang sa pag-abot ng pangarap.
Pagkatapos ng impormasyon, ano ang pinakaangkop na bagong pananaw?
A. Hindi makakaahon sa buhay ang mga mahirap kahit anong gawin.
B. Ang tagumpay ay para lamang sa mayayaman at edukado.
C. Sa sipag, tiyaga, at determinasyon, kayang makamit ang tagumpay kahit galing sa kahirapan.
D. Mas madaling umasenso kung hindi na lang magsumikap.
5. Ang walang habas na pagputol ng mga punongkahoy ay may masamang maidudulot sa kalikasan. Maaaring magdulot ito ng pagbaha, pagguho ng lupa at higit sa lahat ay wala ng matitirhan ang mga hayop.
Dati mong akala: Walang epekto sa kalikasan ang pagputol ng mga puno.
Pagkatapos ng impormasyon, ano ang pinakaangkop na bagong pananaw?
A. Walang masama sa pagputol ng puno kung kailangan ng kahoy.
B. Dapat magtanim ng puno kapalit ng mga pinutol upang mapanatili ang balanse sa kalikasan.
C. Hindi naman totoo ang pagbaha at pagguho ng lupa.
D. Mas mahalaga ang paggawa ng bahay kaysa sa mga puno at hayop.
Maling Akala
Nakumbida ang magkakaibigang Anna, Flor at MJ sa pista sa Tapaz. Napagkasunduan ng magkakaibigan na sa harap ng palengke sila magkikita-kita sa ganap na ika-tatlo ng hapon. Bago mag-ikatatlo ay dumating na sina MJ at Anna, magkasabay ang dalawa dahil sila ay magkapitbahay. Mag-iikaapat na ng hapon ay wala pa si Flor. “Baka na-flat ang gulong ng motor niya,” pahayag ni MJ nang mainip na, “Mahirap kasi ang daan sa kanila, mabato at madulas.” “Ang sabihin mo, siguro’y bago pa lamang iyon umalis sa kanila. Alam mo naman iyon. Kung anong oras ang usapan ng pagkikita, siyang oras ng pag-alis pa lang niya sa bahay,” ang nayayamot namang sabi ni Anna. “O, siya na yata yaong dumarating,” sabi naman ni Anthony, pinsan ni Anna. “May natumbang malaking kahoy na nakahambalang sa gitna ng daan, hinintay pa naming mahatak ito papunta sa gilid ng daan, kaya natagalan ako,” pagbabalita ni Flor nang dumating. “Ganoon ba? Kaya pala, O, siya tayo na at naghihintay na si Albert sa kanilang bahay,” payukong nasambit ni Anna dahil sa mali ang kaniyang akala.
Sariling akda: Dexter E. Ferasol
Gawain D.
Panuto: Ibigay ang pinakaangkop na posibleng magiging pagbabago sa iyong dating kaalaman kaugnay sa binasang teksto.
1. Dati mong akala: Ang mga nahuhuli sa usapan ay sadyang tamad at pabaya.
Bagong pananaw:
A. Lahat ng nahuhuli ay hindi marunong sumunod sa oras.
B. May mga pagkakataon na may balidong dahilan ang pagiging huli.
C. Dapat hindi na lang isama sa lakad ang mga nahuhuli.
D. Ang mga nahuhuli ay hindi dapat pagkatiwalaan.
2. Dati mong akala: Walang sapat na dahilan ang pagdating ng huli sa usapan maliban sa katamaran. Bagong pananaw:
A. Dapat magalit agad sa mga nahuhuli.
B. Pabayaan na lang sila.
C. May mga hindi inaasahang pangyayari tulad ng aksidente sa daan.
D. Laging kasalanan ng nahuhuli ang lahat.
3. Dati mong akala: Tama ang agad manghusga sa kapwa base sa nakaraan.
Bagong pananaw:
A. Mahalaga ang magtanong muna bago humusga.
B. Huwag nang kausapin ang taong laging huli.
C. Pagalitan agad ang nahuli.
D. Huwag nang makipagkaibigan muli.
4. Dati mong akala: Walang saysay ang pakikinig sa dahilan ng taong nahuli.
Bagong pananaw:
A. Hindi na dapat binibigyan ng pagkakataong magpaliwanag.
B. Mas mainam na palitan ng kaibigan ang mga laging huli.
C. Dapat ay laging may patunay sa bawat paliwanag.
D. Mahalaga ang pagbibigay ng pagkakataon para makapagpaliwanag.
5. Dati mong akala: Tama na ang batay sa sariling obserbasyon ang paghusga sa iba.
Bagong pananaw:
A. Mahalaga ang pakikinig, pang-unawa, at pagiging patas sa kapwa.
B. Laging tama ang una mong iniisip.
C. Hindi na kailangan ang paliwanag ng iba.
D. Dapat ipahiya ang mga nahuhuli sa usapan.