Modyul 5: Pagbibigay ng Maaaring Mangyari sa Teksto Gamit ang Dating Karanasan/Kaalaman
Isang kasanayan sa pagbasa ang pagbibigay ng maaaring mangyari sa isang teksto gamit ang dating karanasan/kaalaman. Kung gayon, mahalagang matutuhan ang kasanayang ito upang mahasa ang pagiging malikhain at mapanuri sa pag-iisip.
Paano ba ang epektibo at mahusay na pagbibigay ng maaaring mangyari sa isang teksto gamit ang dating karanasan/kaalaman?
1. Mahalagang basahin at unawaing mabuti ang teksto.
2. Tiyaking naunawaan ang mahahalagang detalye o pangyayari. Maaari itong itala o i-highlight. 3. Suriin ang mahahalagang detalye o pangyayari. Kilalanin ang mga tauhan- ang kanilang kilos o gawi, damdamin, at pananalita. Unawain ang pagkasunod-sunod o daloy ng mga kaganapan.
4. Pagkatapos ng pagsusuri, tukuyin kung saang bahagi maaaring iugnay ang dating karanasan at kaalaman. Maaaring ilagay ang sarili sa tauhan sa kuwento o isama sa mga pangyayari sa teksto. 5. Paganahin ang imahinasyon. Maging malikhain at mapanuri sa pag-iisip. Maaaring sumang-ayon o sumalungat sa kaisipan ng nagsasalita at ikinikilos ng tauhan. Malayang mag-isip kung paano makapagbibigay ng maaaring mangyari sa teksto o akda batay sa dating karanasan/kaalaman.
6. Kung mayroon nang naisip, isulat ito nang malinaw. Pagkatapos ay basahing muli at tiyaking nakatulong ito upang higit na maging makabuluhan at makatotohanan ang teksto.
Pagsasanay
Layunin
Pagkatapos ng aralin ay inaasahang taglay mo na ang kasanayang:
· Nakapagbibigay ng maaaring mangyari sa teksto gamit ang dating karanasan/kaalaman (F6PB-IIIg-17).
Gawain A
Panuto: Basahin ang sumusunod na talata at tukuyin ang pinakaangkop na maaaring mangyari sa bawat sitwasyon gamit ang iyong dating karanasan/kaalaman.
1. Mabait at matulunging bata si Carmel. Maging ang kaniyang mga kapatid ay iniidolo siya. Nagunguna rin siya sa klase, siya ang palaging ipinapadala ng kanilang paaralan sa mga tagisan ng talino. Isang araw, sa araw ng timpalak, masama ang pakiramdam ni Carmel.
A. Binilhan siya ng guro ng pagkain.
B. Pumunta sila ng kaniyang ina sa parke.
C. Sinamahan muna si Carmel ng kaniyang guro sa klinika.
D. Naglakad si Carmel papunta sa pinakamalapit na mall.
2. Masama na ang pakiramdam ni Fatima nang umuwi mula sa trabaho. Gayunman, nagluto siya ng hapunan para sa asawa at maliliit na mga anak na masayang naglalaro sa sala. Naghahanda siya ng mesa ng maramdaman niyang umiikot ang mga bagay sa paligid. Noon nama’y papasok sa kusina ang panganay niyang anak para sabihing gutom na sila. Nakita niya nang unti-unting bumagsak ang kaniyang nanay.
A. Sumigaw ang kaniyang anak na wala na silang tubig.
B. Agad siyang inalalayan ng kaniyang anak at pinaupo sa upuan.
C. Hindi na nakaimik ang kaniyang anak sa napanood na balita.
D. Tumakbo palabas ng bahay ang kaniyang anak at bumili ng pansit.
3. Madalas na umiiyak si Shaina. Halos sumuko na siya sa tuwing naririnig ang di-magandang puna ng hurado tungkol sa kaniyang pag-awit. Gayunpaman, tinatagan niya ang kaniyang loob. Ipinangako niya sa sariling pagbubutihan pa sa susunod nilang paghaharap ng limang finalists sa timpalak. Kaya naman wala siyang sinayang na sandali. Nagsanay siya nang nagsanay. Hanggang sumapit ang gabi ng pagpili ng tatanghalin na The Voice Teens Champion.
A. Nagtanghal siya sa plasa.
B. Umuwi si Shaina ng bahay at nagluto ng lugaw.
C. Kabadong-kabado si Shaina sa paparating niyang kaarawan.
D. Mahusay ang ginawang pagtatanghal ni Shaina kaya siya ang nagwagi.
4. Naging napakahirap ng buhay ni Waldo mula nang siya ay maulila sa mga magulang. Wala siya ni-isang kamag-anak na maaaring kumupkop sa kaniya. Kalye ang naging tahanan at nabuhay siya sa pagtitinda ng diyaryo. Isang araw habang siya ay naglalakad, anong gulat niya nang ihagis sa kaniya ang isang bag ng isang nagmamadaling lalaki. Agad siyang nagkubli at nagmasid sa paligid. Maya-maya_____________.
A. bumalik ang lalaki at sumayaw.
B. nanginginig at naiihi na sa takot si Waldo.
C. dahan-dahang lumabas si Waldo at tiningnan ang laman ng bag.
D. may mga tao sa paligid at nag-uusap tungkol sa pagbukas ng klase.
5. Kinamulatan na ni Sherwin ang ginagawang pagtulong ng kaniyang mga negosyanteng magulang sa mahihirap. Pinauutang nila ang mga kababayan nang may napakaliit na tubo upang may mapuhunan sa paghahanapbuhay. Nang siya’y makatapos sa pag-aaral, siya’y may masidhing pagnanais na makatulong sa mahihirap na gaya ng kaniyang mga magulang. Kaya nagpasiya siyang ______________.
A. magtayo ng isang foundation na handang tumulong sa mahihirap.
B. magpautang na may malaking tubo upang lalong kumita.
C. magpatayo ng isang malaking mansiyon at resort.
D. mag-organisa ng isang pagtitipon at kasiyahan.
6. Habang namamalengke ang mag-amang sina Mang Cardo at Bugoy napansin nilang walang suot na face mask ang ilang mamimili doon. Biglang dumating ang mga pulis, ___________________________________.
A. at namili sila ng gulay.
B. at naglaro ang mga ito nang habol-habulan.
C. nagsipag-uwian ang mga mamimili at nagluto ng tanghalian.
D. pinagsabihan ng mga pulis ang mga mamimili na kailangan nilang magsuot ng face mask.
7. Nakikinig sa radyo si Mang Ambo habang humihigop ng isang tasang mainit na kape nang marinig niya na mayroon ng namumuong bagyo na papasok sa kanilang probinsya. _______________________________.
A. Sinabayan ni Mang Ambo ang kumakanta sa radyo.
B. Pinatulog agad niya ang kaniyang asawa at mga anak.
C. Pagkaubos niya ng kaniyang kape, hinugasan niya ang pinagkainan ng kaniyang mag-iina.
D. Tinawag ni Mang Ambo ang asawa at mga anak para paalalahanan na mag-ayos ng mga kagamitan upang maging handa sa darating na bagyo.
8. Masayang nagkukuwentuhan ang magkumare na sina Aling Delia at Aling Meriam. Nagkamustahan ang mga ito tungkol sa kanilang karanasan bilang mga nanay sa panahon ng home quarantine nang may naamoy silang sunog na sinaing. ___________________.
A. Niyaya ni Aling Meriam ang kaniyang kaibigan para magsimba.
B. Dali-daling pumasok ng bahay si Aling Delia at natulog sa kuwarto.
C. Tinawag ni Aling Meriam ang anak at pinatingnan ang kaniyang sinaing.
D. Tumakbo silang dalawa papasok sa kani-kanilang tahanan para sumilong.
9. Inutusan ni Bebeng ang kaniyang nakababatang kapatid na bumili ng asin sa tindahan ni Aling Nena ilang metro lang ang layo sa kanilang bahay, ngunit mag-iisang oras na ay hindi pa ito nakauuwi.
A. Nag-ensayo ng sayaw si Bebeng.
B. Lumabas siya ng bahay para maglaro.
C. Nakatulog si Bebeng habang nanonood ng telebisyon.
D. Sinundo niya ito sa tindahan at nadatnan niyang nawili sa paglalaro ang kapatid.
10. “Araaay! Ang sakit!” sigaw ni Marco habang namimilipit sa sakit ng kaniyang tiyan dahil sa gutom na ito. Gusto niyang kumain ngunit nasa trabaho ang kaniyang mga magulang at wala pang naihandang pagkain_______________________________.
A.Namasyal sa mall si Marco.
B. Pumunta siya sa kaniyang tiyahin para makakain.
C. Tiniis na lamang ni Marco ang sakit ng kaniyang tuhod.
D. Tinawagan ang kaniyang kaibigan para magtanong tungkol sa kanilang takdang-aralin.
Gawain B.
Panuto: Basahin ang sumusunod at ibigay ang maaaring mangyari gamit ang iyong dating karanasan/kalaman.
1. Masayang naglalaro sa parke ang magkaibigang Marvin at Jhimar nang biglang napansin ni Marvin na walang suot na face mask si Jhimar. __________________________.
A. Tumakbo pauwi si Jhimar dahil hinabol sila ng aso.
B. Inaya na lang ni Marvin si Jhimar na pumunta sa simbahan.
C. Nagtago si Jhimar sa likod ng mga puno para hindi siya makita ni Marvin.
D. Pinagsabihan ni Marvin si Jhimar na huwag kakalimutang magsuot ng face mask.
2. Sa sobrang pagmamadali ni Marta sa paglilinis ng tukador, nakabig niya ang mamahaling plorera ng kaniyang lola. ____________________________.
A. Nahulog ito at nabasag.
B. Nagluto ng pagkain si Marta.
C. Tumakbo papuntang palikuran si Marta.
D. Nagbihis at namasyal sa parke si Marta kasama ang kaniyang lola.
3. Napasigaw nang malakas si Fatima nang makita niyang nabundol ng kotse ang alaga niyang aso. ______________________________________.
A. Mangiyak-ngiyak siya sa sobrang galak.
B. Hinimatay siya sa sobrang pagkagutom.
C. Bumili siya ng laruang aso upang hindi malungkot.
D. Tumakbo siya patungo sa kaniyang aso at tiningnan ang kalagayan nito.
4. Umuwi ang ina ni Rhegan mula sa ibang bansa gustong-gusto niyang lapitan at yakapin ang ina ngunit sinabihan siya na hindi pa maaaring gawin ito kailangang maghintay muna sila ng dalawang linggo. _______________________________.
A. Nagpumilit si Rhegan na maglaro sa kabilang bahay.
B. Naglupasay sa pag-iyak si Rhegan sa sobrang sakit ng ngipin.
C. Tumakbo papasok ng kuwarto si Rhegan at natulog dahil inaantok.
D. Walang magawa si Rhegan kundi sundin ang sinabi sa kaniya.
5. Maraming bunga ang mangga ni Aling Fe kaya palaging namamasyal doon ang magkakapatid na sina Rico, Jona at Ruffa, ______________________.
A. nagselfie sila sa ilalim ng punong santol.
B. tumulong maglinis ng bakuran ang magkakapatid.
C. Umiigib ng tubig ang magkakapatid sa balon ni Aling Fe.
D. nanghingi ng bunga ng mangga ang magkakapatid at dinadala sa kanilang ina.
6. Masinsinang nag-uusap sina Bb. Faraon at Gng. Animas sa labas ng paaralan nang biglang may mga batang naghahabulan papasok sa paaralan. Nasagi ng isang bata si Bb. Faraon at natumba ito. _____________________________________.
A. Nagtawanan ang dalawang guro.
B. Naglaro ang mga bata sa parke.
C. Nagkayayaan ang mga batang mamasyal sa malapit na mall.
D. Humingi ng paumanhin ang batang nakabangga sa kay Bb. Faraon.
7. Nagwawalis ng bakuran si Aling Magding nang biglang kumidlat nang malakas. __________________________________.
A. Nagtawanan ang mga batang naglalaro.
B. Sa pagkagulat ay tumakbo siya papasok ng bahay.
C. Nagbihis siya at nagtungo sa palengke para bumili ng lulutuing ulam.
D. Pumasok siya sa bahay at nagluto ng pagkaing ihahain sa mga bisitang dadating.
8. Mabilis magpatakbo ng motor si Johnald ipinagyayabang pa niya ito sa kaniyang mga kaibigan. Isang araw niyaya niya si Leo na sila ay magkarera. _________________________________.
A. Nagtungo ang magkaibigan sa mall.
B. Naglaro ang mga bata sa bakuran nila Johnald.
C. Nagkarera silang dalawa at nanalo si Johnald.
D. Naglaro ng basketball ang magkakaibigan.
9. Tutok na tutok sa panonood ng balita ang mag-anak na Turalba nang biglang namatay ang TV at ang ilaw. __________________________.
A. Nagsayawan ang mga bata.
B. Namasyal ang mag-anak sa parke.
C. Natakot ang mga bata at nagtakbuhan papunta sa kanilang magulang.
D. Nagluto ng hapunan ang nanay habang ang itay naman ay nag-iigib ng tubig.
10. Habang kumakain ay may kinakausap sa cellphone si Kennan kaya’t hindi niya namalayan na ang isdang kaniyang sinubo ay may tinik pa. ______________________________________.
A. Napasigaw si Kennan sa sobrang saya.
B. Sumayaw siya ng Tiktok kasama ang kaniyang mga kaibigan.
C. Nabulunan siya at humarang ang tinik sa kaniyang lalamunan.
D. Mangiyak-ngiyak si Kennan dahil aalis na ang kaniyang nanay papuntang Hongkong.
Heleana at Paziena
May dalawang magkaibigan na sina Heleana at Paziena. Maliban na sila ay magkaibigan, magkapitbahay pa ang dalawa at magkaklase sa ikaanim na baitang sa Mababang Paaralan ng Sigma, Lalawigan ng Capiz.
Araw ng Biyernes sa klase nila sa Filipino nagkaroon sila ng gawain na magsulat ng tula na may temang “buhay-bata”. Itatanghal nila ito sa klase sa paraang ilalapat sa makalumang awitin. Gagawin ito ng dalawahan.
“O! Naunawaan ba ninyo mga bata ang magiging gawain ninyo?” tanong ni Ginang Cadeleńa guro nila sa Filipino. “Opo mam,” sagot ng dalawa.
Araw ng Sabado, pagkatapos mananghalian nagkasundo ang dalawa na gumawa ng kanilang gawain dahil nga magkapitbahay sila at madali lang silang nagkita.
“O, ano? Leron Leron Sinta na lang ang ilalapat nating tunog sa ating ginawang tula,” sabi ni Paziena. “Oo sige, maganda nga iyon,” wika naman ni Heleana na parang kinikilig sa sobrang saya.
Dumating na ang araw ng kanilang pagtatanghal sa klase. Ang lahat ay nasasabik sa presentasyon ng bawat isa.
Sariling akda: Susan J. Quistadio
Gawain C.
1. Ano ang magiging damdamin nina Heleana at Paziena bago tumula sa harap ng klase?
A. Walang pakialam
B. Kabado ngunit nasasabik
C. Naiinis sa isa’t isa
D. Galit sa guro
2. Dahil sila ay nag-ensayo at handa, ano ang posibleng mangyari sa kanilang pagtatanghal?
A. Magulo ang kanilang tula
B. Makalimutan nila ang sasabihin
C. Maayos at maganda ang kanilang presentasyon
D. Umalis sila sa silid
3. Ano ang posibleng reaksyon ng guro matapos ang pagtatanghal ng dalawa?
A. Magalit sa kanila
B. Ipagtabuyan sila
C. Purihin sila at palakpakan
D. Baliwalain ang kanilang pagsisikap
4. Ano ang maaaring maging epekto ng kanilang magandang pagtatanghal sa kanilang pagkakaibigan?
A. Magkakaroon ng tampuhan
B. Lalong tumibay ang samahan
C. Hindi na mag-uusap
D. Lalayuan ng ibang kaklase
5. Kung ikaw si Heleana o Paziena, ano ang mararamdaman mo matapos ang pagtatanghal?
A. Lungkot
B. Pagsisisi
C. Takot
D. Saya at tagumpay
6. Ano ang maaaring maging reaksyon ng mga kamag-aral sa pagtatanghal nina Heleana at Paziena?
A. Tatawanan sila
B. Pupunahin ng masama
C. Palakpakan at papurihan
D. Iiwasan sila
7. Sa tagumpay nilang nakamit, ano ang maaaring matutunan ng klase?
A. Huwag magtanghal
B. Pabaya na lang sa gawain
C. Mahalaga ang pagtutulungan at paghahanda
D. Mas mainam ang mag-isa
8. Ano ang maaaring maramdaman ng guro sa naging resulta ng gawain ng dalawa?
A. Pagkayamot
B. Galit
C. Pagmamalaki sa mga estudyante
D. Pagsesermon
9. Kung di sila nagkaintindihan sa paggawa ng tula, ano ang posibleng mangyari?
A. Mag-away sila
B. Mas lalo silang gumaling
C. Magtagumpay pa rin
D. Hindi maayos ang kanilang presentasyon
10. Ano ang posibleng epekto ng kanilang magandang presentasyon sa buong klase?
A. Magsilbing inspirasyon sa iba
B. Magtampo ang guro
C. Tumigil sa paggawa ng tula ang klase
D. Huwag pakinggan ng mga kaklase