Modyul 6: Wastong Gamit ng Kayarian at Kailanan ng Pang-uri sa Paglalarawan sa Iba’t Ibang Sitwasyon
Ang pang-uri ay salitang naglalarawan sa pangngalan o panghalip.
May iba-ibang kayarian ang pang-uri.
1. Payak – Ang mga salitang ito ay binubuo lamang ng salitang-ugat.
Halimbawa: ganda, sarap, tao, sinop
2. Maylapi – Ang mga salitang naglalarawan na binubuo ng salitang-ugat na nilagyan ng panlapi o nilapian.
Halimbawa: maaliwalas, mahinahon, mapayapa, Malaya
Iba pang halimbawa:
maka + tao (ang maka- ay panlapi at ang tao ay salitang-ugat)
ma + sinop (ma- ay panlapi at ang sinop ay salitang ugat)
3. Inuulit - Ang mga salitang naglalarawan na nagkaroon ng pag-uulit sa pagbaybay ay nasa anyong pang-uring inuulit.
Halimbawa: puting-puti
Iba pang halimbawa:
malayo-layo
bilog na bilog
masayang-masaya
makitid na makitid
4. Tambalan – Dalawang salitang pinagsama na may bagong kahulugan at magagamit na paglalarawan ang pang-uring tambalan.
Halimbawa: bukas-palad, buong-puso
Iba pang halimbawa:
halik-hudas
dilang-anghel
patay-gutom
buong-puso
Samantala, mayroon ding tinatawag na kailanan ng pang-uri.
Ito ay ang sumusunod:
isahan, dalawahan at maramihan.
Halimbawa:
Kalahi ko siya. (Isahan)
Magkalahi kami. (Dalawahan)
Magkakalahi tayong lahat. (Maramihan)
1. Isahan – tumutukoy sa iisang inilalarawan.
Halimbawa: Maputi ang kulay ng balat ni Sarah.
2. Dalawahan – dalawa ang inilalarawan.
Halimbawa: Parehong maputi ang kulay ng balat nina Sarah at Leila.
3. Maramihan – higit pa sa dalawa ang inilalarawan.
Halimbawa: Mapuputi ang kulay ng balat ng pamilya ni Sarah.
Mga Pagsasanay
Layunin:
Pagkatapos ng aralin ay inaasahan na taglay mo na ang kasanayang:
· nagagamit nang wasto ang kayarian at kailanan ng pang-uri sa paglalarawan sa iba’t ibang sitwasyon. (F6OL – IIa –e-4)
Gawain A.
Panuto: Gamitin ng wasto ang kayarian ng pang-uri sa paglalarawan sa iba’t ibang sitwasyon.
1. Naging _____________ si Lisa nang nagsumikap sa kaniyang trabaho at nakapagtayo ng sariling negosyo.
A. mayaman C. matiyaga
B. maganda D. malinis
2. _________ na ang mga alagang manok ni Mang Tonyo, kaya maaari na itong ipagbili sa palengke.
A. Maliit-liit C. Mapapayat
B. Malaki-laki D. Mapupula
3. Upang walang masayang na pagkain, nagluluto lamang sila nang __________ para sa kanila. A. sapat C. kulang
B. kaunti D. sobra-sobra
4. ___________ na ang alaga naming tuta kaya lalo itong nakaaaliw.
A. Makulit C. Mabilis
B. Mataba D. Maamo
5. ___________ ang sapatos na nabili ko, mura na matibay pa.
A. Sulit na sulit C. Mamahalin
B. Mura D. Magarbo
Gawain B
Panuto: Gamitin ng wasto ang kayarian ng pang-uri sa paglalarawan sa iba’t ibang sitwasyon.
6. Mahusay na bata si Kevin.
A. Payak B. Maylapi C. Inuulit D. Tambalan
7. May dala siyang bughaw na payong.
A. Payak B. Maylapi C. Inuulit D. Tambalan
8 Mahilig ako sa matamis-tamis na mangga.
A. Payak B. Maylapi C. Inuulit D. Tambalan
9. Ang kanyang puso ay busilak.
A. Payak B. Maylapi C. Inuulit D. Tambalan
10. Nabali ang sanga ng punongkahoy sa aming bakuran.
A. Payak B. Maylapi C. Inuulit D. Tambalan
Gawain C.
Panuto: Gamitin ng wasto ang kayarian ng pang-uri sa paglalarawan sa iba’t ibang sitwasyon.
Mabuting Puso
Si Mang Pedring ay kilala sa kanilang bayan. Hinahangaan siya ng mga kababayan niya dahil sa kaniyang pagiging 1. (huwaran, mayaman). Siya ay may mabuting puso. Laging 2. (buo ang loob, bukas-palad) sa mga taong nangangailangan. Sa kabila ng karangyaang tinatamasa ay hindi siya nakalilimot sa pinagmulang kahirapan. Ang pagiging 3. (matulungin, masayahin) at maawain sa nangangailangan ang nagustuhan ng lahat sa kaniya. Pauwi isang araw si Mang Pedring, nang makasalubong ang mga batang 4. (punit-punit, namantsahan) ang mga damit at marurungis. Agad na binigay niya ang bitbit-bitbit na tinapay sa mga bata. 5. (Tuwang-tuwa, Gutom na gutom) naman ang mga ito. Masaya ang mga bata, ito ang kinasasabikan nila palagi, ang pagdaan ni Mang Pedring tuwing hapon.
Sariling Katha: Susan J. Quistadio
Gawain D.
Panuto: Gamitin ng wasto ang kailanan ng pang-uri sa paglalarwan sa iba’t ibang sitwasyon. Isahan, Dalawahan, o Maramihan.
1. Maliwanag ang buwan kagabi.
A. Isahan B. Dalawahan C. Maramihan
2. Malalaki ang mata ng dalawang pusa.
A. Isahan B. Dalawahan C. Maramihan
3. Malulusog ang mga alagang hayop ni Ana.
A. Isahan B. Dalawahan C. Maramihan
4. Mabango ang rosas sa hardin.
A. Isahan B. Dalawahan C. Maramihan
5. Masisigla ang mga bata sa palaruan.
A. Isahan B. Dalawahan C. Maramihan
6. Matatalino ang magkapatid.
A. Isahan B. Dalawahan C. Maramihan
7. Mataas ang puno sa bakuran.
A. Isahan B. Dalawahan C. Maramihan
8. Maasahan ang mga mag-aaral sa mga gawaing pampaaralan.
A. Isahan B. Dalawahan C. Maramihan
9. Matalinong bata si Albert.
A. Isahan B. Dalawahan C. Maramihan
10. Magagandang mga proyekto ang ipinasa ng lahat.
A. Isahan B. Dalawahan C. Maramihan