Modyul 14: Pagsulat ng Sulating Di-Pormal at Pormal
Ang liham pangkaibigan ay isinusulat kung may nais kang sabihin sa kaibigan, kamaganak o mga taong malapit sa iyo.
Ito ang pamuhatan. Sinasabi rito kung saan at kailan isinulat ang liham. May kuwit sa pagitan ng bayan at lalawigan gayundin sa pagitan ng petsa at taon. Sa malaking titik nagsisimula ang ngalan ng pook at buwan.
Halimbawa:
Sta. Maria,
Naujan, Silangang Mindoro
14 Hunyo 2025
Ang bahaging ito ay bating panimula. Sinasabi rito ang simulang bati ng nagpadala ng liham. Nagsisimula ito sa malaking titik at may kuwit sa hulihan.
Halimbawa:
Mahal kong Ninang Niza,
Ang katawan ng liham ay ang nilalaman ng liham, isinusulat ng may pasok ang unang pangungusap sa talata.
Ang mga talata sa liham pangkaibigan ay may pasok sa pagsisimula nito. Ang mga pangungusap ay nagsisimula sa malaking titik at nagtatapos sa wastong bantas.
Halimbawa:
Pista po sa aming barangay sa darating na Linggo. Bilang pasasalamat kay Sr. San Sebastian, tradisyon na po namin ang maghanda. Sana magkaroon kayo ng panahon na makadalo sa aming pista. Isama po ninyo ang aking kinakapatid at si Ninong.
Aasahan namin ang inyong pagdating.
Ito naman ang bating pangwakas. Nagsisimula sa malaking titik ang unang salita at mayroong kuwit sa hulihan.
Halimbawa:
Lubos na gumagalang,
Ang huling bahagi ay ang lagda. Dito nakasulat ang pangalan ng nagpadala ng liham. Sinisimulan ito sa malaking titk.
Halimbawa:
Tala
May iba’t ibang uri ang liham pangkaibigan. Isinusulat ang liham pangkaibigan ayon sa pangangailanagn.
1. Liham na Nag-aanyaya – isinusulat kung may mahalagang pagdiriwang, handaan, o okasyon. Ang liham sa bahaging Tuklasin ay halimbawa nito.
2. Liham na Nagbabalita – isinusulat kung may balitang nais iparating sa kaibigan, kamag-aral, kapamilya, o kamag-anak.
Halimbawa:
Poblacion Ilaya,
Panay, Capiz
10 Enero 2020
Mahal kong Rhodora,
Ikinagagalak kong ibalita sa iyo na pinarangalan ang iyong pamangkin bilang isa sa Ten Outstanding Girls ng Region VI. Sa mahigit 50 kalahok sa rehiyon ay nakatutuwang nakapasok siya sa sampung pinakamahuhusay na mga kalahok. Iginawad ang parangal noong 19 ng Disyembre, sa YMCA, Lungod ng Iloilo.
Ikumusta mo na lamang ako sa aking mga pamangkin diyan. Mag-iingat kayo.
Nagmamahal,
Ate Gem
Sariling katha ni Gemma B. Obsiana
3. Liham na Nagpapasalamat – isinusulat kung may natanggap na regalo o tulong.
Halimbawa:
Poblacion Ilaya,
Panay, Capiz
23 Agosto 2020
Mahal kong Lanie,
Natanggap na namin ang padala mong package. Tuwang-tuwa ang iyong pamangkin sa dami ng padala mo para sa kaniya. Alam kong nag message na siya sa iyo. Nais ko ring magpasalamat kaya sinulatan kita. Pakisabi na rin kay Davis na maraming salamat.
Ikumusta mo ako sa mama. Mag-ingat kayo sa paglabas-labas dahil hindi pa rin natatapos ang pandemya.
Lubos na nagpapasalamat,
Ate Gem
Sariling katha ni Gemma B. Obsiana
4. Liham na Nakikiramay – isinusulat kung may nais ipaabot na pakikipagdalamhati sa namatayan.
Halimbawa:
Poblacion Ilaya,
Panay, Capiz
17 Agosto 2020
Mahal kong Ate Cath,
Nabalitaan ko mula kay Dorie ang pagpanaw ng iyong mahal na ina at ako’y labis na nakikiramay sa iyong pagdadalamhati lalo na’t napakahirap kumilos ngayon dahil sa pandemya. Hindi man ako makapunta, na alam kung lubos mong nauunawaan ay makakaasa kang kasama sa aking mga panalangin ang kaluluwa ng iyong ina gayundin ang buo mong pamilya.
Lubos na nakikiramay,
Gem
Sariling katha ni Gemma B. Obsiana
Sa paggawa ng isang liham, kailangan ang kaalaman sa paggamit ng mga sangkap ng pagsulat lalo na ang malaking titik at mga bantas. Mahalaga na malinaw at wasto ang ibinabalitang impormasyon o mensahe. Nag-iiwan ng espasyo sa pagitan ng bawat bahagi ng liham. Ginagamit nang wasto ang malaking titik at bantas sa ibat-ibang bahagi ng liham. May pasok at palugit sa pagsulat at inililinya ang bating pangwakas sa pamuhatan.
Mga Pagsasanay
Layunin:
Pagkatapos ng aralin ay inaasahang taglay ang kasanayang:
· Nakasusulat ng sulating pormal (F6WC-IIf-2.9)
· Natutukoy ang mga bahagi ng liham pangkaibigan
· Naiisa isa ang mga uri ng liham pangkaibigan
Gawain A.
Panuto: Tukuyin kung anong bahagi ng liham pangkaibigan ang mga sumusunod.
1. Narinig ko sa radyo ang pagkamatay ng iyong lola noong nakaraang Linggo. Ipinaaabot ko sa inyong pamilya ang taos kong pakikiramay. Lubos ang aking paniniwalang masaya na si Lola Rosario sa piling ng ating Panginoon. Patuloy ko siyang ipagdarasal.
A. Pamuhatan
B. Katawan ng Liham
C. Lagda
D. Bating Panimula
2. Ang iyong kaibigan,
A. Pamuhatan
B. Katawan ng Liham
C. Lagda
D. Bating Pangwakas
3. Aquino Ave. San Rafael,
Mandurriao, Iloilo City
5 Setyembre 2019
A. Pamuhatan
B. Katawan ng Liham
C. Lagda
D. Bating Panimula
4. Mahal kong Rocky,
A. Bating Pangwakas
B. Katawan ng Liham
C. Lagda
D. Bating Panimula
5. Mark
A. Bating Pangwakas
B. Katawan ng Liham
C. Lagda
D. Bating Panimula
Gawain B.
Panuto: Isulat kung anong bahagi ng liham ang tinutukoy sa mga sumusunod. Piliin ang tamang sagot.
1. Pagbati sa taong padadalhan ng sulat.
A. pamuhatan
B. bating panimula
C. lagda
D. katawan ng liham
2. Ito ay nagsasaad ng nilalaman ng liham.
A. pamuhatan
B. bating panimula
C. katawan ng liham
D. lagda
3. Dito isinusulat ang pangalan ng sumulat o nagpadala ng liham.
A. pamuhatan
B. bating panimula
C. bating pangwakas
D. Lagda
4. Ito ay pangwakas na pagbati at isinusulat bago ang lagda.
A. pamuhatan
B. lagda
C. katawan ng liham
D. bating pangwakas
5. Kinasusulatan ng petsa at tirahan ng nagpadala ng liham.
A. pamuhatan
B. katawan ng liham
C. lagda
D. bating panimula
6. Pulong Niyugan, Barcenaga
Bayan Naujan, Silangang Mindoro
Hulyo 25, 2025
A. pamuhatan
B. katawan ng liham
C. lagda
D. bating panimula
7. Mahal kong Kaibigan,
A. pamuhatan
B. katawan ng liham
C. lagda
D. bating panimula
8. Magandang araw sa iyo! Nais ko sanang ipaabot ang aking taos-pusong pasasalamat sa tulong na ibinigay mo sa aming pamilya noong dumaan ang malakas na bagyo kamakailan.
Hindi ko malilimutan ang iyong kabutihan, ang pagbibigay mo ng pagkain, damit, at maging ang pagsama mo sa amin upang makalipat sa ligtas na lugar. Sa panahong kami ay nangangailangan, isa ka sa mga unang tumugon at tumulong nang walang pag-aatubili.
Tunay kang kaibigan na maaasahan sa hirap at ginhawa. Ipinagmamalaki kong ikaw ay bahagi ng aking buhay. Nawa'y gantimpalaan ka ng Diyos sa iyong kabutihang-loob at patuloy ka niyang pagpalain.
Muli, maraming salamat. Hanggang sa muli nating pagkikita!
A. pamuhatan
B. katawan ng liham
C. lagda
D. bating panimula
9. Nagpapasalamat,
A. pamuhatan
B. katawan ng liham
C. bating pangwakas
D. bating panimula
10. Aiza
A. pamuhatan
B. katawan ng liham
C. lagda
D. bating panimula
Gawain C.
Panuto: Tukuyin ang tamang pagkakasulat ng liham pangkaibigang nagbabalita.
1. Pamuhatan
A. 231 Legaspi Street,
Roxas City
19 Setyembre 2019
B. 231 Legaspi street,
roxas City
19 Setyembre 2019
C. 231 legaspi Street,
roxas city
19 Setyembre 2019
D. 231 legaspi Street
roxas City
19 Setyembre 2019
2. Bating Panimula
A. mahal kong Celly,
B. Mahal kong Celly,
C. mahal kong celly
D. Mahal kong celly,
3. Katawan ng liham
A. kumusta ka na? nais kong ibalita sa iyo na nanalo ako sa isang paligsahan sa pagguhit. talagang tuwang-tuwa ako dahil natupad din ang matagal kong inaasam-asam. sana makita mo ang iginuhit ko.
hanggang dito nalang at ikumusta mo ako sa lahat.
B. Kumusta ka na? Nais kong ibalita sa iyo na nanalo ako sa isang paligsahan sa pagguhit. Talagang tuwang-tuwa ako dahil natupad din ang matagal kong inaasam-asam. Sana makita mo ang iginuhit ko.
Hanggang dito nalang at ikumusta mo ako sa lahat.
C. Kumusta ka na Nais kong ibalita sa iyo na nanalo ako sa isang paligsahan sa pagguhit Talagang tuwang-tuwa ako dahil natupad din ang matagal kong inaasam-asam Sana makita mo ang iginuhit ko
Hanggang dito nalang at ikumusta mo ako sa lahat
D. kumusta ka na? nais kong ibalita sa iyo na nanalo ako sa isang paligsahan sa pagguhit. talagang tuwang-tuwa ako dahil natupad din ang matagal kong inaasam-asam. Sana makita mo ang iginuhit ko.
Hanggang dito nalang at ikumusta mo ako sa lahat
4. Bating Pangwakas
A. Ang nagmamahal mong kaibigan
B. ang nagmamahal mong kaibigan
C. ang nagmamahal Mong Kaibigan
D. Ang nagmamahal mong kaibigan,
5. Lagda
A. mercy
B. ana
C. Mercy
D. luisa
Gawain D.
Panuto: Isulat sa tamang pagkakaayos ang bawat bahagi ng liham na nasa bawat kahon sa paamamagitan ng pagpili ng wastong letra sa ibaba.
A. Ibabalita ko sa inyo na nasalanta ng malakas na bagyong Yolanda ang buong kabayanan dito sa amin.
B. Osmeňa Avenue,
Kalibo, Aklan
12 Mayo 2019
C. Vicky
D. Ang iyong kaibigan,
E. Mahal kong Chona,
1.
2.
3.
4.
5.
Gawain E.
Panuto: Tukuyin ang bawat bahagi ng liham sa ibaba.
A. pamuhatan
B. katawan ng liham
C. bating pangwakas
D. bating panimula
E. lagda
120 Bonifacio St.
1) __________Roxas, Palawan
14 Hunyo 2019
Mahal kong Allen, 2) ___________
Maraming salamat sa mga larawang ipinadala mo sa amin. Kayganda lahat ng kuha. Humanga sina Mommy at Ate. Muli akong nagpapasalamat sa iyo. 3) _____________
4)____________ Ang iyong kaibigan,
5) ____________ Marie