Modyul 3: Pagbibigay ng Wakas sa Napakinggang Teksto
Ang wakas ay ang huling bahagi ng isang kuwento, akda, o teksto. Ito ay maaaring maging solusyon ng suliranin o kahihinatnan ng mga pangyayari.
Para makapagbigay ng sariling wakas sa mga akda o teksto, kailangang paganahin ang malikhaing pag-iisip at malawak na imahinasyon. Samantala, narito ang ilang mga dapat tandaan sa epektibong pagbibigay-wakas sa napakinggan o nabasang kuwento, akda, o teksto:
1. Maghanda ng gamit sa pagtatala ng mahahalagang detalye. (papel bolpen/lapis)
2. Makinig nang mabuti (kung pakikinggan ang akda) at unawaing mabuti (kung sariling babasahin ang akda).
3. Tandaan ang bawat detalye o mahahalagang impormasyon.
4. Isaisip ang mensaheng hatid ng napakinggan o nabasa.
5. Pagnilayan ang nais mong mangyari sa akdang walang wakas. Maging malikhain sa pag-iisip ng maganda at kahanga-hangang wakas.
6. Magpasya kung anong wakas ang gusto mong ilalapat o magaganap.
7. Isulat ito nang malinaw at maayos.
Mga Pagsasanay
Layunin
Pagkatapos ng pag-aaral sa modyul na ito ikaw ay inaasahang:
· nagagamit ang dating kaalaman sa pagbibigay ng wakas ng napakinggang teksto. (F6PB-Ii-14)
Gawain A.
Panuto: Basahin ang kwento at ibigay ang mga sagot upang mabigay ang wakas ng napakinggang teksto.
Si Jayden, Ang Batang Masinop
Maagang nagising si Aleng Mae, araw kasi ng oryentasyon ng mga magulang kung paano nila magagabayan ang kanilang anak sa pag-aaral ngayong pandemya. Modular Learning Modality ang napili nila para sa pag-aaral ng anak na nasa ika-anim na baitang. Kasama niyang dumalo sa virtual na oryentasyon ang anak na si Jayden.
Pagkatapos ng oryentasyon, nagsimula na si Jayden na mag-ayos ng kaniyang mga gamit sa pagaaral. Hinalukay niya ang mga lumang kuwaderno, tinanggal ang mga pahinang nagamit na at pinagsamasama ang mga walang sulat. Tinahi niya ito at nilagyan ng cover. Nasa kaniyang tabi ang lumang pencil case at mga ballpen, pati mga lapis at pantasa.
“Jayden, anong ginagawa mo anak?” tanong ng ina. “Ay! Sinisinop ko po ang mga gamit ko noong nasa ikalimang baitang po ako. Sayang naman po kung hindi magagamit ang mga ito. Maaari ko pa pong gamitin ito bilang sagutang- kuwaderno kung sakaling kakailanganing ilakip sa modyul na matatanggap natin, hindi po ba Inay?” ang nananabik na sagot ng anak.
“Ano naman ang gagawin mo riyan sa mga lumang lapis mo? Bibilhan ka naman namin ng Itay mo ng bago kapag nakasahod na siya. Sa Oktubre a singko pa naman ang pasukan at matagal-tagal pa iyon”, dagdag pa ng ina.
“Inay naman, sayang po ang mga ito. Kung sakaling kukulangin, saka nalang po ninyo ako ibili ng karagdagang gamit. Gamitin muna ninyo ang sahod ni Itay pambili ng ibang kailangan natin dito sa bahay”, tugon ni Jayden.
“O sige kung iyan ang gusto mo, ikaw ang bahala. Hala bilisan mo na riyan at maglalaba pa ako”, pahabol ng ina.
“Opo inay, hayaan mo’t ipag-iigib kita mamaya ng tubig pambanlaw mo kapag natapos ko nang ayusin itong mga lumang gamit ko,” pangiting sagot ni Jayden.
Ipinagpatuloy ni Jayden ang kaniyang ginagawa. Nang matapos niya ang mga ito, kaagad niyang binitbit ang timba at ipinag-igib ang kaniyang ina.
Sariling Katha: Lilibeth D. Meliton
Mga Tanong:
1. Sino ang pangunahing tauhan sa teksto?
A. Jayden
B. Itay ni Jayden
C. Aling Mae
D. Guro ni Jayden
2. Bakit maagang gumising si Aleng Mae?
A. May trabaho siya sa palengke
B. Magluluto siya ng agahan
C. Maglalaba siya buong araw
D. Araw ng oryentasyon para sa mga magulang
3. Ano ang ginawa ni Jayden pagkatapos ng oryentasyon?
A. Inayos ang kanyang mga gamit sa pag-aaral
B. Naglaro sa labas ng basketball
C. Nanood ng TV
D. Natulog ulit
4. Paano inaayos ni Jayden ang kaniyang mga lumang gamit noong siya ay nasa ikalimang baitang pa lamang?
A. Itinapon niya ang mga luma
B. Ipinamigay ang mga gamit
C. Binasa at pinilas ang bawat pahina
D. Tinahi at nilagyan ng cover ang kuwaderno
5. Bakit niya sininop at inayos muli ang mga lumang gamit?
A. Wala siyang bagong gamit
B. Para hindi mahalata ng kaniyang ina
C. Para magamit pa muli ang maayos na kagamitan
D. Gusto niyang ipagmalaki ito sa kaklase
6. Sang-ayon ka ba sa kaniyang ginawa? Bakit?
A. Oo, dahil ipinakita niyang responsable at matipid siya
B. Oo, dahil gusto niya ng bagong gamit
C. Hindi, dapat binili na lang siya ng bago
D. Hindi, kasi matagal pa naman ang pasukan
7. Ipaliwanag ang pamagat na “Si Jayden, Ang Batang Masinop”.
A. Si Jayden ay maraming gamit
B. Si Jayden ay matulungin
C. Si Jayden ay masaya tuwing pasukan
D. Si Jayden ay marunong mag-ingat at gumamit muli ng maayos na kagamitan
8-9. Subukin mong ipakita ang pagiging malikhain, magbigay ng iyong sariling wakas ng kuwento.
A. Pinuri si Jayden ng kanyang guro at naging huwaran siya sa klase
B. Tumigil si Jayden sa pag-aaral dahil kulang ang gamit niya
C. Nakalimutan ni Jayden ang kanyang gamit sa unang araw
D. Nagalit ang kanyang nanay dahil ginamit pa niya ang luma
10.Tungkol sa ginawang wakas, bakit ito ang iyong ginawang sariling wakas?
A. Upang ipakita na may gantimpala ang pagiging masinop at masipag
B. Dahil ito ang inaasahang wakas sa tunay na buhay
C. Dahil gusto bigyang-diin ang kabutihang dulot ng pagtitipid at disiplina
D. Lahat ng nabanggit
Gawain B.
Panuto: Basahin ang kwento at ibigay ang mga sagot upang mabigay ang wakas ng napakinggang teksto
Ang Batang may Kapansanan
Mula sa kaniyang pagsilang ay maliit na ang isang paa ni Maria. Malambot iyon at nakabaluktot. Nang siya ay lumaki-laki ipinasuri siya ng kaniyang mga magulang sa mahuhusay na doktor. Ang sabi ng mga doktor ay hindi na siya gagaling. Habambuhay na raw magiging lumpo si Maria. Labis na nalungkot at naawa sa kaniya ang magulang.
Sa kabila ng lahat, nagpatuloy sa kaniyang pangarap si Maria. Lumaki siyang matapang at matatag. Pinalaki kasi siya ng kaniyang ina na madasalin. Mayroon siyang malaking pananalig sa Diyos kaya naman nagawa niyang tanggapin ang kalagayan.
Habang nagdadalaga ay nahilig si Maria sa musika. Nakatutugtog siya ng maraming uri ng instrumento. Marami ang humahanga sa taglay niyang galing sa pagtugtog. Upang lalo pa siyang maging mahusay, pinag-aral siya ng kaniyang ina sa pagtugtog ng piyano. Natuklasan ni Maria na kulang man siya ng paa, sobra naman siya sa talino sa musika. Maraming mga guro sa musika ang humanga sa kaniya. Lahat ay gusto siyang maging estudyante.
Sa paglipas ng panahon, ibang-iba na si Maria. Ano sa palagay mo ang nangyari kay Maria?
Sariling akda: Rodelyn T. Alejandro
Mga Tanong
1. Sino ang pangunahing tauhan sa teksto? Ilarawan siya.
A. Isang batang matapang sa mga kalaro
B. Ina ni Maria, na mahusay tumugtog ng piano
C. Si Maria, isang batang mahiyain at malungkutin
D. Si Maria, isang batang may kapansanan ngunit matatag at may pananalig sa Diyos
2. Ano ang katangian ni Maria na para sa iyo ay kahanga-hanga? Bakit?
A. Siya ay matapang, matatag, at may pananampalataya sa Diyos
B. Siya ay mahiyain at tahimik
C. Siya ay mabilis tumakbo kahit may kapansanan
D. Siya ay may maraming laruan sa bahay
3. Ano ang kinahiligang gawin ni Maria? Ano ang natuklasan niya tungkol dito?
A. Pagsayaw; natuklasan niyang siya ay may talento sa ballet
B. Pagpipinta; natuklasan niyang mahusay siya sa sining
C. Pagsusulat; natuklasan niyang magaling siyang magsulat ng tula
D. Pagtugtog ng mga instrumento; natuklasan niyang sobra ang kanyang talino sa musika
4. Bakit maraming humahanga sa kaniya?
A. Dahil siya ay may maraming kaibigan
B. Dahil mahusay siyang kumanta
C. Dahil siya ay maganda at sikat
D. Dahil mahusay siyang tumugtog kahit may kapansanan
5. Dugtungan ang sumusunod, bigyan ng sariling wakas ang kuwentong napakinggan.
A. Naging isa siyang tanyag na musikero at nagturo ng musika sa mga batang may kapansanan
B. Tumigil siya sa pagtugtog at nalungkot sa buhay
C. Nagtago siya sa bahay at hindi na lumabas
D. Pinilit niyang maglakad para maging atleta
Gawain C.
Panuto: Ibigay ang angkop na wakas.
1. Nawili si Janna sa pakikipagkuwentuhan sa mga kaklase kaya hindi niya namalayang dumidilim na pala. Bilin sa kaniya ng magulang umuwi nang maaga. ________.
A. Naiwan siya ng sinasakyang dyip.
B. Masaya siyang sinalubong ng mga kapatid.
C. Antok at pagod ang kaniyang nararamdaman.
D. Pagdating sa bahay ay pinagalitan siya ng kaniyang magulang.
2. Masipag na magsasaka si Mang Karyo. Marami siyang tanim na mga gulay. Inaalagaan niya ang mga ito at nilalagyan ng pataba.
A. Dinala ni Mang Karyo ang mga gulay sa palengke.
B. Araw-araw binibisita ni Mang Karyo ang kaniyang taniman.
C. Lumaking malulusog at matataba ang kaniyang mga pananim.
D. Tuwang-tuwa ang kaniyang mga kapitbahay sa binigay na mga gulay.
3. Kumain ng mangga at bagoong si Ana. Nangati ang kaniyang katawan. Nagkaroon siya ng allergy.
A. kumain at nagpahinga
B. pumunta siya ng klinika at nagpacheck-up
C. ipinagwalang bahala ang nararamdaman
D. itinago niya at hindi ipinalam sa magulang
4. Nais ni Karlo na mamitas ng mangga ngunit malaki at mataas ang puno. Kumuha siya ng hagdang kawayan at isinandal sa puno. Nakaakyat nga siya ngunit pagdaan ng naghahabulang mga bata, nabundol nila ang hagdan at nabuwal ito. Upang makababa ___________________. A. nagpasalamat sa mga tumulong sa kaniya.
B. sumigaw si Karlo para humingi ng tulong.
C. pinapabalik ang hagdan para siya ay makababa.
D. pinagalitan ang mga batang nakabundol sa hagdan.
5. Hindi makatulog si Ronald. Pabaling-baling siya sa higaan. Kumakalam ang kaniyang sikmura. Pumunta siya sa kusina.
A. Nakinig siya ng balita sa radyo.
B. Pinilit niyang pumikit kahit gising ang diwa.
C. Si Ronald ay masayang nagluto at kumain.
D. Kinausap niya ang kaniyang mga magulang.
6. Si Mang Delmo ay isang magbubukid. Marami siyang tanim na mangga sa kaniyang bukirin at nilalagyan niya ng tamang gamot ang mga ito.
A. Napagod siya kaya nagpahinga.
B. Inubos ng peste ang kaniyang mga pananim.
C. Masayang isinasagawa niya sa kaniyang gawain.
D. Naging malusog at namunga nang marami ang kaniyang tanim.
7. Masinop at matalinong bata si Maria. Lagi siyang nag-aaral ng leksiyon. Hindi siya lumiliban sa klase. Nakikinig siyang mabuti sa kaniyang guro.
A. Si Maria ay nangunguna sa klase.
B. Marami siyang kaibigan sa paaralan.
C. Pinagmalaki siya ng kaniyang magulang.
D. Mababa ang nakuha niyang iskor sa pagsusulit.
8. Maagang umuwi si Melody galing sa paaralan. Masakit na masakit ang kaniyang ulo. Mainit ang kaniyang buong katawan at nanginginig sa lamig. Nais niyang mawala ang sakit kaya napagpasiyahan niya na _________.
A. kumain at magpahinga
B. nagkaroon ng sipon at ubo
C. uminom ng gamot sa lagnat
D. maligo para mawala ang init sa katawan
9. Matakaw sa pagkain si Mimi kaya nga siya ay matabang bata. Isang araw, dumalo sila sa piyesta at maraming masasarap na pagkain sa mesa kaya naparami ang kain niya.
A. Hindi siya nabusog sa kaniyang kinain.
B. Nagpasalamat sa kaibigang nag-imbita.
C. Masayang umuwi kasama ang kaibigan.
D. Si Mimi ay busog na busog sa kaniyang kinain.
10. Kumidlat ng matalim. Kumulog nang malakas. Umihip ang malakas na hangin. Bumuhos ang malakas na ulan.
A. Maliligo sa ulan.
B. Hindi lalabas sa bahay.
C. Masarap matulog kapag malamig ang panahon.
D. Masama ang panahon at may paparating na bagyo.