Modyul 1: Pagsagot ng mga Tanong Tungkol sa Talaarawan at Anekdota
Ang talaarawan ay isang pasulat na pagsasalaysay ng pang-araw-araw na pangyayari sa buhay, mga personal na karanasan, saloobin, obserbasyon at pananaw. Ito ay sinusulat sa paraang nakikipag-usap sa isang tao. Kaya maaari itong magsimula sa “Mahal kong Diary o Talaarawan” o maaari ring bigyan ng pangalan na parang isang tunay na tao ang sinusulatan.
Ginagamit din ang talaarawan sa pagsulat ng talaan ng dapat at gustong gawin, gayundin ng mga nagawa, mga karanasan, saloobin o nadarama at iniisip. Maaari din gamitin para bilang listahan ng pantasya at sa iba pang katulad.
Ang anekdota ay isang maikling salaysay ng natatangi at nakawiwili o nakalilibang na pangyayari, karaniwan sa buhay ng kilalang tao at maaaring tunay na nangyari o hindi. Layunin nito na maghatid ng mga karanasang kapupulutan ng aral. Ito ay may isang paksa at ang bawat pangyayari ay nagbibigay kahulugan at ideyang nais ipadama.
Sa pagsagot sa mga tanong mula sa nabasang talaarawan at anekdota, dapat tandaan ang sumusunod:
1. pag-unawang mabuti sa isinasalaysay ng akda;
2. pag-unawang mabuti sa mga ibinigay na tanong;
3. pagsagot nang mahusay sa mga tanong; at
4. pagrebyu at pagtiyak kung tama ang sagot sa mga tanong.
Mga Pagsasanay
Layunin
Pagkatapos ng modyul na ito ikaw ay inaasahang:
● nasasagot ang mga tanong tungkol sa nabasang talaarawan. (F6RC-IIdf-3.1.1)
● nasasagot ang mga tanong tungkol sa nabasang anekdota.
Gawain A. Panuto: Basahin ang talaarawan at sagutin ang mga tanong.
Mahal kong Talaarawan,
25 Hulyo 2025
Lunes
Maaga akong gumising ngayong umaga dahil may pagsusulit kami sa Filipino. Nakakapanibago ang malamig at maulan ang panahon dahil sa nararanasang bagyo sa ibang lugar. Pero dahil nagising agad ako, nakapagbalik-aral pa ako nang husto bago ang klase.
Sa pagsusulit, nagulat ako nang mabasa ko ang tanong tungkol sa kasarian ng pangngalan, ibang-iba sa mga inaasahan ko! Pero dahil pinag-aralan ko, nasagutan ko ang mga tanong. Pakiramdam ko na ayos ang marka ko ngayon.
Pagkatapos ng klase, kumain kami ng meryenda sa kantina. Bumili ako ng siomai at palamig gamit ang ipon ko. Masarap talaga kapag may naipon ka, premyo ko iyon dahil naging disiplinado ako sa pag-aaral.
Pag-uwi ko ng bahay, agad kong tinulungan si Nanay sa gawaing bahay, nagsaing ako ng kanin at hinugasan ko ang aking baunan. Kumuha rin ako ng meryenda, ang paborito kong turon.
Ngayong gabi, mag-aaral ako sa asignaturang Mathematics dahil gusto kong makasagot sa mga tanong ng aking guro. Sana maunawaan ko ang mga aralin bukas para masaya sina Nanay at Tatay. Gagawin ko talaga ang aking makakaya.
Nagpupuyat man ako ngayon, nagpapasalamat akong may malakas at maayos na kalusugan at pangangatawan. Kahit pagod, masaya ako dahil alam kong makatutulong ito upang makamit ko ang aking mga pangarap sa buhay.
Nagmamahal,
Charie
1. Ano ang petsa ng isinulat mong talaarawan?
A. Hulyo 25, 2025
B. Hulyo 21, 2025
C. Hulyo 20, 2025
D. Hulyo 22, 2025
2. Bakit ka nagising nang maaga noong araw na iyon?
A. Dahil may praktis ng sayaw
B. Dahil may bakasyon
C. Dahil may pagsusulit sa Filipino
D. Dahil may outing sa pamilya
3. Ano ang naging kakaiba sa klima ng umaga?
A. Mainit at maaraw
B. Malamig at maulan
C. Maalinsangan at mahamog
D. Maalinsangan at maaraw
4. Anong uri ng tanong sa pagsusulit nagulat si Charie?
A. Tanong sa tula
B. Tanong sa uri ng panghalip
C. Tanong sa kasarian ng pangngalan
D. Tanong sa pagbabaybay
5. Ano ang binili sa kantina pagkatapos ng klase?
A. Siopao at juice
B. Siomai at turon
C. Siomai at palamig
D. Turon at tubig
6. Ano ang unang ginawa ni Charie pag-uwi sa bahay?
A. Naglaro agad
B. Nagsaing at naghugas ng baunan
C. Nanood ng TV
D. Nagwalis ng harapan
7. Ano ang paborito niyang meryenda?
A. Palamig
B. Siopao
C. Turon
D. Siomai
8. Bakit siya nag-aaral pa kahit gabi na?
A. Dahil gusto manood ng palabas pagkatapos mag-aral
B. Dahil sa takdang aralin sa Science
C. Dahil pagagalitan ng magulang
D. Dahil gustong makasagot sa tanong ng guro sa Mathematics
9. Ano ang isa sa mga damdamin na naramdaman sa talaarawan?
A. Galit at lungkot
B. Pasasalamat at saya
C. Takot at kaba
D. Inggit at selos
10. Ano ang nakikita mong resulta ng iyong pagiging disiplinado?
A. Makakukuha ng mga negatibong reaksyon mula sa pamilya
B. Makapupunta sa ibang bansa
C. Makakamit ang mga pangarap
D. Magiging sikat sa social media
Gawain B.
Panuto: Basahin at unawain ang maikling anekdota. Sagutin ang mga tanong sa ibaba at isulat ang titik ng tamang sagot
Isang matandang may sakit sa balat na balot na balot ang mukha ang sumakay sa dyip. Nang makita ng drayber ang mga sugat sa balat ng matanda, naisip niyang baka nakahahawa ang sakit na ito. Nang pababa na ang matanda, ipinahinto ang sasakyan at iniabot ang bayad-pasahe.
“Huwag na po lola,” ang sabi ng drayber. “Huwag naman amang. Naghahanap buhay ka rin,” tugon ng pulubi.
Nagpumilit ang matanda, pero natatakot ang drayber na hawakan ang pera dahil baka mahawa siya. “Huwag na po kayong magbayad lola,” sabi uli ng drayber. “Mas dapat kayong tulungan at kaawaan, eh.”
Natuwa ang matanda. Sabay yakap at pinaghahalikan ang drayber sa tuwa.
Mga Tanong:
1. Sino ang dalawang tauhan sa anekdota?
A. Matandang may sakit at drayber
B. Mag-aaral at guro
C. Ama at ina
D. May sakit at bata
2. Bakit ayaw tanggapin ng drayber ang bayad ng matanda?
A. Dahil maawain ang drayber
B. Natatakot ang drayber na hawakan ang pera dahil baka mahawa siya
C. Dahil natuwa ang drayber
D. Dahil mapera na ang drayber
3. Bakit ipinagpipilitan ng matandang tanggapin ng drayber ang kaniyang bayad?
A. Sapagkat naghahanapbuhay ang drayber
B. Dahil kamag-anak niya nag drayber
C. Sapagkat ayaw niyang tumanaw ng utang na loob
D. Mapagbigay ang matanda
4. Ano ang inaakala ng drayber tungkol sa matanda nang makita ang balat nito?
A. Mayaman siya
B. Malusog siya
C. Nakakahawa ang sakit
D. Bata pa siya
5. Paano ipinakita ng matanda ang kaniyang pasasalamat sa drayber?
A. Uminom ng kape
B. Yumuko at nagbigay ng regalo
C. Niyakap at hinalikan ang drayber
D. Tumawa ng malakas
Gawain C.
Minsan, ang kaibigan kong si Aiza ay bumili ng sapatos na mas mahaba ng dalawang pulgada ang haba sa paa niya. Nag-aalala kasi siya na baka sa susunod na araw ito ay sisikip. Kung sakali, masasayang lang ang pera niya at hindi ito maisusuot. Isang araw umulan nang malakas, habang tumatakbo kami papasok sa umaandar na dyip, nahulog ang kapares ng kaniyang sapatos. Mabilis na umandar ang dyip at tuluyan na itong naiwan sa kalsada. Itinapon niya rin ang isa dahil hindi niya na ito magagamit pa. Nasayang lamang ang kaniyang pera.
Mga Tanong:
1. Kaninong anekdota ang iyong nabasa?
A. Aiza B. Shuvee C. Mika D. Bianca
2. Ano ang kaniyang dahilan kaya bumili siya ng sapatos na mas malaki sa kaniyang paa?
A. Ibibigay niya sa kaniyang ate.
B. Ipahihiram niya sa kaniyang kapatid
C. Gusto niya ng medyo maluwag na sapatos.
D. Iniisip niyang sisikip ito at baka hindi na magamit.
3. Ano ang ginawa niya sa natirang pares ng sapatos?
A. Itinago niya ito.
B. Ibinigay sa pulubi
C. Ibinenta niya nalang ito.
D. Itinapon dahil hindi na niya ito magagamit.
4. Bakit naiwan ang kapares ng kaniyang sapatos?
A. Sumasayaw siya papasok ng sasakyan.
B. Naglalakad siya at bigla itong naiwan.
C. Naglalaro sila ng kaibigan niya nang habulan.
D. Tumakbo siya papasok ng dyip at nahulog ito.
5. Anong aral ang makukuha mo sa nabasang anekdota?
A. Huwag maging matatakutin.
B. Pag-isipan nang mabuti ang pagdedesisyon.
C. Maging maalahanin sa ano mang bagay.
D. Sundin ang sariling desisyon.