Modyul 7: Paglalarawan sa Tauhan at Tagpuan sa Kuwentong Binasa
Ang tagpuan ay isang elemento ng maikling kuwento na tumutukoy sa lugar kung saan naganap ang mahahalagang pangyayari sa kuwento. Mahalagang malaman ang tagpuan upang higit na maunawaan ang nilalaman ng buong kuwento.
Mailalarawan mo ang tagpuan sa pamamagitan ng sumusunod:
· Pagbabasa nang mabuti sa kuwento;
· Pagtatala ng mahahalagang detalye tungkol sa tagpuan;
· Pagtingin sa mga pahiwatig o clue at palatandaan na tumutukoy sa pinangyarihan ng kuwento;
· Batay sa mga nakalap na detalye maaari ng bumuo ng paglalarawan sa tagpuan. Maaaring kunin nang tuwiran ang sinabi sa kuwentong binasa o bumuo ng sariling paglalarawan batay sa sariling pagsusuri.
Halimbawa:
Ø maraming gusali, kalye at tulay ang nasira;
Ø kalunos-lunos at nakatatakot ang pangyayari sa lugar na ito
Ø maraming tao ang nawalan ng bahay;
Ø nagkalat sila sa daan at namamalimos.
Ang tauhan ay isang elemento ng maikling kuwento na tumutukoy sa mga tao na gumaganap o kumikilos sa bawat mahahalagang pangyayari sa kuwento. Mahalagang malaman ang mga tauhan upang higit na maunawaan ang kuwento, ang mensahe nito at nais iparating sa mambabasa.
Ang tauhan sa kuwento ay maaaring ilarawan sa pamamagitan ng kanilang pananalita, kilos o galaw, at damdamin. Mahalagang matutuhan ang paglalarawan sa mga tauhan upang makilala sila bilang tao na gumaganap sa kuwento. Kailangang suriin at unawain ang kanilang pananalita, kilos o galaw at damdamin upang matukoy ang kanilang mga katangian.
Halimbawa:
Ø Sa pahayag ni Alvin na, “Kuya, palimos po ng pambili ng pagkain,” sa kaniyang kilos at pananalita, mailalarawan siya na mahirap at ang kaniyang damdamin ay nagnanais na kaawaan siya.
Ø Sa pahayag naman ni Brent na “Ngayong ikaw ay may hanapbuhay na, hindi ka na mamalimos. Magpatuloy ka sa pagsisikap para makatulong sa mga magulang mo at makaahon kayo sa hirap,” mailalarawan siya bilang taong may mabuting puso, ang kaniyang damdamin ay nais magbigay ng pag-asa.
Mga Pagsasanay
Layunin:
Pagkatapos ng araling ito, ikaw ay inaasahang;
· nakasasagot sa mga tanong tungkol sa kuwento
· nailalarawan ang tauhan batay sa damdamin nito at tagpuan sa binasang teksto.
Gawain A.
Panuto: Sagutin ang mga tanong tungkol upang mailarawan ang mga tauhan at tagpuan sa kuwento
Pagtulong at Pagsisikap
Sariling katha ni: Ma. Teresa G. Mateo
Si Brent ay isang manunulat. Nagtungo siya sa Marawi, upang isulat ang mga nangyari rito pagkatapos ng matinding sagupaan. Maraming gusali, kalye at tulay ang nasira.
“Kalunos-lunos at nakatatakot ang pangyayari sa lugar na ito,” pahayag ni Brent. Maraming tao ang nawalan ng bahay kaya nagkalat sila sa daan at namamalimos.
“Kuya,” tawag ng isang binatilyong gusgusin na nagmamakaawa, “Palimos po ng pambili ng pagkain.” Pinagmasdan niya ito, mataba at mas malakas pa ito sa kaniya. “Bakit hindi ka naghahanapbuhay? Halika’t kumain muna tayo.” Habang kumakain pinanonood nila ang tindera na isang matandang babae ngunit maliksi pa ang kilos at masayahin ito.
“Tingnan mo ang tinderang iyan hindi siya namamalimos nagtatrabaho siya. Natutulungan pa niya ang mga gutom na tulad natin. Ikaw anong alam mong gawin?” sabi ni Brent.
“Marunong po akong maglinis ng sapatos,” nahihiyang sagot ni Alvin. “Halika’t mamimili tayo ng mga panlinis ng sapatos. Pahihiramin kita ng perang idadagdag natin sa pera mo,” ani Brent. Isang turista ang inalok ni Brent na magpalinis ng sapatos. Pumayag naman ito, palibhasa’y mahusay ang pagkakalinis ni Alvin sa mga sapatos ay binigyan siya ng malaking tip. Pagkatapos nito, sunod-sunod na ang nagpapalinis ng sapatos kay Alvin.
“Heto na po ang perang pinambili ninyo ng mga gamit ko sa paglilinis ng sapatos. Maraming salamat po.” Nasisiyahang sabi ni Alvin. “Ngayong ikaw ay may hanapbuhay na, hindi ka na mamalimos. Magpatuloy ka sa pagsisikap para makatulong sa mga magulang mo at makaahon kayo sa hirap,” masayang wika ni Brent.
“Naku! maraming salamat po,” natutuwang sabi ni Alvin.
1. Ano ang paksa ng iyong binasang kuwento?
A. Pakikipaglaban sa digmaan
B. Pagtulong sa kapwa at pagsisikap upang umasenso sa buhay
C. Paglalakbay sa Marawi
D. Pag-aaral ng isang binatilyo
2. Saan nangyari ang kuwento? Ilarawan ito.
A. Sa isang masayang lungsod na may maraming turista
B. Sa Marawi na nasira dahil sa matinding sagupaan
C. Sa palengke na maraming nagtitinda
D. Sa eskwelahan ng mga batang ulila
3. Bakit sinabi sa kuwento na kalunos-lunos at nakatatakot ang nangyari sa lugar na ito?
A. Dahil maraming tao ang may sakit
B. Dahil may matinding trapik sa lugar
C. Dahil maraming gusali, kalye, at tulay ang nasira at maraming tao ang nawalan ng tirahan
D. Dahil walang kuryente at tubig sa lugar
4. Sino ang mga tauhan sa kuwento?
A. Brent, Alvin, at ang nanay ni Alvin
B. Brent, Alvin, at ang matandang tindera
C. Alvin, tindera, at turista
D. Brent, tindera, at manunulat
5. Paano tinulungan ni Brent si Alvin?
A. Binigyan siya ng pagkain at pinatulog sa bahay
B. Tinuruan siyang magbenta sa palengke
C. Pinautang siya ng pera para makabili ng gamit sa paglilinis ng sapatos
D. Inalok siya ng trabaho sa opisina
6. Batay sa kilos at pananalita ni Brent, ilarawan ang kaniyang damdamin tungkol sa kalagayan ni Alvin.
A. Wala siyang pakialam sa kalagayan ni Alvin
B. Nainis siya sa mga batang namamalimos
C. Naawa siya at nais niyang matulungan si Alvin na magbago ang buhay
D. Nais lamang niyang isulat ang kwento ni Alvin
7. Batay sa kilos at pananalita ni Alvin, ilarawan din ang kaniyang damdamin tungkol sa ginawang pagtulong sa kaniya ni Brent.
A. Nagalit siya dahil tinulungan siya
B. Nahiya ngunit naging masipag at nagpapasalamat
C. Ayaw niyang tulungan siya
D. Tinanggap lang niya ang tulong pero hindi nagpasalamat
8. Sa iyong pananaw, bakit pinamagatang “Pagtulong at Pagsisikap” ang kuwento?
A. Dahil nagtulungan ang dalawang bida sa paglilinis ng sapatos
B. Dahil nagtulungan sila sa paglalakad sa Marawi
C. Dahil tinulungan ni Brent si Alvin na magkaroon ng hanapbuhay at nagsikap si Alvin upang umasenso
D. Dahil nagtayo sila ng negosyo
9. Anong bahagi ng kuwento ang nagustuhan mo? Bakit?
A. Nang inalok ni Brent si Alvin ng pagkain — dahil pinakita ang malasakit niya
B. Nang nakita ni Brent ang matandang tindera — dahil masayahin siya
C. Nang mamalimos si Alvin — dahil nakakaawa siya
D. Nang isulat ni Brent ang digmaan — dahil gusto ko ng pagsulat
10. Ano ang aral na makukuha sa kuwento?
A. Mas mabuting mamalimos kaysa magtrabaho
B. Dapat tayong magsikap at tumulong sa kapwa upang umasenso sa buhay
C. Hindi na dapat tumulong sa mga hindi natin kilala
D. Mas magaan ang buhay kung umaasa na lang sa iba
Pagbabago
Sariling katha ni: Marijo N. Panuncio
Titay halika nga rito! “Huwag kang pabagal-bagal,” galit na sigaw ni Ronelyn sa kanilang katulong. “Maglampaso ka nga rito,” bulyaw sa kasambahay. Iyan si Ronelyn ang batang mapagmataas at mapang-alipusta.
Palibhasa nag-iisang anak ng mag-asawang Valdez kaya’t nasusunod ang lahat ng gugustuhin niya.
Madasalin si Gng. Gina Valdez, miyembro siya ng mga kababaihang sumusuporta sa mga gawaing pansimbahan ng kanilang lugar. Humahanga siya sa mga taong nagbibigay ng donasyon at naglilingkod sa Panginoon. Doktor ang ama ni Ronelyn kilala ito na mababa kung sumingil at karamihan ay inililibre niya ang mga gamot. May malaking klinika ito sa kanilang lugar. Takang-taka ang mga nakakikilala sa kanila kung bakit iba ang ugali ni Ronelyn.
Isang araw may matandang babaing lumapit kay Ronelyn pinagsabihan siya na kailangan niyang magbago at matutong maging mabuti at mapagkumbaba. Dahil kung hindi siya magbabago at hindi siya kasisiyahan at walang gugusto na siya ay maging kaibigan. Pinag-isipang mabuti ni Ronelyn ang pangaral ng matanda. Araw ng Sabado, may dalang cake si Ronelyn umaawit ng maligayang kaarawan, niyakap ang ina at napahagulhol habang humihingi ng patawad sa kaniyang hindi magandang ugali. Pagkatapos noon, siya ay naging mabuting bata na.
Gawain B.
Panuto: Sagutin ang mga tanong sa kuwento
1. Sino si Ronelyn sa kuwento?
A. Isang masunuring bata na laging tumutulong sa bahay
B. Isang batang madasalin at mapagkumbaba
C. Isang batang mapagmataas, masungit, at palautos sa katulong
D. Isang mabait na kaibigan
2. Ano ang ugali ni Gng. Gina Valdez, ang ina ni Ronelyn?
A. Suplada at mapagmataas
B. Tahimik at walang pakialam
C. Madasalin at tumutulong sa simbahan
D. Mahigpit at madamot
3. Anong hanapbuhay ng ama ni Ronelyn?
A. Guro sa paaralan
B. Abogado na kilala sa kanilang bayan
C. Doktor na mababa maningil at tumutulong sa mahihirap
D. Negosyante na maraming tauhan
4. Sino ang matandang babaeng lumapit kay Ronelyn?
A. Katulong nilang si Titay
B. Isang kapitbahay na may reklamo
C. Isang matandang nagbigay ng payo at pangaral sa kaniya
D. Kaibigan ng kanyang ina
5. Ano ang naging damdamin ni Ronelyn pagkatapos marinig ang pangaral ng matanda?
A. Lalong nagalit at hindi nakinig
B. Naisip niya ang kanyang pagkakamali at humingi ng tawad
C. Tumawa lamang siya at umalis
D. Lumaban at pinagtawanan ang matanda
6. Saan pangunahing naganap ang mga pangyayari sa kuwento?
A. Sa paaralan at simbahan
B. Sa bahay nila Ronelyn at sa kanilang komunidad
C. Sa ospital kung saan nagtatrabaho ang ama
D. Sa palengke at parke
7. Anong mahalagang pagbabago ang nangyari kay Ronelyn sa huli ng kuwento?
A. Natuto siyang maging mabuting bata at humingi ng tawad
B. Umalis siya sa kanilang bahay
C. Lumipat siya ng tirahan
D. Tinanggal siya ng kanyang magulang sa eskwela
8. Ano ang papel ni Titay sa kuwento?
A. Ina ni Ronelyn
B. Kaibigan niya sa paaralan
C. Katulong sa bahay nila Ronelyn na lagi niyang sinusungitan
D. Kapitbahay na palaging may reklamo
9. Ano ang naging dahilan ng pagbabago ni Ronelyn?
A. Pinagalitan siya ng kanyang ama
B. Nahiya siya sa mga bisita
C. Nakausap siya ng matandang babae na nagpayo sa kanya
D. Napagod siya sa pag-uutos sa iba
10. Ano ang aral na makukuha sa kuwento?
A. Dapat matutong magalit upang igalang ng iba
B. Ang pag-uugaling masama ay dapat panatilihin
C. Dapat tayong maging mapagpakumbaba at matutong magbago sa mali
D. Mas mainam ang pagiging mapagmataas kaysa mabait
Gawain C.
Panuto: Sagutin ang mga tanong tungkol sa kuwento?
Ang Magkakaibigan
Sariling katha ni Ma. Teresa G. Mateo
Masayang naglalakad pauwi mula sa paaralan ang magkakaibigan. Sila ay nagkukuwentuhan at nagtatawanan. Habang nasa daan may napansin silang isang asong nakatingin sa kanila. Napahinto si Xian nanginginig siya sa takot samantalang ang kaniyang mga kaibigan ay mabilis na nagsipagtakbuhan. “Aray!” “Anong nangyari sa iyo Loyd? Nakagat ka ba ng aso?” May pag-alalang tanong ni Vince. “Hindi! umiiyak na sagot ni Loyd, nasugatan ang tuhod ko, nadapa ako. Kung hindi sana ako tumakbo ay hindi ako nadapa,” pagsisisi ni Loyd.
“Huwag kang umiyak Loyd kaya mo iyan maliit na sugat lamang iyan,” pinalakas nito ang loob ng kaibigan. Tinulungan nila ito at sinamahang pauwi. “Inay narito na po ako.” “Naku! ano ang nangyari sa iyo anak?” Nabigla ang ina sa nakitang dugo sa tuhod nito. Alalang-alala ang nanay ni Loyd sa nangyari. Ginamot ang anak at pinagsabihang huwag na muling tumakbo para hindi mapahamak.
1. Sino ang pangunahing tauhan sa kuwento?
A. Ang ina ni Xian
B. Ang aso sa kalsada
C. Ang magkakaibigang sina Xian, Loyd, at Vince
D. Ang guro sa paaralan
2. Anong katangian ang ipinakita ni Xian nang makita ang aso?
A. Matapang at walang takot
B. Takot at nanginginig
C. Tumawa lamang at lumapit sa aso
D. Nagalit sa aso
3. Sino ang nadapa at nasugatan?
A. Vince
B. Xian
C. Loyd
D. Ang aso
4. Paano tumugon ang mga kaibigan ni Loyd sa nangyari sa kaniya?
A. Pinagtawanan siya
B. Hindi siya pinansin
C. Tinulungan at sinamahan siyang umuwi
D. Umalis at naiwan siya
5. Ano ang naging reaksyon ng ina ni Loyd sa nakita niyang sugat?
A. Pinagalitan si Loyd
B. Walang pakialam
C. Nabigla at alalang-alala
D. Tumawa lang
6. Saan naganap ang pangunahing tagpuan ng kuwento?
A. Sa loob ng paaralan
B. Sa palengke
C. Sa daan pauwi mula sa paaralan
D. Sa loob ng bahay ni Vince
7. Saan dinala si Loyd pagkatapos ng insidente?
A. Sa ospital
B. Sa bahay nila
C. Sa bahay ni Xian
D. Sa paaralan
8. Ano ang ipinakita ng mga kaibigan ni Loyd matapos siyang masugatan?
A. Takot at pag-iwas
B. Katapatan at pagkakaibigan
C. Galit at pag-aaway
D. Pag-aalinlangan at pagsisisi
9. Ano ang aral na makukuha sa kuwento?
A. Mas mabuting tumakbo agad kapag may aso
B. Laging iwasan ang daan pauwi
C. Dapat laging tumulong sa kaibigan sa oras ng pangangailangan
D. Huwag sabihin sa magulang ang nangyari
10. Paano ipinakita sa kuwento ang tunay na pagkakaibigan?
A. Sa pamamagitan ng sabayang pagtawa
B. Sa pagtulong kay Loyd at pagsama sa kaniya pauwi
C. Sa pagsama-sama sa laro
D. Sa pagtakbo palayo sa aso