#EDSA36: Itaguyod ang Tunay na Demokrasya!
February 25, 2022
February 25, 2022
Ngayong araw ay iginugunita ng sambayanang Pilipino ang ika-36 anibersaryo ng People Power na naganap noong Pebrero 22 hanggang 25, 1986 sa Epifanio Delos Santos Avenue o EDSA. Sa huling araw nito, winakasan ang dalawang dekada ng malawakang pagpapahirap sa mga Pilipino mula sa rehimeng Marcos. Taong 1972 nang pormal na dineklara ni Pangulong Marcos ang Batas Militar sa bansa kung saan sumunod ang labing-apat na taong lantaran ang pangungurakot, pananakot, at panunupil na dinanas ng maraming sa ating kababayan. Ilang halimbawa ang krisis sa ekonomiya at kahirapan, karahasan at pagwawalang-bahala sa karapatang pantao, ang pagpaslang kay Benigno “Ninoy” Aquino Jr., at ang pandaraya ng mga Marcos noong 1986 snap election. Dahil sa mga ito at sa marami pang ibang dahilan, kinikilala ng marami ang mga taong ito bilang ilan sa mga pinakamadilim na taon sa kasaysayan ng ating bansa.
Bilang tugon sa mga inhustisyang ito, lumaban ang sambayanang Pilipino at ipinatalsik ang nasabing administrasyon sa pamamagitan ng maaalab na mga pagkilos at mapayapang pag-aaklas. Ang makasaysayang pangyayari na ito ay nagpapakita ng lakas at pagkakaisa ng mga Pilipinong lumaban para sa inaasam na mas demokratikong lipunan at nagsisilbing paalala sa kapangyarihan ng sama-samang pagkilos.
Sa kabila ng paghubog ng People Power sa naratibo ng paglaya mula sa diktadura at pagkamit ng demokrasya, hindi makakaila ang unti-unting paghina o pagbago ng tingin ng masa dito. Ito ay mula sa namuong hinagpis at poot ng mamamayang Pilipino sa bigong pagtupad ng sistematikong pagbabago at pagtaguyod ng tunay na demokrasya ng People Power bunga ng patuloy na pagkamkam ng kapangyarihan ng naiilan (Domingo 2021). Kabilang dito ang bigong pagsugpo ng korapsyon at kahirapan na taliwas sa naratibo ng “good governance” na bandera ng mga administrasyong sumunod matapos ang EDSA. Ang kabiguang pagtaguyod ng tunay na demokrasya ay naghantong sa pagtanto ng mga mamamayang Pilipino kung nagkaroon nga ba ng pagbabago simula ng pagpapatalsik sa naturang diktador. Isang manipestasyon dito ang paghalal sa mala-diktator na si Duterte na sinamantala ang demokrasya para mamuno sa ilalim ng dahas at lantarang pagkasawalang bahala sa karapatang-pantao ng mga Pilipino (David 2022; Thompson 2016). Marahil ito rin ang dahilan kung bakit nagpapatuloy ang kapangyarihan ng mga Marcos at Duterte sa kasalukuyan, ngunit malinaw sa kasaysayan na hindi naging maganda ang bunga ng diktadura sa bansa at kailanman hindi sagot ang diktadura sa kaunlaran ng bansa.
Kaya naman, bilang sosyologo ng Bayan, kinikilala namin ang papel ng sama-samang pagkilos ng mga mamamayang Pilipino upang labanan ang inhustisyang dulot ng mga mapang-abusong rehimen at isulong ang pagbabagong nakabalangkas sa isang tunay na makatao, maka-Pilipino, at malayang demokrasya. Higit pa rito, kasama kami sa pagpapatingkad ng sama-samang pagkilos sa darating na Halalan upang hindi na makabalik sa kapangyarihan ang mga Marcos na patuloy na binubura ang madilim na kasaysayang naranasan ng mga Pilipino. Hindi tayo titigil na ipanawagan ang isang gobyernong nangangalaga sa karapatang-pantao at kalayaan ng mga Pilipinong mabuhay nang ligtas at makatarungan. Tanda ang People Power na mayroong pag-asa at posible ang pagbabago sa kabila ng pwersang pinapairal ng sistema dahil mayroong kapangyarihan ang boses ng mga mamamayan kapag nagsama-sama–marahil dito, kaya pa nating higitan ang narating ng isang makasaysayang pagkilos lalo na sa pagpili ng ating mga susunod pang lider.
#EDSA36
MGA SANGGUNIAN:
David, Randy. 2022. “What Happened to Edsa?” INQUIRER.net. Retrieved February 24, 2022 (https://opinion.inquirer.net/150079/what-happened-to-edsa).
Domingo, Katrina. 2021. “Why Are There Filipinos Who ‘Hate’ the EDSA People Power Narrative?” ABS-CBN News. (https://news.abs-cbn.com/.../why-are-there-filipinos-who...).
Thompson, Mark R. 2016. “Bloodied Democracy: Duterte and the Death of Liberal Reformism in the Philippines.” Journal of Current Southeast Asian Affairs 35(3):39–68.