Araw ng Kagitingan:
Alalahanin ang Tunay na Pagkakaisa
April 9, 2022
April 9, 2022
Ngayong araw, ginugunita ang Araw ng Kagitingan bilang pag-alala sa katapangan at kabayanihang ipinamalas ng mga Pilipino at Amerikanong sundalo sa pagharap sa mga Hapones sa Bataan Peninsula noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Abril 9, 1942 nang opisyal na sumuko ang hanay ng mga sundalo sa Bataan sa kamay ng mga Hapon. Ang kanilang pagsuko ang siyang naging simula sa makasaysayang Bataan Death March, kung saan mahigit 76,000 na sundalo ang sapilitang pinaglakad ng mahigit 106 kilometro mula sa Mariveles, Bataan, hanggang sa Camp O’Donnell sa Capas, Tarlac bilang sila ay mga bilanggo ng digmaan. Tinatayang nasa mahigit 20,000 ang binawian ng buhay dahil sa matinding pagod, gutom, sakit at sa pang-aabuso ng mga Hapones. Ngunit, sa kabila ng kanilang pinagdaanan matingkad pa rin ang diwa ng pakikipagkapwa-tao at pagkakaisa sa mga sibilyang Pilipino na tumulong sa mga sundalo na magpuslit ng pagkain at tubig upang tulungan sila mabuhay at makaraos sa abot ng kanilang makakaya.
Ang kasaysayan na ito ay isang tanda sa kung ano ang naggagawa ng pagkakaisa at pakikipagkapwa sa panahon ng matinding pagsubok at paghihirap sa ating Bayan. Bukod sa pagkilala sa mga beteranong sundalo at ang kanilang katapangan noong Death March, malinaw na mas naging matingkad ang pagkakaisa at pakikipagkapwa ng mga Pilipino upang tulungan ang mga Pilipinong naghihirap sa kamay ng mga Hapon. Tanda ito na ang pagkakaisa ay hindi umiikot sa pansariling interes kung hindi dulot ito ng pagmamahal sa Bayan at sa kapwa nila Pilipino—malinaw na sa kabila ng banta ng pang-aabuso ng mga Hapon, naging matapang ang bawat isa upang tulungan ang mga sundalo sa kani-kanilang paraan at maibsan kahit papaano ang pagpapahirap na nararanasan nila.
Mula sa kagitingang ipinamalas ng mga sundalo hanggang sa pagkakaisa ng mga Pilipino, isa itong simbolismo ng pagmamahal nila sa Bayan. Bilang mga sosyologo ng Bayan, patuloy nating kinikilala ang kapangyarihan ng pagkakaisa ng mga tao upang labanan ang pagpapahirap sa ating lipunan at bigyang tulong ang mga Pilipinong nagmistulang mahina dahil sa pang-aabuso ng iba. Isa itong patunay na ang kolektibong aksyon, ang humuhubog sa mas radikal na pagsusulong ng katarungan at pagmamahal sa Bayan sa kabila ng banta ng pang-aabuso ng makapangyarihan.