Opisyal na Pahayag Ukol sa Unilateral na Pagbasura sa UP-DND Accord
January 21, 2021
January 21, 2021
Sa inihaing sulat ng kalihim ng Department of National Defense (DND) na si Sec. Delfin Lorenzana kay UP President, Danilo Concepcion noong Enero 15, 2021, napagpasyahan ng DND na ibasura (unilateral termination) ang UP-DND Accord. Ang nasabing kasunduan ay napagtibay noong ika-30 ng Hunyo, 1989 bilang tugon sa mga karahasang idinulot ng pulis at militar sa loob ng pamantasan noong panahon ng Martial Law - tulad ng mga pagdakip at paniniktik sa mga mag-aaral at ang sapilitang panghihimasok ng mga pulis sa unibersidad noong First Quarter Storm. Nakasaad sa UP-DND Accord na hindi maaaring pumasok at gumawa ng kahit anong operasyon sa loob ng kahit anong UP campus ang mga pwersa ng estado nang walang paalam sa mga kinauukulan ng pamantasan. Itinatag ang nasabing kasunduan upang protekatahan ang mga komunidad sa loob ng mga campus lalong-lalo na sa aspeto ng kalayaang pang-akademiko.
Napagdesisyunan ng DND na ibasura ang naturang accord dahil sa ‘di umano’y malawakang panghahamig sa mga estudyanteng sumanib sa CPP-NPA kahit na wala namang konkretong ebidensiya ang paratang na ito. Sa katunayan, ang mga ganitong pahayag ay malinaw na sumasalamin sa umiigting na red-tagging laban sa mga progresibong indibidwal - taliwas sa sinasabi ng DND na ang pagpapawalang-bisa sa kasunduan ay upang protektahan ang mga mag-aaral at patuloy na igalang ang kalayaang pang-akademiko sa unibersidad.
Ano nga ba ang implikasyon ng unilateral na pagbabasura ng UP-DND Accord para sa buong komunidad ng UP at pati na sa bansa? Tignan natin sa lente ng konseptong “Lifeworld” na ipinamalas ng tanyag na sosyologo at pilosopong si Jürgen Habermas. Ang “Lifeworld” ay binubuo ng mga espasyo kung saan malayang nakakapag-usap ang mga indibidwal tungo sa isang consensus at maayos na kasunduan. Sa isang ideal na konteksto, ganito dapat ang lagay sa mga institusyong kinabibilangan natin tulad ng tahanan at mga paaralan. Ngunit sa totoong buhay, marami sa ating mga “Lifeworld” ay kontrolado ng byurokrasya, kapangyarihan at pera. Ganito ang tunguhin ng pagtuligsa ng DND sa napagkasunduang accord ng 1989. Ang desisyong ibasura ang UP-DND Accord ay tahasang pagbabanta at pagsasawalang-bahala sa mga demokratikong prosesong namamayani sa pamantasan. Nagreresulta ito sa pagkasira ng kakayahang makapagpahayag ng mga miyembro ng komunidad dahil sa paghaharing iginigiit ng mga pwersa ng estado at pagtatanim ng takot sa mga tao gamit ang redtagging at mga iligal na pag-aresto.
Para sa mamamayang Pilipino, mahalaga ring pag-isipan ang isyung ito sapagkat napapakita na naman ang matagal nang sistema ng estado na panghimasukan ang mga espasyong may pagpapahalaga sa malayang pag-iisip. Bukod dito, kailangan ding intindihin na ang deka-dekada nang problema ng armadong pakikibaka ay naka-ugat sa mga sakit ng lipunang matagal nang namamalagi sa bansa. Kailangang intindihan na ang nag-uudyok sa ilang mga indibidwal na sumanib sa isang digmaang napakatagal nang nilalaban ay dahil sa kawalan ng lupang pwedeng bungkalin, epektibong sistema ng edukasyon, oportunidad para sa maayos na trabaho at marami pang iba. Sa kasamaang palad, bulag ang estado sa mga nasabing sanhi, o kung hindi man, pilit nilang ipinipikit ang mga mata sa mga problemang matagal nang namemeste sa bayan.
Bilang mga mag-aaral ng Unibersidad ng Pilipinas at mga kabataang may paninindigan para sa bayan, pagtibayin pa sana natin ang paggiit para sa kalayaang pang-akademiko at sa kabuuang kalayaan ng bayan mula sa mga totoong masasamang elemento sa lipunan. Ang pagbasura sa UP-DND Accord ay hindi lang makakaapekto sa mga mag-aaral ng pamantasan ngunit pati na sa mga mamamayang araw-araw na sinusubok ng kahirapan at kawalan ng katarungan.
Patuloy na manindigan, Iskolar ng Bayan at pag-alabin ang tunay na kahulugan ng dangal at husay!
#DefendUP
#DefendAcademicFreedom
#ActivismIsNotTerrorism
#JunkTerrorLaw
SANGGUNIAN
"Habermas Theory Of Communicative Action Explained - HRF." HRF. Retrieved January 19, 2021 (https://healthresearchfunding.org/habermas-theory-communicative-action-explained/).