Ang People Power sa Paglipas ng 35 Taon
February 25, 2021
February 25, 2021
Taong 1986. Isang punto sa kasaysayan ng Pilipinas na hinubog ng maraming taon ng pighati at pag-aklas mula sa rehimeng Marcos. Ang mga kaganapan ng unang People Power na nagwakas noong Pebrero 25 ng nasabing taon ay tugon ng mamamayang Pilipino laban sa pagpapahirap ng nasabing administrasyon. Ilan lang sa mga nagpahinog ng People Power ay ang patung-patong na krisis sa ekonomiya at kahirapan, karahasan laban sa mga bumabalikwas sa pamahalaan, at ang pagpaslang kay Benigno “Ninoy” Aquino Jr. Mula sa mga ito ay mas lalong nag-init ang pagnanasa ng mga Pilipinong makalaya sa gapos ng Batas Militar. Naging huling bugso ng pangangamkam ng kapangyarihan ng mga Marcos ang pandarayang naganap noong snap elections kung saan si Corazon “Cory” Aquino ang siyang totoong nanalo.
Sagaran na ang pagkasawa ng taumbayan sa panunupil dulot ng kanyang pamumuno kaya’t matapang na isinagawa sa loob ng apat na araw ang binansagang “mapayapang rebolusyon” ng People Power. Ang kolektibong pagkilos na ito ay naganap sa pamosong Epifanio Delos Santos Avenue o EDSA. Kapit-bisig na nag-martsa ang mga Pilipino, partikular na ang sektor ng mga mag-aaral, manggagawa, magsasaka at pati na ng Simbahang Katoliko. Ang makasaysayang pangyayaring ito ay nagpakita ng maalab na pagsasama-sama ng maraming Pilipino tungo sa mas demokratikong lipunang matagal na ipinagkait sa bayan.
Sa kabila ng positibong pananaw sa People Power, kailangang tandaan na hindi ito ang puno’t dulo ng demokrasyang gusto nating makamtan. Kung susuriing mabuti, ang pangyayaring ito ay isang halimbawa lamang ng rebolusyong pampulitikal na hindi nakapaglatag ng mga sistemikong pagbabago. Nanatili ang mga mapang-aping istruktura sa bansa - ang pagiging “weak state” na pinalala pa ng pamamayagpag ng mga naghaharing-uri at ang patuloy na pag-iral ng korapsyon, kahirapan, impyunidad at iba pa. Mula rin sa mga nabanggit na ito maiuugnay ang rason kung bakit umabot sa puntong pinamumunuan tayo ng isang mala-diktador na pamahalaan ngayon. Resulta ito ng nabigong pagdepensa sa pinangakong demokrasya ng People Power buhat ng patuloy na pangangamkam ng kapangyarihan ng iilang mga tao. Dahil dito, ang balanse sa lipunan ay mas kumikiling sa awtoritaryanismo at sa kagustuhan ng taumbayan sa isang pinunong may “kamay na bakal” upang mabigyang-ayos ang pariwarang estado (Arguelles, 2016; Lat, 2018; Thompson, 2016).
Sa isang banda, mahalaga ring maunawaan natin na ang mga kaganapang tulad ng People Power ay mayroon pa ring saysay. Nagbubukas ito ng perspektibo kaugnay ng pagpapayaman sa mga pampulitikal na oportunidad na magsisilang sa mga epektibong pagkilos sa hinaharap. Sa pananaliksik na ginawa ni Schock (1999), nakita niyang malakas ang mga pampulitikal na oportunidad sa bansa noong kasagsagan ng Batas Militar kahit na ang “political opportunity framework” na kanyang ginamit ay naaangkop lamang sa mga bansang may demokrasya. Sinasabi lamang nito na sa gitna ng represyon ay mayroong mga punla ng pagbabagong naghihintay lang na malinang. Binigyang-diin ni Schock (1999) ang papel ng civil society at ng kalayaan sa pamamahayag (lalo na ang pag-usbong ng alternatibong pamamahayag) bilang mahahalagang instrumento ng mga pampulitikal na oportunidad. At kung gagamitin ang parehas na balangkas sa kasalukuyang lipunan, walang dudang kailangan ng mas masigasig na pagsusumikap na huhulma sa mga angkop na oportunidad.
Ngayong ginugunita natin ang ika-35 anibersaryo ng People Power, nawa’y matandaan natin ito bilang parte ng malaking tungkulin para sa mas demokratikong lipunan. Gayundin, dapat nating tratuhin ang demokrasya bilang kaparaanan tungo sa mas mahahalagang layunin ng bansa - tulad ng pagkamit sa maka-Pilipinong kabutihang panlahat. Ngayong nasa gitna tayo ng pandemya, mas nangingibabaw ang atrasadong pagtugon dito na sinasabayan pa ng panunupil sa mga indibidwal at grupong may mga lehitimong panawagan. Higit na mas kailangan ang pagpapatatag sa mga demokratikong instrumentong may kapasidad na itulak ang mga pangangailangan ng taumbayan ngayong may krisis at ipagtanggol ang mga mamamayang nasa laylayan.
Kaya naman, bilang mga kabataan, mahalagang kilalanin natin ang ating papel sa pagsusulong ng mga pagbabagong naka-ugat sa pagiging demokratiko, malaya, at maka-Pilipino. Sa kahit anong yugto ng kasaysayan, tinatawag tayong lahat upang lubusin ang mga oportunidad na baguhin ang mga sistema sa lipunang tayo rin ang magmamana. Hindi ito madali sapagkat kumplikado ang mundong ating ginagalawan, ngunit posible; at saksi ang nakaraan sa kapangyarihan ng boses ng mga mamamayan na kaya pang lampasan ang naumpisahan ng People Power.
MGA SANGGUNIAN
Arguellas, C. (2016). How the Philippines’ incomplete ‘People Power’ revolution paved the way for Rodrigo Duterte. The Conversation. (https://theconversation.com/how-the-philippines-incomplete-people-power-revolution-paved-the-way-for-rodrigo-duterte-65972)
Lat, T. K. A. (2018). “Philippine Democracy and its Discontents: The Failed Promise of Social Justice Under the 1987 People Power Constitution”. Estudios de Deusto 66 (1) 133-158. doi: http://dx.doi.org/10.18543
Official Gazette. (2016). A HISTORY OF THE PHILIPPINE POLITICAL PROTEST. (https://www.officialgazette.gov.ph/edsa/the-ph-protest/)
Schock, K. (1999). People Power and Political Opportunities: Social Movement Mobilization and Outcomes in the Philippines and Burma. Social Problems, 46(3), 355–375. doi:10.2307/3097105
Thompson, M. (2016). Philippine ‘People Power’ Thirty Years On. The Diplomat. (https://thediplomat.com/2016/02/philippine-people-power-thirty-years-on/).