UPD Chancellor Selection
February 2, 2020
February 2, 2020
Sa pabago-bagong mukha ng ating unibersidad, marami pa ring isyu ang kinakaharap ng pamantasan na nangangailangan ng mas matibay, matalino at inklusibong pamumuno. Sa kasalukuyan, patuloy na umiigting ang laban ng mga Iskolar ng Bayan patungkol sa panggigipit ng mga awtoridad sa academic freedom ng mga mag-aaral. Kasama na rito ang red-tagging na nagaganap sa labas at loob mismo ng pamantasan dahil sa pagiging matunog ng mga panawagan ng mga iskolar kaugnay ng mga pambansang isyu. Malinaw na pagtapak ito na taliwas sa karapatan ng mga mag-aaral upang ipahayag ang kanilang mga sarili at mga pananaw ukol sa mga umiiral na mga usapin. Kilala ang unibersidad sa pagbibigay ng boses lalo na sa hanay ng masa na madalas na isinasantabi, inaapi, at kinikitil ng umiiral na sistema, kaya marapat lamang na protektahan at panatilihin ang isang malaya at mapagpalayang edukasyon.
Bukod pa rito, isang malaking pagsubok din ang kinakaharap ng unibersidad mula sa pagpasok ng pribatisasyon gamit ang ‘Master Development Plan’ kung saan binabalangkas ng programa ang pangangailangan ng unibersidad sa isang malawakang modernisasyon. Ngunit sa likod nito, patuloy ang pagtapak at panggigipit sa mga taong bumubuo ng ating komunidad, kabilang na ang mga maninininda, kung saan hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa rin alam kung saan sila ililipat dahil sa mga bantang pagpapasara ng kanilang mga tindahan. Kasama na rin dito ang matinong pabahay para sa mga mag-aaral at guro ng pamantasan, pati na rin ang pangkalahatang pagtatalaga ng mga ligtas, inklusibo at holistikong espasyo para sa lahat.
Mula sa mga isyung ito, nagmumula ang paghihigpit sa bawat Iskolar ng Bayan na maisakatuparan ang kanilang karapatan para sa malaya at mapagpalayang edukasyon na siya ring daan upang makapagsilbi sa bayan. Habang naniniwala ang unibersidad sa kolektibong pagkilos upang isulong ang ating mga hinaing at adbokasiya, mahalaga ring magkaroon sa kinauukulan ng pamantasan ng mga indibidwal na handang makinig at tumindig sa mga isyung ito at tunay na kakatawan para sa kapakinabangan ng mga estudyante, kaguruan, at kawani kasama na ang mga manininda at residente ng unibersidad. Sa itatalagang bagong Tsanselor, ating masisilayan kung anong klaseng edukasyon at pamamalakad ang ipapatupad sa loob ng pamantasan. Higit pa, sa paghirang na ito, sasagisag ang pagtupad ng Board of Regents sa kanilang katungkulan na makinig at kumatawan sa kabuuang interes ng komunidad ng UP.
Kaya sa darating na Pebrero 3, 2020 sa ganap na alas otso nang umaga (8 AM), sabay-sabay tayong makilahok sa BOR mobilization na gaganapin sa Quezon Hall. Kasabay ng pagsuot ng itim sa araw na iyon ay igigiit nating lahat kung sino nga ba ang karapat-dapat na maging tsanselor ng ating unibersidad na tatayo para sa karapatan ng bawat mag-aaral, guro at mamamayan ng bansa.
#DefendUP
#DefendAcademicFreedom
#UPDChancy