UP Pride Month
October 26, 2020
October 26, 2020
Kilalang kanlungan ang Unibersidad ng Pilipinas laban sa masalimuot na mundo ng diskriminasyon at karahasan. Hindi man ito perpekto dahil sa pagkakaroon pa rin ng mga kaso ng pangmamaliit, mga gender-based violence at iba pa, maituturing pa rin ang UP bilang isang ligtas na espasyo para sa LGBTQ+. Tunay na mayaman ang unibersidad sa mga adbokasiyang nagsusulong ng pantay-pantay na pagtrato sa kahit sinong tao lalo na sa mga nasa laylayan ng lipunan - at isa ang UP Pride Month sa mga nangunguna rito.
Nagsimula ang UP Pride noong 2008 at nagaganap ito kada taon. Higit pa sa paghingi ng pantay na pagtrato para sa mga miyembro ng LGBTQ+, mahalagang tinututukan din ng UP Pride Month ang paggiit sa pagtamasa ng mga demokratikong karapatan ng kahit na sino. Ang UP Pride ay hindi lang naka-ugat sa kolektibong karanasan ng mga mag-aaral ng unibersidad ngunit pati na sa mas malawak na pakikibaka ng mga LGBTQ+ sa buong bansa. At bilang mga mag-aaral ng sosyolohiya, tayo ay nakikiisa sa labang tinatahak nila Bakit nga ba mahalagang makisama at suportahan ang ganitong klaseng adbokasiya?
Kamakailan lang, pumutok ang balitang pagbibigay ng absolute pardon ni Pangulong Duterte kay Joseph Scott Pemberton, isang US Marine na pumaslang sa isang transwoman na si Jennifer Laude. Nangyari ang krimen noong Oktubre 11, 2014 kung saan walang-awang iniwan ni Pemberton ang bangkay ni Laude sa isang motel matapos niya itong lunurin sa inidoro ng nirentahang kwarto (CNN Philippines Staff, 2015). Namatay si Laude dahil sa natamo nitong pambubugbog kay Pemberton nang malamang siya ay isang transwoman. Bukod pa sa ganitong uri ng pagpaslang at pang-aabuso sa mga miyembro ng LGBTQ+, hayag sa kulturang Pilipino ang iba’t ibang uri ng pambubulas at diskriminasyon sa mga miyembro ng nasabing sektor.
Bukod pa sa naranasan ni Jennifer Laude, mahalaga ring tignan ang pang-araw araw na karanasan ng mga miyembro ng LGBTQ+ sa bansa. Sa larangan pa lang ng pagtatrabaho ay talamak na ang diskirminasyong nagaganap. Ayon sa unang Philippine Corporate SOGIE Diversity and Inclusiveness (CSDI) Index, sa 100 na Philippine-based na kompanyang sinarbey ukol sa pagkakaroon ng mga polisiya para sa anti-discrimination at pantay na oportunidad sa trabaho, wala sa mga ito ang may komprehensibong panuntunan upang protektahan ang mga empleyado laban sa diskriminasyong nakabase sa kasarian (Casal, 2018). Sa parehas na pag-aaral ay nakasaad ding 25% ng mga empleyadong parte ng LGBTQ+ sa mga kompanya ay nakaranas ng harassment mula sa mga nakatataas na opisyal, 33% naman ang nakaranas ng harassment mula sa mga katrabaho mismo, at 60% ang naging tampulan ng mga paninira at pangmamaliit (Casal, 2018). Isa lang ang lugar ng pagtatrabaho sa mga espasyong hindi ligtas para sa mga LGBTQ+ sapagkat kalat sa kahit anong lugar ang diskriminasyong ipinapamalas sa kanila at ating susuriin kung saan nga ba nag-ugat ang ganitong pagtrato sa kanila.
Kung ating susuriin ang kasaysayan, magandang tingnan na ang ganitong pambubulas lalo na sa mga bakla ay dulot ng kolonyalismong pinagdaanan ng ating bansa. Ayon kay Garcia (2013), noong unang panahon, bago tayo pa masakop ng mga kanluranin, ang pagsusuot o ang pag-aanyong babae ay bahagi na ng kulturang Pilipino. Ang mga lalaking nagbibihis babae at nag-aasawa ng lalaki ay tinatawag na “bayoguin”, “bayok”, “agi-ngin”, “asog bido” at “binabae”. Isa rin sa mga ito ang mga “babaylan”, na tinuturing bilang mga makapangyarihang indibidwal dahil sa malapit na ugnayan nila sa kanilang mga diyos. Dahil naiiba ang mga paniniwala ng mga babaylan at ng pangkalahatang lipunang Pilipino noon, minabuting sirain ng mga kolonisador ang kulturang namamayani upang ipataw ang kanilang sariling mga tradisyon. Mula rito, binansagan nang mga immoral ang mga bakla. Ang ganitong istratehiya ng mga mananakop ay isa lamang sa kanilang mga ginawa upang mapasailalim sa kanilang kapangyarihan ang kabuuan ng lipunang Pilipino.
Pagdating naman ng mga Amerikano, dulot ng impluwensiya ng kulturang kanluranin sa edukasyon ng mga Pilipino, itinuring na malubhang karamdaman ang pagiging bakla dahil sa paggiit nila sa iilang mga gender roles na kailangang tanggapin ng bawat indibidwal (Garcia, 2013). Kaya naman, ang naging konsepto ng ‘kabaklaan’ sa Pilipinas ay nakadikit sa kaduwagan, pagiging imoral at isang sakit. Lahat ng ito ay dahil sa kolonyalismong dinulott ng bansang Espanya at Amerika. Isa rin itong magandang perspektibong maaaring gamitin upang patunayang hindi makatarungan ang pagkitil sa buhay ni Jennifer Laude at ng marami pang mga LGBTQ+ na hanggang ngayon ay kailangang ipaglaban ang kanilang mga batayang karapatan. Ang ganitong pagtrato sa isang uri ng sektor ay naka-ugat sa pangkalahatang karanasan ng bansa noong tayo ay sinakop. Sistemiko ang pinanggalingan ng diskriminasyong nararanasan hanggang ngayon ng mga miyembro ng LGBTQ+ at marapat lang na bigyan ito ng aksyon sa pamamagitan ng mga inkulisbong polisiyang yayakap sa karapatan ng lahat.
Isang magandang perspektibo na maaari ring tignan kung bakit nagpapatuloy ang iba’t ibang pang-aabuso at diskirminasyon laban sa mga miyembro ng LGBTQ+ ay dahil sa patriyarka. Ang patriyarka ay sistema ng mga panlipunang istruktura kung saan mayroong kapasidad ang mga lalakeng maging makapangyarihan at mapang-api sa mga babae (Soman, 2009). Dahil nga dominante ang pagtingin sa kalalakihan, saklaw rin ng patriyarka ang iba pang mga kasarian na hindi pasok sa heterosexual na organisasyon ng lipunan. Naka-ugat rin ang mababang pagtingin sa mga LGBTQ+ dahil sa gender roles na mayroon ang mundo. Ang pagiging lalake ay nasusukat sa pagiging malakas, makatuwiran at mapagkumpitensiya samantalang ang babae ay mapagkalinga, mahinhin at sensitibo (Soman, 2009). Kung hindi pasok ang isang indibidwal sa mga nasabing katangian ng lalake, nagiging mababa agad ang tingin sa kanya at nasasalin ang ganitong tendensiya hanggang sa mga malalaking institusyon ng ating lipunan. Sa kadahilanang naka-ugnay ang mga pulitikal na istruktura sa agenda ng patriyarka, malimit na ang mga matataas na posisyon sa pamahalaan ay nagagamapanan lang din mga kalalakihan. Napapanatili nila ang status quo at nasasalamin ito sa mga polisiyang pinapatupad para sa bansa. Isa ito sa mga dahilan kung bakit hanggang sa kasalukuyan ay walang komprehensibong SOGIE bill sa Pilipinas.
Bilang mga Sosyologo ng bayan, mahalagang bigyang pansin ang ganitong mga isyu at pagsusuri upang patuloy na maipaglaban ang mga panawagan para sa pantay na karapatan ng bawat indibidwal. Nakita natin na sa pag-aaral ng lipunan, ang diskriminasyon laban sa mga LGBTQ+ ay dulot ng mga istruktura ng kolonyalismo at patriyarka. Ibig sabihin, may pag-asang maisaayos ito sa pamamagitan ng sama-sama nating pagkilos at pagsuporta sa mga miyebro ng LGBTQ+. Tandaan din na ang laban ng LGBTQ+ ay nakapatong sa iba pang mga isyu ng magkakaibang sektor kaya’t mahalagang maipahayag ang pangangailangan ng mga polisiyang hindi lang nakasandig sa kasarian ngunit sa pangkalahatang kagalingan ng mamamayan. Kaya naman nakikiisa ang UP KMS sa laban at adbokasiyang dala UP Pride para sa isang inklusibo, ligtas at mas malayang lipunang Pilipino!
MGA SANGGUNIAN
Casal, Chang. 2018. “Survey finds that Filipino companies are not accepting of LGBTQ+.” Retrieved 25 September 2020 (https://cnnphilippines.com/life/culture/2018/11/14/Filipino-companies-not-accepting-LGBTQ.html).
CNN Philippines Staff. 2015. “Revisiting the Jennifer Laude murder case.” Retrieved 20 September 2020 (https://cnnphilippines.com/news/2015/02/23/Transgender-Jennifer-Laude-murder-case-accused-US-Marine-Joseph-Scott-Pemberton-timeline-verdict.html)
Garcia, J. Neil. 2013. “Nativism or Universalism: Situating LGBT Discourse in the Philippines.” Kritika Kultura, 20: 48-68
Soman, Uthara. 2009. “Patriarchy: Theoretical Postulates and Empirical Findings.” Sociological Bulletin 58 (2): 253-272