Setyembre 23: Noon at Ngayon
September 23, 2020
September 23, 2020
Lingid sa kaalaman ng nakararami, idineklara ang Batas Militar sa ilalim ng diktadurang Marcos noong ika-23 ng Setyembre. Kung ating babalikan ang kasaysayan, alam ng maraming tao ang pait at dilim na dinanas ng bansa sa ilalim ng pamumuno ni Ferdinand Marcos. Malinaw na ang uri ng pamamalakad na kanyang ginawa sa Pilipinas ay nakasandig sa prinsipyo ng authoritarianism. Sa larangan ng Sosyolohiya, ang authoritarianism ay isang uri ng pamumunong mayroong halos ganap na kontrol sa taumbayan o mga piling grupo ng tao kung saan may paggamit ng pwersa at pambabalewala sa pampublikong opinyon (Kenton, 2013).
Noong idineklara ni Marcos ang Batas Militar, dalawang rason ang ibinahagi niya upang gawin itong lehitimo - ang sinasabing pagpaslang kay Juan Ponce Enrile at ang pagdami ng sumasapi sa ideolohiyang komunismo (Martial Law Museum). Upang sugpuin ang mga itinuturing niyang ‘salot ng lipunan’, ginamit niya ang militar bilang instrumento sa pagbibigay kaayusan sa lipunan. Ngunit sa likod nito, ang labis-labis na pang-aabuso sa kapangyarihan kasama ng kanyang pamilya. Nadawit sila sa bilyun-bilyong pisong pagnanakaw ng salapi ng bansa, ang pagpabor ng mga personal na interes ng kanilang mga kakampi sa pamahalaan at pribadong sektor at ang napakadaming kaso ng paglabag sa karapatang pantao.
Lahat ng ito ay naging posible dahil na rin sa pagpapakilos at pagpapalakas sa kapangyarihan ng militar na kontrolin ang sambayanan. Naisabuhay ng diktadurang Marcos ang akala nating konsepto lang ng Repressive State Apparatus o RSA (Althusser, 2014). Ang RSA ay ang paggamit sa ilang mga sangay ng estado upang direktang kontrolin at pasunurin ang taumbayan. Dito pumapasok ang napakaraming kaso ng mga desaparecidos noong kasagsagan ng Batas Militar na naging malaking sadlak upang hindi makapagpahayag ng opinyon ang maraming Pilipino. Upang pagtakpan ang karahasang ipinapamalas ng pamahalaang Marcos noong panahong iyon, minabuti ng diktador na itanim sa isip ng marami ang mga proyektong pangmodernisasyon bilang simbolo ng pag-unlad ng bansa. Ang ganitong uri ng taktika ay manipestasyon ng Ideological State Apparatus o ISA (Althusser, 2014), kung saan aktibo ang iba’t ibang panlipunang institusyon, tulad ng estado sa pagtatanim ng mga paniniwalang kanilang ineendorso sa taumbayan kahit na tinatago nito ang tunay na kalagayan ng bansa. Sa ganitong paraan ay nasusulong ang interes at kamalayan ng naghaharing uri.
Kung susuriin ang mga pangyayari noong nasa ilalim ng Batas Militar ang bansa, hayag na mapapansin ang pagkakatulad nito sa kasalukyang konteksto. Tulad ng paggamit ng dating pangulong Marcos sa militar, masasalamin din ang parehas na pagtuon sa ganitong klase ng pamamahala sa kasalukuyang administrasyon. Ilang dekada matapos ang Batas Militar ay nararanasan pa rin ng maraming mamamayan ang banta ng militarisasyon. Kita ito sa umiigting na Martial Law sa Mindanao kung saan nakapagtala ng maraming pag-aabuso ang ilang mga human rights groups lalo na mula sa komunidad ng mga katutubo. Ang mismong pagtugon sa kasalukuyang pandemya ay may bahid din ng solusyong naka-ayon sa disiplinang militaristiko imbis na pag-igihan ang paggamit ng kaalaman at solusyong medisina.
Dagdag pa rito ang mga hakbang upang supilin ang karapatang magpahayag ng mga mamamayan. Isa na rito ang mga kaduda-dudang probisyong nakapaloob sa Anti-Terrorism Law kung saan nalalagay sa peligro ang mga demokratikong karapatan ng mga Pilipino. At siyempre, hindi malilimutan ang pagtanggi ng kongreso na bigyan ng prangkisa ang ABS-CBN na noong panahon ng Batas Militar ay nakaranas din ng ‘di makatuwirang pagtrato.
Ang mga nabanggit na hakbangin ng kasalukuyang pamahalaan ay nagpunla at patuloy na nagpupunla ng takot sa mamamayan. Sa mata ng administrasyon, paraan ito upang magtanim ng disiplina sa bawat mamamayan at lumikha ng mga tinatawag na “docile bodies” (Foucault, 1977). Mula sa aklat ni Michel Foucault na pinamagatang “Discipline and Punish,” nagiging “docile” ang mga indibidwal dahil sa normalisasyon ng sikretong pagmamatyag sa kanila. Ang disiplinang itinatanim ay hindi para sa kagalingan ng bawat tao ngunit para maging tagasunod sa kasalukuyang sistemang pinapaikot ng lipunan (Institute for Community Inclusion). Isa rin ito sa mga dahilang kung bakit marami sa mga Pilipino ang humihikayat sa kanilang kapwa na sumunod na lang sa mga nakatakdang patakaran ng gobyerno.
Kaugnay rin ng Batas Militar ang historical revisionism na nagaganap nitong mga nakaraang taon. Mayroong pagtatangkang ipinta ang diktadurang Marcos bilang panahon ng kasaganaan para sa bansa kahit na taliwas ito sa mga tunay na naganap noon. Sa kabila nito, patuloy pa rin ang pagkilos ng mga mamamayan na ilantad ang tunay na mga naratibo ng Batas Militar. Isang halimbawa nito ang pagkakaron ng kursong PS 21 sa UP Diliman na may layuning ituro nang masinsinan ang mga kaganapan noong Batas Militar at subukang mabigyang-linaw ang mga konseptong hindi natatalakay sa karaniwang kurso ng kasaysayan ng Pilipinas. Ang pagtatakda ng ganitong kurso ay isang simbolo ng pagtindig laban sa mga kamalian ng nakaraan na kailangang linawin at suriin para makamtan ang mas maayos na lipunan.
Ngayong komemorasyon ng Batas Militar, bukod sa ating pagbalikwas sa madilim na nakaraang idinulot nito ay marapat ding alalahanin ang mga indibidwal na nagsakripisyo upang hindi lubusang magapos ng diktadurya ang bayan. Nawa’y gawin natin silang mga balangkas upang magkaroon ng mas malalim na malasakit sa mamamayan at kasaysayan; at sa hinarap, upang maisaayos ang mga istrukturang nagpapahirap sa kondisyon ng bansa.
Bilang mga mag-aaral ng Sosyolohiya, hindi natin hahayaang maulit ang patuloy na pag-atake sa karapatang pantao ng ganitong uri ng estado. Araw-araw tayong tinatawag upang patatagin pa lalo ang ating mga demokratikong karapatan at maging mapanuri sa kasalukuyang estado ng lipunang Pilipino. Kaya ngayon, mas higit na kinakailangan ng ating bayan ang sama-sama nating aksyon, panawagan at pagkilos tungo sa mas malaya at makataong lipunan.
#NeverAgain
#NeverForget
MGA SANGGUNIAN
Althusser, Louis. 2014. On the Reproduction of Capitalism: Ideology and Ideological State Apparatuses. London: Verso.
Bell, Kenton, ed. 2013. “authoritarianism.” In Open Education Sociology Dictionary. Retrieved September 20, 2020 (https://sociologydictionary.org/authoritarianism/).
Foucault, Michel. 1977. Discipline and Punish: The Birth of a Prison. NY: Pantheon Books.
Institute for Community Inclusion. “Docile Bodies: From Discipline and Punish.” Retrieved Sept. 19, 2020 (http://www.faculty.umb.edu/heike.schotten/readings/Foucault,%20Docile%20Bodies.pdf).
Martial Law Museum. “Declaration of Martial Law.” Retrieved Sept. 16, 2020 (https://martiallawmuseum.ph/magaral/declaration-of-martial-law/).