Kontra Agos: Pagsusuri sa SONA 2020
July 29, 2020
July 29, 2020
Noong Hulyo 27, 2020, ginanap ang ika-limang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte. Ito ay isa sa mga mahahalagang taunang pangyayari kung saan inuulat ang mga nagawa ng administrasyon sa awtoridad na ipinagkaloob sa kaniya ng taumbayan. Ngayong ang bansa ay nasa gitna ng krisis dulot ng COVID-19, higit na mas inantabayanan ng sambayanan kung ano ang mga nagawa at ano ang plano ng administrasyon ukol dito pati na ang pag-uulat tungkol sa ibang mga isyu ng bayan.
Sa loob ng halos dalawang oras, tinalakay ng pangulo ang mga hakbang na kanilang ginawa para solusyunan ang pandemya tulad ng pagpaparami sa testing facilities at pamimigay ng ayuda sa mga mahihirap at mga tsuper. Nagpahayag din siya ng planong magtayo ng isang national disease prevention center at pagbibigay ng mas malaking benepisyo sa mga nars. Dagdag dito, hindi nawala siyempre ang pag-atake niya sa mga hindi kaalyado tulad ng mga Lopez, pati na rin ang Globe at Smart. Hindi rin nawala ang paulit-ulit na pagtalakay sa kriminalidad lalo na ang paggamit ng droga at dinugtong niya rito ang muling pagbuhay sa parusang kamatayan gamit ang lethal injection na matagal nang minumungkahi ng pangulo. Sa kabilang banda, napag-usapan din nang bahagya ang magiging hakbang sa paglipat ng edukasyon sa remote at online learning at pati na ang pagpapalawak sa internet connectivity sa mga pampublikong paaralan. Inilatag din niya ang posibleng paggamit sa ibang mga TV frequencies upang magamit sa pag-aaral. Bukod sa mga ito, inihain din ng pangulo ang konsepto ng e-governance o ang pagkakaroon ng mga online transactions sa mga ahensiya upang maiwasan ang red taping. Panghuli, nabanggit din niya ang tungkol sa Malasakit Centers ni Sen. Bong Go na malaki raw ang naitulong sa mga Pilipinong nangangailangan ng tulong pinansyal sa pagpapagamot.
Mula sa mga pahayag ng presidente sa kaniyang talumpati at sa mga hakbangin ng kaniyang administrasyon sa nakalipas na apat na taon, makikita natin kung paano pinapalaganap ang isang baluktot at simplistikong pag-intindi sa lipunan at ang mga problema nito. Ilan dito ang mga lumitaw sa SONA: 1) ang pagtrato sa mga sistemikong isyu gaya ng pandemya, edukasyon, at krimen bilang mga problema ng indibidwal, 2) ang simplistikong pagtingin sa lipunan bilang binary (kritiko vs pamahalaan) at kadalasang panininisi sa kawalan ng disiplina bilang ugat ng mga problema, at 3) ang mala-diktador na pamamalakad kung saan lumilikha ng “kalaban ng lipunan”, paglulunsad ng “gyera” laban dito bilang solusyon, at pagiging abosulutismo sa mga desisyon nang hindi isinasaalang-alang ang hinaing ng taumbayan. Ang pagpapalaganap ng mga ito ay patuloy na ginagamit ng administrasyon bilang instrumento ng pagmanipula at pagkontrol sa pananaw ng sambayanan.
Sa apat na taong pamamalagi ni Pangulong Duterte sa Malacañang, napakarami nang pagbabago ang napagdaanan ng bansa. Ngunit, malinaw sa pagbabagong pinangako niya na hindi kabilang ang lahat ng Pilipino sa pag-ani ng mga bunga ng kontribyusyon nila sa bayan. Marami pa rin ang nagiging biktima ng karahasan at maaari pa itong lumala sa ilalim ng Anti-Terrorism Law; marami pa rin ang biktima ng misogynistic na pagtrato at diskriminasyon sa kababaihan at LGBTQ+ community; marami pa rin ang mahihirap dahil sa kawalan ng trabaho at kontraktwalisasyon; at marami pa rin ang mga tiwaling pinunong patuloy na ginigipit ang mamamayan.
Bilang kabataan, tama lang na patuloy tayong tumindig sa mga isyung matagal nang sumisiil sa bansa. Maaaring tignan ang kahalagahan ng taunang People’s SONA kung saan matapang at malayang naipapahayag ng taumbayan ang tunay na kalagayan ng bansa at ang mga tunay na pakikibakang hindi natatalakay sa SONA. Nagiging daan ito upang patuloy na palakasin ang boses ng sambayanan sa paggiit ng tugon sa mga importanteng isyung malapit sa sikmura ng ordinaryong Pilipino. Ngayon, higit kailanman, ay mahalagang mapakinggan tayo ng pamahalaan at mas lalong mahalagang mapag-aralan ang lipunan upang mas maintindihan ang kinakaharap ng maraming Pilipino. Sa ating mga simpleng pamamaraan, nawa’y patuloy tayong maging sandalan ng masang Pilipino at unti-unting itaguyod ang isang lipunang umiikot sa hustisya, kapayapaan at kalayaan.
Ating himayin ang ilan sa mga mahahalagang punto ng talumpati ng presidente at ating susubukang pag-aralan kung paano naihayag ang mga simplistikong pananaw sa lipunan at ang mga perspektibong hindi nabanggit.
Pilipinas sa ilalim ng COVID-19 - “We won as one.”
Sa kanyang naging talumpati, naging matunog ang isyu ng COVID-19. Sa nagdaang apat na buwan na tayo’y tinamaan ng pandemya, malalim na ang natamong sugat ng bayan dahil sa mabagal na pagtugon dito. Ngunit naninindigan ang pamahalaan sa paghahanap ng kung anu-anong rason para sakanilang kapalpakan sa pagtugon sa COVID-19.
Una, palaging binubungad ng pamahalaan ang kalabisan ng sakit na COVID-19 na tila ba’y ni kahit sinong bansa hindi handa rito Ika nga ng presidente, “No nation is prepared from COVID.” Madalas ding marinig ang pagrarason na wala talaga tayong magagawa hangga’t wala pang bakuna, na para bang ito lang ang nag-iisang solusyon na maaari nating gawin. Ngunit kung titignan ang ibang bansa, gaya ng Vitenam (Tran & Vu 2020) na ‘di hamak na mas nagtatagumpay sa pagpkusa sa pandemya, makikita kung gaano kahalaga ang epektibong pamamahala ng gobyerno upang kontrolin man lang ang pagtaas ng impeksyon. Para sa bansang Vietnam, siyentipiko ang naging hakbangin upang masolusyonan ang COVID-19. Samantalang sa Pilipinas, imbis na direktang lutasin ang krisis, naging abala pa ang pamahalaan na tratuhing kalaban ang mga “pasaway na mamamayan.” Dito pumapasok ang makitid na tugon laban sa pandemya dahil nakikita lamang ito bilang isyu ng disiplina at ‘peace and order’ imbis na isang pangkalusugang krisis.
Mapapansing naging militarisado ang pagtugon sa pandemya ng gobyerno - bawat siyudad ay may mga police checkpoint at umaabot pa sa puntong ang mga pulis ang siyang nagbabahay-bahay upang hanapin ang mga positibo sa COVID-19. Hindi maipapagkaila na mala-’war on drugs’ ang ginagawang hakbang upang sugpuin ang pandemya (Lema & Morales 2020). Manipestasyon ng ganitong taktika ang pagkakaroon ng “authoritarian policing” at makikita rin ito sa ibang mga bansang pinamumunuan ng mga lider na gumagamit ng dahas upang pamunuan ang kanilang komunidad (Amar & Schneider 2020).
Ang paggamit ng puwersa ng mga pulis at militar sa isang pandemyang nangangailangan ng solusyong medikal ay isang paraan upang magtanim ng disiplinang hinubog ng takot sa taumbayan. Bukod pa rito, ang paglikha ng administrasyon ng imahe ng kalaban o digmaan sa kalagitnaan ng pandemya, ang siyang nagbibigay-katuwiran sa paggamit ng pwersa ng pulis at militar at ng mga represibong polisiyang ipinapatupad nila upang makontrol ang mga tao (Bieber 2020).
Ang Di Umano’y Pagpuksa sa Oligarkiya
Makikita rin sa isang aspeto ng SONA ng pangulo ang pagpuntirya niya sa oligarkiya tulad ng mga Lopez. Kung susuriin ang retorikang ginamit sa kanyang talumpati, mahihinuha na ang pangulo ay malimit na gumamit at lumikha ng isang kaaway na para sa kanya ay kailangang sugpuin. Gayunpaman, sa likod ng pagpapakita ng tapang sa pagpuksa ng oligarkiya, nananatiling may pinapapaborang ibang pamilyang oligarkiya ang administrsyon.
Gamit ang kanyang pulitikal at panlipunang puhunan, mayroong kakayahan ang pangulong bumuo ng kaniyang ‘crony’ - ang pagbibigay-pabor sa kaniyang mga kaalyado o kahit sino na malapit sa kaniya. Sa ganitong paraan, magiging tapat ang mga ito sa mga personal na interes ng pangulo. Isang konkretong halimbawa ang pakikipagkaibigan niya sa mga taga-Davao na sina Dennis Uy at sa angkan ng mga Del Rosario-Floirendo na naging malaking tulong sa kanyang kampanya noong 2016 Presidential elections (Almendral 2020). Sa paglikha ni Duterte sa larawan ng kaaway, naisasagawa ang ‘interpellation’ na unti-unting pumapasok sa kamalayan ng tao (Fun 2015). Sa konseptong nagmula kay Althusser, gumagamit ng mga ideological state apparatus ang estado, katulad ng SONA, upang ilagay ang iilang tao sa mga “predefined roles” tulad ng pagiging “kalaban ng pamahalaan”. Ang ideolohiyang inihahain ng mga naghaharing-uri ay naitatanim sa mga indibidwal nang walang kritikal na pagtingin. Nahuhubog nito ang isip ng mga tao dahil sa taglay nitong kapangyarihan. ‘Di kalaunan, ang ganitong ideya ay maaaring maging common sense - hudyat na nagtagumpay ang naghaharing uri sa ideolohiyang gusto nilang isulong. Ang pagiging common sense ng ipinataw na ideya ang siyang magiging pamantayan sa lipunan. Sa ganitong paraan mabubuo ang ‘hegemony’ (Fun 2015 mula kay Gramsci) o ang pangingibabaw ng ideya ng naghaharing uri. Dagdag dito, ang ideyang isinusulong nila ang siyang magiging basehan at impluwensiya sa socialization ng mga tao. Sa kabila nito, naniniwala si Gramsci sa konsepto ng ‘counter-hegemonic ideologies’ kung saan inilalarawan ang kahalagan ng malayang pag-iisip ng inidibidwal para sa kanyang sarili na siyang nagiging instrumento ng pagbabago sa lipunan.
“Buhay muna bago lahat” - Aspetong Human Rights
Sa loob ng apat na taon, sa kabila ng batikos at pag-alma mula sa iba’t ibang organisasayon sa loob at labas ng bansa, nagpapatuloy ang lantarang pang-aabuso sa karapatang pantao. Sa ilalim ng giyera kontra droga, umabot na sa humigit kumulang 6,000 na katao ang napatay sa mga operasyon ng pulis at may halos 30,000 pang biktima ng extrajudicial killings na hindi opisyal na nakatala (Gavilan 2020). Hanggang ngayon, hindi pa rin nakakamit ng mga pamilya ng biktima ang katarungan dahil sa mahinang sistema ng hustisya sa bansa. Ang masaklap dito, kagustuhan pa ng pangulong ibalik ang parusang kamatayan na lalong magpapabaluktot sa tiwaling sistema ng hustisya sa bansa at maaaring magamit sa kanyang mga kritiko.
Maging ang pandemya ay hindi rin nakapipigil sa administrasyon sa malawakang pang-aabuso sa karapatang pantao. Kaliwa’t kanan na ang nangyayaring pang-aabuso ng mga barangay officials at kapulisan. Maraming insidente ng pambabastos ng mga tanod sa LGBtQ+ community, pati na rin ang paggamit ng ‘sex for pass’ sa mga kababaihan. Ayon sa mga tala, halos nasa 38,000 na ang naaresto sa paglabag sa quarantine protocols (Gavilan & Talabong 2020). Isama na rito ang hindi makatarungang pagdakip sa Piston 6 na kung iisipin, ay hindi naman mapipilitang lumabas kung sapat ang tulong pampinansyal sa mga tsuper (Lalu 2020). Kabilang din sa mga operasyon na ito, ang mga bayolenteng pagdakip at pagkulong sa simpleng di pagsusuot ng face mask. Lantad ang pagiging anti-poor ng pamahalaan imbis na aktibong gawan ng paraan ang kawalan ng hanapbuhay ng maraming Pilipino. Ika nga ng Human Rights Watch, sa kabila ng pagpapatupad ng quarantine protocols at pagpapanatili ng lockdown at travel bans, mahalagang sumunod pa rin ang mga ito sa batayang karapatang pantao (Robetson 2020). Ngunit ang masaklap dito, may kinikilingan ang kamay ng hustisya ng administrasyon bilang napapaboran ang mga kaalyado ng pamahalaan kahit na harap-harapan ang paglabag nila sa mga protocols.
Dagdag pa rito, ang mga basta-bastang pagdakip sa mga indibidwal na may mga lehitimong reklamo ay lalo lang ding mapapalala sa ilalim ng Anti-Terrorism Law. Sa gitna ng pandemya, kaliwa’t kanan ang mga nangyaring protesta para sa iba’t ibang mga panawagan. Ngunit, dahil sa kapangyarihang taglay ng pamahalaan, kayang-kaya nitong supilin ang boses ng mga mamamayang gusto lang namang magbigay ng kanilang sentimyento. Walang kasiguraduhan ang pagprotekta sa karapatang pantao ng mga tao sa oras na ipatupad ito.
Mahalaga ring tandaan ang napakaraming pang-aabuso sa karapatang pantao nang ipatulad ang Batas Militar sa Mindanao. Ayon sa rights group na Karapatan, mahigit 800,000 ang naitalang pang-aabuso sa loob ng dalawang taong Martial Law sa Mindanao. Kasama rito ang malalang pagtapak sa karapatan ng mga Lumad at sa kanilang lupang ninuno dulot ng militarisasyon (Macaraeg 2019).
Ang mga mahigpit at malupit na proseso ng pagkamit ng hustisya at disiplina ay produkto ng ‘penal populism’ (Gutierrez 2017). Sa ilalim nito, nagiging mababa ang pamantayan ng mga tao sa pagkamit ng hustisya dahil sa pagkabigo nito sa mga nakaraang pamamalakad. Dahil sa pagnanais ng taong makamit ang hustisya, nabibigyang-katuwiran ang mga mararahas na polisiya tulad ng parusang kamatayan, Oplan Tokhang, Martial Law at Anti-Terrorism Law upang punan ang kanilang kagustuhan. Ngunit kung ating titignan, hindi talaga nito pinoprotektahan ang karapatan ng mga mamamayan, kundi mas lalo lamang nito palalalain ang laganap na pagkitil sa karapatang pantao. Subalit dahil sa karisma at maka-masang imahe ng pangulo, madali niyang napupukaw ang kaisipan ng taumbayan para sumang-ayon sa kanyang perspektibo. Ngunit kung susuriin, kabaligtaran ang inaasal ng pangulo dahil buhat pa rin ng mahihirap ang pagdurusang dala ng kanyang kamay na bakal.
“Inutil ako diyan” - Ang Agawan sa West Philippine Sea
Nabanggit din sa SONA ang isyu sa West Philippine Sea. Hanggang sa panahong ito mariin ang paniniwala ng pangulo na pagmamay-ari na ng Tsina ang nasabing teritoryo. Sa katunayan, binanggit niya ito bilang ‘South China Sea’ imbis na ‘West Philippine Sea’. Mula sa mga nakaraan niyang kabatiran ukol sa isyu, madalas niyang sabihin na walang laban ang Pilipinas sa Tsina kapag nagkaroon ng digmaan dahil sa agawan sa teritoryo. Muli, makikita na naman ang pagkahilig ng pangulo sa taktika ng digmaan upang masolusyonan ang problema. Ngunit kung pag-aaralan ang mga tugon ng ibang bansa laban sa Tsina na may parehas na hidwaan sa teritoryo, hindi lang naman digmaan ang natatanging paraan upang ipaglaban ang kanilang soberanya. Sa bansang Vietnam, aktibo ang kanilang pamahalaan sa patuloy na paggiit laban sa pananamantala ng Tsina. Mariing pinoprotektahan ng Vietnam ang mga likas-yaman na inaangkin ng Tsina at patuloy lang ang pag-pressure sa kanila upang lisanin ang teritoryong hindi nila pagmamay-ari (Dutton 2020). Bagamat tunay ngang mahirap kalabanin ang isang makapangyarihang bansa tulad ng Tsina, hindi ito dahilan upang ipagsawalang-bahala ang karapatan natin sa teritoryo. Ang mistulang pagkampi ni Pangulong Duterte sa Tsina ay manipestasyon ng patuloy na pagiging alipin ng Pilipinas sa mga malalaki at mayayamang bansa. Masasalamin din ito sa pagkapit niya sa Tsina sa usapin ng bakuna para sa COVID-19. Sa ganitong sistema, partikular na mahihinuha ang kabalintunaan ng ‘humanitarian aid’ sa mga bansang tulad ng Pilipinas (Roberts 2010). Ang humanitarian aid ay isang sistema na kung saan ang magiging pagtulong ng Tsina sa usaping COVID-19 ay may kapalit na pabor -- maaaring sa aspeto ng patuloy na pagkuha ng ating teritoryo o sa pagsasakatuparan ng malayang pangangalakal kasama ang Tsina. Sa aspeto ng huling nasabi, tiyak na dehado na ang Pilipinas sapagkat Tsina rin ang magdidikta kung paano patatakbuhin ang malaking bahagi ng ating ekonomiya. Magiging malaking dagok ito sa maraming Pilipinong biktima na ng hindi pantay na oportunidad para sa disenteng sahod at kabuhayan.
Expectation vs. Reality - Ano ang dapat na narinig sa SONA?
Sa kabuuan, bagamat bahagyang napag-usapan ang mga isyu sa COVID-19, nakita natin sa SONA na mas nangibabaw ang pagbaling ng tugon sa ibang bagay tulad ng lantaran na pamumulitika at pagsasawalang-bahala sa mga tunay na daing ng sambayanan. Sa higit kumulang na limang buwan sa quarantine, lumalabas na wala pa ring konkreto at inklusibong polisya at hakbangin laban sa COVID-19 lalo na sa aspeto ng mass testing, contact tracing, at pang-ekonomiyang solusyon sa kawalan ng hanapbuhay. Ni malinaw na breakdown ng pondong nalikom at sa inutang sa mga international monetary agencies ay hindi man lang natugunan.
Ang suliraning hinaharap natin sa pandemya ay konektado sa mas malalim na isyu ng kawalan ng epektibong universal healtcare sa bansa na isang karapatang pantao ng bawat Pilipino. Konkretong plano para palakasin ang pangkalusugang sektor ang dapat nating narinig mula sa pangulo. Dapat din ay mas napagtuunan ng pansin ang pagbibigay ng maayos na tugon sa mga sektor na lubhang naapektuhan tulad ng edukasyon, impormal na sektor at ang mga manggagawang nawalan ng trabaho. Lalo na sa panahon ngayon, mas lumalawak ang agwat ng mayaman at mahirap dahil sa hindi pantay na mga oportunidad at kakayahan. Kung kaya’t dapat lamang na mabigyan ng kagyat na solusyon ng pangulo ang kawalan ng maayos na kagamitan at abot-kamay na internet connection lalo na sa sektor ng edukasyon at paggawa.
Sana’y natugunan din ng pangulo ang matagal nang isyu ng atrasadong agrikultura sa bansa. Hanggang sa kasalukuyan ay walang maayos na reporma sa lupa ang tunay na tumutugon sa pangangailangan ng ating mga magsasaka at ang malala rito, sila pa mismo ang nakararanas ng mga pang-aabuso sa karapatang pantao. Ang sektor na nagpapakain sa buong populasyon ng bansa ang siya pang pinaka-api ng sariling polisiya ng mga nagdaang administrasyon hanggang sa ngayon at kailangan na nitong mabago para sa ikabubuti ng buong sambayanan.
MGA SANGGUNIAN
Almendral, Aurora. 2019. “Crony capital: How Duterte embraced the oligarchs.“ Nikkei Asian Review, Dec. 4. Retrieved July 27, 2020 (https://asia.nikkei.com/Spotlight/The-Big-Story/Crony-capital-How-Duterte-embraced-the-oligarchs).
Amar, Paul E. & Cathy Schneider. 2007. “The Rise of Crime, Disorder and Authoritarian Policing: An Introductory Essay.” NACLA, Sept 25. Retrieved July 28, 2020 (https://nacla.org/article/rise-crime-disorder-and-authoritarian-policing-introductory-essay).
Bieber, Florian. 2020. “Authoritarianism in the Time of the Coronavirus.” Foreign Policy, March 30. Retrieved July 28, 2020 (https://foreignpolicy.com/2020/03/30/authoritarianism-coronavirus-lockdown-pandemic-populism/).
Dutton, Peter A. 2020. “Vietnam Threatens China with Litigation over the South China Sea.” Lawfare, July 27. Retrieved July 28, 2020 (https://www.lawfareblog.com/vietnam-threatens-china-litigation-over-south-china-sea).
Fun, Grace. 2015. “Hegemony, Interpellation and Social Change.” The Chronicles of Fun, March 3. Retrieved July 27, 2020 (https://thechroniclesofun.wordpress.com/2015/03/03/iem1201t-hegemony-interpellation-and-social-change/).
Gavilan, Jodesz. 2020. “Still no 'meaningful accountability' over drug war killings under Duterte – Amnesty Int'l.” Rappler, Jan. 30. Retrieved July 28, 2020 (https://rappler.com/nation/accountability-drug-war-killings-under-duterte-amnesty-international-report-2020).
Gavilan, Jodesz & Rambo talabong. 2020. “Policing a pandemic: Philippines still stuck with drug war blueprint.” Rappler, May 1. Retrieved July 29, 2020 (https://rappler.com/newsbreak/in-depth/policing-coronavirus-pandemic-philippines-still-stuck-drug-war-blueprint).
Gutierrez, Filomin. 2017. “FOCUS: DUTERTE AND PENAL POPULISM – THE HYPERMASCULINITY OF CRIME CONTROL IN THE PHILIPPINES.” Discover Society, Aug. 2. Retrieved July 27, 2020 (https://discoversociety.org/2017/08/02/focus-duterte-and-penal-populism-the-hypermasculinity-of-crime-control-in-the-philippines/).
Human Rights Watch. 2020. “Philippines: Curfew Violators Abused.” Retrieved July 29, 2020 (https://www.hrw.org/news/2020/03/26/philippines-curfew-violators-abused).
Lalu, Gabriel Pabico. 2020. “Anakbayan: Arrest of Piston 6 aims to silence critics, not to reprimand alleged violators.” Inquirer.net, June 20. Retrieved July 29, 2020 (https://newsinfo.inquirer.net/1294522/anakbayan-arrest-of-piston-6-aims-to-silence-critics-not-to-reprimand-alleged-violators).
Lema, Karen & Neil Jerome Morales. 2020. “Philippines to use police in house-to-house searches for COVID-19 cases.” Reuters, July 14. Retrieved July 28, 2020 (https://www.reuters.com/article/us-health-coronavirus-philippines/philippines-to-use-police-in-house-to-house-searches-for-covid-19-cases-idUSKCN24F1NN).
Macaraeg, John Aaron Mark. 2019. “800,000 rights abuses recorded in 2 years of Martial Law in Mindanao — rights group.” Bulatlat, May 25. Retrieved July 27, 2020 (https://www.bulatlat.com/2019/05/25/800000-rights-abuses-recorded-in-2-years-of-martial-law-in-mindanao-rights-group/).
Rappler. 2020. “FULL TEXT: President Duterte’s State of the Nation Address 2020.” Retrieved July 28, 2020 (https://rappler.com/nation/full-text-duterte-sona-speech-2020).
Roberts, John. 2010. “The State, Empire and Imperialism.” Current Sociology 58 (1): 833-858
Tran. Bich T. & Minh Vu. 2020. “The Secret to Vietnam’s COVID-19 Response Success: A review of Vietnam’s response to COVID-19 and its implications.” The Diplomat, April 18. Retrieved July 28, 2020 (https://thediplomat.com/2020/04/the-secret-to-vietnams-covid-19-response-success/).