Junk Anti-Terrorism Bill
June 9, 2020
June 9, 2020
Mariing tinututulan ng UP Kalipunan ng mga Mag-aaral ng Sosyolohiya (UP KMS) ang pagpasa sa House Bill 6875 o Anti-Terrorism Bill (ATB) na inaprubahan sa ikatlo at huling pagdinig nitong ika-2 ng Hunyo 2020 sa mababang kapulungan ng kongreso.
Bagamat naniniwala ang UP KMS sa kahalagahan ng isang matibay na batas laban sa terorismo, hindi ipinapamalas ng mga probisyon ng ATB ang epektibong pagsupo dito. Batayang layunin ng batas ang mapalakas ang pambansang seguridad laban sa terorismo. Ngunit taliwas ang sinasabi ng mga pagsusuri sapagkat may mga nilalaman ito na hindi malinaw at mistulang nakabatay lang sa magiging interpretasyon ng Anti-Terror Council. Isang nakakadudang nilalaman nito ang pagpapakahulugan sa salitang "terorismo". Nakasaad sa bill na ang terorismo ay anumang gawain na magiging banta sa pampublikong kaligtasan at ang pagtukoy sa isang terorista ay puwedeng ibatay sa simpleng pagpapakita ng intensyon ng terorismo basta’t ayon sa palagay ng kapulisan. Madaling sabihin na walang dapat ikatakot ang mga aktibista at kritiko ng pamahalaan sa ATB. Ngunit kung ganito kalabnaw ang kahulugan ng salitang "terorismo", madaling mapapalabas ng mga awtoridad na banta sa pampublikong seguridad ang mga nagkikilos-protesta tulad na lang ng mga nakikita nating basta-bastang pag-aresto sa mga indibidwal na tuwid naman ang hangarin para sa bansa.
Kung ikukumpara sa Human Security Act of 2007 ang ATB, mas mahaba at marahas ang ipapataw na parusa para sa mga hinihinalang terorista. Halimbawa nito ay ang mas matagal na pagkakakulong sa mga suspek kahit wala pang malinaw na kaso (mula 3 araw ay gagawing 14-24 na araw). Nakababahala rin na hindi na kailangang humarap sa korte ng isang suspek bago siya ikulong na labag sa karapatan ng indibidwal sa patas na paghuhukom. Bukod dito, lubos ring papayagan ang pagmamanman gaya ng wiretapping nang mas mahabang panahon - mula 30 araw ay gagawin itong 60 araw. Masalimuot ding isipin ang pagtanggal sa P500,000 na multa sakaling magkaroon ng maling akusasyon na tiyak ay magpapalala sa lumalaganap na pang-aabuso ng kapulisan.
Mahalagang anggulo na dapat tignan sa pagsulong ng ATB ang impluensya ng pang-internasyonal na ahensya sa bansa pagdating sa paggawa ng mga polisiya. Partikular dito ang ating pagpasok sa International Co-operation Review Group (ICRG) at Financial Action Task Force (FATF) kung saan may posibilidad tayong mapasama sa “gray” list kung hindi tayo makagagawa ng matibay na batas laban sa terorismo (Villanueva, 2020). Iginigiit ng FATF na kailangang palakasin lalo ng estado ang ating pampinansyal na sistema dahil madali tayong malusutan ng mga transaksyong terorista tulad ng money laundering. Ang probasyon para iresolba ang nasabing isyu ay magtatapos sa Oktubre, kung kaya’t agarang isinusulong at inaapura ang ATB. Ngunit, ang ATB nga ba ang tatapos sa problema ng terorismo, o isa lang itong taktika upang paigtingin pa lalo ang sistema ng hustisyang may kinikilingan? Tunay nga bang mapagkakatiwalaan ang pamahalaan sa pag-iimplementa nito o gagamitin lang nila ang nasabing batas upang takutin ang mga tao at pagtakpan ang mga kritisismong ibinabato sa kanila?
Dahil sa laganap na pang-aabuso ng pulis at militar, na siyang institusyong nakatalaga sa pag-iimplementa ng ATB, malinaw na hindi sila mapagkakatiwalaang protektahan ang sambayanan. Ang pagkakaroon ng kultura ng impyunidad sa bansa ay magiging gatong lamang sa matagal nang depektibong sistema ng hustisyang mayroon tayo. Sa ganitong kultura, mas lalo pang mabibigyan ng kapangyarihan ang pulis at militar na marahas na ipatupad ang batas at gawing mga bulag na tagasunod ang taumbayan. Lalo rin nitong patitibayin ang uri ng hustisyang naka-angkla sa interes ng mga piling indibidwal. Sinasalamin nito ang konseptong ‘Repressive State Apparatus’ ni Althusser, na nagsasaad na ang puwersa ng kapulisan at militar ay ginagamit ng estado upang manipulahin ang mga mamamayan at kontrolin ang kanilang pag-iisip at kilos.
Bukod sa paggamit ng mas marahas na parusa, ang porma ng disiplinang iminumungkahi ng ATB ay maihahalintulad sa ‘disciplinary power of surveillance’ ni Michel Foucault. Nakasaad dito na may kapangyarihan ang estado na maglikha ng isang kamalayang nagsasabi na ang presensya nito ay laging nakamanman sa indibidwal. Sa ganitong paraan, nilalagay nito sa isipan ng mga tao na limitahan at disiplinahin ang kanilang sarili na naaayon sa pamantayan ng estado. Sa konteksto ng ATB, ang takot na maaaring idulot nito ay maaaring humantong sa pagpigil sa sarili na magpahayag ng mga ideya o reklamo lalo na kung taliwas ito sa kagustuhan ng pamahalaan.
Tunay ngang hindi maaalis ang pagkabahala sa agarang pagpasa ng ATB dahil sa nakalipas na tatlong buwan ng quarantine at krisis dulot ng COVID-19, makikitang ang hakbang ng pamahalaan ay hindi para sa pagpuksa ng pandemya. Sa halip, pagpapatahimik, pananakot, at malawakang paglabag sa karapatang pantao ang siyang pinapalaganap ng estado. Lumalabas ang kapalpakan ng mga polisiyang kulang sa pag-aaral na naging daan upang malugmok lalo ang bansa sa gutom at hirap, kung kaya't agaran din ang pag-apruba sa ATB dahil sa lumalalang galit ng taumbayan. Ngunit kagaya ng nakita natin sa kasaysayan, kung walang tinig na pupuna o lalaban, patuloy lamang na iiral ang mga katiwalian mayroon sa sistema. Sa kasalukuyang sitwasyon ng bansa, mas lalong kailangan ng boses ng mamamayan dahil sa nangyayaring krisis.
Ang panawagan ng UP KMS ay ang pagkakaisa upang tutulan at ibasura ang Anti-Terrorism Bill, kalakip din nito ang iba pang lumalabag sa karapatang pantao. Ang aktibismo at kritisismo ay hindi terorismo. Ito ay mga lehitimong panawagan at daing ng mga mamamayan. Imbis na pagpapatahimik at pananakot, maayos na sistema at serbisyo ang nararapat na solusyon. Sa panahong ang ating demokrasya ay nanganganib, tayo dapat ay patuloy na tumindig, makialam, at magbahagi tungkol sa karapatan ng bawat isa. Maging mapagmatyag at patuloy na maging kritikal. Ang sama-sama nating pwersa at tinig ay magiging daan para makamit ang tunay na solusyon sa nangyayaring pandemya -- ang solusyong medikal at hindi militar.
#JUNKTERRORBILLNOW
#ACTIVISMISNOTTERRORISM
MGA SANGGUNIAN
Anti-Terrorism Bill, House Bill 6875, 18th Congress. (2020).
Javier, J.L. (2020, June 4). Concerned citizens and progressive groups protested the passage of the Anti-Terror bill — while social distancing [Digital Image]. CNN Philippines. https://www.cnnphilippines.com/.../junk-terror-bill-rally....
McMullan, T. (2015, July 5). What does the panopticon mean in the age of digital surveillance? The
Guardian. https://www.theguardian.com/.../panopticon-digital...
VERA Files. (2020, March 5). VERA FILES FACT SHEET: Mga kailangan mong malaman tungkol sa panukalang anti-terrorism bill ng Senado. https://verafiles.org/.../vera-files-fact-sheet-mga...
Villaneuva, J. (2020). Diokno hopeful on AMLA, HSA amendments. Philippine News Agency. https://www.pna.gov.ph/articles/1095417