Hustisya Para Kay Baby River
October 17, 2020
October 17, 2020
Sa araw ng libing ng anak ni Reina May Nasino na si Baby River kahapon, Oktubre 16, nagkaroon ng engkwentro sa pagitan ng kapulisan at pamilya Nasino kasama ang iilang mga progresibong grupo. Ayon sa mga tala ng Manila Bulletin News (2020), sa punerarya pa lang kung saan nakalagak ang labi ng sanggol ay may humigit kumulang na 20 pulis ang nakapaligid sa nasabing lugar. Binakuran ng kapulisan ang punerarya at di naglaon ay may dumating pang sasakyan ng SWAT na siya ring ginamit upang isakay ang labi ng bata papunta sa Manila North Cemetery sa Maynila.
Iginiit ng DILG Undersecretary na si Jonathan Malaya na pinoprotekatahan lang daw nila ang labi ng bata at ang kaligtasan ng pamilya Nasino (Marquez, 2020). Dagdag pa rito, isinisi ng undersecretary ang nangyaring ‘media spectacle’ sa mga makakaliwang grupong nagprotesta sa araw ng libing ng bata. Noong isang araw ay matatandaan ding pinaikli ang oras ng pagbisita ni Nasino sa lamay ng kanyang anak. Mula sa binigay ng korte na tatlong araw, ito’y naging anim na oras na lang (Buan, 2020). Ano ba ang dahilan sa likod ng ganitong pagtrato kay Nasino at sa kanyang anak? Sino ba si Reina Mae Nasino?
Si Nasino ay isang aktibista mula noong kolehiyo hanggang sa kasalukyan. Naging aktibo si Nasino sa paggiit para sa abot-kayang bayarin sa mga state universities and colleges (SUCs), sa pakikisalamuha sa mga manggagawang kontraktwal at sa iba pang mga mahihirap na komunidad. Bago siya naging community organizer ng Kadamay, noong Nobyembre 2019 ay nilooban ang opisina ng BAYAN Manila kung saan inaresto siya kasama pa ang ibang mga indibidwal. Pinadapa sila nang isang oras sa loob ng opisina bago idineklara ng PNP na may natagpuan silang mga baril at pampasabog sa loob ng kwarto. Sinampahan ng patung-patong na kaso si Nasino at ang kanyang mga kasama kaugnay ng illegal possession of firearms at ikinulong. Ito ay naganap sa kabila ng hindi pakakapareho ng lugar na nakasaad sa warrant sa aktwal na lokasyon nina Nasino. Noong mga panahong ito ay isang buwan nang buntis si Nasino kay Baby River (Altermidya 2020).
Masasalamin sa ganitong pagtrato kay Nasino ang konseptong Repressive State Apparatus o RSA ni Althusser (2014). Ayon dito, lantarang gumagamit ng puwersa at panggigipit sa mga mamamayan ang estado upang sila’y kontrolin at makapagsulong ng mga pansariling interes (Felluga, 2002). Sa RSA ay ginagawang instrumento ang kapulisan at militar upang magtanim ng takot sa mga mamamayan at patahimikin ang kahit sinong tutol sa mga isinusulong ng estado.
Ang kaso ni Nasino at ni Baby River ay isa lamang sa mga epekto ng paggamit ng etsado ng kaniyang pwersa sa tulong ng Anti-Terror Law upang patahimikin ang mga kritiko. Kung iisipin, maraming mga personalidad sa pamahalaan ang nabigyan ng maraming panahon upang bisitahin ang mga kamag-anak na may sakit sa ospital. Noong nakulong si Sen. Bong Revilla sa kasong pandarambong, ilang beses siyang nabigyan ng pagkakataong bisitahin ang amang may sakit sa ospital (Buan, 2017). Kahalintulad din ang kaso kay Sen. Koko Pimentel na lumabag ng ECQ protocols kahit na nagpositibo siya sa COVID-19 (Robles, 2020) ay napayagan pa ring humalili sa panganganak ng kanyang asawa. Matatandaang kaalyado ng kasalukuyang pamahalaan si Pimentel kaya’t mabilis lang ang pagpapawalang-sala sa kanya (Ranada, 2019). Sa kabilang banda, nakakabahala ang pagtrato kay Nasino sapagkat hindi man lang siya pinayagang alagaan ang kanyang anak lalo na ngayong may pandemya (Jha, 2020). At hanggang sa kamatayan ng sanggol ay walang pakundangang nilabag ng kapulisan ang karapatang magluksa ng pamilya Nasino.
Kung susuriin, isa sa mga mahahalagang tradisyon sa kulturang Pilipino ay naka-ugnay sa pagpanaw ng mahal sa buhay (Randall,2019). Ang pagdadalamhati ay isang magandang oportunidad upang magbigay respeto at pag-alala ‘di lamang sa taong pumanaw, kung di pati na rin sa pamilya nito. Mas pinagtitibay rin ng ganitong kultura ang kanilang samahan dahil sa kabila ng pagkawala at pagluluksa, nagsasama-sama sila upang maging kanlungan ng isa’t isa (Randall, 2019). Kaya naman ang ginawang panggugulo ng mga pulis sa burol at libing ni Baby River ay hindi lamang paglabag sa karapatang pantao kundi pambabalewala na rin sa kulturang Pilipino. Malinaw na biktima si Baby River ng matagal nang palyadong sistema ng hustisya sa bansa at ng patuloy na panggigipit ng estado gamit ang mga instrumento ng RSA upang protektahan ang kanilang pansariling interes at interes ng mga kaalyado.
Ngayong mahigit kumulang 350k na ang kabuuang kaso ng COVID-19 sa Pilipinas (WHO, 2020), marami na sa mga Pilipino ang nagugutom at walang trabaho. Pinairal ng Pangulo ang mahigpit na pagpapatupad ng ECQ sa tulong ng militar at kapulisan. Sa kabila nito, hayag pa rin ang hindi maayos na pagtugon sa pandemya at para bang bakuna na lang mula Tsina o Russia ang tanging solusyon sa mabilis na pagkalat ng sakit (Aguilar, 2020). Nangutang pa ang bansa ng $1.3 bilyon sa World Bank at iba pang mga ahensiya upang masustentuhan ang pangangailangan ng pamahalaan para sa pandemya (Rivas, 2020). Kasabay ng bulnerableng kalagayan ng mga Pilipino ay madiskarteng niratsada ng pamahalaan ang Anti-Terror Law. Ang isa sa mga naging prayoridad na lamang ay ang pagpapatahimik sa mga oposisyong tulad ni Reina Mae Nasino at iba pang mga aktibista, at ang pagpapalawak pa lalo ng kapangyarihan ng mga kaalyado sa pamahalaan.
Bilang mga sosyologo ng bayan, hindi nakakulong ang aming panawagan sa mga teorya. Marapat lang na maisapraktika ang mga ito upang igiit ang pagtamasa ng mga demokratikong karapatan kahit anong ideolohiya pa ang hawak ng kahit sino. Ang pagkamatay ng isang sanggol na tulad ni Baby River ay dapat maging mitsa ng pagbukas ng ating mga diwa sa kasalukuyang kondisyon ng ating bansa. Paulit-ulit nating ipanawagan ang pagprotekta sa kalayaang magpahayag at mabuhay ng bawat Pilipino. Ang dapat na unahin ngayon ay ang pagtitiyak ng mabuting kalusugan at kabuhayan ng sambayanan. Hindi pang-aabuso ang ating kailangan sa gitna ng krisis lalo na’t marami na ring buhay ang kinitil ng virus. Higit sa lahat ay kailangan natin ng komprehensibong solusyong medikal habang hinihintay ang pagbuo ng bakuna laban sa COVID-19. Naniniwala ang UP KMS na ang pagpapahayag ng saloobin at pagpuna sa mga palyadong gawain ng estado ay mainam na espasyo para sa diskursong magpapabuti sa kinabukasan ng ating bansa. Walang dapat makulong sa simpleng pagpuna sa mga hindi makatarungang sistema ng pamahalaan. Kaya’t dapat lang igiit sa gobyerno ang pagbibigay ng sapat na lugar upang makapagpahayag ng mga hinaing ang mamamayan imbis na maging dahilan pa mismo ng karahasan sa bansa.
#JusticeForBabyRiver
#JunkTerrorLaw
#StopTheAttacks
#ActivismIsNotTerrorism
MGA SANGGUNIAN
Aguilar, Krissy. 2020. “COVID-19 vaccination will be done in police stations, Duterte repeats earlier statement.” Retrieved 16 Oct. 2020 (https://newsinfo.inquirer.net/1338145/covid-19-vaccinations-to-be-facilitated-by-doctors-in-police-stations-once-available)
Altermidya. 2020. “Sino si Reina May Nasino?” Retrieved 16 Oct. 2020 https://www.altermidya.net/sino-si-reina-mae-nasino/).
Althusser, Louis. 2014. On the Reproduction of Capitalism: Ideology and Ideological State Apparatuses. London: Verso.
Buan, Lian. 2020. “From 3 days, jailed activist gets only 6 hours to say goodbye to baby River.” Retrieved 16 Oct. 2020 (https://www.rappler.com/nation/activist-reina-mae-nasino-gets-6-hours-per-day-wake-burial-baby-river-october-2020)
Buan, Lian. 2017. “Bong Revilla again allowed to visit ailing father.” Retrieved 17 Oct. 2020 (https://www.rappler.com/nation/bong-revilla-hospital-furlough-sandiganbayan)
Felluga,D. 2002. “Modules on Althusser: On Ideological State Apparatuses.” Retrieved Oct 16 2020 (https://cla.purdue.edu/academic/english/theory/marxism/modules/althusser)
Jha, Preeti. 2020. “Philippines: Anger over death of baby separated from jailed mother.” Retrieved 17 Oct. 2020 (https://www.bbc.com/news/world-asia-54519788).
Manila Bulletin News’ Twitter page, accessed 16 Oct 2020, https://twitter.com/manilabulletin/status/1316914819270905857.
Marquez, Consuelo. 2020. “Leftist groups harassed Nasino’s jail guards – DILG Usec.” Retrieved 16 Oct. 2020 (https://newsinfo.inquirer.net/1348723/leftist-groups-harassed-nasinos-jail-guards-dilg-exec?utm_medium=Social&utm_source=Twitter#Echobox=1602827290).
Randall. 2019. “Death and Dying: A Filipino American Perspective.” Retrieved Oct 17, 2020 (https://asamnews.com/2019/11/13/death-and-dying-a-filipino-american-perspective).
Ranada, Pia. 2019. “9 out of 12 elected senatorial bets are Duterte allies.” Retrieved 16 Oct. 2020 (https://www.rappler.com/nation/elections/elected-senatorial-candidates-duterte-allies).
Rivas, Ralf. 2020. “Duterte’s loans for coronavirus and why PH might need more.” Retrieved 16 Oct. 2020 (https://rappler.com/newsbreak/in-depth/duterte-loans-coronavirus-why-philippines-might-need-more).
Robles, Alan. 2020. “Coronavirus: Duterte ally Koko Pimentel blasted for putting health care workers in danger as more doctors die.” Retrieved 16 Oct. 2020 (https://www.scmp.com/week-asia/health-environment/article/3077162/coronavirus-duterte-ally-koko-pimentel-blasted-putting).
WHO. 2020. “WHO Coronavirus Disease (COVID-19) Dashboard.” Retrieved 16 Oct. 2020 (https://covid19.who.int/table).