Opisyal na Pahayag para sa Araw ng mga Bayani
August 31, 2020
August 31, 2020
Ang Pilipinas sa kasalukuyan ay produkto ng matagal na paghubog sa ating kasaysayan mula sa pre-historiko hanggang sa kontemporaryong panahon. Pinorma tayo ng samu’t saring kaganapan, katapangan at kabalintunaan tungo sa lipunang kinabibilangan natin ngayon. Malaking kadahilanan dito ang papel ng ating mga bayani na walang kapagurang itinaguyod ang ating bansa sa gitna ng maraming panlipunang unos - mula kolonyalismo, pagtataksil ng iba sa sariling bayan, digmaan at marami pang iba.
Dahil dito, ngayong Araw ng mga Bayani ay ipinagdiriwang natin ang mga indibidwal na nag-iwan ng malaking marka sa kasaysayan at lipunang Pilipino. Mula sa mga tulad nina Rizal, Bonifacio at Gabriela Silang hanggang sa mga taong hindi napangalanan sa mga aklat, taus-puso natin silang pinapangaralan at iginagalang. Ang maalab nilang pagmamahal sa bayan at ‘di pagiging makasarili ang siyang naging mitsa upang makamit ng bansa ang manimithing kasarinlan noong nasakop tayo ng mga imperyalista.
Gayon din, binibigyang-pugay natin ang mga makabagong bayani na walang kapagurang nagsisilbi sa bayan sa kabila ng mga krisis na ating pinagdadaanan. Ngayon higit kailanman, lalo na sa hinaharap nating pandemya at samu’t saring panunupil sa karapatang pantao, ay mas kailangan natin ng mga bayaning magiging gabay tungo sa mas maayos na pagtataguyod sa lipunang Pilipino. Una rito ang ating mga healthcare workers na mula sa pagputok ng COVID-19 hanggang sa kasalukuyan ay hindi bumibitaw sa kanilang sinumpaang tungkulin na magbigay ng maayos na serbisyong medikal sa mga mamamayan. Andiyan din ang mas malawak na hanay ng essential workers tulad ng mga delivery personnels, security guards, mga tsuper, mga waiter sa mga kainan at marami pang iba. Ang patuloy nilang paglilingkod sa mga tao ang siyang isa sa mga haligi kung bakit patuloy na tumatakbo ang iba’t ibang industriya sa bansa. Siyempre, hindi rin natin dapat kalimutan ang ating mga guro. Sa mundong itinuturing ang edukasyon bilang kapangyarihan, nakasandal tayo sa kanila upang maintindihan ang pag-ikot ng mundo. Lalo na ngayong nasa gitna tayo ng krisis, ang mga kaalamang binabahagi nila sa kanilang mga mag-aaral ang magsisilbing ilaw para tahakin ang daang nakalatag para sa kabataan. Panghuli, binibigyang-pugay rin natin ang mga nasa sektor ng agrikultura at pangingisda. Ang mga taong walang-pagod na nagbabanat ng buto para sa pagkaing hinahain sa ating lamesa ay walang dudang mga tunay na bayani ng ating lipunan.
Makikita mula sa mga nasabing halimbawa na ang pagiging bayani ay hindi lamang nakakulong sa depinisyong alam natin - ang pagbubuwis ng sariling buhay. Higit pa rito, ang pagiging bayani ay sumasaklaw sa kakayahan nating iugnay ang mga sariling karanasan sa kabuuang daloy ng lipunan at mga sistemang bumabalot dito. Ang pagiging bayani ay ang paglabas sa pansariling pag-iisip upang makita ang mas malalim na ugat ng mga kaganapan sa paligid. Ganito rin mismo ang ideyang sinusulong ng Sociological Imagination ni C. Wright Mills. Ang pagtatahi ng pansariling problema sa mga isyu ng lipunan; ang paghahambing ng talambuhay sa mas malawak na naratibo ng kasaysayan; at ang pangkalahatang relasyon ng lipunan sa ating sarili. Sa pamamagitan ng ganitong perspektibo, mabibigyang konsiderasyon natin ang kapakanan at karapatan ng mga taong nangangailangan ng atensyon. Lalo na sa panahon ngayon kung saan maraming hindi pagkakapantay-pantay, kailangan manaig ang pagiging bukas ng ating isip at kalooban.
Sa kabila ng lahat ng ito, mahalagang tandaan din natin na kahit ang mga bayani ay nakararanas ng mga kaapihan tulad ng diskriminasyon, karahasan, panggigipit at marami pang iba. Halimbawa na rito ang kakulangan ng kagamitan at maayos na COVID-19 testing sa mga ospital para sa mga healthcare workers at ang napakababang hazard pay na natatanggap nila sa kabila ng mataas na panganib dulot ng pandemya. Malaking dagok rin ang pagpapatuloy ng iskemang kontraktwalisasyon at “no work, no pay” sa mga essential workers at iba pang mga manggagawa. Ang kawalan ng maayos na tulong-pinansiya para sa kanila ay lalong nagdudulot ng malubhang kahirapan na madalas ay nababalewala lamang ng pamahalaan mula noon hanggang ngayon. Kapareha ng karanasan ng mga healthcare workers, hindi rin nakakakuha ng sapat na kagamitan, badyet at iba pang porma ng tulong ang ating mga guro. Madalas ay sariling pera ang gamit nila upang mag-imprenta ng mga modules kasabay ng iba pang mga gastusin sa loob ng bahay. Patuloy lang din ang pangmamaltrato sa ating mga magsasaka dulot ng kawalan ng lupa at tulong pampinansiyal sa pagbili ng mga binhi, irigasyon at iba pa. Gayundin, ang patuloy na hidwaan sa West Philippine Sea ay nagpapahirap lang lalo sa kabuhayan ng ating mga mangingisdang dapat ay malayang nakakapaglayag sa katubigan ng Pilipinas.
Mula sa mga nasabing halimbawa, mahihinuha natin na kaakibat ng Sociological Imagination ay ang pagharap natin sa mga masasalimuot na realidad na maaaring makapagbigay ng kawalan ng pag-asa. Ganito rin ang nabanggit ni Peter Berger sa kanyang “Invitation to Sociology” - ang pagkakaroon ng malalim na pagkilala sa lipunan at mga istrukturang nakapaloob dito ay hindi laging nakakabuti. Minsan ay mararamdaman nating napakaliit lang ng ating kakayahan kumpara sa mga napakalaking problema ng lipunan. Subalit kailangan nating magpakatatag at maging bayani sa ating sari-sariling paraan upang maipaglaban ang mga prinsipyong dapat manaig. Sa panahon ngayon, oras naman para tayo ang maging sandalan ng mga bayaning tinatalikuran ng panahon.
Ngayong Araw ng mga Bayani, marapat lang na ipagdiwang at alalahanin ang mga bayani mula sa kasaysayan at tumindig para sa mga makabagong bayani ng bansa sa kasalukuyan. Malayo pa ang ating bansa sa inaasam na tunay na kasarinlan ngunit sa tulong ng ating sama-samang pagtutulungan, siguradong makakamit din ito. Muli, mula sa mga kabataang Sosyologo ng UP KMS, maligayang Araw ng mga Bayani!
MGA SANGGUNIAN
Berger, Peter. 1963 “Sociology as a Form of Consciousness.” Invitation to Sociology: A Humanistic Perspective. Middlesex, England: Penguin Books.
Mills, C. Wright. 1959. “The Promise”. The Sociological Imagination. Oxford: Oxford University Press.