Sa Ika-157 Kaarawan ng isang Bayani at Rebolusyonaryo
November 30, 2020
November 30, 2020
Gat Andres Bonifacio. Isang pangalang pamilyar sa ating lahat mula pagkabata hanggang sa pagtanda. Ang kanyang imahe ay makikita sa maraming sulok ng Pilipinas - sa pera, sa mga museo, at maging sa mga ordinaryong komunidad sa bansa. Tanyag si Bonifacio sa pagkakaroon ng malaking ambag sa kasaysayan lalo na sa panahon ng pananakop ng España. Kilala siya bilang isa sa mga taong lumaban mula sa paghahari ng kolonyalismo at inialay ang kaniyang buhay sa Inang Bayang sadlak sa pang-aapi ng mga naghaharing-uri. Tunay ngang isa sa mga inspirasyon ng malawakang rebolusyon at paghahangad ng kalayaan ng maraming Pilipino ang dugong inialay ni Bonifacio.
Ipinanganak si Andres Bonifacio sa isang gitnang uring pamilya noong ika-30 ng Nobyembre, 1863 sa Tondo, Maynila. Sa edad na 14 ay naulila siya kasama ang lima niya pang mga kapatid kaya’t kinailangan niyang pagsabayin ang pag-aaral at pagtatrabaho upang matustusan ang kanilang mga pangangailangan. Napangasawa rin niya si Gregoria de Jesus na kilala bilang “Lakambini ng Katipunan” noong 1892.
Kasagsagan ng pighati ng maraming Pilipino ang panahong kinabibilangan ni Bonifacio. Itinuturing na mababang uri ng tao ang lahat ng mga katutubong Pilipino noong panahong ito, at binansagan silang mga 'indio'. Mula rito, nakita ni Bonifacio na walang kahit anong uri ng kalayaan ang dumadaloy sa bansa sapagkat malakas ang pananaig ng pang-aapi ng mga Kastila. Kasabay ng patuloy na panggagapos ng España sa Pilipinas ay ang pagputok ng diwang nasyonalismo ni Bonifacio, pati na ng mga kasamang nagtutulak ng kasarinlan para sa bansa. Matapos ang Sigaw ng Pugadlawin ay pormal nang itinatag ang Katipunan upang maging pangunahing grupong magpapatakbo ng malawakang rebolusyon sa Pilipinas.
Ang Katipunan ay isang kilusang binubuo ng mga manggagawa at magsasaka na naglalayong paigtingin ang kamalayang makabayan ng mga Pilipino at tumindig laban sa pang-aabuso ng mga Kastila. Maihahalintulad ang kamalayang ito sa kaisipang ‘class consciousness’ ni Marx at Engels (1967) kung saan namumulat ang mga proletaryado o mga manggagawa sa kanilang panlipunang kalagayan na kalaunan ay mag-uudyok sa kanila upang mag-aklas laban sa naghaharing uri. Naisakatuparan ang pag-aaklas na ito nang sumiklab ang Rebolusyong 1896 sa bansa. Hindi man perpektong pagkilos ang ginampanan ng nasabing rebolusyon, hindi maikakailang nag-iwan ito ng marka sa maraming Pilipino. Naging inspirasyon at patuloy na nagiging inspirasyon ito ng maraming kilusan sa pag-oorganisa kahit sa paglipas ng maraming taon matapos ang panahon ng pananakop. Hinubog ng nasyonalistang pag-iisip ng Katipunan ang kolektibong pagtugon ng maraming Pilipino sa mga panlipunang isyu upang buong-pusong paglingkuran ang sambayanan hanggang sa kasalukuyan.
Ang desisyon ni Bonifacio na itaguyod ang Katipunan ay sumasalamin sa malalim na kahalagahan ng mga kilusan sa kasaysayan. Ang mga panlipunang kilusan ay binubuo ng kolektibong pagsisikap upang hamunin ang nasa awtoridad at isulong ang interes ng mayorya (Tarrow, 2011). Kinapapalooban ng mga kilusan ang masinsinang pagsusuri ng lipunan at pagkakaroon ng mga aksyong nakasandig sa kung anong ikabubuti ng nakararami. Nasa esensiya ng mga kilusan ang pagbalikwas mula sa mga sistemang matagal nang nagpapahirap sa lipunan, kung kaya’t isa sa mga mahalagang gampanin nila ang pagtatatag ng mga prosesong magbibigay ng bagong hubog sa lipunan kung saan hustisya para sa masa ang mananaig.
Mula sa mga ginawang pag-organisa, pagpapaigting ng rebolusyon at pag-alay ng dugo ni Bonifacio para sa bayan, mahalagang gunitain ang kanyang dedikasyon sa Katipunan. Sa panahon ngayon kung saan laganap ang pangre-redtag at pagpapatahimik sa mga aktibista at mga kritiko ng pamahalaan, malinaw na simbolo si Bonifacio ng katapangan at walang kapagurang pagsulong ng pagbabago para sa Inang Bayan. Ang mga nagawa ni Bonifacio at ng Katipunan para sa Pilipinas ay hindi lamang dapat maiwan sa diskurso ng kasaysayan, bagkus ay mailapat ito sa ating realidad sa paraan ng pag-oorganisang nakaugat sa maliwanag na pagsusuri sa lipunan. Ang pagmamahal ni Bonifacio para sa bayan ay hindi nasusukat sa pagkapanalo o pagkatalo sa digmaan kung ‘di sa kung paano nito patuloy na binubuhay ang pagsulong ng pagbabago para sa bansa lalo na sa mga panahong sinusubok tayo ng mga krisis.
Bilang mga mag-aaral ng sosyolohiya, hindi lamang nakakulong ang ating pagsusuri ng lipunan sa mismong kontekso nito, bagkus ay mahalaga ring bigyang pansin ang mga taong nasa likod ng mga makasaysayang kaganapan sa ating lipunan tulad ni Bonifacio. Mula sa mga aral ng kasaysayan ay maisasapraktika nating mga kabataan ang tunay na paglilingkod para sa bayan. Nawa’y tulad din ni Bonifacio ay mas mahasa pa ang ating tapat na kolektibong pagkilos at pagiging makabayan para sa mas malayang kinabukasan. Ngayong ginugunita ang ika-157 kaarawan ni Bonifacio, pasiklabin at ipagpatuloy ang pagtindig para bayan, karapatan at kasarinlan!
MGA SANGGUNIAN
Karl Marx and Frederick Engels. 1967. “The Communist Manifesto”. New York: New American Library.
National Historical Commission of the Philippines. 2012. “Andres Bonifacio and the Katipunan”. Retrieved Nov. 28, 2020 (https://nhcp.gov.ph/andres-bonifacio-and-the-katipunan/).
Tarrow, Sidney G., 2011. “Power in Movement: Social Movements and Contentious Politics”. 3rd ed., Cambridge University Press, pp. 2.