Ika-24 anibersaryo ng Kamatayan ni Dr. Jose Rizal
December 30, 2020
December 30, 2020
Sa ika-124 na anibersaryo ng kamatayan ni Dr. Jose Rizal, hindi lang natin inaalala ang masalimuot na kinahantungan ng kanyang buhay ngunit pati na ang kanyang mga naging ambag sa mayamang kasaysayan ng Pilipinas lalo na sa pagkamit ng kalayaan mula sa mananakop.
Nabuhay si Dr. Jose Rizal sa kasagsagan ng pananakop ng mga Kastila. Naging saksi siya sa korapsyon ng pamahalaan at sa mga pang-aabuso ng mga mananakop sa mga Pilipino. Marami sa kanyang mga akda ang tumalakay sa mga ito, gaya ng kanyang mga nailathala sa pahayagang La Solidaridad na nakatuon sa pagpapahayag ng mga liberal at progresibong kaisipan tungkol sa indibidwal na karapatan at kalayaan ng Pilipinas. Maliban dito, ang masasabing pinakatanyag sa kanyang mga naisulat ay ang mga nobelang “Noli Me Tangere” at “El Filibusterismo”.
Sa tulong ng mga akdang ito, maraming mga Pilipino ang nagabayan at namulat sa samu’t saring sakit ng lipunan. Ang mga ito rin mismo ang tumulong sa paghubog ng Rebolusyong 1896 na siyang tuluyang nagpalaya sa Pilipinas mula sa posas ng mga mananakop na Kastila.
Makikita sa mga sinulat ni Rizal ang malalim at matalim na pagpuna sa estado at lipunang kanyang kinabibilangan. Mula sa kaisipan ni C. Wright Mills, naipamalas ni Rizal ang sociological imagination sa pamamagitan ng pagkabit sa daloy ng sariling karanasan sa mas malawak na agos ng kaganapan sa lipunan. Mula sa mga kwento ng mga tauhan sa Noli at El Fili, ipinahatid ni Rizal ang pag-unawa at pagpapa-unawa sa taumbayan ng marahas na pananamantala ng mga mananakop sa mga Pilipino pati na ang posibilidad ng pagkakaroon ng rebolusyon (Alatas, 2015). Sa kanyang sanaysay na “The Indolence of Filipinos,” kung saan tinalakay niya ang ‘di umano’y katamaran ng mga Pilipino, nagbigay ng bagong pagtingin si Rizal ukol sa nasabing isyu. Sa perspektibo ng mga mananakop, ang katamaran ng mga Pilipino ay nakaangkla sa kanilang natural na katangian. Ngunit sa pagsusuri ni Rizal, ang katamarang pinapamalas ng mga Pilipino ay epekto ng kanilang panlipunang kondisyon sa ilalim ng kolonisasyon. Ipinaliwanag ni Rizal na ang ganitong katangian ng mga Pilipino ay mas mainam na iugnay sa atrasado at pangit na pamamahala ng estadong kolonyal sa bansa (David, 2010; Alatas, 2015). Partikular na dito ang paulit-ulit na pang-aapi sa mga Pilipino sa pamamagitan ng pangangamkam ng lupa, pagpataw ng matataas na buwis, sapilitang paggawa at marami pang iba (David, 2010). Sa ganitong mga pagkakataon, walang magawa ang maraming Pilipino kung hindi “magpakatamad” sapagkat para saan pa nga ba ang pagiging masipag kung aagawin din ang lahat ng naipundar kasabay pa ng mga pahirap na polisiyang itinatag ng pamahalaan? Makikita sa pananaw ni Rizal ang tila pagkakaroon niya ng alternatibong sosyolohiya na malayo sa mga karaniwang kaisipang galing sa Europa. Hindi natali si Rizal sa limitado at indibidwalistikong pagtingin sa tao at lipunan. Sa halip, hinugot niya ang kanyang mga ideya mula sa dinamikong takbo ng kapaligirang direktang nakakaapekto sa pag-iisip ng mga Pilipino sa kanyang panahon.
Sa kabila ng kanyang kontribusyon sa pagsusuri ng lipunang Pilipino, biktima rin si Rizal ng pagpapatahimik ng pamahalaang kolonyal dahil sa mga pagtutol niya sa paraan nito ng pamamalakad sa bansa. Ito rin mismo ang naging mitsa ng pagpataw sa kanya ng parusang kamatayan. Matapos ang 124 taon mula nang barilin siya sa Bagumbayan, mababakas pa rin ang kanyang kinahinatnan sa maraming Pilipinong kinitilan ng buhay dahil sa pagtutol sa paniniil at panunupil ng estado. Sa loob ng ilang buwan nang pagkakaharap sa pandemya ay napapanood sa telebisyon, nababasa sa social media at mga dyaryo ang kaliwa’t kanang kaso ng pagkakakulong at pamamaslang sa mga aktibista. Manipestasyon ito ng patuloy na pag-iral ng mga suliraning kinaharap din ni Rizal — na nagbabago lamang ng anyo kasabay ng panahon. Sa likod ng mga ito ay masisilayan ang parehong mukha ng katiwalian at kawalan ng pagkakapantay-pantay.
Bilang mga sosyologo ng bayan, mahalagang bigyan natin ng pansin ang pagsisiyasat ni Rizal sa lipunan. Maliban sa mga pangkaraniwang teorya na ating pinag-aaralan na madalas ay nanggagaling sa eurocentric na pananaw, mainam ding bigyang pagtatangi ang mga kontribusyon ni Rizal na ‘di mapasusubaliang nakasentro sa panlipunan at kultural na naratibo ng sambayanang Pilipino. Mabisang kasangkapan ang paraan ng pagsusuri ni Rizal sa lipunan dahil maaari itong magbigay ng mas malawak at alternatibong pag-aaral ng sosyolohiyang nakabase sa kinagisnan nating kasaysayan. Sa mas praktikal na antas, ang isang maka-Pilipinong pagsusuri ay tunay ring makakatulong sa pagpapabuti ng ating bansa sa kasalukuyang marami tayong kinakaharap na mga krisis.
Kasabay ng anibersaryo ng kamatayan ni Dr. Jose Rizal, nawa’y maging matatag din tayo sa pagwawaksi ng mga pwersang neo-kolonyal na lumulugmok sa bansa. Mapangahas man ang daang kailangang tahakin sa pagkontra ng kawalan ng katarungan at pagkamakasarili ng maraming mga pinuno, mahalagang mekanismo ito upang unti-unting masugpo ang mga isyung matagal nang pumipigil sa paglago ng ating bansa. Ang patuloy na pagsisikap na marinig ang ating mga boses ang siyang magbibigay ng direksyon upang lalong mahalin ang Pilipinas at ipaglaban ang demokrasya.
Mula sa UP KMS, mabuhay ka, Dr. Jose Rizal! Pagpupugay mula sa mga kabataan at sa buong bayan!
MGA SANGGUNIAN
Alatas, Syed Farid. 2015. "Doing sociology in South East Asia." Cultural Dynamics 27:191–202.
David, Randy. 2010. "Rizal's sociology of colonial society." Philippine Daily Inquirer, Jun 20. Retrieved Dec 26 2020 (https://www.pressreader.com/philippines/philippine-daily-inquirer-1109/20100620/282617439000273).