Utak ng Buwaya
by: Cyrene Grace B. Ledesma
November 30, 2025
by: Cyrene Grace B. Ledesma
November 30, 2025
Art by Jastine Pintado
Isipang puno ng kasakiman, gawang hindi mahagilap ng mata.
Kasabay ng pagbaha sa iba't ibang panig ng Pilipinas ay ang paglutang ng mga buwayang matagal nang nakakubli sa loob ng palasyo. Hirap mahuli, dahil ang kanilang mga pangil ay mas matulis pa sa batas -- mga opisyal na mayroong utak ng buwaya.
Mga lingkod ng bayan na walang simpatya sa Pilipino.
Habang ang Cebu ay nalulunod sa baha, nakuha pa ng unang ginang na magdaos ng book launching. Depensa ng palasyo, ito raw ay pagkilala sa mga nakaraang First Ladies ng bansa.
Pero, hindi ba pwedeng postpone muna?
Napakamanhid. Habang ang mga nasasakupan ay tumatangis sa kahirapan, ang mga lider ay nagsasaya sa karangyaan.
Mga lingkod ng bayan na ganid sa pera at kapangyarihan.
Sa NCR, mayroong 1,057 bilang ng flood control projects, ito ay nagkakahalaga ng ₱52.6 bilyon.
Bilyon-bilyong halaga ng gastos na hindi mahagilap.
Saan napunta? Sa bulsa ng mga politikong tila sa pera at kapangyarihan lamang umiikot ang mundo.
Nakatanggap ng ₱20 milyon ang presidente noong eleksyon mula sa isang kontraktor. Samantalang, ₱19.9 milyon naman ang sa bise-presidente.
Mga sakim. Sila na dapat ay naglilingkod sa mga Pilipino, ay sila pang pinaglilingkuran. Ang mga salaping kanilang natatanggap na nagmula sa dugo’t pawis ng mga mamamayang naghahangad na umangat sa buhay.
Ito ang katotohanan ngayon, hindi sila mga lider, sila ay mga buwaya. Ang utak ay puno kasamaan.
Nararapat lamang na bumoses, tanggalin ang mga ganid. Manindigan para sa tama.