ANG HULING LIHAM
ANG HULING LIHAM
Minsan, kahit ang taong sinasabing pinakamalapit sa iyo, hindi mo malapitan at ang taong malayo pa ang nalalapit sa iyo. Hindi lahat ng ating nakikita ang sumasalamin sa pinagdadaanan.
Hating gabi, naririnig ko lang ang ingay ng orasan sa kwarto. Buong pamilya ko tulog ngunit ako’y nananatiling gising at pula ang mata sa kakaiyak. Hindi makalma ang sarili, chinat ko si Erika, “Gising ka pa?” habang pinag-iisipan ko nalang ang huling liham na iiwanan ko sa aking kaibigan, dahil hindi ko na atang makakaya na magising bukas, na makita ang aking pamilya, na maging masaya sa buhay na “pangarap” sa paningin ng iba…
“Setyembre 10, 2024
Martes
Sana, ito ang liham na basahin ng pinakamahiwaga kong kaibigan na si Erika sa aking burol, sapagkat sa lahat ng aking mga pagsusubok naroroon siya at ninanais ko rin, na sa huli, siya ang magpahayag ng aking huling liham sa bayang kinalakihan ko.
Hindi ko sukat akalain na ito na ang huli. Pasensya na, hindi ko kinayang ituloy yung pangako ko sa’yo na “Mabubuhay ako hangga’t makakaya ko.” Ngayon siguro, galit na galit ka sa ginawa ko, pero hindi ako sigurado, baka iniisip mo rin na nagpakatatag naman ako hanggang sa huli, ganito man, kung ako tatanungin mo, sana mapoot ka nalang sakin kasi mas madali ko yun tatanggapin kaysa sa tuloy-tuloy mong iyak ngayon na hindi na talaga tayo magkikita. Sayang, may regalo pa naman ako sa’yo sa darating mong kaarawan.
Para sa lahat, hindi ako yung anak, kaklase, mag-aaral, o kaibigan na araw-araw niyong nakikita, sapagkat sa bawat ngiti na aking binibitaw, sa likod ay lungkot at hindi pagiging kontento sa sarili. Sa taong inyong pinupuri sa kanyang talino at kahusayan, umuuwi siyang umiiyak at bigo sa sarili dahil hindi puri ang nasa isip niya, kundi ang tanong na “Bakit hindi ko pa ginalingan?” Naririnig ko rin ang mga puna ng iba, ang galit at selos na nagnanais na hindi ako ang magtagumpay at sila nalang, ngayon ang inyong mga hiniling ay sinagot ko na sa aking pagkawala pero alamin niyo rin na hindi ko ninanais na maging magaling, hindi ko ninanais na magtagumpay, ninanais ko lang rin tulad niyo, na maging masaya at kontento sa akin ang aking magulang at pamilya.
‘Nay, ‘Tay, tunay po, lahat ng aking ginawa ay para sa inyo. Salamat po talaga na ako’y inyong ipinalaki at minahal dahil kung hindi, hindi ako magiging taong inyong ipinagmamalaki. Ganoon man, hindi ko rin maitatanggi na ako’y may hinanakit at mga nararamdaman na hindi ko inulit sa inyo. Hindi ko maiulit dahil alang-alang nalang na inyong sabihan na “Para sa iyo naman lahat ng mga sinasabi namin.” Maraming gabi kong tiniis sagutin kayo kada ako’y inyong papagalitan at huhusgahan, dahil kahit alam ko na para sa akin ang lahat ng ginagawa ninyo, para sa akin nga ba kung sa dulo’y hindi ko ito ginusto?
Hindi ko maitatanggi na nagkaroon tayo ng mabuting alaala, pero araw-araw rin akong nasasalubong ng takot na kayo’y mabigo sakin. Kung tutuusin, mas hiniling ko pa sana na hindi ako naging magaling, na hindi ako nagtagumpay, dahil walang hiniling sakin ang magulang kong ipagpatuloy. Naisip ko nga minsan, “Kung nung una palang, hindi ko na ginalingan, siguro iba nalang ang naging pokus ng aking magulang” dahil simula nagtagumpay ako nung Kinder, nawala na ang “Anak, proud kami sa’yo” at ito’y napalitan na ng “Pagbutihan mo pa lalo” Wala na yung yakap ng pagmamahal kada tagumpay, pinalitan nalang ito ng ngiti para sa litrato at balik na muli sa ganoon na sistema ng isa pang taon.
Sa kapatid ko na si Josephine, pasensya ka na at lumaki kang may galit sakin. Hindi ko sinasadya na mapunta ka sa aking anino dahil sa pagpapalaki sa ‘tin. Alam kong ninanais mo na higitan ako sa galing, at kung tutuusin, nagawa mo na ‘yun noong ipinanganak kang hindi ako. Naging sarili mong tao ka, taong may sariling kakayahan at galing. Oo, alam kong itinatanggi mo sa iba na ako’y kapatid mo dahil ayaw mong makumpara. Naiintindihan ko ang dahilan mo, pero ninais ko na sana, kahit isang beses ako’y niyakap mo at sinabihan ng “Ate, salamat na ikaw naging Ate ko” sa dulo naman ng lahat, magkapatid tayo ‘di ba? Sana sa loob-loob, itinuring mo akong kapatid. Araw-araw ko man nasasabi na sa’yo, pero mahal kita, Josephine at sana alalahanin mo palagi na hindi ikaw nasa anino ko, kundi nasa tabi ko bilang kapatid.
Para sa mga kaibigan at kaklase ko, pasensya na at ngayon niyo pa malalaman ang lahat. Huwag niyo sana sisihin saril ninyo sa nangyari. Hindi niyo kasalanan kundi akin rin, dahil hindi ko ipinakita o sinabi. Hindi sa hindi kayo tunay kong kaibigan, ayaw ko lang marinig na kayo’y naaawa, nalulungkot, at yun ang idugtong na alaala sa ‘kin. Hindi nararapat na inyong marinig ang aking mga pinagdaraanan dahil naisip kong makakaya ko naman, malalampasan, at magiging simpleng alaalang aking babalikan. Ngunit, hindi naging ganoon, hindi nagtapos sa mabuti, kaya, wag na wag niyong isisisi ang iba o ang sarili niyo. Dahil sa huli, sa huli ng aking buhay, napaisip ako, “Buti nalang pala, kahit papaano, lumaki akong may natuwa na ako’y kilala nila” dahil sa inyo.
Sana, ako’y inyong tinignan na anak at hindi taong ipagmamalaki. Alam kong mabuti ang nasimulan ko nung bata kaya nararapat na ipagpatuloy ko ito paglaki, pero kada taon, unti-unting nawala sa ‘kin ang aking kaluluwa. Hindi ko alam kung sino ako, araw-araw nalang nag-aaral at kung hindi nag-aaral, gumagawa ng trabaho sa paaralan, kinailangan kong gumawa ng kahit ano sapagkat yun ang itinali ko sa aking pagkatao. Kung wala akong ginagawa, wala akong silbi. Ganoon ako namuhay. Iniisip ko palagi, “Ano pa ba magagawa ko?” Ninanais ko minsan na magpuyat, magbasa pa, habaan pa ang oras ng pag-aaral dahil kung hindi ako namuhay sa imahe na kilala ako ng lahat, sino ako? Sa sarili ko, hindi ako taong may mabuting tingin sa sarili dahil ako’y ibong naglagay sa sarili sa hawlang ayaw niyang iwanan subalit yun lang ang alam niyang pagkakakilanlan…”
Habang tahimik akong umiiyak sa kwarto, nakita ko ang mensahe ni Erika sa Messenger, “Gising pa, anong nangyari? Kung may iniisip ka, wag. Wag na wag mo ipagpapatuloy.” Napatigil ang liham ko, pinunasan ko ang mukha ko at sumagot sa mensahe, “Nagalit lang sakin si Papa, sinabihan akong walang alam at walang kwenta kanina kahit marami akong ginagawa. Marami lang kasi akong inaasikaso ngayon pero ayaw ko naman ipakita na pagod ako. Hindi raw kasi ako nagwalis at naglinis bago sila umuwi kaya pinagsabihan ako na tamad at wala naman raw akong ginagawa kahit kanina pa ako nag-aasikaso ng gawain sa paaralan.” Sa kakaiyak, lumabo ang paningin ko at pumipikit na ang mata sa pagod pero nabasa ko ang huling mensahe ni Erika, “Alam kong mahirap ang lahat, alam ko na hindi mo minsan nakakaya kaya iniisip mong umalis ng maaga, pero isipin mo, isipin mo na sa loob, maraming taong nangangailangan sa’yo. Maraming taong gugustuhin ka pang kausapin, yakapin, at pakasamahan, kaya, sana, sana talaga, isipin mo minamahal ka ng maraming tao. Mabuhay ka para sa kanila, para sa akin kahit. Alam kong sakim pakinggan, alam kong iniisip mo rin na masakit ang lahat, pero, maraming tao pa ang mangangailangan ng kabutihang maibibigay mo sa kanila, dahil ikaw lang ang nag-iisang ikaw sa mundo.”