Pangunahing layunin ng pagsasalin ang paghahatid at pagpapaunawa ng mga kaalaman sa mga target na mambabasa. Hindi lamang ito pagtutumbas sa mga ideya; pagtugon din ito sa panawagang patuloy na lumikha ng espasyo para sa kadalasang nasa gilid, at wala sa sentro. Sa pamamagitan ng pagsasasalin, nakatutulay ang mga nasa magkabilang dulo at nakapagpapatuloy sa kanilang paglalakbay. Sa espasyong nalilikha ng pagsasalin, tila iginigiit ng mga nasa gilid-gilid na pansinin din sila; pahalagahan, at nawa’y pakinggan. Sinasabing mabisa ang pagsasalin kung nagbubunga ng talabang pangkaisipan at ugnayang pandamdamin ang materyal na salin at ang mambabasa ng salin at nagkakaroon ng kabuluhan ang mga kahulugan sa salin.
Mabigat ang layuning ito ng pagsasalin sapagkat isinasabalikat nito ang pananagutan na makapaghatid ng katotohanan sa pinakamatapat at pinakamaingat na paraan. Tatlo ang pangunahing katanungang isinasaalang-alang sa pagsasalin salig sa dictum na ito: 1) Bakit tayo nagsasalin? 2) Para kanino ang ating pagsasalin? at, 3) Ano ang mga materyal na kailangang isalin? Ang unang katanungan ay nakatuon sa dahilan kung bakit natin pahihirapan pa ang ating mga sarili gayong may access naman tayo sa mismong kaalaman at nauunawaan natin ang mga ito. Habang ang ikalawang katanungan naman ay nakaangkla sa realidad ng ating pagkatao; kung paano natin tinatanaw ang diwa ng kapakinabangan. Samantala, ang ikatlong katanungan naman ay kabuhol ng ating kakayahan at panahong laan.
Sa isyung ito ng SALIN Journal, tinatanaw natin ang pagsasalin bilang isang gawaing may malinaw na layunin at may kaakibat na pananagutan. Isang gawaing panlipunan na laging nakaugnay sa kapangyarihan, kultura, at ideolohiya.
Mga Saliksik-Salin: Mula sa Rehiyon hanggang sa Espasyo ng Agham at Politika
Tinatalakay ng mga artikulong kabilang sa seksyon ng Mga Saliksik-Salin na ang pagsasalin ay hindi lamang teknikal na gawain ng paglilipat ng wika kundi isa rin itong paraan ng paglikha, paghamon, at pagpapanibago.
Binubuksan nina Mark P. Bonabon at Jezrelle Ciasha A. dela Cerna ang usapin sa pamamagitan ng pag-aaral sa Mga Tula ng Buntonghininga: Mga Salin sa Filipino ng Mga Piling Siday ni Trinidad Pinca. Sa kanilang pagsusuri, malinaw na ang pagpapalawak ng Filipino bilang wikang intelektuwal ay hindi maaaring ihiwalay sa pagpapahalaga sa mga wikang rehiyonal. Sa halip na manatili sa sentro, ipinakikita nilang nagsisimula ang pagyabong ng pambansang wika sa pagkilala sa sari-saring tinig ng mga rehiyon.
Lumalawak naman ang usapin sa larangan ng agham at kalusugan sa mga pag-aaral nina Ariel U. Bosque sa sa kanyang papel na Analisis sa Sáling Ingles-Filipino ng mga Medikal na Talatanungan: Mga Obserbasyon at Rekomendasyon at Jesssica May S. Reyes, para naman sa kanyang artikulong Wika ng Estadistika: Pagsasalin at Pagsusuri sa Pangunahing Gabay ng Pagbibigay-interpretasyon sa Kuwantitatibong Datos. Sa pagsusuri sa mga medikal na talatanungan at sa wika ng estadistika, lumilitaw na ang kalidad ng pagsasalin ay may direktang epekto sa buhay ng tao. Kapag hindi nauunawaan ng mamamayan ang datos, impormasyon, o mga tagubiling medikal dahil sa hindi angkop na salin, nagiging hadlang ang wika sa halip na tulay. Sa ganitong pananaw, ang pagsasalin ay hindi lamang usapin ng komunikasyon kundi ng katarungang panlipunan.
Sa ibang direksiyon naman tayo dinadala ng artikulong Ang Pagsasalin ng “Death Mask,” Maikling Kuwentong Hapon ni Yasunari Kawabata Gamit ang Introspective Analysis nina Aurora S. Buquir at Raquel E. Sison-Buban. Sa maikling kuwentong Death Mask ni Yasunari Kawabata, pinakikita nila kung paanong ang pagsasalin ay maaaring magsilbing espasyo ng masusing pag-unawa sa kamalayan, kultura, at karanasang pantao. Samantala, sinusuri naman ni Christian Philip A. Mateo ang papel ng relay translation para sa pagsasalin ng pelikulang Parasite (2019), sa kanyang artikulong Kultural at Panlipunang Kapital sa Saling Filipino ng Parasite (2019): Isang Pagsusuri sa Korean-English-Filipino Relay Translation kung saan dumaan muna sa Ingles bago naisalin sa Filipino ang orihinal na tekstong Koreano. Sa prosesong ito, makikita kung paanong maaaring mabago, mabawasan, o madagdagan ang mga kahulugang pangkultura habang lumilipat ang teksto sa iba't ibang wika.
Isinasara ni Rowell D. Madula ang seksyon sa isang kritikal na pagtalakay sa kanyang ambag na artikulong Dutertemahe: Pagdalumat sa Imahe ni Dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa Pahayagang Ang Bayan ng Communist Party of the Philippines. Sa pamamagitan ng pagsusuri sa mga tekstuwal at biswal na representasyon, ipinakikita niyang ang pagsasaling intersemiyotiko ay isang mabisang kasangkapan sa pag-unawa sa propaganda, ideolohiya, at mga tunggalian sa loob ng pampublikong diskurso.
Mga Akdang Salin: Pagpapalawak ng Daigdig ng Mambabasang Pilipino
Sa seksyon naman ng Mga Akdang Salin, matutunghayan ang iba’t ibang tekstong nagmumula sa magkakaibang panahon, kultura, at tradisyon. Pinatutunayan ng mga saling ito na ang Filipino ay may kakayahang maging tahanan ng pandaigdigang panitikan at kaisipan.
Dinadala tayo nina Dolores R. Taylan at Lakangiting C. Garcia sa Silangang Asya sa pamamagitan ng pagsasalin ng Ang Anak na Dalaga ni Prinsipe Huo ni Jiang Fang at Matanda sa Una ni Dashdorjin Natsagdorj. Samantala, inilalapit naman ni John Lawrence R. Capagalan sa mambabasang Filipino ang sikolohikal na daigdig ni Edgar Allan Poe sa pamamagitan ng salin ng Ang Pusóng na Bumubulong, na nagpapatunay na ang klasikong panitikang Kanluranin ay maaaring magkaroon ng bagong buhay sa ating sariling wika.
Mahalaga rin ang ambag ng mga saling historikal at intelektuwal sa koleksiyong ito. Sa pagsasalin ni Mark Joseph Pascua Santos sa sanaysay ni Zeus Salazar na Usapin ng Impluwensiya: Ang Ating Asyanong Ugnayang Pangwika, muling nabubuksan ang pagtalakay sa ating mga relasyon sa mga karatig-bansa sa Asya at sa paghubog ng pambansang kamalayan. Sa salin naman ng akdang Mula Bulakan Hanggang San Isidro: Mga Tala ng Paglalakbay ni Ulpiano Herrero y Sampedro, O.P. (1864-1923) bilang Bilanggo ng mga Rebolusyonaryong Pilipino ni Jose Rhommel B. Hernandez nabibigyan ng pagkakataon ang mambabasang Filipino na muling basahin ang kasaysayan ng Rebolusyong Pilipino sa wikang higit na malapit sa kanyang karanasan.
Nagtatapos ang koleksiyon sa salin ni Deborrah Sadile Anastacio ng Pag-asa para sa mga Bulaklak ni Trina Paulus. Sa payak na salaysay nito tungkol sa pagbabago at paglago, nagsisilbi itong paalala na ang pagsasalin mismo ay isang proseso ng transpormasyon—isang paglalakbay kung saan parehong nagbabago ang teksto at ang mambabasa.
Higit pa sa isang kalipunan ng mga salin at pananaliksik, ang isyung ito ng SALIN Journal ay isang paanyaya upang pag-isipan ang papel ng pagsasalin sa paghubog ng ating kaalaman at lipunan. Ipinakikita ng mga akdang kabilang dito na ang Filipino ay hindi lamang daluyan ng umiiral na kaalaman; kaya rin nitong lumikha ng mga bagong paraan ng pag-unawa sa mundo.
Inaanyayahan namin ang aming mga mambabasa na basahin ang mga salin nang may mapanuring mata. Pansinin hindi lamang ang mga pagkakatulad ng orihinal at salin, kundi maging ang mga pagkakaibang nalilikha sa bawat pagpapasya ng tagasalin. Sa mga puwang na iyon, madalas lumilitaw ang mga usapin ng kapangyarihan, kultura, at pananagutan.
Sa huli, ang pagsasalin ay hindi lamang tungkol sa pagdadala ng isang wika tungo sa isa pa. Ito ay tungkol sa paglikha ng mga bagong posibilidad ng pag-unawa, pakikipagdiyalogo, at sama-samang paghubog ng kaalaman.
Maligayang pagbabasa, at nawa'y magsilbing paanyaya ang isyung ito sa patuloy na pakikipag-usap, pakikipagtalastasan, at pakikipagbuno sa kapangyarihan ng salita.
Raquel E. Sison-Buban, PhD