Laging naririyan ang pagsasalin: tahimik ngunit aktibo, likas bagamat madalas na hindi kinikilala. Tinutulayan ang pagsasalin ng mga diwa subalit dahil hindi ito ang sinadya kaya’t binabalewala. Sa bawat pag-uusap, pagtuturo, dokumento, sanaysay, kuwentong-bayan, o kahit sa mga panibagong anyo ng teknolohiya, naroroon ang pagsasalin bilang kasangkapan ng pag-unawa tungo sa pakikipag-ugnayan at pagtatamo ng mga makabuluhang kaalaman. Sa panahong kritikal at komplikado ang komunikasyon at malawak ang puwang sa pagitan ng mga kultura’t identidad, higit na lumalalim at lumalawak ang tungkulin ng pagsasalin—hindi lamang bilang isang interlinggwistikong aktibidad, kundi bilang isang gawaing panlipunan, pedagohikal, at etikal.
Ang edisyong ito ng SALIN Journal ay isang ambag sa kritikal na diskurso sa larang ng pagsasalin sa kontekstong Pilipino. Matutunghayan sa tampok na limang saliksik-salin at walong akdang salin ang marubdob na hangaring makapag-ambag ang mga ito sa paghawan ng daan sa iba’t ibang disiplina: edukasyon, agham panlipunan, literatura, kasaysayan, teknolohiya, at inklusibong komunikasyon. Bawat artikulo at akda ay patunay na ang pagsasalin ay hindi lamang tungkulin ng mga eksperto sa wika kundi ng bawat mamamayang nagnanais makatawid—mula sa teksto tungo sa diwa, mula sa banyaga tungo sa sariling kultura, mula sa pagkakahiwalay tungo sa pakikipag-ugnayan.
Sa artikulong Karanasan ng mga Guro ng Filipino sa Pagsasaling-wika Mula sa mga Paaralang Miyembro ng CEAP sa Lungsod Baguio/Lived Experiences of Filipino Teachers in Translation from CEAP Member Schools in Baguio City nina Gina O. Padua at Joselito C. Gutierrez, siniyasat ang isang malapitang pagtingin sa karanasan ng mga guro ng Filipino mula sa CEAP member schools sa Baguio bilang tagapagsalin ng wika, kaisipan, at kultura. Mula sa pananaw ng sosyolohikal na pagsasalin, makikita kung paanong ang salin ay nakaugat sa mga gawaing pang-edukasyon at ang guro mismo bilang cultural mediator. Sa kanyang saliksik, inilarawan din niya kung paanong isinasagawa sa mga silid-aralan ang isang uri ng tahimik na rebolusyon—kung saan ang wika ay ginagawang buhay, accessible, at makabuluhan.
Sa saliksik namang Kung Paano Pagsasalabungin ang Pagsasalin/Pang-Unawa sa Wika ng Batang Babaeng May Autismo at ang Paghahanap ng Puwang sa Kanila sa Lipunan: Isang Penomenolohikal na Pagdulog/How to Connect the Translation/Understanding the Language of a Girl with Autism and Search for their Space in the Society: A Phenomenological Approach ni Marvin O. Reyes, inilapit ang masalimuot at sensitibong pananaw sa artikulasyon ng tanong: “Paano nga ba natin maisasalin hindi lamang ang salita kundi maging ang pag-unawa sa wika ng isang batang may autismo? Binubuksan nito ang masalimuot na tanong sa papel ng wika, empatiya, at pakikilahok sa lipunang kadalasa’y hindi handa para sa pagkakaiba. Sa artikulong ito, madarama ang pagtatangkang lagpasan ang hangganan ng salita upang unawain ang wika ng karanasan, gamit ang penomenolohiya at hermeneutika upang bigyang-puwang ang boses ng isang batang babaeng may autismo—na madalas ay nailalayo sa dominanteng naratibo ng lipunan.
Itinampok naman ni Cris R. Lanzaderas sa kanyang pananaliksik na Ilang Tala at Realisasyon sa Pagsasalin ng “Chapter 4: Community Consultation in the Strategic Planning Process” ng Planning Strategically: Guidelines for the Application of the Strategic Planning Process in the Preparation of the Comprehensive Land Use Plan (CLUP) and to Important Urban Area Issues and Problems/Planning Strategically: Guidelines for the Application of the Strategic Planning Process in the Preparation of the Comprehensive Land Use Plan (CLUP) and to Important Urban Area Issues and Problems Housing and Land Use Regulatory Board (HLURB) (Orihinal) sa kanyang sa pagsasalin ng teknikal na dokumento ng HLURB kung paanong ang salin ay maaaring magsilbing tulay sa pagitan ng pamahalaan at mamamayan. Isang halimbawa ito ng functional translation batay sa teoryang Skopos, na naglalayong maiparating nang malinaw at angkop ang mensahe sa mga target na mambabasa—hindi lamang upang maunawaan, kundi upang magamit sa kontekstong lokal.
Isang sosyolohikal na pagsusuri naman sa papel ng salin sa pampamahalaang komunikasyon at demokratikong partisipasyon ang binusisi ni Julie Ann De Asis-Edraga, sa kanyang saliksik-saling Hulagway ng Salin: Pagtatasa sa Salin ng mga Dokumentong Pampubliko at Antas ng Pagtanggap ng mga Mamamayan sa Lungsod ng Calbayog/Portrait of Translation: Assessing the Quality of Public Document Translations and the Level of Citizens’ Acceptance in Calbayog City. Tinataya sa pag-aaral na ito ang antas ng pagtanggap ng mamamayan ng Lungsod ng Calbayog sa mga isinagawang salin ng mga dokumentong pampubliko para sa kapakinabangan sa larang ng pampublikong administrasyon at wika ng serbisyo-publiko.
Sa artikulo namang ChatGPT vs. Manwal na Salin: Komparatibong Pagsusuri ng Salin ng mga Piling Bahagi ng Talambuhay ni Gliceria Marella Villavicencio Marella y la Inquietud Romántica de la Revolución Francisco Zaragoza (Orihinal) nina Gemalyn H. Lozano at Rowell D. Madula, binubuksan ang diskurso sa technological turn sa pagsasalin sa pamamagitan ng paghahambing sa gawa ng ChatGPT at manwal na salin. Dito, mahalagang tanungin hindi lamang kung ano ang tama o mali, kundi kung paano naisasalin at kung anong aspekto ng human touch ang maaaring mawala sa tagisan ng bilis at lalim, ng kawastuhan at sensibilidad. Binubuksan ng ganitong pag-aaral ang usapin ng kalidad, sensibilidad, at limitasyon ng artificial intelligence bilang katuwang at hindi kahalili ng tao sa mga gawaing pagsasalin.
Sa hanay naman ng mga akdang-salin, muling pinagtibay ang posibilidad na ipinagkakaloob ng pagsasalin sa paglalapit ng mga anyo ng diskurso. Sa kuwentong “Bukang Liwayway” ni Hilaria Labog, dinala tayo ni Dolores Taylan sa sining ng pagkukuwento mula sa masinop na estetikang katutubo.
Sa salin ni Israel De Ocampo ng alamat ni Ajisaka, napalitaw niya ang transkultural na palitan sa pamamagitan ng paglalakbay ng teksto at diwa mula sa alamat ng Timog-Silangang Asya patungo sa lente ng kulturang Pilipino.
Kasabik-sabik naman ang ambag na paunang salin ni Rhoderick V. Nuncio ng akdang siyentipiko ni Stephen Hawking, sa kanyang Isang Maikling Kasaysayan ng Kalawakan: Mula Big Bang hanggang Black Holes/A Brief History of Time: Our Picture of the Universe [Bahagi ng Nobela] Stephen Hawking na muling sinubok ang hangganan ng pagsasalin hindi lamang ng mga ideya ng uniberso kundi ang mismong diskurso ng agham na isang gawaing nagde-demand ng isang matalim na interdisiplinaryong sensibilidad.
Samantala, sa salin ni Mark Joseph Pascua Santos ng sanaysay ni Zeus Salazar na Isang Pamana ng Propaganda: Ang Tatluhang Pananaw sa Kasaysayan ng Pilipinas/A Legacy of the Propaganda: The Tripartite View of Philippine History naipagpatuloy niya ang pagdurugtong sa kasaysayan ng propaganda at ang kontemporaneong pananaw sa kasaysayan bilang ideolohikal na konstruksyon. Sukat nang sabihing nananahan sa kanyang salin ang postkolonyal na tensyon ng pagbabalik sa sariling pananaw at wikang lumalaban sa dayuhang hegemonya.
Ilan pa sa mahahalagang ambag sa isyung ito ay ang muling pagbasa sa mga historikal na dokumento gaya ng panukala ni Padre Juan Villaverde na isinalin ni Jose Rhommel B. Hernandez, ang Mga Panukala ni Padre Juan Villaverde, O.P. (1841-1897) Tungo sa Reducción ng mga Igorot ng Nueva Vizcaya, Isabela at Cagayan (1880)/Plan de Misiones Para Reducir A Los Igorrotes de Nueva Vizcaya, Isabela y Cagayan [Dokumentong Pangkasaysayan]Padre Juan Villaverde, O.P. na nagsusuri sa kolonyal na proyekto ng reducción—isang malakas na halimbawa ng ideolohikal na salin na kailangang balikan nang kritikal.
Nagbibigay-buhay naman sa sanaysay na Tungo sa Re-Oryentasyon ng Araling Pampanitikan/Towards a Re-Orientation of Literary Studies ni Rolando S. Tinio, ang salin nina Evelyn P. Antonio at Gerome Nicolas Dela Peña– dalawang halimbawa ng kung paanong ang pagsasalin ay maaaring maging anyo ng muling pag-angkin sa kasaysayan at panitikan. Sa kanilang ambag na salin, matagumpay nilang naipakita kung paanong ang salin ay maaaring maging interbensyong intelektwal sa disiplina ng panitikan.
Sa akdang salin ni May L. Mojica sa kanyang sanaysay na Pagsasalin Bilang Proseso: Isang Kritikal na Dokumentasyon ng Pagsasalin ng “Translation in the Philippines” ni Aurora E. Batnag, tila isang replektibong pagbubuod ang kanyang isinagawang pagsasalin sa isa ring makabuluhang dokumentong hindi lamang teknikal kundi puno ng diskurso, tensyon, at pagbubuo ng identidad hinggil sa kritikal sa proseso ng mismong pagsasalin sa Pilipinas. Bunga ito ng idinaos na palihan sa pagsasalin noong 2022.
Pangwakas, ngunit hindi panghuli, ang pagsasalin ni Rolly delos Santos ng tulang Desiderata ni Max Ehrmann bilang halimbawa ng isang anyo ng poetic re-creation na nagbibigay-tuon hindi lamang sa pagsasalin ng mensahe kundi ng maging sa pagsasalin din ng damdamin, himig, at paghimok sa mambabasa na magninilay. Sa panahong tigib ng kaguluhan, ito ang nagpapaalala na ang salin ay isa ring anyo ng katahimikan at kalinga.
Higit pa sa dokumentasyon ng mga salin ang layunin ng SALIN Journal. Layunin din nitong makalikha ng espasyo para sa mas malalim na sipat-teoretikal at praktikal sa wika, kapangyarihan, identidad, at lipunan. Mula sa itinakdang mga layunin ng tagasalin, sa pag-unawa, sa tunggalian, sa konteksto ng lipunan, hanggang sa hamon ng makabagong teknolohiya, ipinapakita ng mga akda sa isyung ito na ang salin ay isang gawain ng pagkatao, at hindi lamang ng wika.
Tulad ng isang tulay, ang pagsasalin ay tila pagpasok sa isang yungib; isang paglalakbay sa loob ng dilim ng teksto upang galugarin ang diwa, kapain ang anyo hanggang sa makarating sa labas taglay ang liwanag ng pag-unawa. Hindi ito madaling daan; maraming panganib ang maaaring sumalubong: maling pagbasa, pagkaligaw sa konteksto, o pagkasilo sa sariling interpretasyon. Ngunit sa bawat matagumpay na pag-ahon ng tagasalin mula sa yungib, naisasalin din ang posibilidad ng koneksyon—mula sa isang wika patungo sa iba, mula sa isang mundo patungo sa isa pa.
Nawa’y magsilbing ambag ang isyung ito sa lumalawak na larang ng Translation Studies sa Pilipinas, at magsilbing paanyaya rin sa mga mananaliksik, guro, tagasalin, at karaniwang mambabasa na muling pasuking ang yungib ng pagtuklas sa mga kahulugan at balikan ang papel ng wika sa paghubog ng ating lipunan.
—Editor, SALIN Journal