I. Introduksyon
Ang SALIN JOURNAL ay isang refereed academic journal sa Filipino ng Propesyonal na Asosasyon ng mga Tagapagtaguyod ng Salin (PATAS), Inc. Inililimbag ito dalawang beses kada taon (tuwing Setyembre at Marso). Pangunahing layunin ng journal na maitaguyod ang iba’t ibang anyo at gawaing pagsasalin sa bansa tungo sa intelektuwalisasyon ng wikang Filipino. Tumatanggap ito ng mga saliksik-salin, pampanitikang salin, mga espesyalisadong salin, mga rebyu ng salin, at iba pa, sa wikang Filipino at iba pang mga wika sa Pilipinas.
Bilang pagpapatibay sa integridad at kredibilidad ng pananaliksik at publikasyon, mahigpit na ipinatutupad ng SALIN Journal ang sumusunod na Etikal na Pamantayan sa Publikasyon para sa lahat ng may-akda, tagasuri (peer reviewers), at Lupong Patnugutan.
II. Integridad ng Akda at Orihinalidad
Orihinal at Hindi pa Nailalathala: Ang lahat ng manuskritong isusumite sa SALIN Journal ay nararapat na orihinal at hindi pa nailalathala o nakasalang sa iba pang journal o palimbagan.
Pagpapahayag ng Katayuan ng Akda: Ang may-akda ay dapat malinaw na magdeklara kung ang isinumite ay salin ng isang umiiral na teksto; adaptasyon, bersiyon, o pagpapalawak ng dating nailathalang akda; o bahagi ng mas malawak na pananaliksik (hal. tesis o disertasyon).
Wastong Pagkilala (Citation at Acknowledgment): Tungkulin ng mga may-akda na magbigay ng tumpak at kumpletong pagbanggit o pagkilala (proper citation) sa pinagmulan ng anumang teksto, datos, larawan, o ideya na ginamit.
Pagsusuri sa Plagiarism: Gumagamit ang SALIN Journal ng plagiarism detection tools upang tiyakin ang akademikong katapatan at mapanatili ang integridad ng lahat ng publikasyon.
Ang SALIN Journal ay sumusunod sa mga alituntunin ng Berne Convention for the Protection of Literary and Artistic Works sa paggalang sa karapatang-ari at tamang paggamit ng mga isinalin at orihinal na akda.
III. Responsibilidad ng mga May-Akda
A. Katapatan sa Awtorisasyon
Aktibong Kontribusyon: Ang lahat ng nakalista bilang mga may-akda ay dapat may aktibo at makabuluhang kontribusyon sa konseptwalisasyon, disenyo, pananaliksik, pagsusulat, at/o rebisyon ng manuskrito.
Pagkakasunod-sunod ng Pangalan: Ang pagkakasunod-sunod ng mga pangalan ng may-akda ay dapat sumasalamin sa antas ng kontribusyon ng bawat isa sa pagbuo ng papel.
Pagpapasalamat sa mga tao o ahensyang nagpondo sa pananaliksik kung kinakailangan.
B. Etikal na Pagsasagawa ng Pananaliksik
Deklarasyon kung may nagkakasalungatang interes: Kailangang ideklara ng may-akda kung may anumang pinansyal, propesyonal, o personal na relasyon na maaaring makaimpluwensya sa resulta, interpretasyon, o pagtatasa ng pananaliksik.
Pagtiyak na may Informed Consent: Kung ang pananaliksik ay may kinalaman sa mga kalahok (interbyu, obserbasyon, atbp.), dapat tiyakin ang pagkakaroon ng nilagdaang pormularyo ng kabatiran ng pagsang-ayon (informed consent) at ang mahigpit na pag-iingat sa mga pribado at mapagkakakilanlang datos (anonymity and confidentiality).
Pahintulot sa Karapatang-ari: Kung ang isinumiteng akda ay salin ng isang copyrighted na teksto, kinakailangan ang kaukulang nakasulat na pahintulot (written permission) mula sa orihinal na may-akda o tagapaglathala.
Pagpapaalam sa patnugutan ng SALIN Journal kung gagamitin o muling ilalathala ang manuskrito o siguruhing may karampatang citation at pagbanggit sa SALIN Journal sa mga sanggunian.
C. Pagwawasto at Retraksyon
Tungkulin sa Pagwawasto: Kung makatuklas ng malaking pagkakamali (significant error) o kamalian (inaccuracy) sa kanyang nailathalang akda, obligasyon ng may-akda na ipagbigay-alam ito kaagad sa Patnugutan upang maisagawa ang kaukulang pagwawasto (correction) o pagbawi (retraction).
IV. Responsibilidad ng mga Tagasuri (Peer Reviewers)
Pag-iingat sa lahat ng mga impormasyong kaugnay ng manuskrito: Ang mga manuskritong sinusuri ay hindi maaaring ibahagi, kopyahin, o gamitin para sa sariling interes ng tagasuri.
Walang Kinikilingan: Ang pagtatasa ay dapat ibatay lamang sa merito, akademikong kalidad, at ambag ng akda sa larang, at hindi sa personal na ugnayan, pananaw, o diskriminasyon.
Pagkilala sa mga Pagkakamali/Paglabag: Kung may makitang kahalintulad na akda (duplicate submission) o posibleng paglabag sa etika (hal. plagiarism), tungkulin ng tagasuri na agad ipaalam ito sa Patnugutan.
Pagiging Tapat sa Panahon: Inaasahang isusumite ng tagasuri ang kanyang puna sa itinakdang deadline upang maiwasan ang pagkaantala sa proseso ng publikasyon. Gayundin, inaasahang isasagawa ang pagsusuring muli sa mga rebisyong isinagawa ng mga awtor, kung kinakailangan.
V. Responsibilidad ng Patnugutan (Editorial Board)
Desisyong Pampublikasyon: Ang mga desisyon ukol sa pagtanggap o pagtanggi ng manuskrito ay dapat ibatay lamang sa akademikong kalidad, pagiging akma sa layunin ng journal, at puna ng mga tagasuri.
Proseso ng Peer Review: Mahigpit na ipinatutupad ang double-blind peer review. Kinakailangang panatilihin ang confidentiality at seguridad ng mga manuskrito, tagasuri, at mga desisyon sa loob ng proseso ng publikasyon at hindi ibunyag ang pagkakakilanlan ng mga may-akda at tagasuri sa isa’t isa.
Tungkulin ng lupon na mag-imbita ng mga kuwalipikadong iskolar o mananaliksik para maging rebyuwer.
Pagharap sa mga Isyung Etikal: Sa oras na may matukoy na paglabag (tulad ng plagiarism, fabricated data, o duplicate submission), magsasagawa ang Patnugutan ng masusing imbestigasyon at maglalabas ng opisyal na retraction, pagpapahayag ng pagwawasto, o babala (statement of concern) kung kinakailangan.
Pagtiyak na walang anumang isyu ang artikulo sa copyright, orihinalidad, at mga legal probisyong libel.
VI. Karapatang-ari (Copyright) at Patakarang Open Access
Patakarang Open Access: Sumusunod ang SALIN Journal sa Open Access Policy. Ang mga artikulo ay malayang mada-download at mababasa para sa layuning pang-edukasyon at hindi pangkomersyo, basta't may tamang pagkilala sa may-akda at sa journal.
Pagmamay-ari ng Akda: Mananatili ang mga may-akda bilang siyang may hawak ng karapatang-ari (copyright) ng kanilang akda, subalit nagbibigay ng lisensiya sa journal upang ilathala ito.
Lisensiya (Licensing): Ang mga artikulo ay kadalasang nililisensiyahan sa ilalim ng Creative Commons Attribution–NonCommercial (CC BY-NC) license, maliban kung may ibang kasunduan.
VII. Etika sa Pagsasalin at Kultural
Paggalang sa Diwa at Konteksto: Dapat igalang ng salin ang diwa, konteksto, at kultural na balangkas ng orihinal na teksto.
Anotasyon at Paliwanag: Kung sakaling may mga makabuluhang pagbabago, pag-aangkop, o interpretasyon na isinagawa, kailangang magbigay ng anotasyon o paliwanag (Translator's Notes) ang tagasalin.
Transparency sa Proseso: Kailangang malinaw na ipahayag sa artikulo ang orihinal na may-akda at pinagmulan ng teksto; ang antas ng adaptasyon o interpretatibong pagbabago; at, ang mga ginamit na pamamaraan at teorya ng pagsasalin.
Paggamit ng Machine Translation: Kung gumamit ng machine translation o software sa proseso ng salin, dapat itong ideklara ng may-akda, kasama ang paglalahad kung paano ito in-edit o sinuri upang matiyak ang katumpakan at kalidad.
VIII. Pagwawasto, Retraksyon, at Pagresolba ng Reklamo
Pambawi o Pagbabago ng Publikasyon: Maaaring bawiin (retract) o baguhin (issue correction) ng journal ang isang publikasyon kung mapatunayan na may paglabag sa etika o maling datos na makaaapekto sa kredibilidad ng pag-aaral.
Pagresolba ng Reklamo: Ang mga reklamo mula sa sinoman (may-akda, tagasuri, mambabasa) ay tatalakayin ng Patnugutan sa paraang patas, kompidensyal, at walang kinikilingan (fair, confidential, and unbiased).
IX. Pagsusuri at Pagpapanatili ng Pamantayan
Regular na Repaso: Regular na rerepasuhin ng Patnugutan ang mga alituntunin sa etika upang manatiling naaayon sa pandaigdigang pamantayan (best practices), tulad ng sa Committee on Publication Ethics (COPE).
Pagpapahayag ng Pagbabago: Ang anumang pagbabago sa mga patakaran ay agad na ipapaalam sa mga kontribyutor at ipapaskil sa opisyal na website ng journal.
X. Pangwakas na Pahayag
Ang SALIN Journal ay naninindigan na ang integridad, katapatan, at pananagutan na pangunahing pundasyon ng anumang gawaing akademiko. Sa pamamagitan ng mahigpit na pagsunod sa mga patakarang ito, inaasahang mapapanatili ang kredibilidad at mataas na kalidad ng journal bilang daluyan ng mapanuring salin at pananaliksik sa wikang Filipino.
Petsa ng Pagpapatibay: Oktubre 30, 2025
Inaprubahan ng: Editorial Board, SALIN Journal
Epektibo mula: Oktubre 30, 2025