Pagbati sa Propesyonal na Asosasyon ng mga Tagapagtaguyod ng Salin (PATAS), Inc. sa paglulunsad ng unang isyu ng SALIN Journal. Katipunan ito ng mga artikulo tungkol sa proseso ng pagsasalin at katipunan din ng mga malikhaing akdang salin. Karagdagan ito sa lumalawak nang kamalayan sa kahalagahan ng salin at araling salin.
Sa multilinggwal na bansang tulad ng Pilipinas, higit pa nating nakikilala ang napakahalagang papel ng pagsasalin kapag may kalamidad, tulad ng bagyo, daluyong, lindol, at nang nakalipas na mahigit dalawang taon – ang pandemyang Covid-19. Mahalagang maipabatid sa bawat mamamayan, ano man ang wikang kinasanayan niya, ang impormasyong makatutulong upang makaligtas sa panganib. Nasa gitna ng gawaing pang-impormasyon ang tagasalin bilang tulay at tagapagpadaloy ng kaalaman mula sa wika ng orihinal tungo sa wika ng salin.
Singhalaga ng impormatibo at teknikal na salin ang pampanitikang salin. Pinayayaman sa pamamagitan ng salin ang literatura ng wikang Filipino, mula man sa dayuhang wika ang salin, o mula mismo sa sariling yaman ng ibang mga wika sa Pilipinas.
Iba’t ibang aspekto ng pagsasalin ang ibinabahagi ng unang isyung ito: tungkol sa naging pagharap ng bansa sa pandemyang Covid-19, pangkulturang salin sa Bahay Pamana ng dating Pangulong Manuel L. Quezon na nasa Quezon Memorial Circle at natatanging danas ng isang baguhang tagasalin na hindi lamang nagsalin kundi nagsagawa pa ng dubbing at pagboboses ng mga tauhan sa isang palabas sa telebisyon. Samantala, kawili-wiling basahin ang mga salin sa Filipino ng mga tula at maikling kuwento, na lahat ay nagpapatunay na ang tagasalin ay tagalikha rin ng bagong akda at tula sa wikang iba sa orihinal.
Tinutugunan ng SALIN Journal ang pangangailangan para sa ganitong uri ng mga babasahin. Bagama’t daantaon nang umiiral ang pagsasalin sa Pilipinas, at marami nang produksyon ng salin, iilan pa lamang ang nagsasagawa ng mga saliksik at pagsusuri sa proseso ng pagsasalin. Mahalaga ang pagsasagawa ng mga salin ngunit singhalaga rin nito ang pagsasagawa ng mga pag-aaral at mga talakay tungkol sa kung paano naisagawa ang mga salin, upang matuto ang mga tagasalin sa mga karanasan ng isa’t isa, nang sa gayon ay mapabuti pa ang agham at sining ng pagsasalin.
Naghahawan ng landas ang journal na ito, na kung hindi ako nagkakamali, ay unang refereed journal na sadyang iniukol sa gawaing salin at iba’t ibang aspekto ng salin. Unang tikim ang unang isyu. At pangako rin ng kung ano ang maaasahan sa mga susunod na isyu - mga aktwal na halimbawa at mga talakay sa iba’t ibang aspekto ng salin, tulad ng machine translation, dubbing, subtitling, court interpretation, at iba pa. Lahat ng ito tungo sa pagbubuo ng teoryang Pilipino sa pagsasalin.
Mabigat na tungkulin ngunit kakayanin ng pamunuan ng PATAS at ng Lupong Editoryal ng SALIN Journal.
Aurora E. Batnag