Nitong ika-30 ng Setyembre, 2022, nakasama natin ang buong mundo sa pagpupugay at pagdiriwang ng Pandaigdigang Araw ng Pagsasalin. Hindi maikakaila ang kahalagahan ng pagsasalin sa ating lipunan. Isang makapangyarihang kasangkapan ito na nagbubukas ng pinto tungo sa mga kultura, karanasan, at kaalaman ng iba't ibang mga tao sa buong mundo. Sa panahon ng matinding krisis at pagbabago, ang pagsasalin ay nagiging sagisag ng pagtutulungan at pagkakaunawaan.
Sa mga kasalukuyang kaganapang pangklima at pangheopolitika na nag-aalimpuyo sa buong mundo, mahalagang papel ang ginagampanan ng pagsasalin sa pagsugpo ng mga panganib sa kapayapaan at seguridad, sa pagsusulong ng diplomasya, sa patuloy na pagkilos para sa pagtatamo ng kaunlarang pangmatagalan, at siyempre pa, sa pagpapaabot ng tulong sa mga oras ng kalamidad, pagbabantayog ng dignidad ng tao, at pagtataguyod sa karapatan ng tao. Opo, mahalaga ang papel ng pagsasalin sa pagbubuo ng kaalaman at solusyon sa mga kasalukuyang problema.
Mahalaga rin ang pagsasalin ng mga akda ukol sa kasaysayan. Ang pagsasalin ng mga ito ay nagbibigay sa atin ng kapangyarihan na malaman ang totoong kuwento at katotohanan sa kabila ng mga pagtatangkang pagbaluktot sa mga pangyayari o sa pagkakalat ng mga maling impormasyon. Mahalagang maisalin ang mga papel pananaliksik at malikhaing akda tungkol sa kasaysayan ng Batas Militar at ang mga pang-aabusong naganap noong panahon ng diktadurya ni dating Pangulong Ferdinand Marcos.
Ang mga akdang isinalin sa mga wika na nauunawaan ng nakararami ay instrumento ng edukasyon. Mahalaga ang ambag ng pagsasalin sa kamulatan ng mga tao. Ipinapalaganap nito ang pangangailangan para sa katarungan at pag-unawa sa mga karapatan ng bawat nilalang. Edukasyon ang siyang solusyon sa laganap na misimpormasyon at disimpormasyon. Nagbibigay ang mga ito sa atin ng kakayahan na mag-isip ng kritikal at suriin ang mga pangyayari.
Ang pagsasalin din ay nagbibigay-daan sa pagpapalaganap ng kritikal na pag-iisip. Kapag may akses ang mga tao sa mga tunay na kuwento ng kasaysayan, nagkakaroon din sila ng kakayahang suriin at punahin ang mga maling pahayag o propaganda na sumusustento sa revisionismo. Sa adhikaing ito, nagiging mas matatag at maalab ang pangangailangan para sa katarungan. Tunay ngang ang pagsasalin ay mabisang kasangkapan para sa pagpapalaganap ng mga pangyayari sa nakaraan at mayabang kabang mapagkukunan ng mga aral na matututunan.
Kailangan nating isalin ang mga papel pananaliksik at likhang-sining sa mga wika na nauunawaan ng nakararami upang maisalaysay ang katotohanan tungkol sa bulok na sistemang ating kinakaharap. Ito ang sistemang nagpapayaman sa mga nasa kapangyarihan at kanilang mga kamag-anak habang nagpapahirap naman sa mga ordinaryong mamamayan at umaagaw ng kanilang kakayahan na magkaroon ng kritikal na pag-iisip.
Ang pagsasalin ay hindi lamang isang simpleng aktibidad kundi isang makapangyarihang sandata sa pagtugon sa mga hamon ng ating panahon. Ito ay nagpapalakas ng pagkakaisa, nagbubukas ng pinto ng kaalaman, at nagpapahayag ng ating pagkatao.
Malugod na pagbati sa Propesyonal na Asosasyon ng mga Tagapagtaguyod ng Salin (PATAS), Inc. sa paglulunsad ng ikalawang isyu ng SALIN Journal.
Janet Hope C. Tauro-Batuigas