Taong 2016 nang pangarapin ng Propesyonal na Asosasyon ng mga Tagapagtaguyod ng Salin (PATAS), Inc. na makapaglabas ng isang journal sa Filipino na nakatuon lamang sa iba’t ibang anyo at gawaing kaakibat ng pagsasalin. Isang ambisyosong proyekto itong maituturing lalo’t hindi pa laganap ang kamalayan sa pagsasalin sa bansa nang mga panahong iyon. Kalimitan, ang mga artikulong tumatalakay sa mismong gawain ng pagsasalin ay paisa-isa lamang na naisasama sa mga journal ng iba’t ibang pamantasan; at kung minsan, wala pa ngang nakakalusot. Dalawang journal na patungkol sa pagsasalin ang lumabas bilang special issue sa pagsasalin mula sa Unibersidad ng Pilipinas, Diliman. Ang mga ito ay ang Lagda: Pananaw at Karanasan sa Pagsasalin: Mga Teorya at Lapit, ng UP Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas noong 2008, at ang Daluyan Journal ng Sentro ng Wikang Filipino (SWF) sa Talakayang Pangwika naman noong 2000. Samantala, ang mga akdang salin naman, pawang sa mga antolohiyang pampanitikan kadalasang nailalathala. Maririnig na sinasabi sa akademya, “hindi mailalathala ang mga akdang salin lamang sa mga research journal; kailangang may kalakip na saliksik ang mga ito kung nais ipalathala.” Ibig sabihin, hindi maaaring salin lamang; kinakailangang may kasamang analisis ng salin, anotasyon, at lalong mas mainam kung may pagteteorya tungkol sa pagsasalin. Isang dahilan din marahil ito kung bakit halos manaka-naka lamang ang mga sabmisyon sa mga journal ng mga artikulong maituturing na mga saliksik-salin. Matrabaho kasi at mabusisi ang mismong gawaing pagsasalin at lalong mas matrabaho at mabusisi ang gawain ng pangangailangang pagpapaliwanag sa mga pinagdaanang proseso at mga diskursong kaakibat ng isinagawang pagsasalin. Layunin ng SALIN Journal na mabigyan kapwa ng espasyo ang mga gawaing ito ng pagsasalin.
Sa dalawang bahagi nahahati ang mga akdang kabilang sa unang isyu ng SALIN Journal. Ang unang bahagi ay ang mga saliksik-salin at ang ikalawang bahagi naman ay ang mga saling-akdang pampaniikan. Sa isyung ito ng journal, tatlo ang saliksik-salin, isa ang panayam, at apat ang maikling kuwento, isa ang sanaysay at dalawa ang tulang bumubuo sa koleksyon ng mga akdang saling pampanitikan. Ang ilan sa mga kontribyutor ay matagal nang nagsasalin, nagtuturo ng pagsasalin, editor ng mga produktong salin habang ang ilan naman ay mga mag-aaral ng pagsasalin. Sinikap na panatilihing bukas ang tema ng unang isyu bilang pagpapaunawa na malawak, marami, at iba-iba ang mga posibleng materyal na maisasalin at mismong ang mga gawaing kaugnay ng pagsasalin. Matatagpuan sa panimula ng bawat akdang salin ang ilang tala tungkol sa orihinal na may-akda at kung ano ang halagang pampanitikan ng akda na nagbunsod sa tagasalin upang ito ang piliing tumbasan ng salin sa sariling wika. Matatagpuan naman sa pagtatapos ng salin ang mga simulaang tekstong ginamit sa salin upang kagyat na magkaroon ng pagkakataon ang mga target na mambabasa na balikan ang mga siping pinagbatayan ng salin kung kanila itong nanaiisin. Para sa mga tulang isinalin, ginamit ang pormat na tapatang simulaang teksto-tunguhang teksto (SL-TL) para rin sa naturang konsiderasyon.
Sa gitna ng pandemyang Covid-19 isinilang ang journal na ito kung kaya’t marapat lamang na pasimulan ang mga artikulo sa talakay ni Raquel E. Sison-Buban na Ang Pagsasalin at mga Tagasalin sa Panahon ng COVID-19: Mga Obserbasyon at Rekomendasyon/ Translation and the Translators During the Time of COVID-19: Observations and Recommendations kaugnay ng kanyang mga naging obserbasyon sa naging gampanin at kalagayan ng mga tagasalin at ng mismong pagsasalin sa panahon ng pandemya. Tinalakay niya ang naging mga pangunahing isyu at suliraning kinaharap (at kinakaharap pa rin) ng mga tagasalin sa pagsisimula pa lamang ng pandemya sa bansa. Inilarawan niya kung paanong maagap na tumugon ang mga volunteer translators upang maipaabot ang mahahalagang impormasyong pangkalusugan sa kanilang mga kababayan partikular ang rehiyon ng Bicol. Naghain din si Sison-Buban ng ilang rekomendasyon kung paanong matutulungan ang ating mga tagasalin na mabigyang-proteksyon hindi lamang ang kanilang mga buhay kundi maging ang kanilang mga kabuhayan na sadyang naapektuhan ng pandemya.
Naging masinop at masinsin naman ang isinagawang paglalarawan ni Rowell D. Madula sa kanyang saliksik na KaMALAYan sa Pagsasalin Sarbey ng mga Artikulo sa Pagsasalin sa Malay Journal mula 2009-2018 /KaMALAYan in Translation Survey of Translation Articles in Malay Journal from 2009-2018. Sa papel na ito, sinarbey ni Madula ang mga artikulong may kinalaman sa pagsasalin mula taong 2009 hanggang 2018. Tinalakay niya ang mga artikulo batay sa iba’t ibang kategorya; tema at nilalaman, daloy ng pagtalakay; mga teorya, teorisista, mga konsepto at puntong nabanggit; at ang kongklusyon nito. Mahalaga ang artikulong tulad nito sapagkat mula sa mga ganitong pag-aaral nagagawa nating tayahin kung ano-anong mga uri pa ng saliksik-salin ang nararapat pa nating palakasin sa larangan ng pagsasalin at bilang isang mahalagang gampanin sa pagsusulong ng intelektuwalisasyon ng wikang Filipino.
Matapat na inilarawan naman sa pag-aaral na Ang Hamon ng Pagsasalin sa Espasyong Pampubliko: Bahay Pamana ni Manuel Luis Quezon/The Challenge of Translation for a Public Space: The Manuel Luis Quezon Heritage House ni Felicidad P. Galang-Pereña ang katotohanang bagamat mabigat ang hamon ng gawaing pagsasalin sa mga espasyong pampubliko, kailangan pa rin itong maisagawa sapagkat aniya “Ang mga espasyong pampubliko ay lubhang mahalagang bahagi ng kapaligiran na nagtataguyod sa kalusugang pisikal, panlipunan at pangkaisipan ng isang pamayanan. Nararapat itong pangalagaan bilang kayamanang pamana ng isang lahi para sa susunod na henerasyon.” Sa kanyang papel, maingat niyang inilahad ang kanyang mga naging konsiderasyon sa gawaing pagsasalin bilang isang baguhang tagasalin na naatasang bigyang-tugon ang pangangailangang maisalin ang mahahalagang dokumentong kaugnay ng bahay pamana ni Quezon.
Ipinasilip naman sa atin ng artikulo ni Christopher Bryan A. Concha, sa kanyang artikulong Si Hervie Autor at ang MagicBox Filipino: Pakikipanayam Tungkol sa Danas ng Isang Nagsisimulang Tagasalin/Hervie Autor and The MagicBox Filipino: An Interview About The Experience of a Beginning Translator kung ano nga ba ang mga karaniwang danas ng isang tagasalin-tagaboses ng mga kuwentong pambata sa YouTube. Interesante ang mga ibinigay na katanungan ni Concha sa kanyang kinapanayam at lalong nakapupukaw-pansin ang mga naging tugon ni Autor. Isa rito ay ang kanyang paggigiit na palaging kabigkis ng kaniyang mga ginagawang salin sa MagicBox Filipino ang pangangalaga sa kaisipan ng mga batang tagapanood lalo pa at konserbatibong maituturing ang ating kultura. Lagi niyang isinasaalang-alang ang kaangkupan ng kaniyang ginawang salin sa edad at pag-iisip ng kaniyang mga batang tagapanood.
Sa mga akdang saling pampanitikang bahagi ng koleksiyong ito, mapapansin ang pagsisikap ng mga tagasalin na mapanatili ang tono, ritmo, estilo at mga mahahalagang kaisipan at damdaming nakapaloob sa bawat kuwento, sanaysay, at tula. Sa maingat na paggamit ng lenggwahe sa salin, nabubuksan ang pagkakataon para sa mga target nating mambabasa hindi lamang upang maunawaan ang akda kundi upang maramdaman din sa bersyong salin ang iba’t ibang himig at saloobing kaakibat ng akda. Sa salin ng kuwentong My Brother’s Peculiar Chicken ni Alejandro R. Roces na tinumbasan sa Filipino ni John Lloyd O. Cañones ng Ang Kakatwang Manok ni Kuya, nakatutuwang basahin ang mga salitang tahid, palong, lambi, pagpuputak, at iba pang mga katulad na salita na pawang tungkol sa manok. Tila ba nagkakaroon ng isang di-pormal na aralin tungkol sa kung paano ang pagkilatis ng mga manok ang isang mambabasa. Napanatili din ng tagasalin ang siste ng simulaang teksto sa kanyang salin na isa sa pinakamahirap na matamo sa pagsasalin ng mga akdang may layuning magpatawa sa kanyang mga mambabasa.
Hindi naman dapat ipagkamali na isang basta kuwento lamang ni Pinocchio ang salin ng akdang The New Daughter ni Dean Francis Alfar, ni Maylene C. Beltran na kanyang tinumbasan bilang Ang Bagong Anak na Babae. Totoong marami ang pamilyar sa kuwento ni Pinocchio dahil na rin sa bersyong isinagawa ng Walt Disney Pictures; subalit, sa mismong pagpalaot ng isang tagasalin sa kanyang gawaing pagtutumbas, nagagawa rin niyang pagdaanan ang proseso ng pagninilay tungo sa muling paglikha. At sa muling paglikhang ito ay nagagawa ng isang tagasalin (na isang mambabasa rin sa una pa man) na busisiin at tuklasin ang ilang mga kaisipang di-lantad ngunit taglay ng materyal na isinasalin. Ano ang kanilang batayan ng kaligayahan? Natatakot ba silang tumanda nang mag-isa? Ilan lamang ito sa mga katanungang kinaharap ng tagasalin habang sinisikap niyang tumbasan ng kanyang sariling bersyon ang akda ni Alfar.
Maituturing naman ang akdang Home ni Ryan Edward Chua bilang akda ng isang makabayang naglalarawan sa hangarin at damdamin ng awtor na maipamulat lalo na sa kabataan ang kahalagahan ng pagkilala at pagmamahal sa sariling bayan. Ang akdang ito na isinalin ni Josephine A. Ercia bilang Tahanan ay nagwagi ng ikalawang pwesto sa Kabataan Essay Carlos Palanca Awards noong 2006. Madarama sa salin ang mismong damdamin ng katapatang ipinahihiwatig sa simulaang teksto; kung ano-anong halimbawa ng tunggaliang pangkalooban ang nararanasan ng isang Chinese na lumaki sa tahanan ng isang Pilipino; kung paano niya paulit-ulit na pinipiling manatili sa kinagisnang bayan. Sa salin ng akdang ito, pinanatili ng tagasalin ang ilang salitang Ingles gaya ng lullaby, chopsticks, Great Wall, at maging ang pariralang hopeless patriotic na pawang mula sa simulaang teksto marahil upang mapanatili ang timbre ng lenggwahe ng isang kabataang nagpapahayag ng kanyang mga isipin at saloobin.
Sa salin naman ni Vladimir B. Villejo ng akdang The Happy Prince ni Oscar Wilde bilang Ang Masayahing Prinsipe, kapansin-pansin ang pagsisikap ng tagasalin na muling maikuwento ang akda na tila kapanahon din ng materyal na isinalin. Ano ang realidad ng lipunang inilalarawan ni Wilde nang mga panahong iyon? Ito ba ay isang lipunang marahas, konserbatibo, makatao? Maaaring hindi sa mga salitang itinumbas sa salin makikita ang panahong saklaw ng materyal; kundi nasa maingat na paghahanay ng mga kaisipan sa salin matatagpuan. Pili ang mga salitang itinumbas na maaaring maipagkamaling maligoy at masyadong madetalye; pormal ang rendisyon ng mga pahayag maging sa mga diyalogo sa pagitan ng mga tauhan sa kuwento na tila ba isang pagpapahiwatig sa uri ng pakikitungo mayroon noong mga panahong iyon. Maituturing ang kuwentong isinaling ito ni Villejo na isang paglalakbay sa isang pantastikong lugar na bukod-tanging sa ating mga imahinasyon lamang matatagpuan.
Ayon kay Dolores R. Taylan, nasa 504 na salita lamang ang bumubuo sa maikling kuwentong kanyang isinalin ngunit mayaman ang akda sa mga posibleng pagpapakahulugan. Sa akdang Si Ma’a (pinanatili ang pamagat) ni Sara Vui-Talitu, tiniyak ng tagasalin na mapanatili ang matinding damdaming ipinahayag sa kuwentong ito mula sa New Zealand. Bagamat pinakamaikli ang materyal na isinalin sa koleksiyong ito, napakarami ng paksang panlipunang nakapaloob sa simulaang teksto na matagumpay na mababanaag sa bersiyong salin; kagaya ng kahirapan, migrasyon, pagmamalasakit sa magulang sa kanilang katandaan, pagmamalasakit sa kapwa, kahalagahan ng edukasyon, at maging ang usapin ng kung ano nga ba tayo bilang mga miyembro ng isang lipunang hikahos maging sa sariling bayan. Sino si Ma’a? Ano ang nangyari sa kanya? Sa simulaang teksto at sa tunguhang teksto, hindi nagbago ang naging kapalaran ni Ma’a.
Masalimuot ang bawat pagsasalin ng tula. Napakarami ng mga konsiderasyong dapat isaalang-alang upang hindi maligaw ang tagasalin at makaiwas siya sa paratang na “kapalpakan.” Kung ang isang makata ay may tinatawag na poetic license, ang mga tagasalin, mayroon din kaya?
Sa tulang Terminus ni Ralph Waldo Emerson na isinalin ni Ramilito B. Correa bilang Terminus (pinanatili din ang pamagat), tinugunan ang hamon ng pagtutumbas ng mga imahe, idyoma, at taginting ng salitang lulan ng dumadaloy na kaisipan ng akda. Si Terminus ay ang Griyegong itinuturing na diyos ng katapusan at hangganan. Madulas basahin ang simulaang teksto. Natapatan din ba ito ng tagasalin? Nahuli ba niya ang lumbay, dignidad at tapang ng personang nahaharap sa katotohanang patapos na ang kanyang buhay? Aniya sa salin:
Nang naging payapa ang ibon sa tag-ulan
Pinayapa ko ang sarili sa unos ng buhay,
Pinahuhupa ko ang galaw ng barko sa batuhan,
Sundin ang tinig sa gabing sinunod noon pa man:
Basahin, basahin ang tula at salin at damhin ang taginting ng tinig na pipiliin. Hindi kay Terminus magtatapos ang gawaing pagsasalin.
Sa salin naman ng tulang Still I Rise ni Maya Angelou, na tinumbasan ni David Michael M. San Juan bilang Babangon pa rin Ako, hindi naging madali ang paggalugad sa mga salitang kailangang tumbasan kung kaya’t sadyang kinailangan ng tagasaling pairalin ang kanyang pagkamalikhain sa gitna ng hamon ng katimpian sa pagsasagawa ng bersyong salin. Higit pa sa pagtukoy ng kahulugan ng mga metapora ang pagsasalin ng mga tula; kailangan ding matunton ng tagasalin ang angkop na landas na nagpapahalaga sa sensibilidad ng ating mga mambabasa. Gayunpaman, nasa bersyong salin pa rin ang igting ng panghihikayat sa mga target na mambabasa na magsuri habang nananatiling bukas at matatag sa mga batikos na ibinabato sa sinomang naghahangad ng pagbabago. Sa bersyong salin ni San Juan:
Iniiwan ang mga gabi ng gimbal at takot
Babangon ako
Tungo sa bukangliwayway na kamangha-mangha sa linaw
Babangon ako
Dala-dala ang mga kaloob ng aking mga ninuno,
Ako ang pangarap at ang pag-asa ng alipin.
Babangon ako
Babangon ako
Babangon ako.
Sa labing-isang artikulong kabilang sa koleksiyong ito ng unang labas ng SALIN Journal, nawa’y nakahagip ng bagong kaalaman at karanasan sa pagbabasa ng mga saliksik-salin at akdang salin ang bawat isa. Sana din ay lalong lumawak ang kamalayan sa pagsasalin at lumalim pa ang pagpapahalaga sa mga akdang-salin lalo na sa sariling wika at mga wikang katutubo sa ating bansa. Higit sa lahat, sana’y mahikayat ang bawat mambabasa ng salin na patuloy na suportahan ang gawaing pagsasalin, at ang ating mga tagasalin, at tagapagtaguyod ng salin sa bansa. Maraming-marami pang mga akdang saling hindi pa naisasalin at nailalathala; ngunit higit na marami pa ang mga isyu at usaping hindi pa nadidiskurso at nagagawan ng katumbas na saliksik-salin. Malawak ang bakuran ng pagsasalin.
Raquel E. Sison-Buban