Mabigat ang gawaing pagsasalin. Kumakain ito ng panahon, nagde-demand ng atensiyon, nangangailangan ng resorses, kumikilatis ng talino, at kung minsan, sumusubok din ng pasensya. Sa ibang salita, hindi ito para sa mga nagmamadali, burara sa wika, tamad magsaliksik, at mapurol ang pang-unawa. Kinakailangang maging handa ang isang tagasalin sa sandaling pumalaot siya sa malawak, malalim, at kung minsa’y mapanganib na gawain ng paglilipat-diwa mula sa mga tumining na gunita. Kay Umberto Eco, “isang matapang na pagharap sa kaiba, naiiba, at kawalang kabatiran,” ang pagsasalin. Dagdag pa niya, “ang masabi nang halos katulad ng mga sinabi,” ito ang ubod na layunin ng gawaing pagsasalin. Pansining nakaangkla ang pagpapakahulugang ito sa mismong kapangyarihan ng salitang “halos.” Ibig sabihin, hindi ganap at hindi rin sakto. Gayunpaman, hindi ito lisensiya upang katayin ng isang tagasalin ang tekstong kanyang isinasalin dahil lamang sa kanyang kakapusan sa kahandaan bilang tagasalin. Maaaring hindi man eksakto at perpekto ang kinalabasang salin, kinakailangang maitanghal pa rin ng tagasalin ang mundo ng kaibahan, kakanyahan, at kabatiran sa mundong nasa “halos” na iyon. Manapa, tila isang kadluang nagbibigay ng pagkakataong masilip ng mga target na mambabasa ang ipinakikilalang mundo ng may-akda; at sa mundong ito–nabibihag tayo, nagiging malaya, at kung minsa’y nagiging isa ring manlilikha. Ang mga simulaing ito ang sumusuhay sa SALIN Journal.
Labintatlong akda ang bumubuo sa koleksiyong ito ng SALIN Journal na nahahati sa dalawang bahagi–ang Tomo 1, Blg. 2 (Marso 2023) at Tomo 2, Blg. 1 (Setyembre 2023). Doble ang isyung inihanda ng Mga Patnugot upang mabigyan ng natatanging puwang ang mga akdang saling ambag bilang bahagi ng paggunita sa sa ika-50 Taong Anibersaryo ng Deklarasyon ng Martial Law sa bansa at bilang bahagi na rin ng pagdiriwang ng Pandaigdigang Araw ng Pagsasalin noong Setyembre 30, 2022. Ang unang bahagi ay binubuo ng dalawang sanaysay, isang sipi ng isang aklat, at dalawang talumpati. Ang ikalawang bahagi naman ay naglalaman ng tatlong saliksik-salin at limang akdang salin. Isang sanaysay, isang maikling kuwento, at isang nobela ang bumubuo sa saliksik-salin habang dalawang kuwento at tatlong tula ang bumubuo sa akdang salin. Sa labintatlong artikulong ambag, tatlo ang salin mula sa mga katutubong wikang Sebwano o Binisaya, Hiligaynon, at Binisaya-Binukid. Hangga’t maaari, pinanatili ng pamatnugutan ang mismong estilo ng lenggwahe at baybay ng mga salita liban sa mga salitang kagaya ng “kaniya” na ginawang “kanya,” upang maging konsistent sa frekwensi ng preperensiyang makikita sa karamihan ng mga ambag na artikulo at ng “Pilipino” sa halip na “Filipino” para sa pagtukoy sa mga mamamayan ng bansang Pilipinas bilang pagsunod sa kahingiang maging tiyak at malinaw. Samantala, marami sa ating mga kontribyutor ang bagama’t nananahan sa iba’t ibang panig ng ating kapuluan ay pawang nasa larang din ng pagsasalin – mga kilalang manunulat, guro ng pagsasalin, iskolar ng araling pagsasalin, praktisyuner ng salin, at mga mag-aaral ng salin.
Sa mga kontribusyong akda at pananaliksik sa isyung ito, matutunghayan ang iba’t ibang mundo ng pagpapakahulugan at pangangatwiran–kung paano tinatanaw ng mga nauna sa atin ang mundo ng paggawa, o isinabuhay ang pagbalikwas sa mga isinubong tradisyon; kung paano nila hinarap ang mga tunggalian sa pagitan ng paggamit ng mga wika upang igiit ang sariling kultura; kung paano natin pangangatuwiranan ang pagkalimot ng bayan sa madilim na yugto ng kasaysayan sa panahon ng diktadura; at maging kung paano tayo naapektuhan sa patuloy na paglalaho ng mundong kinagisnan. May mga talakay rin upang hikayatin tayong alamin ang mundong nararating ng mga batang kaluluwa sa kanilang paglisan o yaong mundong matatagpuan sa likod ng mga ulap; ang mundo ng mga ugnayang mahaharaya sa likod ng mga katanungan o yaong nasa pagitan ng tagaguhit ng mapa at ng kanyang bayang nasa panganib ng kolonya. Iba’t ibang mundo ang ipasisilip sa atin ng ating mga tagasalin upang hantungin din natin ang iba’t ibang pagkilala sa ating kaibahan, kahiwagaan, kabayanihan, at manakang kabaliwan.
Tiyak, malinaw, at malinis ang lenggwahe at estilo ng akdang salin ni Florentino A. Iniego Jr. na Pagpapakahulugan sa Isang Dekada/Defining a Decade ni Bienvenido L. Lumbera. Sa kanyang salin, lalong tumingkad ang larawan ng mga “katotohanang pangkasaysayan” na nagpapatunay na “hindi nananatiling hungkag o nyutral na espasyo ang gawaing pagsasalin.” Para kay Iniego Jr., anuman ang hangarin, naglilingkod ang pagsasalin sa isang tiyak na ideolohiya, estetika, at interes ng mga institusyon at kilusan na kumakatawan sa isang takdang kaayusang pampanitikan at panlipunan. Sa pagpoposisyong ito, nagiging lalong makabuluhan ang pagsasalin sa pagpapatatag ng kamalayang makabayan sapagkat naghahain ito ng oportunidad sa kanyang mambabasa na maglimi at pagdaka’y kumilos para sa pagbabagong panlipunan.
Bagamat lahok sa timpalak salin ukol sa ika-50 Taong Anibersaryo ng Deklarasyon ng Martial Law ang akdang salin ni John Leihmar C. Toledo, sadyang napapanahon ang kanyang napiling akdang Sipi mula sa Ikapitong Kabanata: Amnesya, Impunidad, Katarungan Mula sa Marcos Martial Law: Never Again ni Raissa Robles/Excerpt from “Chapter 7: Amnesia, Impunity, Justice” From Marcos Martial Law Never Again by Raissa Robles. Tumataginting pa rin ang alingawngaw ng hinaing ng bayan para sa mga nasa poder ng kapangyarihan at para sa marami nating kababayang tila nakalimot na sa tunay na dahilan kung bakit hanggang ngayon, hindi pa rin tayo makaigpaw sa ating kinasasadlakan. Sa saling ito ni Toledo, magkakaroon ng pagkakataon ang mambabasa na pagnilayan ang mga karahasang dinanas ng mga biktima ng tortyur at ang hagupit ng kawalang hustisya. Wala na ngang dahilan upang hindi matauhan ang sambayanan.
Punong-puno naman ng karubduban ang isinagawang pagpapakilala ni Marlon Lopez Miguel sa kanyang akdang saling Pagpupugay sa Kababaihan/Three Times a Lady ni Sellena Gonzales. Muli nating mababalikan ang kuwento nina Liliosa Hilao, Lorena Barros, at Leticia Jimenez-Magsanoc–tatlong babaeng nanindigan para sa katotohanan, katarungan, at kalayaan ng bayan. “Sa gitna ng malawakang disimpormasyon at history revisionism—mabilis na kumakalat, matinding maminsala, nagdudulot ng kamatayan, at nagnanaknak sa isipan na nagsasanhi ng kamangmangan,” nanawagan si Miguel na patuloy na manindigan ang bawat isa sa gawaing pagmumulat. Malaking bagay para sa isang tagasalin ang magkaroon ng adbokasiya sa kanyang gawain sapagkat ito ang apoy na magpapaalab sa kanyang hangarin sa mga sandaling napapagod siya o kaya nama’y sinusubukan ang pasensiya.
Sino nga ba ang makakalimot sa biswal na imahen ni Ninoy Aquino habang nakadapa sa tarmak ng dating Manila International Airport na ngayon ay Ninoy Aquino International Airport? Sino naman ang nakababatid na may inihandang talumpati pala si Ninoy para sana sa kanyang mga tagasalubong sa kanyang pagdating? Isinalin ni MTM Nelmida ang Talumpati sa Pagdating sa Manila International Airport para sa kanyang mga Tagasalubong/The Undelivered Speech of Senator Benigno S. Aquino Jr. Upon His Return from the US, August 21, 1983 bilang ambag sa kaban ng mga materyal na magagamit na panturo ukol sa Martial Law. Naniniwala si Nelmida na sa pamamagitan ng pagsasalin, patuloy na malalabanan ang paglaganap ng disimpormasyon at misimpormasyon sa bansa at makapaglalaan ng plataporma upang mapalakas ang mga gawaing kontra-alaala sa kagimbal-gimbal na panahon ng diktadura.
Matagumpay namang napanatili ni Rowell D. Madula ang emosyonal na katapatan sa materyal na salin sa kanyang bersiyon ng Pamamahayag Pangkampus sa Pakikibaka para sa Pambansang Demokrasya/Campus Journalism in the Struggle for National Democracy, ang talumpating binasa ni Jose Maria Sison sa Unang Pambansang Kongreso ng League of Editor for a Democratic Society na ginanap noong Marso 26-28, 1971 sa Bulwagang ALEC, Unibersidad ng Pilipinas, Lungsod ng Quezon. Sa paggamit din ni Madula ng mga simpleng salita upang tuwirang tumbasan ang mga konseptong nasa simulaang teksto, natamo niya ang tono ng lenggwaheng ginamit ni Sison sa kanyang talumpati para sa mga kabataang mamamahayag ng kampus.
Isa rin sa mahalagang papel na ginagampanan ng pagsasalin ay ang pag-aambag sa korpus ng literaturang maaaring magsilbing kadluan ng kaalamang magiging kapaki-pakinabang para sa bayan. Tinutugunan ang layuning ito ng saliksik-salin ni Jose Monfed C. Sy na Ang Bahaging Ginampanan ng Paggawa sa Transisyon mula Unggoy patungong Tao (1876) ni Friedrich Engels: Isang Di-tuwirang Eko-salin/The Part played by Labour in the Transition from Ape to Man Friedrich Engels: An Indirect Eco-translation. Sa kanyang talakay, mababanaag ang ibayong paglilimi sa mga mahahalagang konsepto ni Engels at kung paano tutumbasan ang mga ito sa wikang Filipino sa kasalukuyan. Hindi maikakaila na mahirap at di-biro ang hamon ng teknikal na pagsasalin sapagkat hindi lamang ito usapin ng kultibasyong pangwika sa pamamagitan ng pagpapalawak ng leksikon; kundi, usapin din ito ng pagkilatis sa estado ng “tunggalian sa parehong ugnayang panlipunan at ugnayang pangkalikasan.”
Buong tapang namang tumalima sa mungkahi nina Bienvenido L. Lumbera at Rosario Cruz Lucero tungkol sa papel ng rehiyonal na panitikan bilang pambansang panitikan at pagsasalin ng mga akdang pampanitikan sa rehiyon patungo sa wikang Filipino para maging bahagi ng kanon ng panitikang pambansa si Mark Anthony S. Angeles sa kanyang Salin/Sariling Suri ng Maming ni Vicente Yap Sotto/An Introspective Analysis of the Translation Process of Vicente Yap Sottos’s “Maming.” Gamit ang relay translation, kaunting kaalaman sa Sebwano, at masinsing pananaliksik, matagumpay niyang naisakonteksto ang mahahalagang motibasyon at danas ni Sotto bilang isang kuwentista, politiko, at mamamahayag sa panahon ng ligalig sa bansa kung kailan higit na kailangan ng pagmumulat. Panahon na nga upang magkaroon ng katumbas na salin sa Filipino ang napakahalagang sugilanong ito–ang Maming.
Maingat namang binusisi nina Gine Mae L. Lagnason at Raquel E. Sison-Buban ang iba’t ibang isyung maaaring kaharapin ng tagasalin gayundin ang mga diskursong lumilitaw sa paghahanap ng ipantutumbas sa mga gawi at ideya, bilang pagtatawid sa kultura ng simulaang teksto papunta sa tunguhang teksto sa kanilang artikulong Ang Mga Gapnod sa Kamad-an ni Anijun Mudan-udan: Paunang Pagtalakay sa mga Diskurso ng Kapangyarihan sa Pagsasalin ng Katutubong Panitikan/Anijun Mudan-udan’s Mga Gapnod sa Kamad-an: Preliminary Discussion on Discourses of Power in Translating Indigenous Literature. Hindi madaling pamahalaan ang kultural na pagkakaiba ng simulaang teksto at tunguhang teksto partikular ang mga katawagan at ekspresyong Binukid, mga idyoma, at maging mga imaheng sentral sa kabuuan ng nobelang ito ni Telesforo Sungkit, Jr.
Kakaibang timpla naman ng lenggwahe ng salin ang malalasahan sa rendisyon ng Ang Kamatayan ng Isang Kalye/Kamatayon sang Isa ka Kalye nina John E. Barrios at Eliodora L. Dimzon para sa sugilanon ni Leoncio P. Deriada. Tila binubulabog ng salin ang komportableng posisyon ng mambabasa sa pamamagitan ng defamiliarization (Niranjana 2016) sa lenggwahe ng salin. Sa ganitong tunguhin, maaaring maitatanong ng mambabasa: “Filipino pa ba ito?” Sa aking palagay, ang mas mainam sigurong itanong: “Anong varayti ng Filipino ang ginamit sa salin?” Sa ganitong lapat ng lenggwahe sa salin, makatutulong ang inilaang impormasyon ng mga tagasalin bilang suhay sa pang-unawa– hindi lamang upang mapagaan ang danas sa pagbasa; kundi, upang mabigyan ng pagkakataon ang mambabasa na maranasan ang panibagong mundo at pagpapakahulugan.
Simple, sakto, at swabe naman kung ilalarawan ang pagsasalin ng tulang Abiku ni Aurora E. Batnag. Bagamat nasa 12, 227 kilometro ang layo ng Nigeria sa Pilipinas, ano ba’t tila pamilyar tayo sa pighating dulot ng maaga at wala-sa-panahong paglisan ng mga supling? Sa tulang ito ni J.P. Clark, matagumpay na naipakilala sa atin ni Batnag ang isang mundong bagamat malayo sa atin ay malapit din. Tulad ng Pilipinas, mayaman din sa mga paniniwalang bayan, mga mito at alamat ang Nigeria; at sa salin ni Batnag, higit na madarama ang pangungulila, ang pagpapaubaya, at ang patuloy na pagtalima sa itinakda ng kultura at kalikasan.
Kaya huwag nang mag-antabay sa pintuan
Halina, pumasok at dito’y
Magtagal. Kilala na namin ang pilat ng hiwa
Sa likod mo’t harap
Na parang tuka ng isdang espada,
At ang gatla sa mga tainga mo
Tandang nakatali ka sa tahanang ito,
Ay alaalang lahat ng iyong mga naunang pagdating.
Tila maririnig mo naman ang tinig ng iyong sariling ina na nagtatagubilin at nag-uutos sa salin ni Dolores R. Taylan sa maikling kuwentong Magpasalamat/Say Thank You ni Jane Westaway– matigas, tuwiran, at puno ng imahen ng bawat pag-uutos. Sa suri ni Taylan, “umigpaw sa tradisyunal na porma ng pagsulat ng maikling kuwento” ang akdang ito sapagkat mula sa simula hanggang sa pagtatapos ng akda, halos pawang mga pahayag na pautos ang matutunghayan. Kapansin-pansin din ang gaang ng lenggwaheng ginamit sa salin– tila ba parang nakikipag-usap lamang ang dating. Ilan sa mga salita at pahayag na patunay nito ay ang piktyurs, naka-on, mag-jacket, at iba pang mga salitang kolokyal na naririnig natin sa kasalukuyan.
Gamit naman ang Google Translate at UP Diksyunaryong Filipino, paunang tinumbasan ni Hezekiah Louie R. Zaraspe ang tulang I Wandered Lonely as a Cloud ni William Wordsworth ng Naglakbay Ako nang Nalulumbay Gaya ng Ulap. Sa pagsisikap na mapadulas ang bersiyong salin, masigasig na sinaliksik ni Zaraspe ang saysay at mensahe ng tulang ito ni Wordsworth at nakita niya ang pagtatagpo ng kalikasan, alaala, at imahinasyon – mga sangkap na lumulutas o nagbibigay-lunas sa nalulumbay na “ako.” Tunghayan ang isang bahagi ng kanyang salin:
Sa tuwing nakasandal ako sa silya
Nang may bakante o mapanimdim na kalooban
Kumikislap sila sa aking hiraya
Na kaligayahan ng pag-iisa.
Hindi naman maipagkakailang piling-pili ang mga salitang ginamit ni Eric P. Abalajon para sa kanyang salin ng tulang Ang Dapat Mabatid ng Tagaguhit ng Mapa/What the Mapmaker Ought to Know ni Kei Miller; manapa ay upang mahuli niya ang mga imaheng inilalarawan sa simulaang teksto. Mababakas ang ibayong pag-iingat ng tagasalin sa bawat salitang piniling itumbas na tila ba isang sagradong bagay ang nasa kanyang palad. Napipiho kong kagyat na magsasalimbayan ang mga imahen sa isip ng mga mambabasa sa sandaling matunghayan ang mga unang dalawang taludturang patunay mula sa kanyang salin:
Sa islang ito, hindi mapalagay ang mga bagay.
Kahit na ang kasaysayan.
Bagamat magkakaiba ang ating iniinugang realidad at kinakaharap na mga tunggalian, nabibigkis tayong lahat ng iisang hangarin–ang maipabatid ang mga katotohanang magpapatibay ng ating kaakuhan. At habang lumalalim ang ating kaalaman sa sarili, lumalalim din sana ang ating pag-unawa sa iba. Hangad nating patuloy na mabuksan, lumawak, at lumalim pa ang mga pag-uusap, pagdedebate, pagtatalaban para sa patuloy nating pag-iral bilang isang bayan. Makatugon nawa ang SALIN Journal sa hangaring ito.
Labintatlong salin. Labintatlong mundo. Pag-ugnayin natin upang mabuo tayo.
Raquel E. Sison-Buban