Dahil ako ay nagpapakadalubhasa sa Wikang Filipino, marapat lamang na gamitin ko ito bilang midyum sa pagtuturo, lalong-lalo na sa asignaturang Filipino. Bagamat may mga wikang pantulong tulad ng sinusong wika( mother tongue), minamabuti ko na magsalita sa lahat ng pagkakataon gamit ang wikang pambansa. Bago pa man ako magsimula sa aking pagtuturo bilang gurong mag-aaral, naisama ko sa aking maikling oryentasyon ang dahilan kung bakit nga ba kailangang ituro ang Filipino. Higit sa asignatura ang Filipino. At kung susubukan nilang pagtuunan ng pansin ang asignatura at mga paksang tinatalakay dito, sa pagagamit ng wika, mahahasa ang kanilang kaalaman at kakayahan sa pagsasalita ng Filipino. Sa katunayan, isa sa aking alintuntunin ay subukan nilang magsalita o magbahagi ng kanilang mga kaalaman o karunungan gamit ang midyum na ito. May mga mag-aaral na nahihirapan dahil, mas matatas pa sila sa wikang Ingles at may mga mag-aaral na parang pinipitpit ng luya ang dila dahil hindi makapagsalita gamit ang Filipino. Hindi ko sila pinagagalitan sa halip, tinuturuan nang tama at wastong pagsasalita sa wikang Filipino. Lagi ko sa kanilang pinaaalala na kapag ginagamit parati ang wikang pinaglaban at pinanlaban, magiging matatag ang pundasyon ng mga salita na siyang magagamit sa pag-unawa sa maraming bagay tungkol sa ating mga Pilipino.Â